Episode 1
“Sa oras na ipinanganak na ang isang tao, dala-dala na nito ang kapalaran na kailanman ay hindi na mababago.”
Sa kabilang banda, naniniwala ako na nasa palad natin ang ating kapalaran. Tayo na lang ang bahalang gumawa ng ating kinabukasan.
Hulmahin natin ang tadhanang nakalaan para sa atin.
. . .
Heiley’s POV.
Nagdidilim ang kalangitan, nagbabadya na naman ng isang malakas na ulan na sinasabayan ng pag-indayog ng mga puno dala ng malakas na hangin. Ang mga tao ay nagmamadali ng umuwi upang hindi maabutan at mabasa ng ulan.
Ang mga sasakyan ay nagkabuhol buhol na dahil ang lahat ng tao ay nagmamadali.
Ang simoy ng hangin ay kakaiba sa aking pakiramdam. Hinahagkan ako sa bawat pagdampi nito sa aking katawan. Hangin na lamang ang kayakap ko sa kawalan.
Pinagmasdan ko ang himpapawid. Nababalot na ito ng malaking dilim. Dilim na kung saan ako naroon. Hindi makawala. Naliligaw.
Napatigil ako sa aking paglalakad ng makita ko ang isang bata sa isang sulok, nagkakalkal ng pagkain sa basurahan. Naalala ko na may natira pa akong tinapay kanina. Nilapitan ko ang batang babae at inalok ko siya ng aking pagkain.
“Ineng, heto kumain ka muna.” Huminto siya sa kaniyang ginagawa at bakas ang takot sa kanyang mata, umurong siya ng dalawang hakbang palayo sa akin at nagtago sa basurahan.
Nginitian ko siya at nilapitan. “Huwag kang matakot sa akin hindi kita sasaktan.” Nakita kong unti-unting nawala ang kanyang takot at lumabas na siya sa kanyang pinagtataguan.
“Ito, tanggapin mo itong tinapay. May kasama ka ba? Bakit ka palaboy-laboy dito sa kalye? Baka mapahamak ka.” Kinuha niya ang tinapay sa aking palad bago sumagot sa aking katanungan.
“Salamat po Ate. Kasama ko po ang kapatid ko, naroon siya oh. Ang kanyang pangalan po ay Rome.” Tinuro niya ang batang lalaki na naglalaro.
Pinagmasdan ko ang lalakeng itinuro niya. Sa kanyang mukha ay hindi mo maiipinta ang problema na kanilang dinaranas ngayon. Gulanit na ang kanyang damit ngunit hindi ito nakabawas sa taglay niyang kakisigan.
Masaya itong naglalaro ng lumang kotse na wala ng gulong. May manika rin siyang hawak subalit wala na ang isang mata nito. Hindi ko maatim na makakita ng mga batang hindi maayos ang kalagayan.
Binalik ko ang aking paningin sa batang nasa harapan ko. Kung may magagawa lang sana ako para sa kanila. Pero isang hamak na bata lang din ako, gaya nila. Ang kaibahan lang ay ang antas namin na kinabibilangan.
“Wala na po kaming magulang maaga po silang namaalam kaya kaming dalawa na lang ng kapatid ko ang sumusuporta sa isa’t-isa. May lola po kami pero masyado na po siyang mahina para kumayod,” sambit niya habang pinipigilang umiyak.
Unti-unting nadurog ang puso ko sa sinabi niya. Ang daming masamang naglisawan kung saan, bakit ang munting mga bata pa na ito ang pumapasan ng ganitong karanasan.
“Pasensya ka na kung natanong ko pa,” paghingi ko ng paumanhin.
“Ayos lang po iyon ate.” Pinunasan niya ang luhang namuo sa kanyang mata at ngumiti sa akin.
Kay gandang bata tiyak ako na sa paglaki niya ay madaming manliligaw ang paiiyakin niya.
“Anong pangalan mo hija?” tanong ko sa kanya.
