Hemira 23 - Memorya ng Katawan
~Hemira~
Naglalakad kami ngayon patungo sa direksyon kung saan sinabi sa amin ni prinsipe Theo ang lugar na madalas puntahan ng mga Yeti.
Tiningnan ko si Yohan na hawak ang kaniyang mapa at bilog na bagay na sabi niya'y compass.
Seryosong-seryoso ang kaniyang mukha habang nakatingin sa mga iyon. "Sabi nila Nero at Theo, sa hilaga ang lungga ng mga Yeti na may nasirang harang. Ngayon, kalat na sila sa kung saan-saang lugar. Kailangan nating mahanap ang pinakapinuno at patawagin sa kaniya 'yung mga kakampi niya para maipon natin silang lahat. Aakitin natin silang lahat sa lungga nila at doon na ulit sila ikukulong sa pagtawag ko kay Nero."
Nakatingin lamang ako sa kanya.
Halatang determinadong-determinado siya sa aming gagawin.
Kanina'y sinigawan niya si haring Atreus na hindi namin inaasahan lahat.
"Ano bang mali sa pagpapakasal ng prinsipe sa babaeng gusto niya? Bakit hindi siya pwedeng ipakasal sa babaeng heneral ng kaharian nila? Bakit dinidiktahan n'yo siya kung sinong gusto niyang makasama habangbuhay, hah?! Bakit?!" naalala kong kaniyang sabi.
Tila ba mayroon siyang malalim na pinanghuhugutan sa mga sinabi niyang iyon.
Nabanggit niya rin ang tungkol sa babaeng heneral na puno ng damdamin.
Nang sabihin niya iyon kanina ay biglang tumibok ng malakas ang puso ko at nakaramdam ako ng wirdong pakiramdam sa aking dibdib at sa aking sikmura na naramdaman ko na rin noon sa kanya.
Hindi ko maipaliwanag ang mga iyon.
Tumingin siya sa akin bigla at nagtama ang aming mga paningin.
Nagsimula na namang mag-ingay sa aking dibdib ang aking puso.
"Uy, ba't ka ganyan makatingin?" tanong niya kaya napaiwas na ako ng tingin sa kanya.
Tumikhim lamang ako.
"Oooy... Nagagwapuhan siya ng sobra sa akin. Aminin! Wahahahah!" panunukso niya sa akin.
Tiningnan ko lamang siya ng masama kaya napatikom siya ng bibig.
"Sorry na. Ikaw talaga. Hindi ka na marunong sumakay sa biro." Ibinalik niya na sa kaniyang lagan ang kaniyang mapa.
"Bakit mo sinabi ang mga iyon kanina kay haring Atreus? Bakit tila napagdadaanan mo ang nangyayari kina prinsipe Theo kaya puno ng damdamin ang iyong tinig kanina?" hindi ko napigilang tanong sa kanya.
Napatingin naman siya sa akin na walang emosyon sa mukha. "'Wag kang mag-alala. Kapag naalala mo na ako, malalaman mo 'yung sagot doon." Ngumiti pa siya ng peke at tumingin na sa harapan ng aming nilalakaran.
Hindi na lamang ako nagsalita.
Napuno ako ng pagdududa kanina nang sabihin ni Nero na magkalaban kami noon ngunit bakit hindi ko magawang umalis sa tabi ng lalaking ito at bumalik na sa aming palasyo?
Bakit nais ko pa ring sumama sa kaniya kahit na hindi na umaakma ang mga nalalaman ko kumpara sa kaniyang mga sinabi?
Kanina nang bumili siya ng makapal na damit para sa aming dalawa, imbis na unahin niya ang kaniyang sarili na lamig na lamig na ay ako pa ang kaniyang inuna at sinuutan ng kasuotang iyon.
Ang kaniyang mga mapag-alagang kilos.
Ang kaniyang mapagmahal na mga tingin.
