Hemira 27 - Pagnanasa
~Hemira~
"Fugio!"
Lumipad kaagad ako papunta sa pinunong Yeti habang hawak ang aking mga espada.
"HAAAAAAHHHH!" Nagpakawala ako ng dalawang pwersang talim sa kaniya at tumama iyon sa braso niya.
"HAAAAAAWWWWRRR!" sigaw niya at sumirit ang dugo mula roon.
Nagsiliparan palayo ang mga Pixia upang hindi sila madamay sa aming magiging laban.
Dahil sa aking ginawa ay napunta na sa akin ang kaniyang atensyon.
Iwinasiwas niya ng iwinasiwas ang kaniyang kabilang kamay na walang sugat sa braso upang ako'y hulihin.
Iwas lamang ako ng iwas.
"HAAAAH!" Hiniwa ko ang mga dulo ng kaniyang mga daliri sa kamay nang mapadaan iyon sa aking harapan.
"HAAAAAAWWWWRRR!" atungal niya sa sakit.
Nagsisimula nang sumidhi sa akin ang matinding pagnanais na mapaslang na iyon upang mapagtagumpayan na namin ang aming misyon dito at hayaan na ng hari ng Priam na magpakasal sila Nero at Theo.
Hindi dapat hadlangan ni haring Atreus ang pag-iibigan ng dalawang iyon.
Tama rin ang ginagawa ni Nero na ipinaglalaban niya ang kanilang pag-iibigan at hindi siya sumusuko.
"Bahala ka kung gusto mo nang sumuko o ano. Basta ako, hindi ako titigil. Gagawin ko ang lahat para sa ating dalawa, tandaan mo 'yan."
Natigilan ako sa aking narinig na iyon sa aking isipan.
Isang tinig na pamilyar sa akin.
Naramdaman ko na may paatake na sa akin mula sa aking gilid kaya lumipad ako paalis doon upang maiwasan iyon.
Habang ako'y nalipad ay patuloy ko pa ring iniisip kung sino ba ang may-ari ng tinig na iyon.
Wari ba'y mayroon akong nakalimutan na napakaimportante.
Isang bagay na napakahalaga sa akin at kasamang nabura sa aking mga alaala.
Ngunit ano ang alaalang iyon?
At bakit iyon mahalaga?
Napatigil ako sa aking paglipad nang isang mukha ng lalaki ang aking nakita sa aking isipan.
Malabo iyon.
Pilit kong inaninag iyon sa aking isipan.
"HEMIRA!"
Napatingin ako bigla sa ibaba dahil sa tumawag na iyon sa akin.
Si Yohan iyon na inaalalayan ni Theo upang makatayo at bakas ang gimbal sa kaniyang mukha.
Doon na naging maliwanag sa aking isipan ang mukha ng lalaking pinipilit kong maaninag kanina ngunit bigla na lamang isang napakalakas na bagay ang humampas sa aking katawan.
Habang pumapaikot ang aking katawan sa ere ay sumasagi na sa aking isipan ang mukha ng lalaking iyon.
Si Yohan iyon.
Seryoso ang kaniyang mukha.
Napalitan iyon ng nakasimangot, pagkatapos ay galit, naiinis at naiirita, ng nag-aalala, ng natatakot at ang huli ay nakangiti.
Nakangiti siya sa akin at napakaganda ng mga ngiting iyon.
Ngunit bakit tila hindi naman iyon ang kaniyang mga mukha na nakita ko na nitong mga nakaraang araw na kami ay magkasama.
Tila mga lumang alaala ko iyon ng kaniyang mga mukha.
Ngunit bakit?
Kung ganoon ay totoo talaga ang kaniyang mga sinasabi na nagkasama na kami noon?
Na sila ng mga nabubuhay na sinabi niya ang aking mga kaibigan at kasamahan para sa isang misyon?
Na malapit kami sa isa't isa at nag-iibigan?