“Ako po si Lae,” maikling sagot niya. Ang ganda ng kanyang ngalan. Katunog ng aking palayaw.
“Nagagalak akong makilala ka, ako nga pala si Heiley. Heiley Jane,” nagagalak kong sambit sa kaniya.
Kita ko ang pagkislap ng kanyang mga mata sa aking sinabi. Kung maaari ko lang sana kayo isama sa aming bahay ay ginawa ko na. Kung hindi lang sana magagalit ang aking ama.
“Ma’am Jane! Nasaan na po kayo?” dinig kong sigaw ng aking driver.
Nawala ako sa aking sarili at hindi ko na namalayan ang oras. Hay naku, Jane! Patay ako kay Dad kapag late ako makauwi. Nasapo ko nalang ang aking ulo.
“Maiwan ko na kayo kailangan ko na kasing umuwi at baka mapagalitan na ako ni Dad, mag-iingat kayo ng kapatid mo at mabuti pa ay humanap na kayo ng masisilungan dahil natitiyak ko na anumang oras ay babagsak na ang ulan sa kalangitan. Sana ay magkita tayong muli.” Dali-dali akong naglakad at hinanap na ang aking sundo.
“Maraming Salamat po Ate Jane!!” rinig kong sigaw ng batang si Lae.
Hanggang sa muli nating pagkikita patnubayan ka nawa ng ating Panginoon. Nakita ko na ang aking sundo at kasabay ng pagpasok ko sa kotse ay ang siyang pagbuhos ng malakas na ulan. Mabuti na lamang at nakapasok na ko sa kotse baka kung nagtagal pa ako dun ay magkasakit ako.
“Naku! Ma’am Jane lagot tayo sa Daddy mo niyan late na tayo makakauwi. Saan ka ba kasi nanggaling bata ka. Ako yari kay boss nito eh,” mahabang litanya ni Kuya David, ang aming driver.
“Pasensya na po Kuya may nakita kasi akong bata kanina, tinulungan ko lang. Huwag kang mag-alala ako ang bahala sa ‘yo,” sambit ko sa kaniya sabay kindat.
“Hanga talaga ako sa ‘yo Ma’am Jane ang lupit mo,” sabi niya na natatawa pa. Binuksan na niya ang makina ng kotse at sinimulan na itong paandarin.
Natawa na lang ako sa sinabi ni Kuya David. Bago palang siya sa amin na nagtatrabaho pero ang gaan na ng loob ko sa kanya. Hindi nga siya mapagkakamalan na driver dahil sa angkin niyang tikas ng katawan. Nasa edad 25 pa lang ata siya at apat na taon ang agwat namin. Ano ba itong sinasabi ko!? Nahihibang na ata ako.
Kapag hinahatid niya ako sa school ay awtomatikong napapatingin sa kanya ang mga kaklase ko at nagtitilian. Ikaw ba naman makakita ng guwapong nilalang, siguradong laglag panty ang makakakita sa kanya.
Mula sa bagsak niyang buhok, kulay kape na mga mata, matangos na ilong, mapupulang labi, mestisong kulay at magandang pigura ng pangagatawan, tiyak akong magkakagusto ka sa isang tulad niya.
Sinong mag-aakalang isang driver lamang siya. Puwede na nga siyang maging modelo ng mga bigating produkto.
Nagtataka nga lang ako kung bakit wala pang natitipuhan ang aking driver.
“Ma’am alam kong gwapo ako pero huwag niyo naman po ako pagkatitigan baka matunaw ako at mabawasan pa ng magandang nilalang ang mundo. Sa titig mong iyan baka isipin ko na may gusto ko na akin,” pagmamayabang niya.
“FYI, Hindi kita magugustuhan. Heto na naman po tayo sa kayabangan mo, magmaneho ka na nga lang,” natatawang sabi ko.
“Bakit Ma’am? Hindi ka pa ba nakaka move on?” Natahimik na lamang ako sa kaniyang katanungan.
“Hindi ka naman mabiro Ma’am pinapatawa lang kita,” sambit niya.
Napangiti na lang ako sa sinabi niya hindi na ako magtataka kung madaming magkakandarapa sa kanya bukod sa gwapo siya bonus pa na masaya siyang kasama. Masuwerte ako dahil siya ang naging driver ko. Sana ay makahanap siya ng babaeng mamahalin siya ng buong- buo.
Sumilip ako sa bintana at kita ko ang mga nagtatakbuhang tao na naghahanap ng masisilungan, naalala ko tuloy yung batang nakilala ko kanina. Sana ay nasa maayos silang kalagayan.
Napangiti nalang ako nang mapait.
Sa mundong ito kung hindi ka pinagpala at binigyan ng magandang pamumuhay kailangan mong magsikap at ‘wag mawalan ng pag-asang abutin ang mga pangarap. Huwag mong hayaan na tapak tapakan ka ng mga mapanlait na tao.
Nakakalungkot man isipin na nararanasan ito ngayon sa murang edad ng munting paslit na iyon, sana ay maging matatag siya sa lahat ng hamon na kanyang haharapin. Sana ay mabago niya ang kanyang kapalaran.
Masuwerte pa pala ako ngayon kahit na iniisip ko na malas ang buhay ko. Dapat maging masaya na lang ako kung anong meron ako.
“Ma’am Jane, mukhang malalim iniisip mo ahh. Ako ba ‘yan?” Napairap na lang ako sa kanya.
“Pwede ba manong David tigilan mo ko sa pang- iinis mo, bahala ka kay Dad mamaya,” pagbibiro ko sa kanya.
“Woah! Chill lang Ma’am, saka huwag mo nga akong tawaging manong David ang lakas makatanda, nababawasa ang kapogian ko,” sabi niya sabay pout.
Natawa na lang ako sa itsura niya para siyang bata. “Isip bata. Tss,” bulong ko sa aking sarili.
“Ano yun Ma’am pogi ako? Alam ko na yun, pero secret lang ahh baka malaman ng iba dumugin tayo ng babae dito,” sabi niya sabay tawa nang malakas
“Ewan ko sayo. Tsk. Here again the tornado of boastfulness.” Kung hindi lang ako mabait, kanina ko pa inupakan ang isang ‘to.
Ilang sandali lang ay nakarating na kami sa bahay namin or should I say sa mansion namin. Nakita kong naka parada na ang kotse ni Mom at Dad.
“Himala nandito na sila,” sambit ko sa aking sarili.
Madalas kasi silang busy sa trabaho kaya madalang lang sila kung umuwi, si Dad naman bumibisita tuwing Lunes at Sabado, chinicheck kung nag aaral ba ako ng mabuti lalo na at graduating na ako. As if naman na may pake sila. Napabuntong hininga na lang ako.
“Ma’am kinakabahan ako,” bulong sa akin ni David nang makababa na kami ng sasakyan.
“Akong bahala sa ‘yo, huwag kang kabahan para kang bakla. Umayos ka nga para kang hindi lalake.” Natatawa akong pumasok sa mansion.
Pagpasok ko palang ay sinalubong na ako ng mga kasambahay namin. Kinuha nila ang aking mga gamit at binigyan ako ng mainit na kape.
Araw-araw silang ganyan kapag nakauwi na ko galing sa eskuwela kahit na alam nila na hindi ako umiinom ng kape ay nagtitimpla parin sila. Nagsasayang lang sila ng kape. Ninenerbyos kasi agad ako kapag nakakainom ng kape kaya naman iniwasan ko na ang pag-inom nito.
“Ma’am Jane, Iha kanina pa naghihintay ang iyong mga magulang. Naroon sila sa kusina. Puntahan mo na sila at nang makakain na kayo ng dinner,” sambit ni Manang Emelita ang tinuturing kong ikalawang nanay.
“Sige po. Salamat, Nanay Emelita.”
“Kuya David,” tawag ko sa driver ko na kanina pa nangangatog sa kaba.
“Bakit, Ma’am?”
“Oh, heto magkape ka muna para mahimasmasan ka.” Tinalikuran ko siya at umalis na. Alam ko namang nakasunod lamang siya sa aking likuran.
Nagtungo na ko sa kusina at baka lalong magalit ang amang dragon este si Dad.
Pagdating sa kusina ay nakahain na ang hapunan. Nandoon na nga sila Mom at Dad hinihintay ang pagdating ko. Hinanda ko na ang sarili ko sa mangyayaring sermon sa gabing ito.
Humalik ako sa pisngi ni Mom at nagmano kay Dad para magbigay galang sa kanila at saka lamang ako umupo at inayos ang aking sarili.
Wala pa sa kalagitnaan ng aming pagkain ay nagsimula ng magsalita si Dad. Magsisimula na po siya.
“Bakit ka ginabi ng pag uwi? Ugali ba yan ng isang batang katulad mo? Iyan ba ang tinuturo sa paaralan niyo? At ikaw naman David! Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na kailangan bago magdilim ay nakauwi na itong anak ko! Gusto mo bang tanggalin na kita sa trabaho mo!?” galit na sambit ng aking ama.
“Sorry po sir, hindi na po mauulit,” sambit ni David.
“Albert, hayaan mo munang makakain si Heiley. Anak, sige kumain ka lang. Ikaw naman David puwede ka nang maka alis, pagpasensyahan mo na lang ang asawa ko,” mahinahon na sambit ni Mom.
Nginitian ko na lang si Mom para ipakita na ayos lang ako.
“May nakita po kasi akong bata kanina Dad, tinulungan ko lang po,” maikling sagot ko.
“Gumagawa ka pa ng dahilan ngayon. Kailan ka pa natutong magsinungaling. Baka lumalandi ka lang. Letse kang bata ka. Wala kang kuwenta.”
Nararamdaman kong may tutulo na luha sa aking mata pero pinigilan ko iyon para hindi ako mag mukhang mahina.
“Albert! Tama na yan. Tumigil ka na. Nasa harap tayo ng pagkain,” papigil ni Mommy kay Dad.
“Sorry po Dad. Hindi na po mauulit,” mahina kong sambit.
“Siguraduhin mo lang.”
“Akyat na po ako sa kwarto, busog na po ako.” Akmang tatayo na ako ng pigilan ako ni Mom
“Heiley anak.” Nag-aalala siyang tumingin sa akin.
“Hayaan mo siya Heidi!” sigaw ni Dad.
Nginitian ko na lang si Mom para hindi na siya mag-alala. Inalis ko ang pagkakahawak niya sa akin at tinungo ko na ang aking kwarto.
“Albert bakit mo naman pinagalitan ng ganon si Heiley. Malay mo naman nagsasabi siya ng totoo,” dinig kong sabi ni Mom.
“Dapat lang yun sa anak mo.” Huling dinig ko sa usapan nila bago ko isara ang pintuan ng aking kwarto.
Padapa akong humiga sa aking kama at kumuha ng unan na mayayakap. Saka lamang bumuhos ang mga luha na kanina ko pa pinipigilan.
Sa ngayon sarili ko lang ang nakakaalam ang sakit na nararamdaman ko. Walang sino man ang makakaunawa nito kung hindi ako. Sarili ko ang kakampi ko ngayon. Madalas ko na itong nararanasan pero tila hindi pa rin ako nasasanay. Kailangan ko na sigurong sanayin ang sarili ko.
Sa panahon ngayon kung mahina ka talo ka. Kailangan kong tatagan ang loob ko. Pero sa kabilang banda kailangan ko din ng taong masasandalan at makikinig sa mga hinaing ko.
Itutulog ko na lang ito at ibubulong sa kalawakan at baka sakaling may makarinig at dinggin ang hiling ko.
Ako si Heiley Jane Erivans isang dugong bughaw, nangagarap na mahagkan ang kalawakan at maging malaya sa magulong mundo na ito.
At ito ang simula ng aking kwento.