14

1045 Words
LARAWAN ng ulirang asawa si Timothy ang dumating ang mga ito galing ospital. Nakaalalay ito kay Abby kahit na mayroon na ring kasamang private nurse ang mga ito. At hindi niya alam kung ano ang mararamdaman sa nakita. Parang hindi nagtaksil, saloob-loob niya habang pinukol ito nang matalim na tingin. Dahil alam niyang wala siyang pagpipilian kundi ang sumalubong din sa mga ito, hinubad niya ang apron at lumapit. “Welcome home, Abby.” “Parang ang tagal kong nawala ano,” pabiro namang sabi ni Abby. “Kumusta ka na? Do you feel better now?” Naka-wheelchair ito. “Look at me. May pa-wheelchair pang drama. Pero para sa baby, sige na nga.” “Okay na ako. Heto nga at dalawa kaming nagluto ni Lorraine ng pagsasalu-saluhan natin.” “Nag-relyeno kayo ng sugpo?” excited na tanong ni Abby. “Ma’am sabi ni Ma’am Rafy, sawa na daw si Sir doon. Iba na lang ang iniluto namin,” sabad ni Lorraine na sumalubong din. “Welcome home, ma’am Abby.” “Thanks. Oh, nakalimutan ko nga. Nasanay na kasi akong hindi nawawala iyon sa ulam natin.” Tiningala nito si Timothy. “Dumarating pala talaga ang oras na magsasawa ka, ano?” “Sobrang dalas na kasi dati,” tipid na sagot nito at sinuyapan siya. “Basta, honey, sa akin huwag kang magsasawa, ha? It will definitely break my heart.” “Of course not, Abby.” Pasimpleng tumalikod na si Rafy. Hind niya kayang tagalan ang eksenang nasasaksihan niya. “Ikaw ba ang nagluto nitong pastel na manok?” tanong ni Don Ed nang magkakasalo na sila sa tanghalian. “Yes, Lolo. Sana ay magustuhan mo.” “Gustong-gusto. Nakuha mo ang timpla ng lola ninyo, Rafy. Eksakto sa panlasa ko.” “Honey, look. Hindi mo ba talaga nami-miss ang relyenong sugpo? Iyon lang ang absent sa mesa,” nanunudyong sabi ni Abby. “I’m fine with the other dishes. At tama nga si Lolo Ed. Masarap itong pastel. Ito na ang bagong paborito ko ngayon.” At makahulugan itong sumulyap sa kanya. “Naku, Rafy, dapat pala ay ituro mo sa akin ang sikreto. Para sa susunod at kaya ko nang gumawa sa kusina, ako naman ang magluluto para kay hubby.” “Sure, why not,” patianod naman niya. “Honey, kapag pupunta ka sa hacienda ay isama mo nga si Rafy. Baka kaya nagkasakit `yan ay dahil sa labis na inip. Sa ngayon, malabo naman akong mamasyal. Magiging masunurin muna ako sa doctor’s order.” At bago pa siya nakakibo man lang ay nagsalita na uli si Abby. “Rafy, please don’t say no. Isang beses ka pa lang nagawi doon, hindi ba? Hindi ka naman nakapamasyal. Napag-utusan lang kita.” “Grabe ka naman sa napag-utusan. Okay na ako kahit hindi makapamasyal.” “Narito ka na rin lang, bakit hindi mo pa pagbigyan ang imbitasyon ni Abby,” sabi ni Timothy. “At kayo rin Lolo Ed. Welcome kayo sa hacienda.” “Salamat na lang, hijo. Balak ko na ring bumalik sa Maynila. Sa ibang pagkakataon na lang kita pagbibigyan.” “So, kami na lang ni Rafy?” Hindi niya alam kung kislap ng kasabikan ang nabasa niya sa mga mata nito. Kulang na lang ay harap-harapan niyang irapan ito. INILIGPIT ni Rafy ang cross stitch project niya. Kung hindi pa sumakit ang mga mata niya ay hindi niya maiisipang tumigil. Nang sulyapan niya ang relong nakasabit sa dingding ay nakita niyang lampas na ng hatinggabi. Maski paano ay nalibang siya doon at hindi na rin niya namalayan ang oras. Naghahanda na siya sa pagtulog nang marinig ang mahihinang katok sa pinto ng kanyang kuwarto. Napatda siya nang pagbuksan ang kumakatok. Gusto niyang pagsisihan ang ginawa dahil basta na lamang siyang nagbukas ng pinto. Akala kasi niya ay si Abby ang nasa labas ng silid kaya dali-dali niyang pinagbuksan. “Rafy...” paanas na wika ni Timothy. “Ano’ng ginagawa mo rito?” galit na tanong niya rito. Mabilis niyang pinagala ang mga mata sa paligid. Nag-aalala siyang may makakita rito na naroroon sa harap ng silid niya sa ganoong alanganing oras pa ng gabi. “Gusto kitang makita... makausap,” tila hirap ang kaloobang sabi nito. “I missed you so much, Rafy.” “Timothy, please,” nakikiusap namang sagot niya. “Kalimutan na natin ang nangyari. Nakokonsiyensiya ako. Pinsan ko ang asawa mo at alam mong kasalanan ang namagitan sa atin. Patahimikin mo na ako.” Kitang-kita niya nang bumadha sa mukha nito ang matinding lungkot. “Marami kang dapat malaman, Rafy. Pero hindi pa ngayon. Alam kong sa paningin ng lahat, mali ang ginagawa natin sa ngayon, pero pangako, aayusin ko ang lahat pagdating ng tamang oras,” makahulugang tugon nito. Napakunot-noo siya. Isang malaking palaisipan sa kanya ang tinuran nito. Ngunit kung anuman iyon ay gusto niyang maniwala na may tamang oras nga para doon. Pero sa ngayon, ang mahalaga ay ang maiwasan niya ito. “Umalis ka na, please. Baka may makakita sa iyo rito.” “Mag-usap tayo, please. Kahit sandali lang.” “No. Hindi sa ganitong lugar at oras. At sa palagay mo ay ano ang isiipin ng makakakita sa atin? Malaking gulo ito kapag nagkataon. At posible ding mas masama ang maging epekto kay Abby.” Halata sa anyo nito ang pagtutol. Ilang sandali ang pinalipas nito bago tumango. “I love you, my beloved,” mahinang sabi nito, bago bagsak ang mga balikat na tumalikod. Naiwan siyang nakatitig sa likod nito. Nang lumingon ito at magtama ang kanilang mga mata ay dama niya ang kasabikan nito sa kanya. May isang segundo na gusto niyang lapitan ito at yakapin.  Waring doon siya nagising. Mabilis niyang hinawakan ang pinto at kinabig iyon pasara. Kay lakas ng kabog ng dibdib niya. Hindi niya naintindihan ang mga salitang binitawan nito pero sapat na ang mga iyon para tumibay pa ang hinala sa kanyang isipan. Aalamin niya kung ano ang ibig sabihin nito. Kailangan niyang malaman iyon dahil pakiramdam niya, iyon ang solusyon para gumaan ang dinadala niyang guilt. Or perhaps, there was no need to feel guilty in the first place. “Gusto kitang mahalin nang malaya. Gusto kitang mahalin na wala akong tinatapakan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD