Hemira III 56 - Pag-asa Napatingin sila lahat kay Handro at namilog ang mga mata nila Hemira nang makitang nakahandusay na sa malayo ang katawan ni Mariyam pati na ang iba pang mga Katalonan. Umuusok ang katawan ng mga ito na tila mga napaso. "Mariyam!" sigaw niya at tumayo na kaagad upang puntahan ito nang sumigaw nang malakas si Handro sa galit kaya siya'y napatigil. Bakat na ang ugat sa sentido nito sa sobrang galit. "Akala n'yo ba'y hahayaan kong maganap ang lahat ng inyong nais?!" Tumayo na rin sila Yohan at inalalayan naman ni Marum si Ceres upang makatayo na rin ito nang maayos. Upang maging handa sa mga susunod na pangyayari ay humawak na sa kamay ni Hemira si Eugene at naging espada na ito. "Hindi ko hahayaang mabuhay ang isang traydor na tulad mo Ceres! Kung hindi kita mapak

