Prologue
Ang buong Navarro Estate, kumikinang sa ilalim ng libo-libong ilaw — perpekto sa mata ng bisita, pero kulong para sa babaeng nakatayo sa tabi ng malaking bintana.
Nasa puting trahe de boda si Alyssa Anne Ramirez Navarro, kagandahan na parang ipininta — perlas na hikaw, diamante sa leeg, at luha na pilit tinatago sa likod ng maamong ngiti.
“Mrs. Navarro…” bulong niya sa sarili habang pinipisil ang mahigpit na hawak sa bouquet. Parang nangangapa siya ng dahilan para tumayo pa ro’n, habang sa kabilang dulo ng ballroom, hindi man lang siya kayang tignan ng asawang pinilit ikasal sa kanya.
Nasa tabi ng hagdan si Liam Alexander Navarro — naka-black tux, mukhang perpekto sa mata ng lahat, pero malamig ang mga mata. Hawak niya ang isang baso ng whiskey, iniikot-ikot lang, parang pinaglalaruan pati damdamin ng babaeng hinihintay niyang masira.
Pero hindi si Alyssa ang tinitignan niya — kundi si Bianca, ang babaeng naka-pulang bestida na walang hiya kung umiti pabalik sa kanya. Isang sulyap lang, sapat na para mapaso ang puso ni Alyssa.
Napasulyap siya sa malaking salamin, kita niya ang sarili niyang nakatayo — mag-isa sa sariling kasal.
“Kaya mo ‘to, Alyssa…” pilit niyang sabi sa utak. Para kay Mama, para kay Papa, para kay Rico at Sam — wala nang atrasan.
Lumapit si Liam, sakto sa harap ng camera. Nilapit ang mukha, parang mag-aalok ng halik, pero ang bumulong sa tenga niya ay mas matalim pa sa malamig na hangin.
“Smile, Mrs. Navarro. Wag kang gagawa ng eksena. After tonight — stay out of my way.”
Parang nanigas ang tuhod niya. Pero tumango lang siya, pilit ang ngiti, habang tuloy ang flash ng camera — ang mga bisita, tawa nang tawa, walang alam.
Sa di kalayuan, nanonood lang si Don Alejandro Navarro — tahimik, mabigat ang dibdib. Kitang-kita niya ang larong ginawa niya, ang kasunduang tinahi niya, at ang batang babae na ngayon, ginagawang sakripisyo para sa imperyo niya.
“Patawad, hija,” bulong niya sa isip, pinipisil ang tungkod. “Balang araw, maiintindihan mo rin lahat ng ito.”
Sa labas, lumalakas ang ulan — parang lumuluha ang langit para sa babaeng hindi makaiyak.
At sa pinakailalim ng dibdib ni Alyssa, may maliit na apoy — mahina, pero ayaw mamatay.
“Balang araw, tatayo akong muli. Lalabas ako sa kulungang ‘to — at sa araw na ‘yon, hinding-hindi na ako lilingon pa.”
Pagkatapos ng toast at piktoryal na punong-puno ng plastic na ngiti, naiwan si Alyssa sa gilid ng ballroom, walang hawak kundi malamig na wine glass na di niya maubos-ubos.
Kanina pa siya pinagmamasdan ng mga bisitang nagbubulungan. Hindi niya kailangan marinig para maintindihan — “Ang swerte niya.” “Jackpot sa Navarro.” “Ay, gold digger yan…”
Hindi na niya kayang ipaliwanag pa. Lahat sila naniniwala sa fairytale na hindi naman para sa kanya.
“Uy, bride!”
Napalingon siya nang may sumutsot mula sa likod. Si Ethan Valdez, barkada ni Liam, may hawak na dalawang baso ng champagne. Nasa tabi niya si Marcus Chua at Darren Yao, parehong naka-ngisi na parang mga lobo sa kasal ng tupa.
“Congrats daw,” ani Marcus, kunwaring bumubulong pero sapat para marinig niya ang pang-iinsulto sa tono. “Siguradong secured ka na ngayon, Mrs. Navarro.”
Nginisihan siya ni Darren, pinagmamasdan mula ulo hanggang paa. “Pero ‘wag kang masyadong kampante, Alyssa. May nauna na sayo. At hindi basta-basta mawawala ‘yon.”
Sabay sulyap kay Bianca na nakaupo sa VIP couch, nagpe-play innocent habang nakatayo si Liam sa tabi niya.
Sumikip ang dibdib ni Alyssa. Gusto niyang lumaban, gusto niyang sumigaw — pero saan siya magsisimula? Lahat ng tao rito, kakampi ni Liam. Lahat sila, may tingin na hindi niya mababago kahit ilang beses siyang magsakripisyo.
Nasa gilid si Sera, ang natatanging kakampi niya sa buong bulwagan. Nakatayo ito sa tabi ng kapatid niyang si Sam, tahimik pero alerto. Pinapakalma siya ni Sera gamit ang mahigpit na tingin — ‘Kaya mo ‘to, Alyssa. Hindi ka nag-iisa.’
Maya-maya, lumapit si Don Alejandro, nilapitan siya sa gitna ng barkada ni Liam. Pinatong ng matanda ang kamay sa balikat niya — mabigat, malamig.
“Huwag mong intindihin ang ingay nila, hija.” Mahinang bulong. “Isara mo lang ang bibig mo. Gawin mo ang dapat gawin — magiging maayos ang lahat.”
Pero maayos ba talaga? Kaya ba talagang ayusin ang sira kung mismong puso niya ang wasak?
Habang pinagmamasdan niya ang asawa niya na nakangiti kay Bianca, nanliit siya sa ilalim ng mga ilaw na minsang pinangarap niyang maging simula ng bagong buhay.
Ngayon, ito na ang mismong rehas na hindi niya alam kung paano tatakasan.
Sa labas ng Navarro Mansion, patuloy ang buhos ng ulan — parang sinasama ang lahat ng luhang hindi niya mailabas sa harap ng mga taong nanonood.
Tahimik siyang napapikit. Isang taon. Isang taon siyang magtitiis — asawa sa papel, tagapuno ng pangarap ng ibang tao, hindi kailanman sa sarili.
Pero sa puso niya, tahimik na bumubulong ang pangakong hindi mamamatay — “Darating ang araw na ako ang pipili. Ako ang magwawakas ng lahat ng ito. At sa araw na ‘yon, isasama ko kung anuman ang matitirang buo sa akin.”
Makalipas ang huling toast at bulungan ng mga bisita, unti-unti nang nauubos ang tao sa grand ballroom. Ang mga dekorasyon na kanina’y simbolo ng kasal — mga puting bulaklak, gintong lobo, kristal na baso — parang biglang naging mga multo na lang sa paligid ni Alyssa.
Hawak niya ang laylayan ng gown habang sinusundan si Liam paakyat sa hagdang marmol, papunta sa silid na ngayon ay magiging ‘honeymoon suite’ nila — isang silid na dapat maging saksi ng bagong simula… pero para sa kanya, selda lang ito.
Pagpasok niya sa loob, ramdam niya agad ang lamig — hindi lang ng aircon, kundi ng presensiya ng asawang nakatayo sa tabi ng bintana, nakatalikod habang tinatanggal ang bowtie. Basag ang katahimikan nang bigla siyang magsalita — malamig, parang wala siyang asawa kundi empleyadong kausap.
“Maaari ka nang magpahinga. Ayusin mo na ang papel mo bilang Navarro. Bukas, may investors’ brunch. Isama mo ang maganda mong ngiti — kahit kunwari lang.”
Hindi siya makagalaw. Gusto niyang magtanong kung saan siya lulugar — sa kama ba? Sa sofa? O wala talaga siyang lugar sa tabi nito?
Lumapit si Alyssa sa gilid ng kama, inabot ang veil na kanina pa mabigat sa ulo niya. Tinanggal niya ito nang marahan, pilit tinatago ang panginginig ng mga daliri.
Muling nagsalita si Liam, hindi pa rin lumilingon. “Walang mangyayari ngayong gabi. Ayoko ng drama. Ayoko ng obligasyon. Gawin mo lang trabaho mo — Navarro ka na ngayon. Huwag mo akong biguin.”
Parang napako ang hininga niya. Trabaho. Obligasyon. Hindi ba’t iyon na nga ang naging buhay niya mula umpisa? Pinili siyang ipasok sa kasunduang ito — hindi dahil mahal siya, kundi dahil kailangan siya.
Tahimik siyang umikot, kinuha ang night robe, saka dahan-dahang umupo sa gilid ng kama. Hindi siya umasa ng yakap. Hindi siya umasa ng halik.
Sa loob ng silid na dapat simbolo ng bagong simula, para siyang multo — asawa sa papel, wala sa puso.
Sa kabilang gilid, binuksan ni Liam ang maleta niya, kumuha ng bagong suit. Walang titig. Walang salita. Tila ba kahit ang kama’y mas kilala siya kaysa sa lalaking pinakasalan niya.
“Saan ka pupunta?” mahina niyang tanong, halos ayaw lumabas ng boses niya.
Hindi man lang siya nilingon ni Liam. “May business pa akong aasikasuhin. Huwag mo akong hintayin.”
At tulad ng lamig ng hangin sa labas, ganoon din kalamig ang paglabas nito sa kwarto nila — iniwan siyang mag-isa, kasama ang puting kurtina na humahampas-hampas sa malamig na hangin.
Sa kabilang dulo ng mansion, nakita ni Don Alejandro ang pag-alis ng apo. Hindi niya na kailangan tanungin kung saan ito pupunta — alam niya kung kanino. At alam din niyang sa bawat gabing ganito, may iniiwan siyang basag na babae sa kwarto sa itaas.
Napapikit ang matanda, mariing huminga. Patawad, Alyssa. Patawad, anak. Balang araw, babayaran ko ang lahat ng ito — kahit kapalit pa ng huling araw ko sa mundong ito.
Habang bumabalik ang katahimikan sa buong mansion, humiga si Alyssa sa gilid ng malamig na kama. Pinikit niya ang mga mata, pero ang isip niya gising na gising — bumubuo na ng mga tanong na balang araw, magtutulak sa kanya para lumaban.
At sa kauna-unahang gabi bilang Mrs. Navarro, nagising ang tinig sa dibdib niya — mahina pa ngayon, pero balang araw sisigaw:
“Hindi habangbuhay akong magpapakatanga para sa pangalang ito. Darating ang araw, ako ang pipili kung sino ang papapasukin ko sa pintuan ng buhay ko — at hindi na ikaw, Liam Alexander Navarro.”