Hemira II 1
Prologo
Ano nga ba ang nagpapasama sa puso ng isang tao?
Pagkaganid?
Maruming intensyon sa iba?
Pagkainggit sa mga nagmamalaki?
'Di pagsasabi ng katotohanan at pamumuhay sa kasinungalingan?
Napakarami pang iba na nagdudulot niyon, hindi ba?
Mayroon pa ngang mga bagay na hindi natin namamalayan na dumudungis din sa puti nating mga puso.
Iyon ay ang pagkapuno ng galit.
Pagsiklab ng matinding poot
At lubusang pagnanais na makapaghiganti.
Mga bagay na nagpapawala sa ating mga sarili at katinuan.
Mga bagay na maaaring magpaiba sa ating katauhan.
At mga bagay na maaaring magkapagparumi sa ating malinis na puso.
Dahil sa liwanag ay may nagtatagong dilim.
Dilim na maaaring lumamon sa ating pagkatao.
Kapag nilamon ka na niyon, magigising ang iyong isang parte.
Ang masama mong bahagi.
Doon ay mamumuhay ka nang walang liwanag...
Kundi sa kadiliman na lamang.
Hemira 1 - Alamat ng Regnum
~Tagapagsalaysay~
Mayroong dalawang lalaking matalik na magkaibigan ang nagpasyang maglakbay papunta sa isang kinatatakutang kabundukan kung saan sinasabing naroroon ang isang maalamat na bato na nagtataglay ng napakalakas na kapangyarihan.
Ang batong iyon ay tinatawag nilang Regnum.
Napag-isipan nilang pumunta roon sapagkat nasasadlak na ng lubos sa kahirapan ang kanilang bayan at nais nilang muling ibalik ang kasaganahan doon sa pamamagitan ng batong iyon.
Lahat ay kanilang gagawin upang maibalik ang kulay sa kanilang bayan para sa kanilang pamilya kaya kahit na isaalang-alang nila ang kanilang mga buhay sa paniniwala sa isang alamat na walang-wala namang kasiguraduhan ay pumunta sila roon.
Naglakbay sila at nang makarating na roon ay sinalubong kaagad sila ng napakaraming mga nabubuhay na nagbabantay sa bundok na iyon ngunit hindi sila pumunta roon ng basta-basta lamang.
Inalam nila ang mga kahinaan ng mga nabubuhay na naninirahan sa kabundukang iyon kaya naman nagawa nilang makalampas pareho sa paanan niyon.
Umakyat sila sa napakaratarik na bundok. Umulan o umaraw ay hindi nila alintana miski na ang gutom.
Maraming araw ang lumipas at hinang-hina na sila pareho sa lubos na pagkapagod bago pa man marating ang tuktok ng bundok at doon ay natagpuan na nila ang kinalalagyan ng batong regnum.
Akala nila'y makukuha nila iyon ng ganon-ganon lamang ngunit isang nabubuhay ang nagbabantay roon.
Isang dragon at lubos silang nagimbal nang makita ito.
Akala nila'y kailangan pa nilang kalabanin ito ngunit pumayag na kaagad ito na makuha nila ang bato.
Lubos silang nagalak dahil hindi na nila kailangan pang labanan iyon ngunit nang kukunin na nila ang batong regnum ay sinabi nitong iisa lamang ang maaaring makakuha niyon. Ang syang maghahawak ng bato ang magkakamit ng kapangyarihang nakapaloob roon at siya na ring tatanghaling hari ng kalupaan.
Napa-isip ng lubos ang dalawa ngunit ang isa ay nagsalita...
"Ibigay niyo na lamang sa aking kaibigan ang batong iyan. Wala sa aking intensyon na kamitin ang kapangyarihang laman niyan kundi ang mapabalik lamang ang kasaganahan sa aming bayan. Iyon ang aking hangad nang ako'y magpunta rito at wala nang iba pa," sabi ng una.
"Masaya kong tatanggapin nang buong puso ang batong iyan at magiging mabuting hari sa buong kalupaan," sabi naman ng ikalawa na lubos na natutuwa dahil siya ang makakakamit ng batong regnum.
Akala nila'y doon matatapos ang lahat at makukuha na ng pangalawa ang bato ngunit sinabi ng dragon na kailangang paslangin ng ikalawa ang una upang siya na talaga ang magkamit doon. Isa lamang sa kanila ang maaaring makalabas ng buhay sa bundok na iyon.
Ang una ay nagsalita...
"Sige po! Ako'y pumapayag na na mapaslang ngunit hindi niya na ako kailangang paslangin sapagkat ako na ang tatapos sa aking sariling buhay."
Inilabas niya ang kanyang espada at itinutok niya iyon sa kanyang leeg.
Hindi naman malaman ng ikalawa ang gagawim ngunit sa huli ay hindi siya nito pinigilan.
Tanging sa regnum lamang ito nakatingin.
Sinubok pa ng dragon ang unang lalaki. Tinanong niya ito kung bakit mas pipiliin nitong mawalan ng buhay kaysa magkaroon ng malakas na kapangyarihan.
Ito'y nagsalita...
"Handa ako sa lahat para sa aking pamilya at sa naghihirap naming bayan. Sa akin man ang kapangyarihan o wala'y gagawin ko ito para sa kanila." tugon niya na puno ng determinasyon at sinseridad.
Tiningnan ng dragon ang ikalawa.
Nakita niya ang lubos na pagnanais sa kapangyarihan nito at halatang wala itong pakialam kahit na mamatay ang kaibigan nito.
Doon ay nakapagpasya na siya.
Ibinigay niya ang bato sa unang lalaki at nagtaka ito ng lubos.
Siya'y nagsalita. "Dahil sa pagiging malinis ng iyong puso at hangarin. Ikaw ang nararapat na magkamit ng batong regnum... Ikaw na mayroong puting puso. Huwag mong hayaang madungisan ng kasamaan ang kapangyarihang ito."
Hinigop na siya ng batong iyon kaya namangha ng lubos ang unang lalaki.
Galit na galit ang ikalawa dahil ang una ang nakakamit sa bato imbis na siya.
Inagaw nito sa kaniya iyon ngunit hindi niya hinayaan na makuha iyon.
Pagmamay-ari niya na ang bato at hindi niya hahayaan na madungisan ng kasamaan iyon gaya ng sabi ng dragon.
Nag-agawan sila pareho at nang kunin ng kanyang kaibigan ang espada ito ay hahatiin na nito ang kanyang mga braso upang makuha iyon sa kaniya kaya naman napaurong siya at ang bato ang nahati nito.
Doon ay nahati ang bato sa gitna at nakita niyang hawak ng kanyang kaibigan ang kalahati nito.
Unti-unti iyong nagkulay itim nang mabalot iyon ng itim usok na nagmumula sa puso ng ikalawang lalaki.
Upang mabawi iyon ay inatake niya ito.
"Naglaban sila pareho at—"
"Ano ang nangyari, Sueret? Bakit tumigil ka sa pagbabasa?" tanong ni haring Herman kay Sueret kaya napatingin ito sa kanya.
Pati si Remus ay nangunot din ang noo sa kanyang pagtigil sa pagbabasa.
Ipinakita niya ang libro sa dalawa.
"Pilas ang huling pahina, mahal na hari." kanyang sabi.
Nakaramdam sila ng panlulumo dahil hindi nila nalaman ang katapusan ng kwento ng alamat ng Regnum.
"Maghahanap na lamang kaming muli ng kumpletong kopya ng librong ito mahal na hari upang malaman natin ang wakas ng alamat," wika ni Remus.
Tumango si Herman at tiningnan muli nito ang libro. "Ngunit sigurado ba kayong totoo ang kwentong iyan? Isa iyang alamat kaya maaaring hindi iyan totoo. Ang sabi sa akin noon ay buong regnum ang aking hawak kaya maaaring hindi tunay ang kwentong iyan."
"Ngunit mahal na hari, pagmamay-ari pa ng pinakaunang hari ng Primum ang librong ito. Nakasulat sa pinakaunang pahina ang kanyang pangalan. Marami rin ang nagsabi na siya mismo ang nagsulat nito. Mahahalata na rin ang lubos na pagkaluma sa papel kahit na mayroon nang mahikang ginamit upang hindi ito tuluyang mabulok." pangungumbinsi sa kaniya ni Remus.