Nakikilala ko na na siya'y isang mabuting tao at unti-unti na akong naniniwala na baka nag-iibigan nga kami noon talaga ngunit kapag iyon na ang aking naiisip ay paulit-ulit ko namang naririnig sa aking isipan ang boses ni ama na nagsasabing huwag na huwag akong maniniwala sa mga tagaGemuria dahil lolokohin lamang ako ng mga ito.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin na nagtatalo ang aking isipan at puso tungkol sa bagay na iyon.
"Hemira, may ikekwento ako sa 'yo. Gusto mo bang marinig?" pambabasag niya sa katahimikan naming dalawa.
Tumingin pa siya sa akin habang nakangiti.
Tumango lamang ako.
Tumingin siya sa malayo sa aming harapan. "Kwento 'to ng isang babaeng maganda, matalino, malakas, at may maganda at mahabang buhok. Ang pamagat, 'Ang Buhok ng Babaeng Mapagbigay'. Tawagin natin 'yung babae na si Bida."
Huminga muna siya ng malalim.
~Tagapagsalaysay~
Ang Buhok ng Babaeng Mapagbigay (Self made tale)
Lubos na napakabuting tao si Bida at maraming babae ang naiinggit sa kaniya sa kanilang baryo dahil sa kaniyang taglay na kagandahan, katalinuhan, kalakasan at magandang may mahabang buhok.
Siya'y kilalang-kilala dahil doon.
Isang araw, may kumatok sa kaniyang pinto at kaniyang pinagbuksan iyon.
Isang babaeng may kapangitan ang bumungad sa kanya.
Sabi nito, "Bida, maaari ko bang hingiin sa iyo ang iyong kagandahan? Marami ang nanglalait sa akin at ako'y lubos nang nasasaktan na pakiramdam ko ay nais ko na lamang mawalan ng buhay. Nais na nais kong maranasan kung paano ba ang maging maganda at mapuri ng iba."
Dahil sa kaniyang kabutihan ay walang dala-dalawang isip na ibinigay niya ang kaniyang kagandahan dito kaya naman siya na ang naging pangit.
Umalis na ang babae at nagpasalamat ng lubos sa kanya.
Sumunod na araw ay may kumatok muli sa kaniyang pinto at kaniyang pinagbuksan iyon.
Isang babaeng may dalang mga papel iyon.
Sabi nito, "Bida, maaari ko ba sa iyong hingiin ang iyong katalinuhan? Iyon ay sapagkat nais kong makapasa sa mga pagsusulit na ibibigay sa akin sa aming eskwelahan. Kung hindi ako makakapasa roon na paulit-ulit ko nang pinagdaanan ay hindi ko na kakayanin ang kahihiyang aking matatamasa. Nais kong maranasan ang maging matalino."
Dahil sa kaniyang kabutihan ay wala muling dala-dalawang isip na ibinigay niya ang kaniyang katalinuhan dito kaya naman siya na ang naging mangmang.
Umalis na ang babae at nagpasalamat ng lubos sa kanya.
Sumunod na araw ay may kumatok na naman sa kaniyang pinto at kaniyang pinagbuksan iyon.
Isang babaeng nanghihina iyon at halos naghihingalo na.
Sabi nito, "Bida, maaari ko bang hingiin sa iyo ang iyong lakas? Ako'y hinang-hina na at mawawalan na ng buhay. Marami pa akong gustong maranasan sa buhay kaya hindi pa ako maaaring malagutan ng hininga."
Dahil sa kaniyang kabutihan ay walang dala-dalawang isip na naman niyang ibinigay ang kaniyang lakas dito kaya naman siya na ang naging mahina.
Umalis na ang babae at nagpasalamat ng lubos sa kanya.
Dahil sa kaniyang pagiging mapagbigay ay ang maganda at mahabang buhok na lamang niya ang natira sa kanya.
Iyon ang tinuturing niyang pinakamahalaga sa kanya.
Lagi niya iyong sinusuklayan at inaalagaang mabuti kahit na pangit, mangmang at siya'y mahina na.
Sumunod na naman na araw, may kumatok na naman sa kaniyang pintuan.
Isang babaeng may buhaghag na buhok iyon.
Sabi nito, "Bida, nalaman ko na ipinamigay mo ang iyong kagandahan, katalinuhan, at lakas. Maaari ko rin bang hingiin sa iyo ang iyong maganda at mahabang buhok? Nais kong maranasan na magkaroon ng maganda at mahabang buhok dahil nang ipinanganak ako'y ganito na ang aking buhok. Buhaghag at ang tigas-tigas. Nais kong mapansin na ako ng marami dahil sa aking maganda at mahabang buhok."
Nakiusap ito ng lubos sa kanya.
Doon ay napa-isip na siya kung ibibigay niya nga ba ang kaniyang buhok rito na lubos niyang pinakaingatan at pinakaalagaan ngunit sa huli ay ibinigay niya pa rin iyon ng bukal sa kaniyang puso sa sobra niyang kabaitan.
Sa huli, wala na talagang natira sa kanya.
Dahil doon ay nakalimutan na siya ng lahat at wala nang nakaalala na siya si Bida na noon ay maganda, matalino, malakas at mayroong maganda at mahabang buhok.
Ilang araw, dumungaw siya sa bintana gamit ang lakas na natitira sa kanya.
Nakita niya ang mga binigyan niya ng kaniyang kagandahan, katalinuhan at lakas.
Masaya ang mga ito sa kaniyang mga ibinigay.
Lubos naman siyang natuwa dahil napasaya niya ang mga ito ngunit nang makita niya ang pinagbigyan niya ng kaniyang maganda at mahabang buhok ay napaluha siya dahil namatay iyon sa bagong may-ari nito.
Umiiyak din ang babaeng iyon dahil bumuhaghag na naman ang buhok nito a.
Nabasag ang kaniyang puso dahil sa pagkamatay ng kaniyang buhok at napakalungkot na pagtangis ng pinagbigyan niya niyon nang lumabas ang isang engkantada.
Sabi nito, "Bida, nais kong tuparan ka ng isang kahilingan dahil sa iyong pagiging mapagbigay. Nais mo bang ibalik ko sa iyo ang iyong mga ibinigay sa ibang babae?"
Tiningnan niya ito ng may luha. "Hindi iyon ang aking hiling, engkantada. Ang aking nais ay ibalik mo ang buhay ng aking buhok na pagmamay-ari na ng babaeng iyon sa labas. Ang sabi niya sa akin ay nais niyang maranasan na magkaroon ng magandang buhok kaya ibinigay ko sa kaniya iyon."
Hindi inaasahan ng engkantada ang kaniyang naging hiling.
"Ngunit mas nais mo ba iyon kaysa maibalik sa iyo ang iyong mga ipinamigay? Kapag ibinalik ko na sa iyo ang mga iyon ay hindi na nila maaari pang hinggiin ang mga iyon sa iyo. Hahanga nang muli sa iyo ang lahat dahil sa iyong mga taglay na magagandang katangian." pangungumbinsi nito sa kanya.
"Hindi iyon ang aking nais, engkantada. Hindi ko nais bawiin ang mga iyon sa kanila dahil nais kong sila'y sumaya. Naranasan ko na naman ang maging masaya sa mga bagay na iyon kaya nararapat lamang na sila naman ang makaranas niyon na napagkaitan na sa una. Sana'y dinggin mo ang aking hiling." kaniyang pagsusumamo.
"Sigurado ka na ba? Kapag ginawa ko iyon ay wala ka nang mahihiling sa akin at maaaring mawalan ka na ng buhay sa panghihina." tanong nito.
Dahil sa kaniyang panghihina ay pagtango na lamang ang kaniyang naisagot saka napahiga na siya sa sahig at mawawalan na ng buhay.
Tinupad ng engkantada ang kaniyang hiling at muling gumanda ang buhok na ibinigay niya sa babaeng nasa labas.