Tila mayroon akong isang nakalimutang bagay na malapit ko nang maisip kung ano.
"Hindi mo dapat pagkatiwalaan ang mga tagaGemuria, Hemira. Hinding-hindi." Narinig ko na naman ang tinig ni ama.
Pinilit ko na maitigil na ang aking katawan sa pag-ikot niyon sa ere.
Nang aking magawa ay napaubo bigla ako ng dugo at ngayon ko pa lamang nararamdaman ang pinsalang aking natamo sa aking katawan.
Naramdaman ko ang paatake nang Yeti sa akin kaya umiwas ako roon.
"Sobra na akong nalilito..." wala sa sarili kong sabi.
"Hemira, kami ang mga kaibigan mo! Kami nila Kirion at hindi sila!"
"Hemira, ikaw ang prinsesa ng mga mostro at akong si Handro ang iyong ama. Nawalan ka ng alaala dahil sa kagagawan ng prinsesa ng Gemuria. Sinira nila ang dati nating kaharian. Sinira nila ang Abellon at pati ang iyong matalik na kaibigan na si Abellona na ipinagtanggol ka ay nawalan ng buhay sa kagagawan ng mga tagaGemuria. Hindi ka na dapat lumapit sa kanila. Ang nararapat mong gawin ay paslangin silang lahat!"
"Ano ang iyong hiling?"
"Alalahanin mo na kami."
"NALILITO NA AKOOOO!" Nagpakawala ako ng dalawang malalaking pwersang talim mula sa aking espada at dumeretso ang mga iyon sa magkabilang balikat ng pinunong Yeti.
"HAAAAAAAWWWWWWWWRRRR!"
Lumipad ako ng napakabilis palapit doon.
"HAAAAAAAHHH!" Hiniwa ko iyon sa kaniyang tagiliran.
"HAAAAAAAWWWWWWWWRRRR!"
Pinaghihiwa ko siya sa kaniyang katawan dahil sa labis na pagkagulo ng aking isipan.
Nawawalan na ako ng kontrol sa aking sarili at mayroon nang lumalabas sa akin na itim na mahika.
"HAAAAAAAWWWWWWWWRRRR!" pag-atungal niya dahil sa walang tigil kong pagsaksak at paghiwa sa kanya.
Naputol ko na rin ang kaniyang kaliwang braso kaya isang napakalakas na atungal muli ang kaniyang napakawalan.
Wala na siyang magamit na panglaban sa akin dahil sa kaniyang putol na braso at ang kabila naman ay hiwa-hiwa na rin.
Labis ang galit niya sa akin kaya naman ininganga niya ng malaki ang kaniyang bunganga at doon ay lumabas ang kaniyang napakatutulis at malalaking mga ngipin.
Kakainin niya na ako nang buo...
"WALANG IWANAN!"
"HAAAAAAAAAAAHHHH!" Iwinasiwas ko nang napakalakas ang aking dalawang espada at napakalaking talim na pwersa ang aking napakawalan na pumasok sa loob ng kaniyang bunganga.
Doon ay natapyas ko ang kaniyang ulo mula sa kaniyang bibig at natilamsikan pa ako ng masaganang dugo niyon.
Tumalsik iyon sa ibaba malapit sa kaniyang katawan
Habol na habol ko ang aking hininga habang mahigpit ang pagkakahawak ko sa aking mga espada.
"Hemira!" tawag sa akin ni Yohan kaya tumingin ako sa kaniya sa ibaba.
"Air Maiden! Let me borrow thy power! Air magic, release!"
Lumipad siya papunta sa akin kahit na hinang-hina na ang kaniyang katawan.
Nang ako'y kaniyang nang mapantayan ay hinawakan niya kaagad ang aking magkabilang pisngi at pinunasan ang basa roon ng kaniyang hinlalaki.
"Bakit ka naiyak? Napuruhan ka ba ng sobra sa pakikipaglaban?" tanong niya sa akin at tiningnan pa ang aking katawan kung mayroon ba akong sugat.