"Ang librong ito ay nahanap ko pa sa pinakalumang imbakan ng libro sa ating kaharian, mahal na hari kaya nakasisigurado kayo na tunay ang mga laman nito," sabi naman ni Sueret.
"Kung gayon ay ano sa inyong tingin ang nangyari sa huli sa kwentong iyon? Mayroon ba kayong ideya?" tanong niya sa dalawa.
Napa-isip si Remus kaya kay Sueret siya tumingin.
"Batay sa kwento, nahati sa dalawa ang batong regnum. Ang isa ay napunta sa mabuti na syang tunay na pinagkalooban ng bato at tinatawag iyon na kapangyarihang Yang. Ang isa naman ay napunta sa kanyang kaibigan na masama at kapangyarihang Yin naman iyon. Naglaban sila ngunit maaaring hindi nila nagawang matalo ang isa't isa dahil pantay ang kanilang lakas. Maaari rin na tumakas na lamang ang may hawak ng Yin at ginamit ang kanyang kapangyarihan sa kasamaan. Ang mabuti naman ang siya nang tinanghal na hari ng pinakaunang angkan ng Primum." paliwanag nito at napatango-tango sya.
"Ang ibig mong sabihin ay naipasa na ang mga kapangyarihang iyon sa napakaraming taon na mga lumipas at ako ang napasahan ng Yang sa aking henerasyon at si Ceres na ang may hawak niyon sa kasalukuyan, tama ba ako?" tanong niya rito at tumango naman ito.
"Ang may hawak ng Yin naman ay nagkaroon ng sariling henerasyon at sa aking teorya ay si Hemira na ang kasalukuyang henerasyon niyon ngayon." pagtatapos ni Sueret sa kanyang paliwanag.
Napasinghap si Remus dahil doon.
"Lubos akong sumasang-ayon sa iyong mga sinabi, Sueret! Kitang-kita ng aking dalawang mata ang malaking itim na dragon na pumalibot kay Hemira noong nasa Abellon pa kami! Naramdaman ko rin ang lubos na pangingilabot sa aking katawan na nung mga oras ko lamang na iyon naranasan sa tana ng aking buhay! Tandang-tanda ko pa ang pakiramdam na iyon kahit lagpas dalawang linggo na ang makalilipas ng gabing iyon!" puno ng takot na bulalas ni Remus.
"Ngunit bakit ngayon lamang may gumamit ng Yin sa tagal ng mga taon na lumipas? Nang ako'y prinsipe pa ay wala naman akong nababalitaan na kahit ano tungkol doon." Puno ng pagtataka ang mababakas sa mukha ni Herman.
"Maaaring ang pagkamatay ng isa sa kasamahan ni Hemira at ang mga nangyari sa iba pa ang naging mitsa sa bagay na iyon. Maaaring napuno ng galit at poot ang kanyang puso. Maaari ring ang kanyang pagnanais na makapaghiganti na lumukob sa kanyang isipan ang gumising sa nahihimbing na kapangyarihan ng Yin na nananalaytay sa kanyang dugo." paliwanag muli ni Sueret.
"Paniguradong ganoon nga ang nangyari!" bulalas na naman ni Remus.
Napatango-tango ang hari. "Kahit na ako ang may hawak ng Yang noon ay hindi ko masyadong batid ang tungkol sa pinagmulan niyon. Ang sabi lamang ng aking tagapagturo ay regnum ang nasa akin na mayroong malakas na kapangyarihan na makatatalo sa kasamaan at dapat ko itong pag-ingatan ng mabuti. Yoon pala ay kalahati lamang ang nasa akin na Yang ang tawag. Hindi ko pa rin ito nagagamit hanggang sa maipasa ko na kay Ceres."
"Ngunit siguradong patay na si Hemira. Sumabog ang Abellon na syang may gawa kasama si Abellona kaya ngayon ay siguradong nawakasan na ang henerasyon ng Yin. Magiging mapayapa na ang kaharian!" tuwang-tuwang sabi ni Remus sa dalawa ngunit hindi ngumiti ang mga ito kaya nawala ang ngiti sa kanyang labi at napatikhim na lamang.
Napatingin ang hari sa kalangitan. "Sana nga ay tama ka, Remus. Ngayon ay wala nang mang-aatake sa ating kaharian at magtatangka sa buhay ng aking prinsesa."