Hemira II 10

4747 Words
Hemira 10 - Labanan sa Gemuria ~Palasyo ng Gemuria~ ~Tagapagsalaysay~ Tanghaling tapat na at naroroon na sa loob ng palasyo ang napakaraming mga tao upang dumalo sa kasalang magaganap. Marami ring mga mabubuting nabubuhay ang naroroon at inaasikaso silang lahat na mabuti ng mga tagapagsilbi sa kaharian. Kabila na sa mga nabubuhay na iyon ang lahat ng mga nimpa, diwata, gents at pixias ni Argyris. Ang wala lamang doon ay si Euphemia na hindi batid ang tunay niyang pagkatao at ang mga ogrya na paniguradong katatakutan ng marami kapag dumalo. Naroroon din ang apat na diwata ng elemento kasama si Blas. Napilitan itong magpunta kahit na patuloy pa rin ang pagmumukmok nito dahil kasal iyon ng prinsesa ng pinakamataas na kaharian. Si Kirion naman ay hindi talaga dumalo at patuloy na nagkulong sa madilim nitong silid. Si Eugene ay dumalo pati na si Serafina ngunit mga tikom ang kanilang mga bibig. Hindi nagtanong ang mga ito dahil paniguradong alam na ng mga ito na tanggap na niyang hindi na sila babalikan ni Hemira. Mayroong dalawang mataas na trono na uupuan mayamaya lamang nila haring Herman at ni reyna Devora. Sa isang banda naman ay naroroon nakatayo si Sueret at Remus. Kumpleto rin ang apat na taong kabilang sa Senatum. Sila ang gumagabay sa mga mahaharlika upang hindi malihis ang mga desisyon ng mga ito lalo na't tungkol sa kaharian. Ang mga mandirigma ay mga nakahalera rin sa paligid upang siguruhing walang kaguluhan na magaganap upang makasira sa kasal na pinangungunahan ng bagong heneral na si Abun. Masaya rin sila dahil masasaksihan nila ang kasal ng kanilang prinsesa at ni Argyris. Hinihintay na lamang ng lahat na tumunog ang malaking trumpeta, hudyat na magsisimula na talaga ang kasal. Sabik na sabik na ang lahat. OOOOOOOOONG! OOOOOOOOONG! Tumunog na ang trumpeta kaya naman napatayo na ang lahat ng nabubuhay sa kanilang pagkakaupo. Sabay-sabay silang nagpalakpakan dahil sa wakas ay simula na ng pinakahihintay nilang kasalan. Lahat ay napatingin sa napakalaking pintuang nakasara. Bumukas na iyon. "Papasukin ang Gampros," wika ng tagapagsalita at pumasok doon pumasok na ang Gampros (Groom) na si Yohan o si prinsipe Argyris. Nagpalakpakan ng masigabo ang mga tao. Nagsimula nang tumugtog ang napakagandang musika na tinutugtog ng mga maheya sa kanilang instrumento. Naglalakad lamang siya. Walang ekspresyon ang kaniyang mukha. Seryoso lamang siya at patuloy ang masigabong palaklapakan para sa kanya. Nang makarating siya sa unahan ay yumuko siya ng kaunti gaya ng turo sa kaniya at tumayo na sa may gilid lamang upang hintayin ang kaniyang mapapangasawa. Katabi niya roon ang kaniyang inang si Aerin. Nagsimula nang humimig ang mga mang-aawit kasabay ng napakagandang musika at mayroong mga maheyang palipad-lipad sa ere upang magpaulan ng mga talutot ng bulaklak. "Papasukin ang Noiva kasama ang hari at reyna," wika muli ng tagapagsalita at doon ay pumasok ang isang Lektica (Palanquin o sinasakyan ng maharlika) na kulay pula at buhat-buhat ng apat na mandirigma kasama roon si Fedor. Hindi kita ang loob niyon dahil mayroong mga nakatabing na makikintab na tela roon. Kasabay ng paglalakad niyon ang hari at reyna. Suot nila ang magara nilang kasuotan at mayroong ngiti sa kanilang mga labi dahil kasal na ng kaisa-isa nilang anak na si Ceres na noo'y muntik nang mawala sa kanila. Naging masigabo pa lalo ang palakpakan para sa kanila. Nakarating na sa unahan ang buhat na lektica kaya ibinaba na iyon ng mga tagabuhat. Hinawi ng hari ang telang nakatabing at inabot ang kamay