Doon ko nalaman na ako'y lumuluha na hindi ko napapansin.
"Buti naman at wala kang injury. Bakal talaga 'tong katawan mo, 'no? Sa bagay, mandirigma ka dati kaya ganyan ka pero ang daya naman." Tumatawa-tawa pa siya at hinubad niya ang kaniyang makapal na kasuotan.
Isinuot niya iyon sa akin at natira na lamang sa kaniya ang kaniyang baluti.
"Ayan... Para hindi ka lamigin." Nakangiti niyang sabi at nakatingin lamang ako ng deretso sa kaniyang mga mata.
"Y-yohan..."
"Huh? Bakit?"
Yinakap ko siya ng mahigpit. "Labis-labis na akong... naguguluhan."
~Tagapagsalaysay~
Pagkatapos ng lubhang nakakapagod na labanang iyon ay ang lahat ng mga Yeting natira ay nagawa nang maikulong muli sa dati nitong lugar.
Madaling napasunod ang mga ito matapos na masaksihan ng mga ito ang brutal na pagkamatay ng kanilang pinuno.
Tulong-tulong sila Nero, ang mga Pixia at ilang maheya ng yelo sa pagsasara ng nasirang harang sa hilaga at mas pinakapal pa nila iyon upang wala nang makalabas sa mga iyon.
Pabalik na silang lahat sa kaharian ng Priam at pagkarating nila sa palasyo ay naghihintay na sa kanila ang haring si Atreus pati na ang mga tagapagsilbi nito sa labas niyon.
Marami ring mandirigma ang kasama ng mga ito roon.
Nang makita na nila ang mga bagong dating na sila Theo kasama si Nero ay nanlaki ang kanilang mga mata dahil sa mga hitsura ng mga ito.
Halatang-halatang galing ang mga ito sa matinding labanan dahil sa mga sira sa damit at bahid ng mga dugo sa mga ito.
"Theo! Anak ko!" bungad kaagad ni Atreus sa kararating lang na kaniyang prinsipe.
Yinakap naman siya nito.
Humiwalay kaagad siya rito at nang makita ang bahid ng mga dugo nito sa kasuotan ay namilog ang mga mata niya sa pagkagimbal. "A-ano ang nangyari sa iyo?! Ano ang mga dugong ito?!"
Tumawa lamang ito sa kanya. "Maghunos dili ka, ama. Dugo iyan ng mga Yeting aking napaslang."
Mas lalong namilog ang kaniyang mga mata sa sinabi nito. "A-ano?! Nakipaglaban ka sa mga halimaw na iyon?!"
Napakamot lamang ito sa batok nito dahil sa mahabang paliwanagan na kailangan nitong gawin sa kanya.
"Haring Atreus!" tawag sa kaniya ng isang lalaki.
Napatingin naman sila kung sino iyon at si Yohan iyon.
Narinig nila ang kalansing ng kadena at doon ay nakita nila ang katabi nitong lalaking may pulupot ng kadena sa katawan.
"Alexis, ibigay mo na sa kaniya 'yung regalong ipinangako ko." kalmadong wika ni Yohan at nang hilahin ni Alexis ang hawak nitong kadena ay gumulong ang napakalaking bagay sa harapan ng hari na napupuluputan niyon.
Napasinghap ito at napaurong din ng hakbang nang mapaharap pa mismo rito ang nakahigang mukha ng pinuno ng Yeti at puno iyon ng dugo.
"Lapastang—"
"Waaaahhhh! Napaslang nila ang pinuno ng mga Yeti!"
"Ibig sabihin, ligtas na ang ating kaharian!"
"Yeheeeeeeyyyy!" hiyawan sa tuwa ng mga tagapagsilbi at mga mandirigmang kasama ng hari kaya hindi nito naituloy ang gagawin nitong pagsermon kay Yohan.