Natuwa naman iyon ng lubos at nagsisigaw sa tuwa sa labas.
Papikit-pikit na siya ngunit mayroon pa ring gumuhit na ngiti sa kaniyang mga labi dahil sa narinig niyang pagsasaya ng babaeng iyon.
Pumikit na ang kaniyang mga mata at isang pisi na lamang ang lalagutin upang tuluyan na siyang mawalan ng buhay nang siya'y yakapin ng engkantada.
Sabi nito, "Napakabusilak ng iyong puso, Bida. Dahil diyan ay ibibigay ko sa iyo ang mga katulad ng ipinamigay mo ng buong puso ngunit mas maganda pa sa mga iyon ang iyong makukuha ngayon."
Binigyan siya nito ng mas kaakit-akit na ganda, mas matalas na isip, at mas malakas na pangangatawan.
Pati na ang ibinigay sa kaniyang bagong napakaganda at mahabang buhok ay napakalaki ng ikinaganda kumpara sa unang kaniyang buhok.
Sa huli, hindi siya nawalan ng buhay at bumalik ang paghanga sa kaniya sa kanilang baryo.
Mas tumindi pa iyon dahil sa bagong mga natanggap niya sa kaniyang pagiging mabuti.
~Hemira~
"The end. Tapos na." pagtatapos niya ng kaniyang kwento.
Napapalakpak naman ako sa ganda niyon. "Napakaganda naman ng kwentong iyon. Kahanga-hanga ang lubos na kabutihan ni Bida sa pagiging hindi niya makasarili."
Napangiti naman siya. "Alam mo ba, may kilala akong taong katulad ni Bida."
"Talaga?" aking tanong.
Tumingin muli siya sa malayo habang may ngiti pa rin sa mga labi. "Oo. Lagi niyang iniisip ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili niya. Lagi niyang isinasapalaran ang buhay niya para lang masiguro na ligtas ang mga kaibigan niya. Hindi niya iniisip kung ano bang matitira sa kaniya basta makapagbigay lang siya sa nangangailangan ng tulong niya. Hero siya para sa akin kaya noong akala kong wala na siya, halos gumuho ang buong mundo ko. Doon ko napagtanto na hindi ko kayang mawala siya sa akin."
Napatitig ako sa kaniya dahil sa kaniyang mga sinabing iyon.
Tumingin naman siya sa akin kaya nahuli niya ang aking tingin.
Ngumiti siya sa akin ng sinsero. "'Wag kang mag-alala, Hemira. Makakalimutan ka ng marami sa kabila ng mga kabutihang ginawa mo pero ako ang magiging engkantada mo para ibalik sa 'yo ang lahat ng para sa 'yo at doble-doble pa ang ibabalik ko sa 'yo basta magtiwala ka lang sa akin."
Tumibok na naman ng mabilis ang aking puso.
Tila mayroong humahampas doon na kung anong malaking bagay dahil sa ginagawang ingay niyon na sana'y ako lamang ang nakaririnig.
Hindi rin ako makahinga at aking pakiramdam ay nagkakagulo ang aking mga dugo na dumadaloy sa aking mga ugat.
Inalis niya na ang kaniyang tingin sa akin at sa unahan na muli tumingin.
Doon ay nakahinga na ako nang maayos.
"Ay! Nga pala. May ibinigay sa akin si Theo na espada. Puwede mo 'tong gamitin sa pakikipaglaban natin sa mga Yeti."
Tumigil siya sa paglalakad at mayroong kinuhang espada sa kaniyang lagan.
Tumigil din ako at ibinigay niya iyon sa akin.
Napatitig lamang ako roon.
"'Wag mo nang sabihin na hindi ka marunong gumamit n'yan. Para sabihin ko sa 'yo, master na master mo ang paggamit ng espada dati kaya imposibleng hindi ka marunong n'yan." Tiningnan ko siya at binigyan niya ako ng tingin na may babala.
"Ngunit hindi ko talaga batid gamitin it—"
"Akin na nga! Tuturuan kita para maalala mo kung paano."
Kinuha niya na sa akin ang espada at inalis sa lalagyanan nito iyon.
Tiningnan niya ang mga talim niyon na tila sinisiyasat.
Pinapanood ko lamang siya.
Iwinasiwas niya na iyon bigla paikot sa kaniyang harapan ngunit kasabay naman niyon ang kaniyang pag-urong upang hindi ako matamaan.
Seryosong-seryoso ang kaniyang mukha sa kaniyang ginagawa. "Ganito ka mag-espada dati. Hangang-hanga nga ako sa 'yo ng sobra kapag nakikipaglaban ka gamit ang mga espada mo. Ikaw ang pinaka-astig na babaeng nakilala ko!" bulalas niya.
Iwinasiwas-wasiwas niya lamang iyon sa kaniyang paligid at nagpaikot-ikot pa. "Shing! Shing! Tang!" paglalagay niya pa ng tunog doon gamit ang kaniyang tinig.
Nakatingin lamang talaga ako sa kaniya at aking napuna na hindi siya ganoon kabihasa sa espada.
Ang kaniyang tindig ay mali.
Ang posisyon ng kaniyang mga paa ay hindi rin tama lalo na ang kaniyang mga braso.
Nangunot naman ang aking noo nang aking maisip ang mga bagay na iyon.
Paano kong nalaman ang mga iyon ganoong hindi naman ako marunong gumamit ng mga espada?
Naglakad na siya palapit sa akin habang may nagmamalaking ngiti kaya iwinaksi ko muna ang mga tanong sa aking isipan.
"O 'di ba, ang galing kong gumamit ng espada. Ngayon, gayahin mo 'yung mga ginawa ko." Ibinigay niya nang muli sa akin ang espada at napatingin muli ako roon na nakapatong sa aking mga kamay.
"Hinding-hindi ka maaaring humawak ng kahit anong sandata kundi mahika lamang!" naaalala kong sabi ni ama sa akin noon.
Nagsimula muli akong magdalawang isip na gamitin ito ngunit nararamdaman ko ang aking labis na pagnanais na magamit ito sa kahit anong pakikipaglaban.
Hindi pa rin ako makapagdesisyon kung ano ba ang susunurin sa mga iyon nang may humawak sa aking balikat.
Tiningnan ko si Yohan at nakangiti siya sa akin. "Ayos lang 'yan, Hemira. 'Di ba, sabi ko sa 'yo, magtiwala ka lang sa akin at magiging maayos ang lahat?"
Deretsong nakatingin sa akin ang kaniyang sinserong mga mata.
Dahil doon ay nagkaroon na ako ng lakas ng loob.
Tumango ako sa kaniya at hinawakan ko na sa hawakan ang espada.
Mabuti na lamang at malaki iyon dahil nakasuot ako ng makapal na guwantes panlaban sa lamig.
Lumayo na siya sa akin upang siya'y hindi ko matamaan.
Huminga muna ako ng malalim at sumeryoso na pagkatapos.
Sinimulan ko nang iwasiwas itong espada sa hangin ng isang beses at nagsimulang kumabog ng malakas ang aking dibdib.
Tila naninikip din ang aking paghinga.
Bigla rin akong kinilabutan at akin nang naramdaman ang labis na kasiyahan sa aking ginawa lamang na iyon.
"HA!" Iwinasiwas ko muli iyon sa hangin hanggang sa kusa nang gumagalaw ang aking kamay sa paggamit doon.
Tila hindi sapat sa akin ang isang espada lamang.
Nais ko pa ng isa.
Patuloy ako sa paggamit nito at gumagalaw na rin ng kusa ang aking katawan kasunod ng kilos ng aking mga kamay.
Tila bihasang-bihasa ako rito.
"HA!" Napakalakas na iwinasiwas ko iyon pababa sa hangin at isang malaki at patayong pwersang talim ang aking napakawalan.
Nanlaki ang aking mga mata sa nagawa kong iyon.
Dere-deretso iyon nang biglang isang Yeti ang tinamaan niyon sa binti na hindi namin napansin na naroroon na pala.
"HAAAAWWWWRRR!" atungal niyon nang mahati sa gitna ang binti niyon kaya napadapa
iyon.
Nakakabit pa rin sa kaniyang katawan ang kaniyang binti nang iangat niya ang kaniyang tingin at masamang tumingin sa akin.
"HAAAAWWWWWRR!" malakas na sigaw niyon at mabilis na gumapang papunta sa akin gamit ang malalaki niyong palad na ipinangkakapit sa yelong sahig.
"Hemira!" sigaw ni Yohan sa akin at agad siyang lumapit sa aking tabi hawak ang kaniyang pana.
Papanain niya na sana iyon ngunit siya'y aking pinigilan. "Nais kong subukin sa kaniya ang aking paggamit ng espada." seryosong aking sabi.
May pag-aalala naman ang kaniyang mga mata na napatingin sa akin ngunit tumango rin naman siya kaagad ng buong tiwala sa akin.
Tumakbo ako palapit sa gumagapang na Yeting iyon habang mahigpit na hawak ang aking espada.
Magkakasalubong na kaming dalawa nang iangat niya agad ang kaniyang malaking kamay upang ako'y hulihin ngunit hinati ko agad iyon gamit ang aking espada at tumalsik iyon malapit sa amin.
"HAAAAAAWWWWWRRR!" kaniyang atungal sa pagkakaputol sa kaniyang braso.
Nagtilamsikan pa sa akin ang kaniyang mga dugo nang iwasiwas niya iyon sa sakit.
Nakaramdam ako ng iba na namang klase ng saya dahil doon.
Tila matagal na akong nananabik na mapunta sa ganitong klase ng tagpo kung saan kailangan kong makipaglaban gamit ang espada ngunit dahil sa pag-iisip ko sa mga bagay na iyon ay hindi ko na nagawang iwasan ang paghampas niya sa akin gamit ang isa niyang natitirang kamay.
"AUGGGHHHH!" Tumalsik ako sa malayo at nabitak ang pinagsalpukan ko niyon saka ako nagpagulong-gulong sa sahig na yelo.
"HEMIRA!" sigaw ni Yohan na bakas na bakas ang pagkatakot.
Napaubo-ubo ako sa laki ng pinsala na aking tinamo.
Ang aking kasuotan ay makapal na tela lamang kaya malaki ang naging epekto ng atakeng iyon sa akin.
Kung ako'y nakasuot lamang ng bakal na kasuotan o baluti ay mababawasan ang sakit na aking nadarama sa aking katawan ngayon.
"You f*cking bullsh*t! How dare you do that to my girl?!" sigaw ni Yohan na puno ng galit.
Pinilit kong maupo habang hawak ang aking balikat kung saan ako lubos na napuruhan at tiningnan ang direksyon niya.
Nasa harapan niya ang Yeti na masamang nakatingin sa kaniya at inangat nito ang kamay nito na naghahanda na upang siya'y hampasin.
Makikita naman ang labis na galit sa kaniyang mga mata at itinapat niya ang kaniyang pana sa halimaw na iyon.
Namilog ang aking mga mata dahil sabay na silang aatake sa isa't isa.
Isang segundo lamang ang mahuli sa isa sa kanila ay paniguradong mapapaslang na iyon.
"MASSIVE ARROW!" Nagpakawala siya ng napakalaking mahikang palaso na siyang bumura sa katawan ng Yeting iyon at nalaglag na lamang sa sahig ang malaking kamay nito na tanging naiwan dito.
Nagkaroon din ng napakalalim na uka ng yelong sahig sa pagdaan ng mahikang iyon.
Lubos akong humanga sa lakas ng mahikang kaniyang ginamit ngunit nang mapatingin ako sa isang pababang dalisdis(slope) ay mas lalong namilog ang aking mga mata.
Pasugod na ang napakaraming mga Yeti sa direksyong ito!
Napatingin din siya roon dahil sa lakas ng ingay ng mga yabag niyon na umaabot hanggang dito sa amin ang tunog.
Hindi ko nakita ang kaniyang reaksyon ngunit kailangan ko nang itayo ang aking sarili.
Tumayo na ako kahit na masakit ang aking braso at pinulot ang nabitawan kong espada hindi gaanong malayo sa akin.
Parami ng parami ang aking nakikitang pababang mga Yeti sa dalisdis na iyon at nayayanig ang yelong lupa dahil sa kanila.
Pati ang ilang puno sa paligid, umuuyog at nagbabagsakan ang mga patusok na yelo na namuo sa mga sanga.
Patakbo na palapit sa akin si Yohan at puno ng pagalala ang kaniyang mukha. "Hemira! Ayos ka lang ba?" tanong niya nang makalapit na siya sa akin.
Siniyasat niya ako at nang makitang mayroon akong natamong pinsala sa aking balitat ay nasindihang muli ang galit sa kaniyang mga mata ngunit inilayo ko ang aking sarili sa kanya.
"Huwag kang mag-alala. Kaya kong gamutin ito gamit ang aking mahika." aking sabi sa kaniya at itinapat ang aking kamay sa aking balikat.
Nagkaroon ng itim na mahika iyon at nararamdaman ko na nawawala na ang sakit doon ngunit hindi lahat-lahat sapagkat hindi ko pa nabibihasa ang aking sarili sa mahikang ito.
Tiningnan ko na siyang muli. "Mukhang hindi na natin kailangan pang hanapin ang lungga ng mga Yeti dahil sila na mismo ang lumapit sa atin."
Nakatingin pa rin siya sa aking balikat ngunit itiningin na rin sa akin ang kaniyang mga mata. "Malapit na tayo sa hilaga. Hindi ko alam kung paano natin sila mapapapunta sa dati nilanglungga pero gagawin ko ang lahat para magawa natin 'yon."
Tumingin na siya sa mas papalapit na sa aming mga Yeti. "Kailangan din nating mapatay 'yung pinuno nila kasi kapag nagawa natin 'yon, paniguradong matatakot na sila at susunod sa atin."
Hinigpitan ko ang aking hawak sa aking espada ngunit nararamdaman ko pa rin ang kirot sa aking balikat subalit hindi ko dapat indahin ang ganoong kababaw na sakit.
Kailangan naming maikulong muli ang mga Yeting iyon nang hindi na sila makapanggulo sa lugar na ito.
Ayokong mayroong katulad ni Zenon na aatakihin ng mga iyon ngunit ang masaklap ay walang darating na tulong o magliligtas sa biktimang iyon.
"WALANG IWANAN!" bigla niyang sigaw at itinaas ang kaniyang kamao.
Nakatingin lamang ako sa kaniya kaya napatitig siya sa akin.
Napabuga siya ng hangin na tila nayayamot at kinuha ang aking kamay saka ikinuyom iyon.
Itinaas din niya iyon sa ere at idinait sa kaniya namang nakataas muli na kamao.
"WALANG IWANAN!" sigaw naming dalawa at hindi ko inaasahan na isisigaw ko rin ang mga salitang iyon na parang lumabas na lamang bigla sa aking bibig.
Napangiti naman siya ng malawak at ibinaba na ang kaniyang kamay.
Tiningnan ko ang aking kamao dahil tila nagawa ko na ang ganoon dati. Na tila nangyari na iyon noon pa man.
Napatingin ako sa kaniya nang ituro niya ang mga paparating na sa aming mga napakaraming mga Yeti.
Nakatingin siya roon na parang hindi siya natatakot sa mga iyon. "Bring it on bullsh*ts!"
Nangunot ang aking noo.
Anong ibig sabihin niyon?