13

1529 Words
TUMAGILID si Rafy at mariing pumikit. Anhin na lamang niya ay pigilin pati ang paghinga. Katatapos lamang ng lahat at ngayon ay tila bahang umaagos sa kanya ang reyalisasyon sa kanilang ginawa. Matindi ang pagnanais niyang mamatay na lang nang mga oras na iyon. “Rafy...” bulong ni Timothy. Katabi niya ito sa kama. Kay lapit nito sa kanya at nalalanghap na niya ang hanging ibinubuga nito.  Hindi siya tumugon. Nagkunwari siyang tulog. Tutal, hindi na siguro ito magdududa kung sakali man dahil talagang nakakapagod ang ginawa nila. Nakakahiya mang isipin pero ni hindi man lamang niyang namalayang nadala na siya nito sa silid niya. O mas tama sigurong hindi na niya matandaan kung paano. Para siyang sinindihan sa alab ng pang-akit nito. Napaubaya na lang siya gaya ng kagustuhan din naman iyon ng kanyang katawan. “I love you...” bulong nitong hinapit pa siya palapit dito. Nabura sa isip niyang dapat ay kunwaring tulog siya. Nag-unahan na sa pagpatak ang mga luha niya. At bago pa niya mapigil ay humulagpos na ang isang hikbi sa kanyang mga labi. “Don’t cry,” alo nito. Naramdaman niya ang paghalik nito sa ibabaw ng kanyang ulo. Dahil sa narinig at pagsuyong ipinakita nito ay tila tukso namang lalo pang bumalong ang kanyang mga luha. Hinagilap niya ang kumot para tuyuin ang mga luha. Sinusurot siya ng sariling budhi. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakamababang uri ng nilalang sa mundo. Natitiyak niyang isusumpa siya nina Lolo Ed at Abby kapag nalaman ng mga ito ang ginawa niya---nila. Napakalaking kasalanan na nga ang nagawa niya. Nakadagdag pa sa bigat ng kaloobang nadarama niya ang kaalamang mayroon din siyang espesyal na pagtatangi kay Timothy. “Please don’t cry. I understand what you are feeling right now but I am not sorry for what we did. Gagawa ako ng paraan para sa atin,” mayamaya ay tila hirap ang kaloobang sabi ni Timothy. Niyakap siya nito nang mahigpit, hinagod ang kanyang likod at panaka-nakang dinadampian ng halik ang kanyang buhok na waring sa ganoong paraan ay mababawasan ang sakit na nadarama niya. Ilang saglit silang nanatili sa ganoong ayos hanggang sa mauwi sa hikbi ang pag-iyak niya. Pagkuwan ay huminga siya nang malalim. I love you. Tama nga ba ang narinig niya? At totoo naman kaya iyon o basta lang namutawi sa mga labi nito para aluin siya. Isang bagay ang napagtanto niya. Kung totoong mahal siya nito ay mahal niya rin ito. Aminin man niya iyon o hindi ay hindi niya iyon maitatatwa sa sarili. At hindi lang iyon ang dahilan kung bakit siya nagpadala sa kanyang damdamin. Sa isip niya kasi ay naniniwala siyang hindi ito si Timothy. Na hindi ang Timothy na kilala niya ang minahal niya kundi ang estrangherong nasa tabi niya nang mga sandaling iyon. Estranghero man ito pero nagawa niyang mahalin. Bumuntong-hininga siya. Kung ano ang dapat itawag sa kanya ay ayaw niyang isipin. Tatanggapin niya ang anumang masakit na salitang ibabato sa kanya nina Abby at Lolo Ed dahil sa mata ng lahat, asawa ito ni Abby. Kailangan niyang harapin ang konsekwensya ng ginawa niya kapag dumating ang panahong malaman ng mga ito ang nangyari. Walang lihim ang hindi nabubunyag. Kung kailan sila mabibisto, hindi niya alam. Pero hindi rin niya alam kung hanggang kailan niya magagawang itago sa lahat ang sikretong iyon. Masyado siyang transparent. Hindi man siya umamin, tiyak na mababasa sa kilos niya ang pinagdadaanan niya. “Rafy.” Pinihit siya nito paharap dito. Banayad nitong hinaplos ang kanyang mukha. Tinuyo nito ang natitirang luha sa kanyang pisngi sa pamamagitan ng banayad na paghalik. Ganoon din kabanayad ang dampi ng mga labi nito nang hagkan siya. Inilagay na lamang niya sa likod ng isip ang lahat nang maramdaman niya ang nagbabangong init na dulot ng mga halik nito. Minsan pa ay walang pagtutol na nagpaubaya siya rito. BAHAGYA pa lamang sumisikat ang araw nang gisingin si Rafy ng mga halik ni Timothy. His kisses were making her warm and aching, ngunit sa halip na muling magpatangay sa dikta ng katawan ay pilit niya iyong inignora. Nagkunwari siyang himbing pa rin sa pagtulog. “Sleep tight, my beloved,” bulong nito. Kinumutan pa siya nito bago lumabas ng silid. Hinayaan niyang kumawala ang pinipigil na luha nang marinig ang marahang paglapat ng pinto. Muli ay naroroon ang sundot sa kanyang konsiyensiya. Naalala niya si Abby na nasa ospital at walang kaalam-alam sa namagitan sa kanila ni Timothy. Para saan ang iyak mo, Raphaella? Malinaw ang isip mo nang lumusong ka sa kasalanan. Hindi sapat ang luha para mahugasan ang kasalanang ginusto mo ring gawin, kastigo niya sa sarili. Wala siyang ideya kung gaano katagal siyang namalagi sa higaan. Tirik na ang araw nang magpasya siyang lumabas ng silid. Masakit ang katawan niya ngunit iba iyon sa nararamdaman niyang bigat na nakadagan sa kanyang dibdib. Habang-buhay na siguro niyang dadalhin ang bigat na iyon sa konsensya niya. kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag nang malaman mula sa katulong na nakaalis na si Timothy. Maaga raw itong nagtungo sa ospital. “I wonder kung ano ang idadahilan niya at hindi siya doon natulog. O kung anong mukha ang ihaharap niya kay Abby at Lolo Ed,” bulong niya sa sarili. “Doon na pala sa ospital natulog si Lolo Ed,” balita sa kanya ni Lorraine habang nag-aasikaso ito ng almusal. Muli ay sinurot ang kanyang budhi. Malamang na hindi nito maiwanang mag-isa si Abby kung ganoong si Timothy ay hindi nakabalik. Paanong babalik kung magdamag kayong nagtatampisaw sa pagtataksil? Muli ang kanyang konsensya. “Mamamalengke ako, Ma’am Rafy. Nagbilin si Don Ed na maghanda ng masaganang tanghalian. Baka daw bago mananghali ay makauwi na din sila. Pinapaluto niya ang mga paborito ni Ma’am Abby at Sir Tim. Naku, sana naman may makuha pa akong sugpo kasi tanghali na rin. Baka naubusan ako.” “Wala siyang hilig sa sugpo,” wala sa loob na sabi niya. “Ma’am, hindi ba’t iyon ang paborito ni Sir Tim. Gawin ko nga daw relyeno.” Bahagya siyang nagulat nang ma-realize na nagtatakang nakatingin sa kanya si Lorraine. “Noong isang araw, hindi ba’t tinanggihan niya iyong relyenong sugpo na inihain ni Abby. Narinig kong sinabi niyang nagsasawa na daw siya doon.” Kumunot ang noo ni Lorraine. “Ah, sabagay. Kasi dati halos araw-araw kasali iyon sa ulam. Baka nga nagsawa na.” “Kain na tayo,” alok niya dito bago siya magsimulang kumain. “Tapos na. Pupunta na ako sa palengke. Ikaw, baka may ipapabili ka?” “Wala naman. Tutulungan na lang kitang mag-prepare pagbalik mo.” Hindi halos niya nagalaw ang pagkain. Kung puwede lang ay pigilan niya ang oras. Hindi niya alam kung paano siya haharap sa pinsan at sa lolo na parang wala siyang kasalanan sa mga ito. Katakwil-takwil ang ginawa niya. Alam niyang baka hindi lang ganoon ang mangyari sa kanya kapag nalaman ng mga ito ang ginawa niya. Siya na ulila at kinupkop ni Don Ed ay ganoon pa ang gagawing sukli sa lahat ng kabutihan nito. Iniligpit na niya ang pagkain at nagtungo sa hardin. Naisip niyang libangin na lamang ang sarili sa garden habang naghihintay makabalik si Lorraine. Hindi na uubrang magdahilan siya na masama ang pakiramdam para makaiwas lang na humarap sa mga ito.   Malamang na hindi niya mapagtagumpayang itago kay Abby ang kasalanan niya rito. She felt guilty as hell. Habang nagbubungkal ng lupa ay wala naman doon ang isipan niya. Ayaw na sana niyang mag-isip muna, ngunit hindi niya mapigil na hindi maalala si Timothy. “Hija, mukhang malalim ang iniisip mo?” anang tinig na ikinalingon niya. Nakita niya sa likuran niya si Lolo Ed. Ni hindi niya narinig ang tunog ng humintong sasakyan. She sighed. Tumayo siya at humalik sa pisngi nito. “Nandito ka na pala agad, Lolo.” “Kanina pa kita tinatawag pero tila napakalayo na nang narating ng isip mo.” Nasa tono nito ang pagbibiro. “Oo, pinauna na ako ni Timothy na umuwi para mapahinga naman daw ako. Alam niya kasing hindi naman ako nakatulog na mabuti sa ospital.” Again, she felt guilty. Huminga siya nang malalim bago malungkot na ngumiti. “Pasensya na po, Lolo.” Muntik nang pumiyok ang boses niya. Lumunok siya. Anumang sandali ay malamang na bumunghalit siya ng iyak. Hindi niya akalaing ganito siya kahina para mapagtagumpayan sanang pagtakpan ang kasalanan niya. “May problema ba?” Kaagad siyang umiling habang sinisikap magpakatatag. “N-nami-miss ko lang ang trabaho ko,” pagdadahilan niya. “Hindi ka ba pupunta sa ospital? Hinahanap ka ni Abby,” wika nito at inakbayan pa siya. “Nabanggit ni Lorraine na for discharge na siya ngayon, `Lo.” Hinubad niya ang suot na gloves. “Tutulungan ko na lang si Lorraine na mag-gayak ng para sa tanghalian..” Nag-aalalang tumingin ito sa kanya. “May dinaramdam ka pa ba? May mga katulong naman na mag-aasikaso sa pagluluto. Magpahinga ka na lang din. Mukhang kulang ka sa tulog, hija.” She bit her inner lip. Alam niyang walang masamang pakahulugan ang huling pangungusap nito pero dahil guilty siya, sapul na sapul siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD