PUNO NG kasiyahan ang clubhouse ng village nila. Ngayon kasi ginaganap ang annual Christmas party ng mga residente doon kaya kahit saan siya lumingon ay ang nagkakasayahang mga kapitbahay niya ang nakikkita niya. Hindi na sana siya pupunta doon pero siguradong sesermunan siya ng Home Owners president nila. Isa pa ay sinundo siya ni Ace kanina, para daw hindi siya maging forever alone. Sa mga nakalipas na araw ay naging mas close sila ni Ace.
He became the best friend she never had. Hindi nito hinahayaang nalulungkot siya at lagi itong gumagawa ng paraan para mapangiti siya. She really appreciated his effort to reach out on her. Kung wala kasi ito, baka hanggang ngayon ay nagmumukmok pa rin siya sa bahay niya habang nakikipag-ulayaw sa mga manuscripts niyang halos lahat ay natengga lang sa chapter five. Hindi niya na kasi alam ang idudugtong sa mga iyon. Idagdag pang wala talaga siya sa mood.
Lumapit sa kanya sina Ree, Carmela, Ella at Jajing. Ilang linggo niya na ring hindi nakikita ang mga ito. Pagkatapos kasi ng nangyari sa tapat ng coffee shop ni Ree dalawang linggo na ang nakakaraan ay hindi na siya naglalalabas pa ng bahay niya. Lagi lang siyang dinadalaw doon ni Ace. Sinisigurado lang daw nito na hindi pa siya nagbibigti.
“Oy, Shanela! Nabuhay ka!” bati sa kanya ni Ree. “Ilang linggo ka ring nag-ala ermetanya, ah!”
“Oo nga,” sengunda ni Carmela. “Nagmukha ka tuloy bangungot. Hindi mo ako gayahin, laging maganda. No wonder, nararamdaman ko na ang nalalapit na pagtatapat ng pag-ibig ni Spade sa `kin. Sa wakas! Luluhod na din ang mga tala!”
“Ilang beses ko ng narinig `yan, Carmela,” nakangising pang-aasar niya dito. “Pero ilang dekada na ang nakakaraan, wala pa ring nangyayari sa inyong dalawa.”
“Uy, masyado ka namang advance mag-isip! Syempre wala pa talagang mangyayari saming dalawa. We want to take things slowly muna. You know? Getting to know each other. Alam mo `yon?”
“Hindi.”
“You look fine to me,” komento ni Jajing. “You look a bit troubled but nevertheless, you’re fine.”
“Sino namang nagsabi sa `yong hindi ako okay?” nakakunot ang noong tanong niya dito.
“Ang mga bituin sa langit.”
“Ewan ko sa `yo.”
“Kidding aside, Shan,” seryosong sambit ni Ella. “Nag-aalala talaga kami sa `yo. Akala namin, naglaglaslas ka na o nagbigti. Kung hindi lang kami ina-assure ni Ace, na siyang tanging taong hinahayaan mong makipag-interact sa `yo, baka giniba na namin `yung bahay mo para mailabas ka namin doon.”
“Mukha ba akong suicidal?” sabay-sabay na tumango ang mga ito. “Mga gaga! Kahit na mukha akong pinagtampuhan ng langit, hindi ako suicidal, `no! Mahal ko pa ang buhay ko kaya imposibleng mag-suicide ako.”
‘That’s the spirit!”
“Amen!”
“Eh, kumusta naman ang puso mo?” tanong ni Ree. “Humihinga pa ba?”
“Siyempre, kaya nga kausap niyo ako ngayon, diba? Kasi humihinga pa ako. Kasi buhay pa ako.”
“Huwag kang pilosopo, Shanela Arquiza! Mas matanda ako sa `yo ng isang linggo, matuto kang gumalang!” biglang kumambiyo ito nang tingnan niya ito ng masama. “Come on, you know what I mean. Hindi bagay sa `yo ang magtanga-tangahan. Henyo tayo, eh.”
“Okay lang ako,” she assured them. “No need to worry about me.”
“Pero kay Rayleigh, worried kami,” hirit nanaman ni Carmela. “Mula kasi nang maging doktrina mo sa buhay ang magpaka-ermitanya, lagi na siyang tulala. Minsan nga, nakita ko siyang medyo nakanganga pa. Hindi ko siya matiis na makitang ganoon kaya lumapit ako sa kanya at sinara ko `yung bibig niya. Diyahe naman kasi kung pasukan ng langaw `yung bibig niya, ang gwapo niya pa naman. Tapos, nung sinara ko `yung bibig niya, tinitigan niya lang ako ng matagal tapos tinanaw niya na uli `yung daan papunta sa bahay mo. Anong drama niyong dalawa?”
“Hindi ko alam sa kanya.”
Bago pa uli makahirit ang mga ito ay lumapit na sa kanila si Ace. She smiled at him, secretly thanking him. Naiilang na kasi siya sa ginagawang pag-usisa ng mga ito sa kanya. Tumango lang ito at hinarap ang mga kaibigan niya. “Pwede ko bang mahiram sandali si Shanela? Yayayain ko lang siyang magsayaw.”
“Sure!” sang-ayon agad ni Ree.
“Salamat!”
Hinawakan siya nito sa kamay at hinila papunta sa dance floor. May mangilan-ngilang nagsasayaw doon kaya hindi na rin siya nahiyang sumayaw. Feel na feel ni Ace ang pagsasayaw kaya nahawa na rin siya dito at hindi nagtagal ay nag-e-enjoy na silang dalawa habang nagsasayaw. Pinaikot siya nito kaya pagkatapos niyang umikot ay halos magkayakap na sila. Naririnig na nila ang panunukso ng mga nanunuod sa kanila. Pero natigil sila sa pagsasayaw nang may tumayo sa harap nilang dalawa. It was Rayleigh.
Kahit labag sa loob niya ay hindi niya mapigilan ang sarili niyang hangaan ito. Sa loob ng dalawang linggo nilang hindi pagkikita, pakiramdam niya ay mas gumwapo pa ito. Mas humaba na ang buhok nito ngayon kaysa ng huli niya itong nakita. Mukha itong fresh na fresh dahil medyo mamasa-masa pa ang buhok nito at naaamoy niya pa ang bango ng shampoo, sabon at aftersave nito. Unfair! Bakit ito ang gwapo-gwapo nito samantalang siya mukhang naglalakad na bangungot?
“Bakit, pare?” tanong dito ni Ace.
“Pwede ko bang mahiram saglit si Shan?” tinitigan siya nito kaya lalo lang nagloko ang utak niyang kanina pang hindi nagpa-function ng maayos. “Shan?”
“Hindi pwede,” sagot ni Ace. “Sumasayaw pa kami.”
“Hindi ikaw ang tinatanong ko,” sagot nitong hindi nililingon si Ace. His stares were solely focused on her.
“S-sumasayaw pa kami ni Ace,” tanggi niya dito kahit na sa totoo lang ay gustong-gusto niya na itong talunin at yakapin ng mahigpit dahil sobrang name-miss niya na talaga ito. “Mamaya nalang.”
“You heard her,” singit ni Ace. “Mamaya nalang, pare.”
Tahimik na lumayo sa kanila si Rayleigh. Siya naman ay asar na inuntog ang ulo sa dibdib ni Ace at umungol sa sobrang frustration. She heard him chuckle.
“Hey, `wag mong panggigilan ang dibdib ko. Hindi `yan lalaban sa `yo.”
“Attention, everyone,” tawag pansin sa kanila ng emcee. “May gustong magbigay ng intermission number sa atin ngayong gabi. He wants to sing for us. Wala ito sa program natin pero okay lang ba iyon sa inyo?”
“Okay na okay!” sagot ng kung sino mula sa audience. “Siguraduhin niya lang na hindi nakakabaog ang boses niya dahil idedemanda ko siya!”
“Anong kaso naman, aber?” pakikisakay dito ng emcee.
“Damage of property.”
Nagtawanan ang mga kapitbahay niya ay maging siya ay natawa na rin. “Huwag kayong mag-alala. Sikat na composer siya kaya sigurado tayong hindi mine trap ang boses niya. Ready na ba kayong makilala siya? Let’s all welcome, Mister Rayleigh Aloro! Palakpakan, mga amigo at amiga!”