Nagdiriwang ang mga ito dahil sa wakas ay napaslang na nila ang pinuno ng mga Yeti na napakalaking banta sa kanilang kaharian.
Napatikhim na lamang ang hari dahil sa hindi pagpansin sa kaniya ng kaniyang mga tagapagsilbi.
Kumumpas ng kamay si Theo sa hangin kaya napatigil ang marami sa pagdiriwang at napatingin sa kanya. "Mga tagaPriam! Nakita n'yo naman ang patunay na napaslang na ang pinuno ng mga Yeti, hindi ba?"
Tumango naman ang mga ito.
Pinadaanan niya ng tingin ang mga ito. "Isa pang magandang balita ay naikulong nang muli sa hilaga ang mga natira pang mga Yeti at hinding-hindi na sila makapanggugulong muli sa atin!"
Napaluha na ang mga babaeng tagapagsilbi sa tuwang kanilang nararamdaman pati na rin ang mga mandirigma.
"Ngunit ang tagumpay na ito na aming naiuwi ay hindi nararapat para sa akin lamang. Ang tagumpay na ito ay pinakararapat para sa mandirigmang si Yohan at sa kaniyang kasamang si binibining Hemira dahil sa napakalaki nilang ambag sa pagtalo sa pinuno ng mga Yeti! Para ating maipagdiwang ito ay magdaraos tayo ng malaking salo-salo sa ating kaharian!" anunsyo niya pa at doon ay nagsimula na muling magdiwang ang mga tao roon.
Ang hari naman ay nakatingin lamang sa ibang direksyon at hindi umiimik.
Inalis na ng mga mandirigma ang malaking ulo ng Yeti sa harap ng hari.
Nilapitan ito ni Yohan. "Nagawa kong matupad ang ipinangako ko sa 'yo na dadalhin kong ibidensiya sa harap mo ang ulo ng pinunong Yeti kaya naman sigurdo, hindi ka na tututol sa kasal ni Nero at ni Theo."
Napatingin ito sa kanya.
Hindi ito umimik at naglakad na papasok sa loob ng palasyo.
"Tss. Snobber," nasabi na lamang niya sa inakto nito.
Nilapitan ni Theo si Nero at nagyakap ang mga ito sa tuwa.
Napangiti naman siya dahil sa wakas, makakapagpakasal na ang mga ito.
Ngunit nahagip ng kaniyang paningin si Hemira na malapit lamang sa mga ito kaya agad niya itong nilapitan.
Kanina pa ito tahimik at nakayuko lamang ito na animo'y malalim ang iniisip.
"Hemira," tawag niya rito at napatingin naman ito sa kanya.
Tila gulat pa ito kaya nangunot ang kaniyang noo sa pagtataka. "Anong problema? Ba't ka nagkakaganyan? May nangyari ba?" nag-aalalang tanong niya rito.
Umiling-iling naman kaagad ito at nanahimik na.
Lumapit sa kanila si Theo kaya napatingin sila rito.
May kasama itong matandang mukhang manggagamot.
"Pumasok na kayo sa palasyo, kailangan n'yo nang magamot. Mamayang gabi ang pagdiriwang kaya kailangan n'yong magpagaling agad upang makadalo roon," sabi nito habang masayang nakangiti.
Tumango naman silang dalawa ngunit nagtaka si Yohan dahil hindi niya na makita si Nero.
Hinanap niya ito sa paligid.
"Si Nero ba ang iyong hinahanap? Umalis muna siya dahil hindi pa siya kumportable na pumasok sa loob ng palasyo. Hindi pa masyadong napoproseso ng aming mga isip na sa wakas ay maaari na kami isa't isa kaya naman hindi muna namin mamadaliin ang aming mga sarili," paliwanag nito.
Doon ay pumasok na sila sa loob ng palasyo.
Hindi katulad sa labas niyon ay may normal na init sa loob ng palasyo.
Sila'y nasa magkahiwalay na silid ni Hemira at ginagamot na ang mga natamong pinsala sa katawan ni Yohan samantala naman si Hemira, hindi niya hinayaan na mayroong makakita sa kaniyang katawan dahil sa napakalaking marka ng itim na dragon sa kaniyang likuran.
Siya na mismo ang gumamot sa kaniyang sarili sa paggamit ng kaniyang mahika.
Binigyan din naman siya ng mga dahong panlunas ng manggagamot na gagamot sana sa kaniya kaya ginamit niya rin iyon upang maibsan ang sakit ng kaniyang katawan.
Kinagabihan...
Nagsimula na ang salo-salo at pagdiriwang sa napakalaking silid ng palasyo ng Priam.
Napakaraming mga pagkaing nakahain sa malalaking mga lamesa at naroroon ang maraming mga tao ng kaharian.
Mayroong napakasasayang mga musika na tinutugtog ng mga musikero.
Mayroong nagsasayaw sa saliw ng masayang musika na mga babaeng tagasayaw.
Nasa gitna ng silid ang mga ito at napakakukulay ng mga mahahabang kasuotan ng mga ito na lalong nagpadagdag ng aliw sa mga mata.
Masayang kumakain ang mga tao at nag-iinuman na ng alak ang marami.
Wala roon ang hari ngunit naroroon naman si Theo upang pangunahan ang pagdiriwang.
Sila Yohan at Hemira naman ay kasama ang iba pang mga mandirigma sa iisang lamesa.
Masayang nag-iinuman ng mga alak ang mga ito pati na rin si Yohan na ngayon na lamang ulit nakaranas ng pagdiriwang sa mahabang panahon.
Si Hemira ay tahimik lamang ngunit dahil nais niya ng katahimikan ay umalis siya sa silid na iyon at naghanap ng tahimik na lugar.
"Woohooooo! Let's party!" sigaw ni Yohan sa tuwa at may pagkalango na rin siya ngunit napansin niya na wala na sa kaniyang tabi si Hemira.
Tiningnan niya ang paligid at nakita niya itong palabas ng silid kaya tumayo siya upang sundan ito.
Medyo nahilo pa siya sa kaniyang pagtayo ngunit ipinilig niya ang kaniyang ulo upang maalis iyon.
"Hindi pa ko lasing pero hilo na agad ako." kaniyang sabi at nagpaalam muna sa mga mandirigmang kasama na lalabas saglit.
Doon ay sinundan niya na ang lumabas sa silid na si Hemira.
~Hemira~
Lumabas ako ng silid kung saan ginaganap ang pagdiriwang dahil nais kong humanap ng lugar na tahimik.
Nais kong makapag-isip mabuti ngunit hindi ko iyon magagawa sa lugar na iyon na labis ang ingay.
Nang aking makita ang isang hagdan na wala namang nadaan ay roon ako naupo sa ikalawang baitang niyon sa ibaba.
Mayroong malaking bintana sa harap nito kaya naman nakikita ko ang labas.
Ang dilim doon ngunit dahil sa sinag ng buwan ay nagkakaroon ng liwanag ang paligid at naabot ako niyon.
Napahinga ako ng malalim at napapikit ng mariin.
Hanggang ngayon ay pilit ko pa ring iniisip ang aking mga naalala kanina.
Ang mukha ni Yohan... Bakit nakita ko iyon sa aking isipan?
Kahit anong gawing pilit ko na maisip iyon ay sumasakit lamang ang aking ulo.
Ngunit sa mga alaalang iyon, mayroon nang ebidensya na mayroon nga kaming koneksyon noon.
Mas lalo ko pang niriinan ang aking pagpikit upang maalala na kung ano ba ang koneksyon iyon.
"Hemira."
Bigla akong napamulat at napatingin sa aking tabi.
Napasinghap ako at namilog ang aking mga mata nang mukha ni Yohan na napakalapit ang bumungad sa akin.
Kumabog din ng malakas ang aking dibdib.
Ang pungay ng kaniyang mga mata.
"Nandito ka lang pala. Anong ginagawa mo rito?" kaniyang tanong.
Naamoy ko ang kaniyang hininga na amoy alak dahil sa lapit niya sa akin.
Hindi ako nakagalaw sa labis na pagkabigla ngunit nang makabawi na ako ay napakurap-kurap ako. "N-naiingayan ako roon kaya ako'y lumabas muna saglit."
Napatango-tango naman siya at lumayo na sa akin ng kaunti.
Umupo siya nang maayos sa aking tabi at tumingin sa bintana.
Matagal na katahimikan ang namagitan sa aming dalawa dahil hindi na siya nagsalitang muli.
"Ano nga palang ibig sabihin mo kanina na naguguluhan ka?" bigla niyang tanong na bumasag sa aming katahimikan.
Sumagi na naman sa aking isipan ang nakangiting mukha niya na aking naalala kanina.
Dahil doon ay tumibok na naman ng malakas ang aking puso na kanina'y kumakalma na. "W-wala iyon. H-huwag mo na lamang p-pansinin ang aking sinabing iyon."
Napahigpit ang aking hawak sa aking damit dahil sa aking pagkaguluming nararamdaman na nagpautal sa akin.
"Ahhh... Okay," sabi na lamang niya.
Nais ko nang umalis sa lugar na ito at maghanap ng ibang lugar kung saan hindi niya ako masusundan upang mapatahimik ko na ang aking napakaingay na puso.
Iyon ang dahilan ng aking pagkagulumi. Dahil naririndi ako roon.
"Sinabi mo na mandirigma ka kanina. Nakakaaalala ka na ba?"
May pagtataka akong napatingin sa kanya. "Sinabi ko iyon?"
Bigla niyang hinawakan ang aking pisngi at mahinang kinurot iyon. "Sinabi mo kaya 'yon. Kanina lang 'yon eh. Ang bilis mo namang makalimot."
Binitawan niya na ang aking pisngi.
"Ngunit hindi ko talaga maalala na sinabi ko iyon."
Napanguso lang siya na tila nagtatampo ngunit ngumiti na rin. "Ayos lang. Basta ako, naalala ko. Kahit nakalimutan mo, ako na lang ang magpapaalala sa 'yo."
Napatitig lamang ako sa kaniyang mga ngiti.
"Haaaaaaaayyy... Kamusta na kaya si Marum? Sana naman, wala siyang ginagawang kalokohan sa palasyo." pagbabago niya ng aming usapan at napahinga pa siya ng malalim.
"Sino si Marum?"
"Gent ko. Kaya niyang kopyahin 'yung itsura ng isang tao kaya pinakopya ko 'yung sarili ko sa kaniya para walang makaalam na umalis ako ng palasyo."
Napatango-tango ako. "Iyon pala ang iyong ginawang paraan upang makaalis ka."
Napansin ko na nakatitig siya sa akin kaya tumingin ako rin sa kanya.
Nahuli ko ang kaniyang tingin ngunit hindi niya iniiwas iyon.
Nakatitig lamang kami sa isa't isa nang bigla niya akong yakapin na labis kong ikinabigla.
Nanlalaki pa ang aking mga mata at napahigpit na labis ang pagkakahawak ko sa aking damit sa lakas ng kabog ng aking dibdib.
Nakakaramdam na rin ako ng kakaibang pakiramdam sa aking sikmura.
"Bakit kapag tinititigan mo ako ng gano'n, hindi ako makahinga? Ang bilis-bilis din sobra ng t***k ng puso ko tapos nag-iinit 'yung dibdib ko." Hinigpitan niya pa ang pagkakayakap sa akin.
Hindi ko malaman ang aking gagawin... kung ihihiwalay ko ba siya sa akin o ano ngunit ako'y natigilan nang maramdaman ko ang isang malambot na bagay na dumampi sa aking leeg.
Sa pagdampi niyon ay nanaas ang aking balahibo na tila nakuryente ako niyon at napigil ko rin ang aking paghinga.
Dumampi muli iyon ng may diin at doon ay naiintindihan ko na kung ano iyon.
Hinahalikan niya ako sa aking leeg kaya ako'y naalarma ng lubos at pinilit na ilayo ang aking sarili sa kaniya ngunit ayaw niya akong pakawalan.
"Hemira..." anas niya.
Pinilit ko pa ring makawala sa kaniyang yakap nang maramdaman ko na naman ang kaniyang paghalik sa aking leeg.
"Yohan! Ano ba?!" galit na galit na sigaw ko sa kaniya at malakas na itinulak siya palayo sa akin.
Napahiwalay naman siya sa akin at napaupo sa sahig.
Nakayuko lamang siya at ipinilig ang kaniyang ulo.
Tumayo na ako at hinawakan ko ang aking leeg kung saan niya ako tahasang hinalikan ng hinalikan.
Napaluha at napahikbi pa ako sa sobrang galit na aking nararamdaman sa kaniyang ginawa.
Hindi ko inakalang magagawa niya sa akin ang bagay na ito.
Nanlalaki ang kaniyang mga mata na napatingala sa akin nang mukhang maisip niya na ang kaniyang ginawa. "H-hemira..."
Isang sampal na malakas ang aking pinadapo sa kaniyang pisngi.
Umalingaw-ngaw ang malutong na tunog niyon sa katahimikan ng lugar na ito at napapaling pa ang kaniyang mukha na mayroong labis na pagkabigla ang nabakas.
"Hindi ko lubos na inakalang ganyan ka pala, Yohan." Nagtatagis ang aking mga bagang sa galit sa kanya.
Tumingin kaagad siya sa akin. "H-hemira... H-hindi ko s-sinasadya 'y—"
Hindi ko na siya pinatapos at naglakad na ako paalis na kuyom na kuyom ang aking mga kamao.
~Yohan~
Naglakad na palayo si Hemira habang kuyom na kuyom niya ang mga kamay niya at galit na galit sa ginawa ko sa kanya.
Nakatulala lang ako sa kaniya at gusto ko siyang pigilan at magpaliwanag pero nawalan ng lakas ang mga paa ko para tumayo at habulin siya.
Ramdam na ramdam ko rin ang hapdi sa mukha ko sa sampal na nakuha ko sa kanya.
Napatingin ako sa hagdan na inuupuan niya kanina at naalala ko kung anong ginawa ko sa kaniya kanina.
"Gago ka, Yohan! Ba't mo 'yon ginawa sa kaniyang tarantado ka?!" Napasabunot ako ng sobra sa buhok ko sa sobrang frustration na nararamdaman ko.
Hindi ko na alam 'yung ginagawa ko kanina.
Lasing ako at parang nagblack out na lang 'yung katinuan ko kaya nagawa ko 'yon sa kanya.
Hindi ko 'yon gustong gawin sa kaniya at hinding-hindi ko 'yon gagawin kung matino ako.
Sinapok ko ng sinapok ang ulo sa sobrang disappointment ko sa sarili ko.
Kulang pa 'yung sampal na ginawa niya sa akin kanina.
Dapat sinuntok niya ako o sinipa pero alam kong hindi n'on mababawasan ang bigat ng ginawa ko sa kanya.
Bakit hinayaan ko na magrule sa akin ang kalasingan at magawa ko 'yon sa kanya?!
Siguradong galit na galit na siya sa akin.
Teka. Baka bumalik siya sa mga mostro na kasamahan niya dahil sa ginawa ko!
Hindi puwede!
Hindi niya ako puwedeng iwan ulit!
Hindi ako papayag!
Pinilit ko nang tumayo pero sobra akong nahilo kaya napaupo ulit ako.
Napahawak ako sa ulo ko sa sakit n'on.
Nagblurr na rin 'yung paligid ko hanggang sa magblack out na talaga ako.