ng kaniyang prinsesa. Lumabas ito sa loob ng lektica sa kaniyang alalay at namangha ng lubos ang mga nanonood dahil sa taglay nitong kagandahan. Niyakap muna niya ito pati na ng reyna at doon ay iginiya nila ito kay Yohan na nakatayo lamang sa gilid. Napatingin si Ceres kay Yohan at kumabog ng mabilis ang kaniyang dibdib ng ngumiti ito sa kanya. Ngiting kailanma'y hindi nito ipinapakita sa kaniya noon. Ngumiti rin siya rito kahit na hindi niya kaya na matitigan ito ng matagal. "Ibinibigay na namin sa iyo ang kamay ng aking prinsesa," wika ni haring Herman habang hawak ang kamay niya at iniaabot iyong kay Yohan. "Tinatanggap ko po ng buong puso, mahal na hari at reyna," wika nito at hinawakan na ang kaniyang kamay na tila nagparamdam sa kaniya ng milyong milyong bultahe sa pagdidikit ng kanilang balat. Tumingin sila sa isa't isa at tila magwawala na ang kaniyang puso dahil sa nakakatunaw nitong ngiti sa kanya. Hindi niya inakala na sa wakas ay dumating na ang araw na tinatanggap na talaga siya nito ng buong puso. Nais niyang maluha ngunit pinipigilan niya ang kaniyang sarili dahil baka mag-alala ito sa kanya. Yumuko silang dalawa sa hari at reyna at naglakad na ang mga ito upang umupo sa mga trono nito na nasa itaas sa harapan nila. Habang magkahawak ang kamay ay humarap na sila sa isang matandang lalaki na magbabasbas ng kanilang kasal. Nagsimula na ang seremonyas ng kanilang kasal at naupo na ang mga nabubuhay na sumasaksi sa kanilang pag-iisang dibdib. Nakinig lamang sila sa mga sinabi ng tagabasbas at ang simbolo ng kanilang pagtanggap sa isa't isa ay ang pag-inom ng tubig ng nasa isang kopita sa kanilang harapan. Ininuman iyon ni prinsesa Ceres bilang pagpayag. Siya ang nauna sapagkat siya ang prinsesa ng Gemuria. ~Yohan~ Ininuman na ni prinsesa Ceres 'yung baso ng tubig bilang pagpayag niya na mapangasawa ko. Ipinatong niya 'yon sa pinagkuhanan niya na maliit na lamesa sa harapan namin. "Ikaw, prinsipe Argyris ng Emeas. Ang pag-inom sa kopitang ito ang simbolo na tinatanggap mo itong si prinsesa Ceres ng Gemuria. Handa ka bang inuman ang basong ito bilang pagtanggap?" tanong sa 'kin ng tagakasal na matandang lalaki. Tiningnan ko 'yung kopita na sinasabi niya. "Wala na si Hemira, Yohan. Pinasabog niya ang kaniyang sarili kasama si Abellona." "Wala siya, prinsipe. Tanggapin mo na ang katotohanan dahil lalo mo lamang sinasaktan ang iyong sarili sa pagtakas doon." Kinuha ko 'yon at iinuman na pero napatigil ako. "Hindi ba't sabi mo'y sabay natin siyang hihintayin?!" "Ang mga bagay ay nakatadhana at ikaw ang pumipili sa mga iyon. Kung ano talaga ang nais ng iyong puso, siguradong dadalhin ka niyon sa tamang tadhanang nakalaan para sa iyo. Ang tangi mo lamang gawin ay makinig ka riyan sa iyong puso at isaisip kung alin ang tama sa mali na dapat na iyong gawin." Ito nga ba talaga ang nakatadhana para sa 'kin? Dito ba talaga gusto ng puso ko? Pero bakit may alinlangan akong nararamdaman? Bakit hindi ko magawang inuman 'tong kopitang 'to? Narinig ko 'yung pagbubulungan ng mga tao sa paligid kaya napabalik ako sa sarili ko. Napatingin din ako kay prinsesa Ceres na nakatingin sa 'kin ng may pagtataka. "Ang nais ko lamang ay subukan mong buksan ang iyong puso para sa akin. Sisiguraduhin ko na aalisin ko ang lahat ng sakit na iyong nararamdaman at papalitan ko iyon ng kasiyahan at pagmamahal." "Ceres, seryoso ka ba talaga ro'n sa sinabi mo?" Nabakas ang pagkalito sa mukha niya. "A-alin ang sinabi ko?" "Na gusto mo talaga ako. Na papalitan mo ng kasiyahan 'yung lungkot sa puso ko. Seryoso ka ba talaga ro'n?" seryosong-seryoso kong tanong sa kanya. Napalitan ng ngiti 'yung pagkalito niya kanina. "Hindi ko naman tatanggapin at iinumin ang laman ng kopitang iyan kung hindi ako seryoso. Alam kong may pag-aalinlangan ka pa rin sa akin ngunit ipinapangako ko. Hindi kita iiwan. Mamahalin kita sa abot- lagpas pa ng aking makakaya." Tumango ako at huminga ng malalim. Pinakiramdaman ko 'yung sarili ko. Tama ba talaga 'tong gagawin ko? Siguro naman, matututunan ko rin talaga siyang mahalin kapag magkasama na kami pero bakit hindi pa rin mawala 'yung isang nagsusumigaw na parte sa 'kin na huwag akong kong inuman 'to? Ipinilig ko 'yung ulo ko para alisin 'yung isipin na 'yon. Sa pagpilig ko, napansin ko ang nanay kong si prinsesa Aerin. Nakangiti siya sa 'kin at tumango. Ibig sabihin n'on ay ayos lamang ang lahat at 'wag kong masyadong pahirapan ang isip ko. "Huwag kang matakot na buksan ang iyong puso para sa ibang babae. Lubos na makatutulong iyon para maibsan ang sakit na iyong nararamdaman hanggang sa tuluyan ka na muling magiging masaya kasama ang bagong pag-ibig na iyon." Tiningnan ko ulit si prinsesa Ceres. "Sorry kung natagalan ako na magdesisyon." Ininom ko na 'yung laman ng kopita at inubos ko 'yon. Nagpalakpakan lahat ng nandito. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Parang nawawalan din ng lakas 'yung tuhod ko sa ginawa kong desisyon na 'to pero wala nang urungan. Nakangiti sa 'kin si prinsesa Ceres at halatang masaya siya na tinanggap ko na siya. Tiningnan ko 'yung kopitang hawak ko na wala ng laman. Sana hindi ko 'to pagsisihan. Ipinatong ko na 'yon sa lamesa sa harapan namin. "Ngayon ay tinanggap na ninyo ang isa't isa. Upang tuluyang nang magbuklod ang inyong kapalaran ay kailangang isagawa na ang halik ng pag-iisa," sabi ng tagakasal kaya hinarap namin ni prinsesa Ceres ang isa't isa. Lumapit ako sa kaniya at hinawakan ko ang pisngi niya. Halatang nabigla siya sa paghawak ko sa kanya. Namula pa 'yung mukha niya pero ipinikit niya na 'yung mga mata niya at gano'n din ako. Ayoko nang patagalin 'to. Gusto ko nang matapos agad 'to. "Ikaw ang katangi-tanging babae na nakilala ko na kakaiba sa lahat. Napakabuti mo, napakalakas, hindi makasarili at higit sa lahat... Napakamatulungin mo na halos wala ka nang itinitira para sa sarili mo. Mas pinapahalagahan mo pa 'yung kapakanan ng iba kahit na ikaw naman 'yung nahihirapan o nasasaktan sa huli. Ikaw rin ang pinakamagandang babae na nakita ko at wala ng iba." "Bahala ka kung gusto mo nang sumuko o ano. Basta ako, hindi ako titigil. Gagawin ko ang lahat para sa 'ting dalawa, tandaan mo 'yan." "Ipinapangako ko, kung mayroon man akong babaeng mamahalin at pakakasalan pa man dito, ikaw 'yon Hemira at wala ng iba." Doon napamulat ako ng mga mata ko at hindi ko itinuloy ang paghalik kay prinsesa Ceres. Nakapikit pa rin siya at hinihintay ako pero hindi ko na magawang mahalikan siya. Hindi ko kaya. Hindi ko talaga kayang palitan si Hemira. Hindi ko siya kayang ipagpalit kahit na takpan ko ng galit 'yung totoong nararamdaman ko sa kanya. Hindi ko ring kayang gawing panakip butas 'tong si Ceres para lang makamove on na 'ko kasi alam kong hindi ako makakamove-on at ayokong saktan siya sa kagaguhang gagawin ko sa kanya. Gusto ko nang umatras. Ayoko na. Iminulat ni prinsesa Ceres 'yung mga mata niya at nagtatakang tumingin sa 'kin kung bakit hindi ko siya hinalikan. "Ceres... patawad talaga pero hindi ko pa rin talaga kaya." sobrang hinang bulong ko sa kaniya na kaming dalawa lang ang nakarinig. Puno rin 'yon ng