Naluluha ako. Pinili kong magpanggap na natutulog sa kwarto. Ini-lock ko ang pintuan para walang nakarinig sa paghikbi ko. Sound proof naman ang mga kwarto rito.
Hindi ko ma-imagine na sa isang iglap ay babalik ang lahat ng aking mga alaala. Bumalik ang galit sa aking puso.
Naiintindihan ko na kung bakit sila takot na takot na magbago ang pakikitungo ko sa kanila kapag nakaaalala na ako. Halos lahat pala sila ay pinaglihiman ako. Ngayon naman ay ayaw nilang magkuwento dahil involved sila sa nangyaring hindi maganda sa akin.
Si Mio, naging kami pero natatandaan ko na nakipaghiwalay ako sa kanya nang nalaman ko na bampira siya.
Napasapo na lang ako sa aking noo. Ngayon na bampira ako, ibig sabihin ay may ginawa ang pamilya ni Mio para mapanatiling buhay ako? Posible kayang namatay ako sa ilang segundo o minuto pero dahil mahal ako ni Mio, binuhay niya ako?
Napapikit ako nang mariin. Si Minari, ang dami niyang sinabi sa akin. Hindi ko na alam kung maniniwala pa ako sa mabubulaklak niyang mga salita. Nagawa niyang itago sila Mom at Dad sa akin.
Napapunas ako ng aking mga luha nang may nag-doorbell. Tiningnan ko muna ang reflection ko sa salamin. Nang mukhang normal naman ako ay pumunta na ako may pintuan para buksan iyon.
Bumungad sa akin si Mio na may dalang mga pagkain. Pilit na ngumiti ako sa kanya. Ayoko pang malaman nila na nakaaalala na ako. Gusto ko munang mag-obserba sa kanila.
"Buti gising ka na. Mas magandang kumain ka muna para magkalakas. Kanina ka pa kasi hindi pa nakakakain kaya dinalhan na kita rito," saad niya.
"Thank you, Mio. Nag-abala ka pa. Hindi pa naman ako nagugutom," wika ko.
Isinarado ko ang pintuan pagkapasok niya. Umupo siya sa harapan ng lamesa. Sumunod na lang ako sa kanya.
Sa totoo lang ay wala akong ganang kumain. Paano ko malulunod ang mga iyan kung may mga pangyayaring hindi ko magustuhan.
"Nga pala, next Monday at kailangan kong bumalik sa office. Mayroon kasing mga bagong investors. Gusto nila kaming ma-meet nila Mom at Dad nang personal. Nagkataon naman na umalis na ang Mom at Dad mo. Walang maiiwan sa iyo rito. Mga bodyguards na lang muna. Babalik agad ako kinabukasan, pangako iyan," ulat ni Mio sa akin.
"Walang problema sa akin. Wala naman sigurong kalaban na pupunta rito. Nandito lang naman ako. Huwag kang mag-alala," pagbibigay assurance ko sa kanya. "O kung gusto mo, isama mo na lang ako papunta roon. Kahit sa sasakyan lang ako o ihatid mo ako kay Minari."
Kumunot ang noo niya. Tanong niya, "Minari na lang ang tawag mo sa kanya?"
"Ate Minari pala. Ang awkward kasi siyang tawaging ate," makahulugang sagot ko sa kanya. "Isang taon lang naman ang pagitan namin sa isa't isa."
"Sabagay, Minari rin ang tawag mo sa kanya noon," saad niya.
Baka makatunog pa siya na may naaalala na ako. Sasarilinin ko muna iyon. Hanggang hindi pa ako nakaiisip ng plano, magpapanggap muna ako.
Sinimulan ko na ang pagkain para mabasag ang usapan namin. Ngumingiti ako kapag napapatingin siya sa akin.
Galit sa akin ang mga bampira. Ako ang dahilan ng mga pagsabog noon sa Vnight Academy. Nagsisi ako sa mga ginawa ko noon. Nakapatay ako ng isang maimpluwensyang bampira noon kaya maraming galit sa akin.
Maraming mga bampira ang naglaho. Tiyak na galit na galit sa akin si Levi at Chelly. Malaking impact sa kanila ang pagkawala ng Mom ni Chelly. Pinagsisisihan ko naman ang nangyari at nakahingi pa ako ng pasensya kung sino man ang naabutan ko bago mawalan ng malay.
Gusto kong makaalis dito para ayusin ang mga nagawa kong pagkakamali. Ako dapat ang isa sa tumulong magkaayos ang mga bampira at tao.