KALALABAS lang ni Rafy ng kanyang silid nang makasalubong niya si Timothy. Gusto sana niyang umatras at bumalik na uli sa loob pero nagbago ang isip niya. Hindi na lamang niya ito pinansin para maramdaman nito na ayaw niya itong kausapin.
“Rafy, wait, may ginawa ba ako na hindi mo nagustuhan?” tanong nito.
Kunwari ay wala siyang narinig na nagpatuloy sa paglalakad. Lalampasan na sana niya ito ngunit maagap nitong hinawakan ang braso niya.
“Galit ka ba sa akin?” tanong uli nito.
Inis na hiniklas niya ang braso para maalis sa pagkakahawak nito pero bale-wala lamang ang pagtatangka niya. Kay higpit ng pagkakahawak nito sa braso niya.
“Ayoko ng ginagawa mong paglapit-lapit sa akin, Timothy,” mahinang tugon niya subalit naroroon ang galit.
Ilang saglit itong hindi kumibo. “I’m sorry, Rafy. I just can’t help myself. Gusto ko na ngang magalit sa sarili ko pero—”
“I have to go,” putol niya at biglang hinila ang braso rito. May palagay siyang kaya lamang niya madaling nagawang makahiwalay rito ay dahil na rin sa pagluwag ng hawak nito.
Akma na siyang lalayo pero hindi niya napaghandaan ang sumunod nitong ginawa. Tila kidlat sa bilis na hinapit nito ang kanyang baywang at kinuyumos siya ng halik sa mga labi.
Hindi niya alam kung dahil sa kabiglaanan kaya hindi niya nagawang makapiglas kaagad. Para lang siyang estatwa doon habang patuloy na inaangkin nito ang kanyang mga labi. Unti-unti ay naging banayad ang mariing halik nito. She closed her eyes. At bagaman tumututol ang isip niya, namalayan na lamang niyang tumutugon sa mga halik nito. Naramdaman na lamang niyang nakasandal na siya sa pader at lalo pang lumalim ang paraan ng paghalik nito.
“Rafy...” anas nito nang bumaba sa leeg niya ang mga labi nito.
Hindi alam kung kanino galing ang mahinang ungol na namayani sa hangin. Nanatiling nakapikit ang kanyang mga mata habang hinahayaan ito sa ginagawa sa kanya. Ilang sandali rin siyang nalunod sa panibagong sensasyong dulot ng paghalik nito bago siyang natauhan. Mabilis niya itong itinulak palayo sa katawan niya at halos patakbong bumalik sa kanyang silid.
Dahil pakiramdam niya ay wala siyang maihaharap na mukha kahit kanino, pinili ni Rafy na magkulong na lang sa loob ng kuwarto.
“Ma’am Rafy, ipinapatawag kayo ni Ma’am Abby. Nakahain na po ang tanghalian.”
“Pakisabing mauna na sila, Lorraine. Masama ang pakiramdam ko, eh. Ipapahinga ko na muna ito.”
“Gusto mong akyatan kita dito ng lunch, Ma’am?”
“Naku, hindi na. Bababa na lang ako mamaya. Salamat, Lorraine.”
Bumaba siya sa oras na alam niyang afternnon nap ni Abby. Alam din niyang nasa hacienda na noon si Timothy pero nagmamadali pa rin siya sa pagkain. Kung hindi nga lang kumakalam na ang sikmura niya, hindi pa rin sana siya bababa.
“Rafy?” Tinig naman iyon ni Abby. “Tara nang mag-meryenda. Hindi ka pa yata nagla-lunch.”
“Okay lang ako, Abby. Nag-lunch ako habang tulog ka kaya busog pa ako ngayon,” malakas na sagot niya.
“Are you okay? May I come in?”
Wala siyang nagawa kundi pagbuksan ito ng pinto. “Pasok ka,” aniyang pinatamlay ang boses.
“Ano bang nangyayari sa iyo? Kaninang umaga ay kape lang ang dinala ni Lorraine sa iyo dito. May lagnat ka ba? Masakit bang ulo mo? Gusto mong magpatingin sa doktor?” sunod-sunod na tanong nito.
Lalo namang naragdagan ang nararamdaman niyang guilt dahil alalang-alala ito sa kanya. Sinalat niya ang leeg at hinimas ang noo. “Wala ito. Sinat lang siguro,” pagdadahilan niya. “Ihihiga ko lang ito maghapon okay na ako.” Nginitian niya ang pinsan. “Mamaya pag naligo ako, sisigla din siguro ako. Medyo giniginaw kasi ako kaya tinatamad pa akong maligo.”
Nanlaki ang mga mata ni Abby. “Baka matatrangkaso ka na niyan? Giniginaw ka, eh, ang init-init nga. Hindi na nga ako nagpapatay ng aircon sa kuwarto.”
“Basta huwag mo na akong alalahanin. I’ll be okay soon.”
“Sigurado ka? Sasamahan kita sa doktor kung kelangan. O kaya si Timothy. Pag-uwi niya mamaya, sasabihin kong dalhin ka namin sa doktor.”
“No need,” pabiglang sabi niya. “Huwag ninyo akong masyadong intindihin, please. Nakakahiya naman sa inyo. Ikaw kumusta ka? Kayo ng baby? Madalas na bang sumipa?” pag-iiba niya sa usapan.
“Naku, oo. Kaya nga naputol ang nap ko. Nagigising ako sa kalikutan ng bulinggit na ito. Siguro pag lumabas ito, ubod nang likod. Huwag naman sanang sobrang makulit at alam mo naman, hindi ako puwedeng makipag-habulan masyado,” excited na sabi nito.
“Siya ang kalakasan mo. I’m sure paglabas niyang babay baka makalimutan mo nang may sakit ka rin.”
Nagkuwentuhan pa sila nang kaunti bago niya banayad na itinaboy ito.
Nang mapag-isa siyang muli sa kuwarto ay nginatngat na naman ng guilt ang sarili niya. Mukha ni Timothy ang laman ng isip niya. At ang pinagsaluhan nilang halik.
Hindi na niya alam kung ilang beses niyang pinagalitan ang sarili dahil sa ipinakitang kahinaan. At hanggang nang mga sandaling iyon ay hindi niya mahanapan ng sagot kung bakit nagpatangay siya ng mga halik ni Timothy.
Kailanman ay hindi pumasok sa isip niyang magkakagusto siya rito dahil mula nang maging boyfriend ito ni Abby ay itinuring na rin niya itong kapatid. Lalo namang naging halos kapatid na rin ang turing niya dito nang magpakasal ang dalawa. Kaya labis niyang ipinagtataka kung bakit bigla ay nag-iba ang pagtingin niya rito.
Tila nadarama pa niya sa mga labi ang halik na iginawad nito sa kanya. Kanina ay dinala siya nito sa isang lugar na hindi pamilyar sa kanya. It was a kiss beyond compare. At aminin man niya sa sarili o hindi, nagustuhan niya ang ginawa nito sa kanya.
Kaya nga hindi niya ito nagawang sampalin sa kapangahasan nito.
Nagkasala na siya kay Abby dahil sa ginawa niya. Kaya dapat na siyang lumayo para hindi na iyon maragdagan pa. Natatakot siyang baka sa susunod ay hindi na siya makaiwas. Natatakot siyang baka kung saan pa siya dalhin ng sariling kahinaan.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya. Kailangan niyang makausap si Lolo Ed.