Chapter 2

1340 Words
“HI, AMERE!” Napalingon si Amere at nabungaran ang magandang mukha ni Elise, kaklase at katabi niya sa isang major subject. Nginitian niya ito at saka muling itinutok ang mga mata sa binabasang libro. Halos kalahating oras pa bago ang sumunod nilang subject. He had to take lunch but he preferred to read, instead. Kasalukuyan siyang nasa Freedom Park, nakaupo sa pakuwadrado at sementadong upuan na nakapalibot sa katawan ng isang puno. “Ang sungit naman,” biro ni Elise at saka tumabi sa kaniya. Isinara niya ang libro at saka muling tumingin sa dalaga. “Pasensiya na. I’m just not in the mood to talk right now.” “Okay. Hinahanap lang naman kita para paalalahanan tungkol sa grupo ni Reef. He’s such a bully, you know. Hindi iyon papayag hanggang hindi nakakaganti sa’yo.” He was referring to their other classmates. Nagkapikunan kasi sila sa klase kanina. Nasa lesson na idini-discuss ni Mrs. Patuyao ang attention niya nang bigla na lang tumunog ang kaniyang cellphone na nasa bag. Nalimot naman niyang i-silent mode iyon dahil hindi naman siya palagamit ng mobile phone lalo kung nasa eskuwelahan. Kampante rin siyang hindi naman siya tatawagan ng mga magulang kaya hindi niya naging habit ang mag-check ng cellphone bago magklase. Agad niyang binuksan ang bag at kinuha ang cellphone sa loob niyon. Hindi niya kilala ang numerong naka-register sa screen pero hindi iyon sapat para makaligtas sa kaniya ang identity ng anonymous caller. Inis siyang napalingon kay Reefat tumingin nang pailalim rito. “O bakit ganyan kang makatingin?” tanong nitong nang-iinis. Nagtawanan naman ang mga kagrupo nitong sina Ronel, Albert at Cian. “Mr. Alta, kindly turn your phone off, please,” sabi ng professor habang nakatingin sa kaniya. Sa halip na patayin ay nag-call back siya sa anonymous caller. Malakas na nag-ring ang cellphone na nasa loob din ng bag ni Reef. Pinukol siya nito ng galit na tingin at saka nag-dirty finger sign. Kung hindi pa umawat ang professor at mga kaklase ay hindi matatapos ang tensiyon sa pagitan nila. “May araw ka rin sa’kin, Alta!” anito saka lang ulit naupo. “Don’t mind it. I can handle myself but thanks to your concern, Elise.” “I know but I heard them talking after Mrs. Patuyao’s subject at sa tingin ko ay obligasyon kong sabihin iyon sa iyo. May pinaplano silang hindi maganda para mabalikan ka, Amere. Kahapon, nakita ko ang parents ni Reef talking to one of our professors. Parang magkakasama sila sa golf club. Sa tingin ko ay inareglo nila ang g**o ni Reef with James last week.” Kaklase rin nila ang James na tinutukoy nito. Muli siyang tumango. Habang nagsasalita si Elise ay tila biglang nag-angatan ang mga buhok sa batok ni Amere. Napapikit siya upang makiramdam. Halinhinang boses ni Reef at ng mga kasama nito ang salit-salit na dinadala ng hangin sa kaniyang pandinig. Pakiwari niya ay tila antenna ang kaniyang mga tainga sa sandaling iyon na naghahanap ng malakas na signal. Nang magmulat siya ng mga mata ay nakita niya sa hangin ang papalapit na grupo, ilang metro na lamang ang layo sa kinauupuan nila ni Elise. “Gusto ko lang sanang sabihin na maimpluwensiya ang pamilya ng mga iyon kaya ganoon kung makaasta. Mag-iingat ka, Amere.” Hindi pa man natatapos ang sinasabi ni Elise ay napasigaw na ito habang nakatingin sa likod niya. Kasabay niyon ay ang pag-angat ng isa niyang kamao sa hangin. Sapul sa mukha si Ronel. Tumayo siya at marahang pumihit paharap sa grupo. Nakita niyang duguan ang ilong ni Ronel, hindi makapaniwalang nakatingin sa kaniya. Si Elise naman ay nagsisisigaw. Si Reef ay magkakrus ang mga braso sa nakaliyad nitong dibdib. Sa kaliwa nito ay si Albert habang sa kanan naman ay si Cian. Tumingin ito kay Albert na tila nagsilbing cue upang humakbang palapit sa kaniya ang kaklase. Tumingala siya sa puno at kasunod niyon ay ang pagbagsak ng isang sanga na tumama sa mismong balikat ni Albert. Napaupo ito sa sakit hawak ang braso nito. “What the...may kulam yata ang gunggong na ‘to ah!” galit na bulong ni Reef na malinaw na nakarating sa pandinig ni Amere. Sinulyapan nito si Cian na halata sa anyo ang pagdadalawang-isip. Isang expletive muli ang pinawalan ni Reef at nagkusa nang humakbang palapit sa kaniya. “What are you, huh?!” ang sabi ni Reef habang pinatutunog pa ang mga nakakuyom na kamaong pinagdidikit. Humakbang ito sa direksyon niya at nang makalapit ay nagpawala ng isang suntok. Nagawa niyang ilagan iyon maging ang pangalawa at pangatlong attempt nito. Gigil itong umatake, una ang ulo na ang layon ay suruin siya sa tiyan pero mabilis siyang nakailag at dumiretso sa sementadong upuan ang ulo nito. Bumagsak ito sa sahig habang salo ang nasaktang ulo. Sinulyapan niya si Cian na agad namang nagtatakbo palayo habang sumisigaw. Tahimik na nilisan ni Amere ang Freedom Park. Naiwan doon ang tatlong kaklase at mga miron na unti-unti nang dumarami upang makiusyoso. “UY, NAKITA ko iyon, ang galing!” Napalingon si Amere sa isang estudyanteng nagsalita habang tila ito excited na pumapalakpak. Hindi niya ito kilala pero parang hindi iyon ang unang pagkakataong nakita niya ito. Papunta na sana siya sa susunod na klase nang bigla na lang itong lumitaw sa harapan niya. “Do I know you?” tanong niya rito. “Naman!” pabakyang sagot ng babae. Mabilis ang mga matang napatingin si Amere sa suot na ID ng estudyante. Hindi nito larawan ang naroon. Pinagmasdan niya ang kabuuan nito at napunang maikli ang palda nitong suot kaysa dapat na sukat niyon. “Alam ko na ang sasabihin mo pero huwag ka nang mag-aksaya ng oras.” Itinaas nito ang isang palad na tila inaawat siya sa pagsasalita. “Dahil tama ang nasa isip mo. Hindi ako ang may ari ng ID na ito at ng uniform na suot ko. Pag-aari ito noong isang babaeng nag-cut ng klase na nakita ko. Nagpalit kami ng suot na damit at nagkasundong magkikita mamayang gabi sa labas ng campus.” Ipinikit niya ang mga mata upang kilalanin ang kaharap pero identity ng may ari ng damit ang nakikita niya. Blangko ang pagsusuri niya sa katauhan ng babaeng kaharap. “Ano’ng kailangan mo sa akin?” naguguluhang tanong niya rito. “Hindi mo ba ‘ko natatandaan?” tanong nito. Humakbang pa palapit sa kaniya at saka siya inikutan habang ang mga mata ay matiim na nakatingin sa kaniyang mga mata. “Zero. Do I happen to know you?” “Natural. Mag-bff kaya tayo sa ilalim.” “Ilalim?” ulit niya sa sinabi nito habang ang noo ay malalim ang pagkakakunot. “Wala ka ba talagang natatandaan? Wayde, ako ito, si Rafina.” Umiling siya, gayon man ay pilit na inuulit-ulit sa isip ang pangalang sinabi nito. Pamilyar ang tunog niyon gayon din ang Wayde na itinawag nito sa kaniya . “Hindi kita kilala at hindi kita natatandaan. You can introduce yourself to me, if you want. Pero mamaya na siguro dahil may klase pa ‘ko.” Humakbang siya at nilampasan ito pero mabilis itong nakahabol. Hinagip nito ang isa niyang braso at dinala siya sa sulok ng pasilyo. “Wayde, ako ‘to! Si Rafina! Serah ang gamit kong pangalan ngayon dahil kailangan nating mag-ingat. Ikaw si Wayde. Pinuntahan na kita dati sa school mo noong high school ka pa lang, hindi ba? Nakatakda tayong magkita sa pier pero hindi ka dumating. Nang puntahan kita sa bahay mo ay wala ka na. Lumuwas ka raw dito sa Maynila kasama ng parents mo. Naaksidente naman ako kaya hindi agad kita nagawang sundan. Mahabang kuwento pero kailangan mong maalala kung sino ka at sino ako.” Biglang natutop ni Amere ang ulo nang tila kumimbot iyon at biglang nanakit. “Wayde, ayos ka lang ba?” “Namimigat ang ulo ko, parang sasabog...” daing niya habang unti-unting kinakapos ang paghinga. Iyon ang huli niyang namalayan bago siya tila kandilang naupos at napahiga sa sahig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD