Hemira III 30 - Batang Alipin
~Pagbabalik tanaw noong isa pa lamang mandirigma si Hemira sa Gemuria~
Naglalakad lamang si Sueret sa isang pasilyo ng palasyo nang may marinig siyang isang komosyon sa papalikong daan na kanyang madadaanan.
Nang tunguhin niya iyon at siya'y sumilip sa kung ano ang nangyayari sa likod ng papalikong daang iyon ay nakita niya ang tatlong mga mandirigma na nakapalibot sa isa pang mandirigma.
Nakita niyang ang mandirigmang pinalilibutan ng mga ito ay ang babaeng gladyator na iniligtas ng reyna mula sa bayan ng Krikor na nagngangalang Hemira.
Tila may hindi magandang nangyayari sa mga ito.
Nainteresado siya kaya naman hindi siya umalis doon at nanatiling nanonood sa mga ito.
"Ang lakas ng iyong loob na makibilang sa aming mga mandirigma ng Gemuria gayong ika'y isang babae lamang! Ano na lamang ang magiging tingin sa amin ng mga tao kapag nakita nilang ang mahinang nabubuhay na tulad mo ay kabilang sa amin! Magiging maliit din kami sa kanilang paningin dahil sa iyo!" Tinulak ng may katabaang mandirigma si Hemira at napaurong naman ito nang kaunti dahil doon ngunit nanatili itong tahimik at hindi lumalaban.
Nagtaka siya sa inaakto nito dahil nabatid niyang nabigyan ito ng pangalang Croar sa Krikor dahil sa wala raw itong awa kapag namamaslang ng kalaban at balot lagi ng dugo ng mga iyon ngunit ngayo'y tila wala itong kalaban-laban sa mga nang-aapi rito.
Lumapit dito ang isa pang mandirigma na matikas ang katawan. "Bago ako maging mandirigma, napakaraming paghihirap ang aking dinanas upang makapasa at mapabilang sa mga tinitingalang mandirigma ng kaharian ngunit ikaw, bigla ka na lamang sumulpot at mayroon ng titulong mandirigma gayong wala ka namang ginawa upang tamasain iyon! Sabihin mo kung anong mahika ang iyong ginamit upang paikutin ang ulo ng mga nakatataas at hayaan ka nilang maging isang mandirigma rito sa Gemuria! Iyong sabihin!" nanggagalaiting sigaw nito at sinubukan itong kalmahin ng isa pang kasamahan nitong nabatid niyang si Fedor dahil nakasulat ang pangalan nito sa likod ng baluti nito.
Hindi naman ito nagtagumpay na palubagin ang loob ng kasamahan nito dahil kuyom na kuyom pa rin niyon ang mga kamao niyon.
Wala pa ring ni isang salita na lumabas sa mga labi ni Hemira.
Napikon ang matikas na mandirigma dahil doon. "Ano?! Bakit hindi ka umiimik?! Ikaw ba'y walang dila?!" Sa inis nito ay itinulak nito nang malakas si Hemira kaya ito'y napaupo sa sahig.
Nagulumi naman si Fedor sa ginawa ng kanyang kasama rito. "Bakit n'yo siya sinasaktan?! Ang sabi n'yo ay nais n'yo lamang siyang maka-usap!" Susubukan sana niya itong tulungan ngunit pinigilan siya ng may katabaan niyang kasamahan.
"Huwag mong subukang tulungan ang mahinang iyan!"
Napapiksi pa siya sa lakas ng sigaw nito.
"Ngunit..."
"Tandaan mo!" sigaw ng matikas na mandirigma sa nakaupo pa rin sa sahig at nakayukong si Hemira. "Hindi kami makapapayag na mapasama ka sa mga mandirigmang isinusugo ng palasyo upang tumalo sa mga kalabang nais sumakop sa ilang mga bayan dito dahil paniguradong sapagkatalo at pagkamatay lamang ng ibang makakasama mo ang magaganap kapag mangyari iyon!" Dinuduro pa nito ang babaeng mandirigma.
"Tama na iyan... Tayo na at umalis." Inakit na ni Fedor na lisanin nila ng dalawa niyang kasama ang lugar na iyon upang hindi na pagdiskitahan ng mga ito si Hemira.
Ilang sandali nang makaalis na ang mga ito, tumayo na si Hemira mula sa pagkakaupo at nang masilayan ni Sueret ang mga mata nito ay walang mababakas na kahit anong emosyon mula roon. Walang buhay ang tingin nito.
Naglakad ito patungo sa kanyang direksyon.
Nang lumiko na ito at siya'y madaanan...
"Batid kong malakas ka at kayang-kaya mong gapihin ang mga mandirigmang iyon na nang-api sa iyo ngunit bakit hindi mo ginawa? Maaari mo ring ipakita kung gaano ka kalakas upang tigilan ka na nila ngunit ano ang pumigil sa iyo na gawin iyon?" tanong niya rito kaya napatigil ito sa paglalakad.
Tumingin ito sa kanya at humarap nang maayos.
Kaseryosohan lamang ang mababakas sa mga mata nito. "Iniligtas ako ng reyna upang bigyan ng kapayapaan ang aking buhay at sa paraang ito ay batid kong makakamtan ko iyon."
"Kaya ba umaakto ka na tila isang mahina at walang kakayahan sa laban upang sa ganoon ay hindi ka makakuha ng atensyon dito sa palasyo?" tanong niya.
Tumango naman ito.
"Ngunit sayang naman ang iyong taglay na lakas kung wala ka nang balak gamitin iyan," wika niya.
"Hindi ito masasayang ginoo sapagkat gagamitin ko ito upang protektahan ang reyna at hari pati ang kanilang prinsesa bilang kabayaran sa pagliligtas ng reyna sa aking buhay. Pati na sa iyo ginoo... Hindi ako madadamay sa kahit na anong gulo laban sa ibang mga mandirigma dahil hindi ko nais maging sakit sa iyong ulo." mahabang wika nito na seryoso ngunit napatawa naman siya sa pagkaaliw sa sinabi nito.
Ang tawa niya lamang ang maririnig sa tahimik na pasilyong iyon.
"Nakaaaliw kang bata ka. Ngayon na lamang ako naaaliw muli nang ganito simula nang lumaki na si haring Herman." Pinunasan niya pa ang kanyang mga mata dahil sa pagkaluha sa kakatawa.
"Mali po ba ang aking mga sinabi?" nalilitong tanong nito.
Umiling-iling siya. "Hindi. Tama iyon. Natutuwa lamang ako dahil ginagamit mo ang iyong isip kaysa ipakita ang iyong kakayahan. Tunay ka ngang malakas."
Unti-unting nabura ang kaseryoshan sa mukha nito at halatang nahiya dahil sa kanyang puri.
Ngayon niya lamang nakita ang ganoong reaksyon nito simula nang manirahan na ito sa Gemuria.
"Salamat ginoo. Natutunan ko lamang simula nang tumapak na ako rito sa Gemuria na hindi mahalaga kung ang huling suntok o sipa ay katawan ko ang magkamit. Tapakan man ako at maliitin ay wala na sa akin dahil may mas mahahalaga pang bagay na aking isinasaalang-alang kaysa sa magiging tingin sa akin nang marami."
Napangiti si Sueret nang maalala ang pangyayaring iyon tungkol kay Hemira.
Nasa bulkanahe lamang siya ng pasilyo ng palasyo at nakatanaw sa labas na kanilang nasasakupan.
Batid niya na hindi lamang hasa ang katawan nito sa pakikipaglaban kundi pati ang isip din nito.
"Kamusta na kaya ang batang iyon sa kontinente ng Notos? Hindi man ipinapahalata ng hari ngunit batid kong nag-aalala siya sa bawat araw ng paglalakbay ng anak niyang prinsesa pati ng mga kaibigan nito. Pati na ang reyna, siguradong ganoon din ang nararamdaman." kausap niya sa kanyang sarili.
Naramdaman niyang may tao na kalalapit lamang sa kanyang gilid kaya napatingin siya roon.
Nakita niyang ang bagong heneral iyon na si Abun at nakayuko ito sa kanya.
"Heneral Abun, bakit ikaw ay naririto? Kababalik n'yo pa lamang ba mula sa paghahanap kay prinsesa Ceres?" tanong niya rito.
"Opo ginoong Sueret." magalang na sagot nito.
"Kung gayo'y may maganda ka bang balita na naiuwi mula sa inyong paghahanap?" Nais niya na ito'y umoo ngunit pag-iling ang naging sagot nito.
"Patawad ginoo ngunit hindi pa rin namin nakikita si prinsesa Ceres. Miski maliliit na bagay o impormasyon na makapagtuturo kung nasaan na siya ay hindi pa rin namin batid."
Nadismaya man siya'y ngumiti pa rin siya at tinapik-tapik nang marahan ang balikat nito. "Ayos lamang iyan Abun. Paniguradong mahahanap n'yo rin siya. May tiwala sa inyo ang hari at ganoon din ako kaya batid kong mahahanap n'yo rin ang prinsesa."
"Maraming salamat sa inyong tiwala ngunit ginoo, may nais lamang akong itanong..." Inangat na nito ang tingin sa kanya.
Tumango-tango siya. "Sige at iyong sabihin."
"Tama ba ang aking narinig sa inyo kanina? Na nasa kontinente ng Notos sila Hemira pati ang kanyang mga kaibigan? Bakit po sila nagtungo roon?" Puno ng pagtatanong ang mga mata nito.
Hindi naman kaagad siya nakaimik dahil narinig pala nito ang sinabi niya kanina.
"Ginoo..." untag nito sa kanya.
Napahinga na lamang siya nang malalim. "Oo, sila nga ay naroroon simula pa noong nag-amok ang liomean nilang kaibigan dito sa palasyo. Hindi ko na babanggitin pa ang dahilan ng kanilang pagpunta roon dahil hindi mo naman kailangan pang malaman iyon."
Nangunot ang noo nito. "Ngunit bakit hinayaan sila ng hari lalo na si Hemira na magtungo sa ganoong kadelikadong lugar?" Labis ang hindi pagsang-ayon nito.
"Abun, batid ko ang damdamin mo para kay Hemira ngunit may responsibilidad na nakaatang sa iyo." seryoso na niyang saad. "Mas magandang ituon mo ang atensyon mo sa iyong misyon na paghahanap kay prinsesa Ceres kaysa magulo ang isipan mo tungkol kina Hemira. Huwag ka na ring mag-alala dahil paniguradong mapagtatagumpayan nila ang kanilang pakay sa kontinenteng iyon." Tinapik-tapik niyang muli ang balikat nito.
Kahit na napipilitan ay tumango ito. "Sige po ginoo."
Lumawak ang kanyang ngiti upang alisin ang mabigat na atmospera sa kanila. "Maiba tayo, saan ang inyong sunod na tungo sa paghahanap kay prinsesa Ceres?"
Ilang sandali rin itong nag-isip bago tumingin nang deretso sa kanya. "Sa kontinente ng Notos."
~Sa Taberna sa Notos~
"SINO?!" Nanggagalaiti ang mahadlika habang nakatingin kina Yohan at Eugene at hinahanap sa kanilang dalawa kung sino ba sa kanila ang sinasabi nitong humahadlang sa pagpayag ni Hemira na maging asawa nito.
Inalis na ni Yohan ang pagkakahawak niya sa nasaktan niyang mukha at magsasalita na sana...
"Ako..," sabi ni Eugene.
Napatingin naman sa kanya si Yohan pati na ang mahadlika.
Umupo na siya mula sa pagkakahiga at pinunasan ang dugo sa gilid ng kanyang labi. Seryosong tiningnan niya ang lalaking mahadlika.
Tila nabuhay ang kakambal niyang si Euvan dahil sa labis na kaseryosohan sa kanyang mukha.
"Ikaw?!" Napikon lalo ang mahadlika at hinawakan ang kanyang kuwelyo saka siya'y itinayo.
Seryosong-seryoso pa rin ang kanyang tingin dito ngunit ibinaling niya iyon kay Hemira na nakaupo na rin at nakatingin sa kanya. "Hemira... Naiintindihan ko kung ano ang nais mong iwasan na maganap sa atin. Para iyon sa kapakanan nila Serafina kaya naman susundin ko iyon sapagkat batid ko na ito ang pinakatamang paraan." Ngumiti na siya rito.
"Eugene..." sambit ni Hemira sa kanyang pangalan.
"Anong iyong pinagsasasabi?!" Isang malakas na suntok sa kanyang mukha ang natanggap niya mula sa mahadlika ngunit hindi nito binitiwan ang kanyang kuwelyo.
Napadura ng dugo si Eugene ngunit nang iangat niyang muli ang kanyang tingin sa mahadlika ay seryosong tingin muli ang ipinukol niya rito. Na tila ba wala sa kanya ang suntok na natamo niya mula rito.
Ang pagkapikon nito ay lalo pang nadagdagan.
Isang suntok pa ang pinalasap nito sa kanya at sumunod pa ang isa. Patuloy siyang pinagsusuntok nito na tila hindi ito napapagod nang may biglang humawak sa braso nito kaya napatigil ito sa ginagawa sa kanya. Nabitawan na siya nito dahil doon kaya siya'y napahiga nang muli sa sahig.
Napatingin ang mahadlika sa pumigil na iyon sa kanya at si Hemira iyon.
Nang magtama ang kanilang tingin ay nanuot sa kalooban ng kanyang sapagkatao ang napakalamig na tingin nito.
"Sumosobra ka na." Mas malamig pa ang tinig nito sa titig na nakatuon sa kanya.
Nakatulala lamang siya rito nang ilang sandali dahil pakiramdam niya ay hindi niya maigalaw ang kanyang katawan. Na tila siya'y naparalisa dahil sa isang matinding damdamin. Batid niya na iyon ay takot.
Isang matalim na tingin din ang naramdaman niyang nakapukol sa kanya at nang bumaling siya kung sino iyon ay si Yohan iyon.
Nakaupo lamang ito at seryoso ring nakatingin sa kanya ngunit batid niya sa isipan nito na paulit-ulit na siya nitong pinapaslang doon.
Subalit may mga lalaking lumapit dito na kanyang mga kasamahan pati na sa nakahawak sa kanyang braso na si Hemira. Mayroong hawak ang mga itong bakal na pamalo at iyon ang ginamit ng mga ito upang hampasin ang dalawa sa likod ng mga ito.
Napadapa si Yohan sa lakas niyon ngunit hindi agad naapektuhan ng hampas na iyon si Hemira.
Mahigpit pa rin ang pagkakahawak nito sa kanyang braso at hindi rin naalis ang seryosong titig nito sa kanya.
Dahil doon ay pinaghahampas muli ito nang ilan pang beses na sobrang lalakas ng kanyang kasamahan ngunit hindi man lamang ito lumingon sa nanghahampas dito upang pigilan ito.
Sa kanya pa rin ito nakatingin at hindi siya makakilos ni alisin ang tingin niya rito upang makaalis sa makamandag na titig nitong iyon.
"H-hemira..." tawag dito ng dalawang kaibigan nito na patuloy ring pinaghahampas ng kanyang mga kasamahan.
Isa pang napakalakas na hampas dito ay mayroon nang tumulong dugo mula sa gilid ng bibig nito.
Napabitaw na ito sa kanya at napadapa ng higa sa sahig sa mga pinsalang natamo.
Doon ay pinalibutan na ito ng iba pang mga lalaki at pinaghahampas, pinagsisipa at kung anu-ano pang pambubugbog ang natanggap nito.
Ang mga tao naman sa paligid ay walang ginagawa upang tulungan ang tatlo. Ang iba ay kunukutya pa ang mga ito sa pagiging mahina ng mga ito dahil hindi lumalaban.
Pinagkaisahan na sila ng mga kasamahan ng mahadlika ngunit iisa lamang ang nababakas sa kanilang mukha. Hindi pagdaing, galit o pagmamakaawa kundi kaseryosohan lamang. Madidilim din ang kanilang mga mukha.
"Ginoo, ayos lamang po ba kayo?" tanong ng isa sa mga lalaking iyon sa lalaking mahadlika na tuliro pa rin.
Doon ay napabalik na ito sa sarili nito.
Tiningnan niya ang kanyang brasong hinawakan ni Hemira kanina at nanlaki nang kaunti ang kanyang mga mata nang makita na nag kulay lila na ang bakas ng pagkahawak nito roon.
Unti-unting kumunot ang kanyang noo at bumakas sa gilid niyon ang ugat doon sa pagtatagis ng kanyang mga ngipin dahil sa galit.
Tumingin muli siya sa tatlo na walang tigil na pinaghahampas ng kanyang mga kasamahan.
Sisigaw pa lamang sana siya upang iutos na huwag tigilan ang mga ito hanggang sa malagutan ng hininga nang mayroong pumasok sa tabernang iyon.
"Ano ang nangyayari rito?" tanong ng taong iyon na nakasuot ng makapal na damit upang panlaban sa lamig at suot di'y naglalakihang mga alahas kumpara sa suot niya. Nagkakalansingan pa ang mga iyon sa katawan nitong bilugan.
May kasama rin itong ilang mga lalaki na mayroong mga kadena sa paa at nakakabit doon ang malalaking bilog na bakal upang hindi makatakas ang mga ito.
Isa ring batang babae ang nakasunod dito at mayroon itong malaking posas na nakakabit sa leeg nito.
Ito'y mga alipin nito.
Tumingin ito sa tatlong tao na tinigilan na ng paghampas ng kanyang mga kasama dahil sa pagpasok nito at tila naasiwa naman ito nang makitang duguan na ang mga ito.
"Ganito ba dapat ang lagi kong aabutan kapag ikaw ay makikipagpulong sa akin Matsing? Kahit saang lugar mo ako kitain ay ganitong eksena ang aking laging inaabutan." Nabakas na ang pagkainis sa mukha nito.
Nanlaki naman ang mga mata ng mahadlika ngunit pagka ay ngumiti nang malawak upang aluin ito. "Paumanhin Leon. Hindi lamang talaga nauubusan ng mga taong pangahas ang kontinenteng ito. Huwag kang mag-alala. Sa susunod ay hindi ka na makasasaksi nang ganito."
"Dapat lamang! Sayang ang mga iyan! Kung hindi mo pinalumpo ang mga iyan ay maaari pang pakinabangan!" sigaw nito at dinuro pa ang tatlong dayuhan na nakahandusay sa sahig.
Lalo naman siyang napangiti. "Kung nais mo ay isasama ko sila sa aking ibebenta sa iyo. Lalo na ang binibini sa kanila! Labis-labis ang kagandahang kanyang tinataglay! Pangahas nga lamang ngunit siguradong malaki ang iyong kikitain kung siya ay ibebenta mo bilang tagapagbigay ng aliw!" natutuwa niyang suhestiyon.
Itinaas naman nito ang isang kilay nito. "Teritoryo na ni Lobo ang gusto mong himasukin. Ano lamang ba ang mga bagay na tinatanggap ko mula sa iyo? Iyon ay ang mga pagkain, bagay at tubig na iyong nalilikom mula sa mga hampas lupa rito sa Notos. Ang pagbebenta sa akin ng mga tao upang gawing mga alipin o tagapag-aliw ay kay Lobo ko ibinigay na gawain!"
Nawala naman ang kanyang ngiti at nakuyom niya ang kanyang mga kamao dahil sa pamamahiya nito sa kanya sa mga taong nasa paligid subalit pinilit niyang gamitin ang kanyang katiting na pasensya at ibinalik ang kanyang ngiti. "Kung gayon ay kalimutan mo na lamang ang aking sinabi at pag-usapan na natin ang mga bagay na aking nalikom na ibebenta ko muli sa iyo."
Gusot pa rin ang ekspresyon nito nang daanan siya at naglakad na papunta sa hagdan kasunod ang mga alipin nito upang tunguhin ang silid kung saan sila magpupulong na dalawa.
Ang batang babaeng alipin naman nito ay nakalingong likod sa tatlong dayuhang pinagmalupitan niya at napansin naman ito ng may-ari nito.
"Ikaw! Punasan mo ang bawat baitang ng hagdan na aking aapakan upang magkapakinabang ka naman!" sigaw nito sa batang alipin na kaagad naman nitong ginawa hanggang sa makapanhik na ang mga ito.