pagsosorry. Lumungkot ng sobra 'yung mga mata niya at naluluha na rin siya. CRAAACCKKK! Napalingon kami sa pintuan nang marinig namin 'yung parang napakalaking bagay na nabasag sa pinakalabas. "Ano iyon?" "Ano ang tila nabasag na iyon?" tanong ng mga tao. BOOOOOGGSSSSHHH! Biglang may malakas na sumabog sa labas. "Anong nangyari?! Ano ang pagsabog na iyon?!" galit na sigaw ni haring Herman at napatayo pa sa trono niya. Pati ang reyna, napatayo rin na may pag-aalala sa mukha niya. "May mga mostro! Nabasag nila ang mahikang panangga ng buong palasyo!" sigaw ng isang lalaking nalipad mula sa labas. Nagsimula nang magkaroon ng komosyon dito sa loob. "Ngunit paano nangyari iyon?! Patay na si Abellona at walang kayang sumira ng mahikang panangga na iyon!" hindi makapaniwalang sigaw rin ng isang lalaking may katabaan na si Ginoong Remus. "Mahal na hari! Namataan po namin ang dating reyna ng Emeas na si Mades kasama ang apat niya pang ibang kasamahan at sila ang namumuno sa mga mostro sa pag-atake sa atin!" sigaw naman ng kararating lang at hinihingal na isa pang mandirigma na nasa pintuan ng palasyo. "Protektahan ang lahat ng maharlika!" sigaw ng isang matandang lalaki na si Ginoong Sueret. Nilapitan kaagad kami ng mga mandirigma at maheya pati na ang hari at reyna. Pati ang nanay kong prinsesa, pinalibutan din nila Seth para protektahan. Sumugod lahat ng mga maheya palabas ng palasyo. 'Yung mga tao, pinasunod sila ng ibang mandirigma papunta sa pinakangloob pa mismo ng palasyo kung saan ligtas. Nagsilabasan lahat ng mga puwedeng makipaglaban. Pati ang apat na elemento at mga sinasummon ko, lumabas para protektahan ang palasyo. "Prinsipe, prinsesa. Kailangan na po nating pumunta sa isang ligtas na lugar," sabi sa 'min ng warrior na si Fedor. "Pero makikipaglaban din ako," sabi ko sa kanya. "Tama siya, Fedor. Ako ang prinsesa ng Gemuria kaya nararapat na ako ang magtanggol nito laban sa mga nanalakay sa atin." determinado naman na sabi ni prinsesa Ceres. Napatingin ako sa kaniya at gano'n din siya sa 'kin pero agad din siyang nag-iwas ng tingin. "Hindi maaari, prinsesa. Hindi pa natin batid kung sino ang mga kalabang iyon na nasa labas. Hindi mo pa kayang makontrol nang maayos ang Yang na nasa iyo kaya naman baka ika'y mapahamak lamang." Napatingin kami kay Ginoong Sueret sa pagsingit niya sa usapan namin. "Ngunit-" "Huwag kang mag-alala, prinsesa. Maraming mga bihasang maheya ang naririto. Ang apat na diwata ng elemento rin ay naririto at marami pang mga nabubuhay na malalakas at maaaring magtanggol sa palasyo. Kung ika'y susugod din ay baka mahulog tayo sa kanilang bitag at makuha ka nilang muli sa amin na hinding-hindi na namin hahayaan pang mangyari muli." seryosong sabi ni Ginoong Sueret. Tumabi sa kaniya si Ginoong Remus. "Tama siya, prinsesa at prinsipe. Kayo ang pinaka nararapat na proteksyunan sapagkat kapag may nangyari sa inyong masama ay lalong mapapahamak ang kaharian." Napahingang malalim na lang ako. Halatang hindi talaga nila kami hahayaan na makipaglaban. Napayuko na lang si prinsesa Ceres at nagkutkot ng kuko niya. "Sumunod na lang tayo sa kanila. Baka makagulo pa tayo kapag nakisali tayo sa labanan." seryosong sabi ko kaya napatingin siya sa 'kin. May disappointment sa mga mata niya pero tumalikod na siya at naglakad paalis kasama si Fedor. Hindi ko naintindihan kung para saan 'yung disappointment na 'yon pero sumunod na ako sa kanila. Bago ako makalayo, napatingin ako sa may malaking pintuang nakabukas at nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang isang taong nalipad doon na nakaitim na cloak at hood. Kilalang-kilala ko kung kaninong prinsensya 'yon. Hinding-hindi ko makakalimutan kahit na kalahating taon na ang dumaan. Tiningnan ko sila Fedor at prinsesa Ceres. Nauuna sila ng paglalakad sa 'kin. Tumigil ako sa pagsunod sa kanila at naglakad papunta sa labas ng palasyo. "Prinsipe!" tawag sa 'kin ni Ginoong Remus pero tumakbo na ako. Nang makalabas na ako, nanlaki ang mga mata ko nang makita kong unti-unting nagdidilim ang kalangitan dahil sa mahikang gawa ng maraming itim na maheya sa isang banda. Mayroon pa akong nakitang napakalaking portal na kulay itim at doon nanggagaling 'yung mga mostro. Napakaraming mga nakikipaglaban naman sa mga 'yon. Mga mandirigma ng Gemuria saka iba pang nabubuhay. Busy sila Gaia sa pakikipaglaban sa mga kalaban. Madaling nauubos 'yung mga kalaban dahil sa lakas nila at sa dami ng mga maheya at warriors. 'Yung mga kalaban, sobrang dami na parang mas marami pa no'ng nakipaglaban kami sa Abellon para makapasok sa palasyo. May mga malalaking paniki na nagliliparan at mga taong may mga pakpak na patusok-tusok. Sobrang dami nila at iba't-ibang klase na ang marami ay ngayon ko lang nakita. Tumingin pa ako sa paligid para hanapin 'yung nakacloak na nakita ko kanina. Sigurado akong siya si Hood guy sa Abellon noon pero nang mahagip ng paningin ko si Blas na nakatulala lang na nakatayo, agad akong tumakbo papunta sa kanya. "Blas! Ano bang ginagawa mo?! Bakit hindi ka tumutulong?!" sigaw ko sa kaniya pero mukhang hindi niya 'yon narinig dahil sa napakaingay na mga naglalaban, mga ungol at angil ng mga kalaban. Nakatulala lang siya at nakatingala lang pero nang malapit na ako sa kanya, napansin kong naiyak siya. Narinig ko rin ang pagsasabi niya ng paulit-ulit na Fae at napaluhod na lang siya saka napahagulgol. Mukhang natrauma siya sa nangyari sa Abellon. Nabigla ako nang biglang may humawak sa paa ko at dumagit sa 'kin kaya hindi na ako tuluyang nakalapit sa kanya. Nakatiwarik ako ngayon habang inililipad niya sa ere. Dahil sa mahaba kong suot, natatakluban ako n'on sa mukha ko pero pinilit kong tingnan kung ano 'tong nakadagit sa 'kin. Isang itim na itim na parang tao pero hindi kase mas mukha siyang paniki. 'Yung balat niya, parang malagkit pero ang kinis na parang hito. 'Yung pakpak niya, patusok-tusok na parang sa paniki. Hawak niya ang paa ko habang nalipad siya. "Ang prinsipe! Tulungan ang prinsipe!" narinig kong sigaw ng isang lalaki na siguradong tagaGemuria. "BYAAAAAHHHH!" sigaw nitong nakadagit sa 'kin at doon, bigla niyang binitawan 'yung paa ko at papahulog na ako ngayon. Sobrang taas ng pagkakahulugan ko. Parang nangyari na 'to sa 'kin dati. Dinagit din ako no'n ng Gryphus tapos binitawan ako kaya nahulog din ako. Pero no'ng mga panahon na 'yon... kasama ko pa si Hemira na walang dala-dalawang isip na sinundan ako para sabay kaming mahulog. At ngayon... ako na lang mag-isa. Alam kong walang sasalo sa 'kin. Kasi wala na siya. Wala na si Hemira. Naramdaman ko na natubog ako sa tubig. Para akong nahulog sa dagat. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko. Hinihintay na matakasan ko na ng mundong 'to at makasama ko na ulit si Hemira kung nasaan siya. Biglang may yumakap sa 'kin at doon, nawala na 'yung tubig sa katawan ko. "Prinsipe Argyris! Prinsipe!" rinig kong tawag sa 'kin ng sinasandalan ko ngayon. Ramdam kong nakahiga ako sa lupa. Iminulat ko ang mga mata ko at mukha ni Nerina na puno ng pag-aalala ang nabungaran ko. Tiningnan ko 'yung paligid namin at nasa loob kami ng bolang tubig pero hindi dumidikit ang tubig sa 'min. "Ayos ka lamang ba? Mayroon bang masamang nangyari sa iyo?" alalang tanong niya pa rin sa 'kin. Pinilit ko nang umupo at hinilamos ang mukha ko. "Ayos lang ako." walang ganang sabi ko sa kanya. Akala ko, 'yun na talaga 'yung katapusan ko kanina. Mukhang hindi pa talaga ako makakasunod kay Hemira. Tumayo ako at inalalayan niya ako. Pumaikot 'yung mahikang tubig sa paligid namin. Hindi 'yon ipo-ipo at parang agos lang ng tubig na umiikot sa 'min kaya nakikita ko na ulit 'yung paligid. Basang-basa ako kaya hinubad ko 'yung magkakapatong ko na damit at naiwan na lang na suot ko 'yung parang suot ng mga nagtataekwando. "Kung hindi ko pa talaga oras, siguro gumawa na lang ako ng mga bagay na may kwenta. Ipaghihiganti ko ang nanay ko," sabi ko sa sarili ko. Tiningnan ko si Nerina. Puno pa rin ng pag-aalala 'yung mukha niya. "Tara. Ubusin natin lahat ng kalaban lalong-lalo na si Mades. Gusto kong ako mismo ang tumapos sa buhay niya." seryosong-seryoso kong sabi habang kuyom na kuyom ang mga kamao ko. Naging determinado naman 'yung ekspresyon niya at tumango sa 'kin. ~Hemira~ Hinawakan ko ang pananggang mahika na nakabalot sa buong palasyo ng Gemuria. "Irritum clypeus." kalmado kong sabi at doon ay lumabas na ang itim na mahika mula sa akin. Bumalot iyon sa mahikang panangga na siya nang sumira roon. CRAAAAACCCKK! Nagawa na naming makapasok nila ama sa paligid ng palasyo at mayroon doong mga nakabantay na mga mandirigma. Naglakad pa kami upang makapasok pa roon. "Gawin mo na ang lagusan, Hemira." utos sa akin ni ama. Tumango ako sa kanya. "Ater Portale." Unti-unti nang pumunta ang aking itim na mahika sa ere at doon ay nagbukas iyon ng isang lagusan. Lumaki iyon ng lumaki at lumabas na mula roon ang napakaraming mga mostro na nanggaling pa sa iba't-ibang lahi. Ramdam ko na napakalakas nilang mga nabubuhay. Nagbato si Mades at ang iba pang maheya ng kanilang itim na mahika malapit sa pintuan ng palasyo kaya naman gumawa iyon ng napakalakas na pagsabog na bumulabog sa buong lugar. Umalis si ama sa aking tabi at hindi ko siya nakita kung saan siya nagtungo. Unti-unti na ring dumilim ang kalangitan dahil sa mahika ng aming mga kakamping maheya. Pinapanood ko lamang ang pagsalakay na kanilang ginagawa sa palasyo. Tiningnan ko ang paligid. "Protektahan ang palasyo!" "Opo!" "Hemira! Tulungan mo ako!" "Prinsesa!" Napahawak ako sa aking ulo dahil sobrang sumakit iyon nang marinig ko ang mga bagay na iyon sa aking isipan. "Prinsesa, ayos ka lamang ba?" tanong sa akin ng nasa gilid kong si Melba. Inalalayan niya ako at ganoon din si Euvan. Inalalayan nila ako. "Huwag hayaang makapasok ang mga kalaban sa palasyo!" narinig kong sigaw ng isang mandirigma. "Mga hangal! Huwag ninyong alisin ang inyong atensyon sa inyong mga kalaban!" "A-ah..." reklamo ko nang lalong sumakit ang aking ulo sa narinig kong muli sa aking isipan. Aking tinig iyon ngunit wala naman akong natatandaan na sinabi ko iyon noon. Nawawalan din ng lakas ang aking tuhod kaya naman hinawakan ako ni Euvan sa aking bewang upang ako'y alalayan. "Prinsesa, marahil sanhi iyan ng napakalalakas na mga mahikang iyong ginawa." nag-aalalang sabi sa akin ni Melba. Itiningin ko ang aking paningin sa paligid at tila nanlalabo na iyon ngunit nang aking maalinanawan ang mga mostro na papunta sa ibang direksyon ay pinilit kong palakasin muli ang aking sarili at tumayo na ako nang maayos. Nakaalalay pa rin sa akin ang dalawa. "Saan papunta ang mga mostro na iyon?" tanong ko sa kanila. Napatingin din doon si Melba. "Marahil ay magpupunta sila sa mga bayan sa kaharian ito upang-" Agad akong tumakbo papunta sa direksyon na iyon. "Prinsesa Hemira!" tawag sa 'kin ni Melba ngunit hindi ko sila nilingon. Nagmamadali kong sinundan ang mga mostro na iyon. Ano itong nararamdaman kong sobrang kaba? Ano itong takot na ito? Bakit ako'y lubos na natatakot na maatake at masalakay ang mga bayan ng kahariang ito? Bakit? Saan nanggagaling ang pagkaalarmang ito? "Fugio!" bigkas ko ng mahika at doon ay lumipad ako sa ere. Maraming mga maheya ang nakasalubong ko sa ere at iniiwasan ko sila. Nakarating ako sa unang bayan na pinuntahan ng mga mostro. Mayroong mga Pereus, Vermius (taong paniki), mostro na Harpies (babaeng ibon) at iba pang mga mostro ang naririto sa ere. Sa ibaba naman ay mga Kentaurus(Centaurs), Kobaloi (kasinglaki ng mga hoblin ngunit mabalasik ang mga hitsura nito) at napakarami pa. "Ahhhhhhhhhhh!" sigawan ng mga tao at ibang mga nabubuhay na naninirahan sa bayang ito dahil sa pag-atake sa kanila. Sobrang sumiklab na ang galit sa aking dibdib at nararamdaman ko na ang paglakas ng mahika sa aking paligid. "Itigil n'yo iyan!" poot na sigaw ko ngunit hindi nila ako naririnig. Sinisira nila ang lahat ng mga tahanan, lahat ng mga puno at lahat-lahat sa lugar na ito. Nakita ko ang isang batang babaeng pumapalahaw ng kaniyang iyak at palapit na sa kaniya ang napakaraming mga Rattus(napakalalaking mga daga). Lumipad ako papunta sa batang iyon at dahil sa hangin ay natanggal ang talukbong sa aking ulo. Kaagad ko siyang dinagit upang hindi siya mapaslang ng mga iyon. ~Tagapagsalaysay~ Yakap-yakap na ni Hemira ang nangangatog sa takot at pag-iyak na batang tagaGemuria. Maraming mga puting maheya ang papunta na sa kanila at mga mandirigma naman sa lupa upang kalabanin ang mga mostro na nanggugulo sa bayang iyon. Nagpunta rin doon ang marami sa mga naisasummon ni Argyris at ginagawa ang lahat upang walang mapaslang na mga tagaGemuria roon ang mga kalaban. Nilapitan niya ang isa sa mga maheya na abala sa pagbabato ng mga mahika sa mga mostro sa ibaba at ibinigay niya rito ang bata. Nagulat pa ito sa bigla-bigla na lamang niyang pag-aabot dito sa bata at lalo pang nanlaki ang mga mata nito nang sya'y makita na. Hindi ito makapaniwala na isang kalaban na tulad niya ay nagligtas ng mamamayan ng lugar na kanilang sinalakay kaya lubos talagang nakabibigla iyon. Miski siya'y hindi rin maintindihan ang sarili kung bakit niya ba iyon ginawa ngunit hindi niya na iyon inisip dahil nangingibabaw na sa kaniya ang matinding poot sa ginagawa ng mga mostro sa bayang ito ng Gemuria. Mayroong parte niya na nagsusumigaw ng puno ng galit at umiiyak ng lubos sa nangyayari sa lugar na ito. Lumipad siya ng mataas sa madilim na kalangitan. Nakita niya ang sira-sira nang lugar na ito at nagtatakbuhang mga tao na inililigtas ng mga maheya at mandirigma ng Gemuria laban sa mga mostro na dinala niya sa kahariang ito. Ang poot na kanina'y nararamdaman niya ay lalo pang nadagdagan. Naging itim na itim na ang kaniyang mga mata. "SINABI NANG TUMIGIL KAYO!" napakalakas na sigaw niya na dumagundong sa buong paligid. Natigil ang lahat sa lugar na ito sa lakas niyon at dahil na rin sa pangingilabot na kanilang naramdaman sa kaniyang itim na mahika na bumabalot na sa buong lugar. Napatingin sa kaniya ang lahat. Miski sa palasyo ng Gemuria ay ramdam ang napakalakas na mahikang iyon. Lumabas ang itim na dragon mula sa kanya. Ang dragon ng Yin. Bumilog iyon sa ere na sakop ang buong lugar. Nagkaroon ng itim na mahikang bilog ang lupa ng buong bayan. "Ater Exterminatus!" sigaw niya at doon ay naabo ang lahat ng mga mostro na naroroon. Lahat ng mga iyon ay kaniyang pinaslang at ang mga natira na lamang ang mga mabubuting mga nabubuhay ng Gemuria. Napakalakas ng kaniyang ginamit na mahika at naramdaman iyon nila Handro, Mades, Melba at Euvan. Si Handro ay kasalukuyang nasa loob ng palasyo at walang nakapansin sa kaniya dahil sa kaguluhang nagaganap sa labas. Si Mades naman ay hinahanap si Aerin upang paslangin ito at hinahanap din niya kung saan ipiniit ang kaniyang anak na si Cleon. Sila Melba at Euvan naman ay malapit lamang sa bayan na iyon ngunit buti na lamang at hindi pa sila nakakapasok doon, kung hindi ay wala na rin sila parehas dahil sila ay mga mostro. Unti-unting nawala itim na mahika ni Hemira at pumasok muli sa kaniya ang dragon ng Yin. Bumalik sa pagiging normal ang kaniyang mga mata ngunit hindi niya inaasahan nang isang malaking bulto ng tubig ang humampas sa kanya. Tumalsik siya sa isang sira-sira nang tahanan. Sobrang panghihina na ang kaniyang nararamdaman sapagkat naubos ng sobrang paggamit ng Yin ang kaniyang mahika. Pinilit niyang tumayo ngunit isang ipo-ipo ng tubig ang padaan na sa kanya. "Fugio!" Lumipad siya ng mabilis paalis sa dadaanan ng ipo-ipo ngunit nahihila siya ng hangin na nagmumula roon. Naramdaman niya na mayroong tubig ang pumulupot sa kaniyang paa at hinila siya papasok sa ipo-ipong tubig. Dahil doon ay napabalik sa kaniyang ulo ang kaniyang talukbong sa tulong ng hangin. Nang mapasok siya roon ay mayroon kaagad yumakap sa kaniyang leeg at tinutukan siya ng isang patalim na gawa sa tubig. Naririnig niya ang lagaslas ng tubig. Doon nakasakay ang nakasakal sa kanya. Sa tubig na umaagos paitaas. "Sino ka?! Anong pakay n'yo rito?! Bakit n'yo inaatake 'tong kahariang 'to?!" sigaw nito sa kanya. Sa lalaki ang tinig nito. "Ano ang inyong pakay?! Bakit n'yo sinugod ang aming palasyo?!" muli niyang rinig na tinig sa kaniyang isipan at boses niya pa rin iyon. Nagsimula na namang sumakit ang kaniyang ulo. Hahawakan niya sana ang kaniyang ulo sa sakit na kaniyang nararamdaman ngunit idiniin nito ang patalim na tubig nito sa kaniyang leeg. "'Wag kang gagalaw! Kundi, itatarak ko 'tong hawak ko sa leeg mo hanggang sa mamatay ka! Sabihin mo sa 'kin kung sino ka! Ikaw ba ang bagong pinuno ng mga mostro?!" galit na galit na tanong nito sa kaniya at humigpit ang pagkakasakal ng kabilang braso nito sa kaniyang leeg. Siniko niya ito ng malakas sa sikmura nito kaya naman napadaing ito. Lumuwag ang pagkakasakal nito sa kaniya kaya ginamit niya iyong tsansa upang makatakas. Nakaalis siya sa pagkakahawak nito sa kaniya at palipad na siya palabas ng ipo-ipong tubig ngunit naging mabilis ang taong iyon. Pinuluputan nito ang kaniyang katawan ng mahika nitong tubig at hinila siya pabalik nito rito. Doon ay agad nitong isinaksak sa kaniyang balikat ang punyal na tubig nito. "AUGHHH!" daing niya. "Akala mo ba, patatakasin kita?! Kung ayaw mong magpakilala, pwes ako ang kikilala sa 'yo!" Doon ay inalis nito ang talukbong sa kaniyang ulo at hindi niya ito nagawang pigilan sa panghihinang kaniyang nararamdaman. Doon ay nagtama ng sabay ang kanilang paningin at nasilayan niya ang isang napakakisig na binata. Biglang kumabog ng malakas ang kaniyang dibdib at tila ba agad-agad na nagwala ang kaniyang puso sa unang pagkakakita niya pa lamang dito. Nanlaki naman ang mga mata nito na nakatingin sa kaniya at bakas na bakas doon ang lubos-lubos na 'di pagkapaniwala at pagkatigagal. "H-hemira?..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD