MATAGAL nang nakahiga si Rafy pero ayaw pa rin siyang dalawin ng antok. Biling-baligtad siya sa kama. Nang makaramdam ng uhaw ay saka lang siya bumangon. Tiwala siyang bumaba kahit ang suot niya ay manipis na pantulog. Pinatungan niya iyon ng silk robe pero hindi na nag-abalang ibuhol iyon. Naisip niyang tulog na ang mga kasambahay niya dahil malalim na ang gabi at tahimik na ang buong paligid.
Kabisado na niya ang pasikut-sikot ng villa kaya nakarating siya sa kusina nang hindi nagbubukas ng ilaw. Nagsalin siya ng tubig sa baso at agad iyong ininom. Nagsalin siyang muli at itutulak na sana niyang pasara ang refrigerator nang may marinig siyang mga yabag mula sa likuran niya.
“It’s just me, Rafy,” anang tinig na agad niyang nakilalang kay Timothy.
Tumikwas ang sulok ng labi niya. Of course hindi naman niya iisipin na iba ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Nitong mga huling araw ay halos puro ito na ang laman ng sistema niya, sa aminin man niya o hindi.
Bigla siyang nakadama ng pagkaasiwa sa suot. Ramdam niya ang nanunuot nitong titig. Mabilis niyang isinara ang pinto ng refrigerator nang maalalang aninag ang kanyang suot mula sa liwanag na nagmumula roon.
“B-bakit narito ka?” tanong niya rito nang makaapuhap ng sasabihin.
“Nagpaiwan si Lolo Ed sa ospital. Umuwi ako para ikuha ng mga gamit si Abby.” Binuksan nito ang ilaw at humakbang ito patungo sa refrigerator. Kagaya niya ay nagsalin din ito ng tubig.
“Ganitong oras ka pa umuwi para kumuha uli ng gamit? Bakit hindi pa kaninang mas maaga nang nagpakuha si Abby ng mga gamit niya?” hindi niya maiwasang itanong.
“Kanina pa ako dumating. May mga inasikaso lang ako kanina.”
Nagkibit siya ng balikat. Inilapag niya sa lababo ang basong may laman pang tubig. Hindi na niya iyon inubos at nagpasyang umakyat na. “Maiwan na kita.”
“Teka lang!” habol nito.
“Bakit?”
“Are you really sick?” concerned na tanong nito.
“I’m not sick. I just don’t feel well. Alam mo naman sigurong magkaibang bagay iyon.”
“Is it because of me?”
Nanlaki ang mga mata niya. “How conceited,” saad niya sabay irap.
“Alam kong may napapansin ka sa akin,” makahulugang sabi nito.
Napakunot-noo siya. Pagkuwan ay pinuno niya ng hangin ang dibdib. Naisip niyang iyon na marahil ang pagkakataon para magtanong dito, tutal at ito na rin mismo ang nagbukas ng paksang iyon.
“All right, I have to say this, malaki ang ipinag-iba mo mula nang dumating ka galing ng Amerika. Parang hindi ka na ang dating si Timothy,” prangkang sabi niya rito.
Hindi ito kumibo.
“A-ayokong mag-isip ng kung ano pero hindi lang ako ang nakakapansin n’on. Maging si Abby ay gano’n din ang naoobserbahan sa iyo,” dagdag pa niya. “Pero ikaw ang mas nakakaalam kung bakit ka nagbago. O kung may itinatago ka man.”
“You’re beautiful, Rafy,” sabi nito sa halip na sagutin ang pagdududa niya. Sa ilang hakbang lang ay nakalapit na ito sa kanya.
“Stop it, Timothy.” Naghalo ang babala at takot sa tono niya. “O kung si Timothy ka nga bang talaga,” nagdududang dugtong pa niya.
Pero tila wala itong narinig. “About what happened, I won’t say sorry because I’m not sorry that I kissed you. Dahil doon ay may natuklasan ako sa damdamin ko para sa iyo.”
Napasinghap siya sa narinig.
“T-Tim...”
“Ito ang unang pagkakataong nakaramdam ako ng ganito,” amin nito. Tinawid nito ang natitirang distansiya sa pagitan nila.
Awtomatiko siyang napaurong nang maamoy ang alcohol sa hininga nito. “H-hindi mo alam ang sinasabi mo,” tutol niya. “Lasing ka lang.”
“No, I’m not. Nakainom lang ako nang kaunti. Malinaw ang isip ko,” wika pa nito at muling humakbang palapit sa kanya.
“Please, don’t---”
Muli siyang umatras, ngunit sa pangalawang hakbang pa lamang niya ay bumunggo na ang likod niya sa dingding. Wala na siyang mauurungan pa at sa isiping iyon ay tila tinambol ang kanyang dibdib. Halos mabingi na siya sa lakas ng kabog niyon.
“This is insane, Timothy. Hindi—” Naputol ang anumang sasabihin niya nang kabigin siya nito sa batok at kuyumusin ng halik sa mga labi.
Ang pagnanais niyang tumutol ay hindi na niya naisakatuparan. Unti-unti ay naramdaman niyang tila siya nahulog sa kumunoy at hindi na makaahon. Tuluyan na siyang nalunod nang lalo pang maging maalab ang paghalik nito sa kanya.
Namalayan na lamang niyang tinutugon na niya ang mga halik nito. Malaya namang naglakbay ang mga kamay nito mula sa kanyang leeg pababa sa balikat. Bawat daanan niyon ay waring nag-iiwan ng mumunting apoy sa kanyang balat na tila nagpapabaliw sa kanya.
Bahagya siyang napaigtad nang mamalayang nangangahas na sa ibabaw ng kanyang dibdib ang kamay nito. Pakiramdam niya ay nagtayuan ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Masarap na kilabot ang gumapang sa buong katawan niya. Noon lamang niya naranasan ang ganoon at hindi niya alam kung saan siya dadalhin niyon.
Tila may sariling isip ang kanyang mga kamay na kusang yumakap sa leeg nito habang ito naman ay sinisimsim ang kanyang mga labi. Tila wala na itong balak na pakawalan ang mga iyon.
Ngunit mayamaya lamang ay iniwan nito ang kanyang mga labi para sundan ng halik ang landas na dinaanan ng kamay nito. Pakiramdam niya ay unti-unti siyang naglalagablab. Nabale-wala ang manipis na telang tumatakip sa kanyang dibdib dahil sa init na dulot ng mga palad nito.
Napapikit siya. Gusto niyang tutulan ang ginagawa nito dahil alam niyang mali, ngunit tila wala siyang lakas na gawin iyon.
Muling umakyat ang mga labi nito at tinamnan ng maliliit na halik ang buong mukha niya bago muling maalab na inangkin ang kanyang mga labi. Halos mapugto ang kanyang hininga nang maramdaman niyang nangangahas ang kamay nito sa mas mababang bahagi ng kanyang katawan.
Anumang pagtutol ng isip niya ay nanatili lang din doon. Mas malakas ang singhap na umalpas sa lalamunan niya nang maramdaman ang mas mapangahas na haplos ni Timothy sa kanyang katawan.