Kuyom na kuyom ng mahadlika ang kanyang mga kamao sa panggigitil kay Leon na namahiya sa kanya at ibinaling niya ang gitil na iyon sa kanyang mga kasamahan na nasa puwesto nila Hemira.
"Ano pa ang inyong tinutunganga riyan?! Itapon n'yo na sa labas ang mga basurang iyan!" malakas na sigaw niya na halos maputol ang kanyang litid.
"Opo!" sagot ng mga ito at hinila palabas ang bugbog na katawan nila Hemira saka malakas na inihagis sila sa labas na puro buhangin.
*—-***—-*
Tapos na ang pag-uusap ng mahadlika at ni Leon at lumabas na ang huli kasunod ang mga alipin nito.
Ang daming mga bagay na inilagay sa karwahe na kanilang dala ng mga alipin. Iyon ang mga ibinenta sa kanilang may-ari ng lalaking mahadlika.
Ngising-ngisi namang umalis sakay ng kabayo ang tinatawag nilang Matsing na mahadlika bitbit ang ilang sako ng ginto na nakuha nito mula sa pagbebenta kay Leon.
Nauuna na ito sa kanila na lisanin ang lugar na iyon.
"Bilisan ninyo at ingatan ninyo ang mga iyan lalo na ang mga pagkain! Kapag may makita akong magnakaw sa inyo miski kapiraso ng kahit anong pagkain diyan ay isandaang latigo ang ihahampas ko sa inyong katawan pagkauwi natin sa Krikor!" sigaw ni Leon sa kanyang mga alipin at sumakay na sa kanyang kabayo.
Nang matapos na sila ay lilisanin na rin nila ang taberna nang madaanan nila ang katawan nila Hemira. Nakadapa ang mga ito sa buhanginan at walang mga malay.
"Pweh!" pagdura ni Leon kina Hemira. "Mga mahihina! Ang mga katulad n'yo rito sa kontinenteng ito ay hindi mabubuhay! Kung si Lobo lamang ang nasalubong ninyo sa inyong paglalakbay at hindi ang baliw na matsing na iyon, nagkaroon pa sana kayo ng pakinabang sa akin." pang-iinsulto niya sa mga ito.
"Tayo na bago pa tuluyang masira ang aking gabi!" sigaw niya sa kanyang mga alipin at nagsimula na nilang lisanin ang lugar na iyon ngunit ang batang babaeng alipin ay hindi umalis kaagad. Napansin nito ang paggalaw ni Hemira at pilit nitong pagbangon ng upo.
Pasikreto niyang nilapitan ito at tinilungan itong makaupo nang maayos.
May kinuha siya sa kanyang bulsa na isang bote na naglalaman ng berdeng likido at ipinainom iyon dito.
~Hemira~
Naramdaman ko na ang pagbalik ng aking malay.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata ngunit isa lamang ang naimulat ko dahil paniguradong bugbog ang isa kaya hindi ko magawang buksan.
Napadaing pa ako sa sakit ng aking katawan ngunit hindi ako maaaring magpadaig sa mga pinsalang ito dahil kailangan kami nila Serafina.
Ngunit sila Yohan at Eugene... Siguradong malubhang pinsala ang kanilang tinamo. Batid kong may nabibiling lunas sa Panuluyang ito at iyon ang ibibigay ko sa kanila. Dapat na kaagad silanv makainom niyon.
Nang maisip ko iyon ay pinilit kong makaupo kahit na napakasakit ng aking katawan. Hindi ko inaasahan na may tutulong sa akin kaya napatingin ako sa taong iyon at isang batang babae iyon. Pinainom niya kaagad sa akin ang isang likido.
Mapait iyon ngunit dahil sa pagkauhaw ko ay tiniis ko ang pait at nilagok ko iyon.
Nakangiti siya na halatang natutuwa.
"S-sino ka bini? A-ano rin ang ipinainom mo sa akin?" tanong ko.
"Isang lunas ang ipinainom ko sa iyo, binibini. Ilang oras din bago iyan umepekto ngunit maaari na nitong ibalik ang buo mong lakas." sagot niya.
Napansin ko ang malaking bakal na nakakabit sa kanyang leeg.
Siya'y isang alipin.
Alam niyang napansin ko iyon at namasa-masa ang kanyang mga mata ngunit kaagad niyang pinunasan iyon saka may kinuha sa kanyang bulsa.
Dalawang bote iyon na naglalaman ng berdeng likido.
"Binibini, ipapainom ko rin ang mga lunas na ito sa iyong mga kasamahan upang maghilom din ang kanilang mga sugat." Agad siyang umalis sa aking tabi upang paniguradong puntahan sina Yohan at painumin ang mga ito ng lunas.
"Ninakaw ko lamang ang mga ito sa nagmamay-ari sa akin upang kapag pinagmamalupitan niya ako ay magagawa kong lunasan ang aking sarili. Marami siya niyan ngunit hindi ko batid kung para saan niya ginagamit ang mga iyan gayong napakasama naman niyang tao." pagkukuwento niya at nang tapos niya nang painumin ng lunas sila Eugene ay bumalik siya sa aking tabi.
"Maraming salamat..." Mahina ang aking tinig ngunit batid ko na naabot iyon ng kanyang pandinig. Dahil sa tulong niya ay malulunasan na kaagad sila Yohan.
"Walang anuman binibini." Nakangiti niyang saad. "Sige at babalik na ako sa aking may-ari. Baka mapansin niya na ako'y nawawala at isipin pang ako'y tumakas gayong hindi ko naman iyon magagawa dahil sa bagay na nilagay niyang ito sa aking leeg." Itinuro niya ang bakal na nakakabit sa kanyang leeg. "Ayoko nang malitigo pang muli." Ngumiti muli siya ngunit pagkamiserable naman ang mababakas sa kanyang mga mata.
Siya'y tumayo na at naglakad na paalis.
Nais kong tumayo ngunit namamanhid ang aking katawan. "S-sandali..." Gustong-gusto ko siyang pigilan.
Napatigil siya sa paglalakad at siya'y lumingon.
Hindi ko inaasahan na makitang siya'y lumuluha na nang labis. "B-binibini, tandaan mo ang aking mukha. Kung sakaling magtagpo muli ang landas nating dalawa, sana'y iligtas mo ako sa napakalupit na kalagayan ko ngayon..." Puno ng luha ang kanyang mga mata.
"A-ano ang iyong... pangalan?" tanong ko ngunit nanlalabo na ang aking paningin. Umiikot din iyon at ako'y nahihilo na.
"Ang aking pangalan ay Maybel. Huwag mo akong kalilimutan binibini... Pakiusap..."
Doon ay tuluyan na akong tinakasan ng aking malay at ang mga sumunod pang nangyari ay hindi ko na nabatid pa.
Preview for the next few chapters...
Magpapatuloy nang maglakbay sila Hemira matapos ang hindi kanais-nais na nangyari sa kanila sa tabernang kanila sanang tutuluyan nang makasalubong sila ng dalawang lalaking nagpapainom ng kabayo ng mga ito sa isang lugar na tinatawag na Bukal.
"Mayroon daw mga bagong bihag sa na dadalhin sa Krikor!"
"Mga tagapag aliw ba?"
"Oo! Ang isa ay diwata ng karikitan at ang isa ay isang Asas na pinakahuli na sa kanyang lahi!"
"Totoo ba ang iyong sinabi?! Kung gayon ay kailangan nating magmadali upang tayo ang makabili sa kanila!"
"Kaya nga kahit na gagastos ako nang malaki ay gagamitin ko ang Gintong daan upang makarating kaagad ako ng Krikor!" pag-uusap ng dalawa.
"Saan ang inyong binanggit na gintong daan?" tanong ng madilim ang mukhang si Hemira sa dalawa.
Mapapatingin ang mga ito sa kanya. "Sino ka naman upang makisali sa aming usapan?" masungit na tanong ng isa.
Nang magtama ang tingin nila ni Hemira ay nahilakbot ang kanilang mga katawan dahil mga mata ng dragon ang nasilayan nila roon.
"SABIHIN NINYO KUNG SAAN?!"