MALALIM ang pagkakakunot ng noo ni Amere habang pilit na iminumulat ang mga mata. Bahagya pa ring masakit ng ulo niya.
“Okay ka lang?” tanong ng babaeng nasa tabi niya. Malabo ang kaniyang paningin dahil sa pagkahilo, kaya ilang ulit pa niyang kinailangang ibukas-sarado ang mga mata upang luminaw iyon. Nang makita ang babae ay agad na nagbalik sa isip niya ang mga nangyari.
“Who are you? Kaninong bahay ito?”
Tinangka ng babaeng hipuin siya kaya bahagya niyang iniiwas ang sarili.
“Ay, ang OA ah! Kung makaiwas, akala mong walang kaliskis ito!”
Sa narinig ay lalo siyang nahintakutan sa babae. Kuwela itong pakinggan pero nakakatakot ang mga pinagsasasabi nito. Bakit pakiwari niya ay marami siyang matutuklasan sa pakikipag-usap rito? Mga bagay na parang hindi naman niya talaga gustong alamin.
“Anong kaliskis ang pinagsasasabi mo diyan? Isda ka ba?!” pamimilosopo niya sa kaharap na babae, pero sa halip na mapikon ay tumawa lang ito nang matinis.
“Hindi ako isda, okay! Pero lamang-dagat ako...at hindi lang ako! Ikaw rin!” Muli itong tumawa nang matinis.
Bumangon siya at umayos sa pagkakaupo. Sumandal sa headboard ng kama at saka pinagmasdan ang kaharap mula ulo hanggang paa.
“Narito tayo sa bahay na inuupahan ko. Pinag-aaral ako ng mga taong nakapulot sa akin nang magkahiwalay tayo. Gumawa ako ng kuwento para hindi sila matakot sa akin at para matanggap nila ako at ituring na anak. Sino ba naman ng tatanggap sa atin kung sakaling malaman nila na hindi tayo ordinaryong tao?”
“Wait,” ani Amere sabay taas ng mga kamay upang pigilan sa pagsasalita ang makuwentong babae.
“Puwede mo bang simulan sa umpisa? Hindi kasi kita kilala. Wala rin lang akong choice, at h-in-ostage mo na rin lang ako, bibigyan na kita ng oras para makinig sa mga kuwento mo. Sino ka at ano ang kailangan mo sa akin?”
Tumikhim ang babaeng nagpakilala Serah at nagsimulang magsalaysay ng isang kuwentong hindi alam ni Amere kung karapat-dapat ngang pakinggan.
Sa simula pa lang ng panahon, mula nang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos, mayroong isang lugar sa pagitan ng Challenger Deep, ang pinakamalalim na bahagi ng karagatan at kalupaan, na nakatago sa lahat dahil sa kadiliman- -ang Underworld Kingdom na tinatawag na Hydra (Tubig) Terra (Land). Ito ay itinuring na pinakadelikadong nilikha ng Diyos na Siya mismo, ay hindi kumlala.
Ang Hydra Terra ay karaniwang napapalibutan ng tubig kaya lahat ng mga species na naninirahan dito ay nabubuhay sa tubig, ngunit may mga lugar rin naman kung saan ang mga hasang, palikpik at buntot ay hindi kailangan dahil walang tubig sa mga ito. Ang loob ng palasyo, halimbawa, ay hindi nakalubog sa tubig. Kung ang Halamanan ng Eden ay mayroong Adan at Eva, ang Hydra Terra naman ay may Alon at Ula.
Gayon man ay malaki ang hinanakit ng mga nilalang na ito sa Kaniya, at ang buhay nila ay ginugol sa pagkapoot sa Lumikha. Habang ang iba pa sa Kanyang mga nilalang ay nasa lupa, na malayang nasasaksihan ang araw-araw na pagsikat at paglubog ng araw, napagmamasdan ang mga bituin, at bahaghari sa langit, sina Alon at Ula ay nanahan sa pinakamalalim na bahagi ng madilim na sangkalupaan, kaya, ang poot at paghihiganti ay dalawang magkaugnay na bagay na nakatanim na sa puso nila.
Ang mga naninirahan sa Hydra Terra na tinatawag na Hydrons ay nagtataglay ng parehong mga buntot at paa tulad ng sa mga tao. Gayon pa man, ang kanilang aquatic features ay lumalabas lamang sa sandaling umalis sila sa kaharian. Sa loob ng Hydra Terra ay nawawala ang mga kakaibang katangiang ito at lumalakad silang tulad ng mga mortal.
Ang mga Hydron ay nahahati dalawa; ang mataas na liping kung tawagin ay Merluso at isang mas mababang uri na tinatawag na Bagna.
Ikaw, Wayde, ay isang Merluso habang ako naman, ay kabilang sa lipi ng mga Bagna.
Sa kabila ng magkaibang lahi, naging matalik tayong magkaibigan. Palihim tayong gumagawa ng paraan upang masilayan ang buhay sa labas ng Hydra Terra, ang lugar na tinatawag nilang Daigdig.
Ang pagkakaibigan nating ito ay lingid sa kaalaman ng buong kaharian na pinamumunuan ni Arno, ang iyong ama, na siyang hari ng buong kingdom.
Isang araw, habang magkasama tayo sa labas ng kaharian ay nasundan pala tayo ng isang Hydron na napag-utusan ng mga tagapamahala. Dali-dali tayong lumangoy para makatakas, nang walang tiyak na direksyon, hanggang sa mapadpad tayo sa lupa, sa magkaibang destinasyon.
Ako ay natagpuan ng isang mangingisda habang ikaw naman ay natagpuang walang malay sa dalampasigan ng isang mayamang tao na nagkataong isang aquatic scientist. Lumipas ang dalawang taon at muling nagkrus ang landas natin. Ang pangalan ko na ngayon ay Serah habang ikaw naman ay ang anti-social heart-throb na kilala bilang Amere.
Naging misyon kong sabihin sa iyo na isa kang Hydron...na isa kang Merluso. Hindi lang isang ordinaryong Merluso, kundi isang prinsipe at tagapagmana ng kaharian ng Hydra Terra.
Pero hindi ka naniniwala sa akin, lalo na't hindi mo naman ako naaalala. Maraming pangyayari sa buhay mo ang nakalimutan mo mula nang magising ka sa dalampasigan. Kaya ipinagtabuyan mo ako noon at hindi pinaniwalaan. Lumipat kayo ng tirahan, hanggang tuluyan na tayong hindi nagkita. And here we are, after five years...
PUMALAKPAK si Amere matapos ang mahabang kuwento ni Serah. Ang huli naman ay umirap sa kaniya at patamad na naupo sa stool na malapit sa kamang kaniyang kinauupuan. Humugot ito ng isa malalim na paghinga at pinagkrus ang mga brasong nasa dibdib.
“Magaling kang gumawa ng kuwento. Puwede mong i-pitch iyan sa mga movie producers, baka sakaling pagkakitaan mo,” patuyang sabi ni Amere saka tumayo mula sa kama.
“Bakit ba ayaw mong maniwala sa akin? Ano sa tingin mo, mag-aaksaya ako ng oras sa iyo kung niloloko lang kita?”
Ngumisi si Amere at kinuha ang sapatos na nakita nitong nasa isang tabi. Sinimulan iyong isuot. “Iyan naman ang gawain ng mga manloloko, hindi ba? At imposibleng wala kayong napapala, kasi trabaho niyo iyan eh. Bread and butter niyo ang pagkakitaan ang mga taong tulad ko. Sinasamantala niyo ang situwasyon para makapanloko.”
“Ang weird mo!”
Tumayo na si Amere at humakbang palapit sa pinto pero mabilis na humabol si Serah rito.
“Bigyan mo ako ng pagkakataon at patutunayan ko sa iyo ang mga sinasabi ko.”
“Paano? Dadalhin mo ko sa big boss niyo? Tapos, bukas ay tatawag ka na sa daddy ko para ipatubos ako, ganoon ba? Sorry, pero wala akong panahong makipaglokohan sa iyo. Baliw!” Dali-dali itong lumabas ng apartment niya at walang lingon-likod na tinahak ang daan palayo roon. Walang nagawa si Serah kundi ang pagmasdan ang papaliit na sa paningin niyang si Wayde.