Hemira III 9 - Mabubuklat na Lihim
Ilang araw ang lumipas...
Napagpasyahan ni Ceres na lumabas mula sa kanyang silid kahit na madilim na ang paligid dahil gabi na ng mga oras na iyon.
Naisip niyang lumabas nang ganoong oras upang walang makabatid ng kanyang pag-alis sa kanyang silid.
Papatok-patok ang kawal na nagbabantay sa labas ng kanyang pinto kaya naman nakaraan siya nang hindi nito napapansin.
Ilang araw na siyang nagkukulong sa loob ng kanyang kuwarto at sinasabing hindi lamang maganda ang kanyang pakiramdam upang hindi niya maharap ang kanyang amang hari at reyna.
May pinapapunta ang mga itong manggagamot para sa kanya ngunit sinabihan niya iyon na sabihin sa dalawa na tunay na masama ang kanyang pakiramdam.
Ginagawa niya iyon dahil batid niya kung ano ang pakay ng mga ito... Ang sabihin sa kanya ang katotohanang hindi siya ang tunay na anak ng mga ito ngunit ayaw niya iyong marinig mula sa labi ng dalawang taong kinagisnan niyang kanyang mga magulang. Napakasakit niyon kung iisipin.
Tulala lamang siyang naglalakad sa pasilyo ng palasyo at nakabibinging katahimikan ang nababalot sa buong lugar ngunit para sa kanya ay nagbibigay ng kapayapaan ang katahimikang iyon.
Nang mapansin niya na ang tungo na ng kanyang mga paa ay papunta sa silid ng kanyang inang reyna ay napatigil siya.
Nais niya itong puntahan at mahimbing sa tabi nito dahil siguradong makahahanap siya ng tunay na kapayapaan sa mapagmahal nitong mga yakap ngunit natatakot siya na sabihin na nito sa kanya ang totoo.
Nakatingin lamang siya sa dalawang kawal na nakatayo sa tabi ng pinto ng isang silid. Silid iyon ni Devora.
Hindi na niya napigilan ang pagkawala ng luha mula sa kanyang mga mata.
Naglandas iyon sa kanyang pisngi at pumatak sa makintab na sahig ng pasilyong iyon.
Si ina lamang ang aking nasasandayan at nalalapitan kapag nakararanas ako ng labis na kalungkutan ngunit ngayo'y isa na rin siya sa dahilan ng pagkirot ng aking dibdib... Ano na ang aking gagawin ngayon? Sino na ang aking malalapitan? tanong niya sa kanyang isipan.
Napapikit siya nang mariin at napagdesisyunang umalis na roon bago pa siya mapansin ng dalawang kawal.
Ipipihit na sana niya ang kanyang katawan paalis nang biglang umingit ang isang pinto.
Napatingin muli siya sa silid ng reyna at nakita niyang lumabas ito roon. Hindi ito nakasuot ng magara nitong kasuotan kundi mahabang pangtulog lamang.
Yumuko kaagad dito ang dalawang kawal.
"Mayroon po bang problema, kamahalan?" tanong ng isang kawal dito.
Agad siyang nagtago sa gilid ng isang pader nang batid niyang titingin ito sa kanyang pwesto.
Sinilip niya ang mga ito ilang sandali ang kanyang pinalipas.
"Wala naman. Lumabas lamang ako dahil mayroon akong pupuntahan." narinig niyang wika nito.
Nangunot ang kanyang noo.
Saan naman kaya pupunta si ina sa ganitong oras? Suot niya rin lamang ay kanyang pangtulog... sabi niya sa kanyang isipan na puno ng pagtataka.
Nagsindi ng sulo na nasa pader ang isang kawal upang magkaroon sila ng liwanag.
"Ipagpaumanhin n'yo po ngunit saan ang inyong tungo, mahal na reyna?" tanong ng kawal na iyon.
Nakita niya ang pagngiti nito at nakikita niya ang pagkasabik sa mga mata nito.
"Ako'y pupunta sa silid ng aking prinsesa. Nais ko siyang makatabi sa pagtulog ngayong gabi."
Kumabog naman ang kanyang dibdib nang kaunti at tila nasidlan ng kasiyahan ang kanyang puso sa narinig niya mula rito.
Naisip niya na sa labis na pag-aalala nito para sa kanya ay ito na ang magtutungo sa kanyang silid upang siya'y samahan na ngayon lamang nito gagawin.
Unti-unti na siyang napangiti ngunit nang iba ang tatahakin nitong direksyon...
"Mahal na reyna, hindi po riyan ang patungong silid ni prinsesa Ceres." pigil dito ng kawal na kausap nito.
Napatigil naman ito at tumingin sa kawal na iyon. "Batid ko iyon ngunit sa silid ako ni Hemira pupunta." Isang ngiti pa ang gumuhit sa mga labi nito.
Unti-unting nawala ang ngiti sa kanyang mga labi at tila mayroong isang hindi nakikitang napakatulis na palaso ang tumarak sa kanyang dibdib dahil sa kanyang narinig.
Natulala siya at para bang hindi na gumagana ang kanyang isipan habang nakatingin lamang sa papaalis na babaeng kinagisnan niyang kanyang ina kasunod ng dalawang kawal nito.
Nang mawala na ito sa kanyang paningin ay nawalan na lamang bigla ng lakas ang kanyang mga tuhod kaya siya'y napaupo at nakatingin lamang sa kawalan.
Nagpatakan ang kanyang mga luha ngunit agad niya iyong pinunasan gamit ang likod ng kanyan kamay at tumikhim nang kaunti upang alisin ang nakabara sa kanyang lalamunan. Mga emosyon iyon na pilit niyang pinipigilang kumawala.
Sinubukan niya ring tiwasayin ang kanyang nasasaktang damdamin at nilakasan ang kanyang loob ngunit nang sumaging muli sa kanyang isipan ang ngiti ni Devora nang sabihin nito sa kawal na sa silid ni Hemira ito magtutungo, napahigpit ang kapit niya sa kanyang mahabang kasuotan saka roon ay napaluha na siya nang tuluyan.
Kinagat niya ang kanyang labi upang pigilan ang malakas na paghikbing kanyang magagawa.
Kailanma'y hindi nagtungo sa aking silid si ina upang ako'y samahan. Ako ang laging nagpupunta sa kanya ngunit ngayon... Para kay Hemira... Tila nag-uunahan ang kanyang mga luha at isang impit na hikbi ang kanyang napakawalan.
Agad niya namang tinakpan ang kanyang bibig upang hindi na siya makagawa pa ng ingay at patuloy siyang lumuha roon dahil sa labis na pait na kanyang nararamdaman.
~Hemira~
Nagising ako nang mayroon akong marinig na mga mahinang sapagkatok sa aking pinto.
"Hemira... Anak. Ako ito, ang iyong ina," wika ng taong iyon na kumakatok kaya naman agad akong napabalikwas ng aking bangon at bumaba sa aking higaan.
Muntik pa akong matalapid dahil sa mahabang kasuotan na aking suot. Ito'y aking pangtulog at hindi pa rin ako sanay na suot ang ganitong kahabang kasuotan sa aking paghimbing.
Nagmamadali ko nang binuksan ang pinto at bumungad kaagad sa akin si reyna Devora na akmang kakatok muli.
Napatingin ako sa kanyang kasuotan at siya'y nakapangtulog lamang katulad ng akin. Puting-puti iyon at walang bahid ng kahit anong dungis.
May dalawang kawal din siyang kasama.
Nais ko mang magtanong kung ano ang kanyang pakay ngunit hinintay ko na lamang ang kanyang sasabihin.
Isang ngiting mapagpaumanhin ang aking nasilayan sa kanya. "Paumanhin anak ko kung ginising kita mula sa iyong paghimbing. May pakay lamang ako sa iyo kaya ako naririto ngayong ganitong oras ng gabi," aniya.
"Ayos lamang po... ngunit ano po iyon?" nagtataka kong tanong.
Ngumiti lamang siya na tila nasasabik at hinawakan ako sa aking braso saka siya pumasok dito sa loob ng aking silid.
May nagsara na ng pinto mula sa labas at mukhang ang kawal na kasama niya ang nagsara niyon.
Hinila niya ako nang marahan papunta sa aking malambot na higaan at naupo siya sa gilid niyon.
Nakatingin lamang ako sa kanya nang may pagkalito sa kanyang inaakto.
"Ang aking pakay ay makatabi ka sa pagtulog ngayong gabi. Nais kong mahimbing sa tabi ng aking prinsesa, maaari ba?" nakangiti niyang wika na nagpamilog naman sa aking mga mata.
"P-po?! N-ngunit mahal na reyna... Ako'y isa lamang—"
Bigla siyang tumayo at tinakpan ang aking bibig kaya ako'y napatigil.
Nabakas sa kanya na tila siya ay nagtatampo. "Hemira, ayokong ang tawag mo pa rin sa akin ay mahal na reyna. Nais ko ay ina na ang itawag mo sa akin at ama naman kay Herman sapagkat iyon naman ang nararapat at isa pa, nakalilimutan mo na namang muli na ika'y aming prinsesa kaya naman ang paghiling ko sa iyo na makatabi ka sa pagtulog ay ayos lamang. Walang magpaparusa sa iyo kung ika'y papayag." Nakikiusap ang tingin niya sa akin kaya naman wala akong nagawa kundi ang tumango.
Inalis niya na ang kanyang kamay sa aking bibig at siya'y ngumiti na. "Halika na at tayo'y mahiga na." aya niya sa akin at siya'y humiga na sa malambot na higaan.
Nag-iwan siya ng espasyo para sa akin.
Ramdam na ramdam ko na nais niya talaga akong makatabi sa pagtulog kaya naman inalis ko na ang aking pag-aalinlangan at humiga na rin ako sa kanyang tabi.
Malaki ang aking higaan at kakasya roon ang hanggang apat na katao kaya naman mayroong espasyo sa gitna naming dalawa.
Nakaharap lamang ako sa kisame at kumakabog ang aking dibdib.
Hindi ko inakala kailanman na makakatabi ko ang reyna sa iisang higaan.
"Ang layo mo sa akin, Hemira..," sabi niya kaya napabaling ako ng tingin sa kanya.
Nakatagilid siya nang higa at nakatingin sa akin.
"P-po?"
Ngumiti lamang siya at siya na ang umusog palapit sa akin.
Hinawakan niya ang aking braso at ako'y pinatagilid din paharap sa kanya. "Nararamdaman ko na hindi ka kumportable na ako'y katabi mo ngayon ngunit nais talaga kitang makasama upang mabawi ko naman kahit papaano ang napakahabang panahon na ipinagkait sa ating dalawa."
Napansin ko na namamasa ang kanyang mga mata at tila siya'y naluluha.
Hinaplos niya ang aking buhok nang marahan at may pagsuyo.
Nakagagaan iyon sa aking pakiramdam at tila kinakalma niyon ang hindi ko mapakaling damdamin.
Nakatitig lamang ako sa kanya at napatingin din siya sa aking mga mata.
"Napakaganda talaga ng inyong mga mata ni Herman. Kahit ilang beses ko iyang matitigan ay hinding-hindi ako magsasawa sa taglay niyang kagandahan..." aniya at hinawakan ang aking pisngi.
Napangiti ako nang sinsero ngunit dumaan na lamang bigla sa aking isipan ang lahat-lahat ng aking pinagdaanan simula aking pagkabata.
Ang lahat ng sakit at aking pagiging miserable sa ilalim ng kung kani-kaninong mga kamay.
Ang pilit kong pakikipaglaban para sa aking buhay at ang pait ng pagkawala ng marami sa aking mga minamahal at pinahahalagahan...
Lahat ng iyon na aking ipinagkatago-tago sa likod ng aking sapagkatao ay unti-unting bumabalik sa akin at humihiwa sa aking puso.
Naramdaman ko na mayroon nang kumawalang luha mula sa aking mga mata. Hindi ko na iyon napigilan at unti-unting bumabaha sa aking ang pighati at kalungkutan na pilit kong pinipigilan noon pa na maramdaman.
Hindi ko na maaninag ang kanyang mukha dahil sa panlalabo ng aking mga mata dahil sa naiipong mga luha roon kaya naman pinunasan ko iyon ng aking kamay. "Paumanhin po kung ako'y nagkakaganito. Mayroon lamang po akong mga naalala na nagsanhi upang ako'y mapaluha." Pinilit kong ngumiti upang hindi na siya pag-alalahanin.
Malabo pa rin ang aking paningin dahil naiipon pa rin ang aking mga luha at nang sumagi sa aking isipan ang mukha ng aking lola Thelia, ni Euvan, ni Melba at mga masasaklap na pangyayaring aming pinagdaanan ng aking mga kaibigan ay tuluyan na talaga akong napaiyak.
Hindi ko batid kung bakit ngayon ko iyon mga naaalala gayong dapat ay masaya ako dahil kasama ko ang aking ina na matagal kong hindi nakita.
"Ang kaawa-awa kong prinsesa..." mapagsimpatya niyang sabi at pinunasan niya ang aking pisngi gamit ang kanyang hinlalaki at saka niya ako niyakap. Lalo na akong napaluha sa kanyang ginawa.
"Ina..." Napahihikbi na ako at napahawak ako nang mahigpit sa kanyang kasuotan.
Nakapaninibago na bigkasin ang salitang ina dahil ngayon lamang ako may tinawag na ganoon sa tana ng aking buhay.
Marahan niyang tinatapik ang aking likod upang ako'y kalmahin.
"Sige lamang at patakasin mo na sa iyo ang mapapait na damdaming iyong itinago sa iyong loob, anak ko... Napakatagal na panahon mong kinayang dalhin ang lahat ng iyan at ngayon, sa aking piling ay pakawalan mo na. Bagong buhay na ang mayroon ka Hemira kaya ang lahat ng nangyari sa iyong nakaraan lalo na ang mga kapigha-pighati ay dapat mo nang kalimutan. Tanging ang masasayang alaala lamang ang iyong itira sa iyong sarili upang mapanatili mo pa rin ang iyong mabuting kalooban..."
Patuloy akong lumuluha at sa bawat luha na aking napakakawalan, sa bawat hikbi na aking nagagawa, nababawasan ang bigat na dinadala ko sa aking sarili.
Doon ay nahimbing na ako sa kanyang yakap na mayroong mugtong mga mata ngunit magaan na naman ang pakiramdam.
Salamat... Ina...
~Ceres~
Nakatulala lamang ako na naglalakad at hindi ko na batid kung saan na ako dadalhin ng aking mga paa.
Namumugto ang aking mga mata at sinag ng buwan lamang sa pasilyo ang sumasalubong sa akin.
"Mahal na reyna, hindi po riyan ang patungong silid ni prinsesa Ceres."
"Batid ko iyon ngunit sa silid ako ni Hemira pupunta."
Napatigil ako sa aking paglalakad dahil sa naalala kong iyon.
Humahapdi na ang aking mga mata sa pagluha ngunit mas mahapdi pa rin ang aking nararamdaman sa aking puso.
"Ano?! Ang inyong kaibigan na si Hemira ang tunay na prinsesa at hindi si Ceres?!" narinig kong tinig ng isang lalaki sa papalikong daan na akin na sanang nalikuan kung hindi lamang ako napatigil sa aking paglalakad.
Pamilyar sa akin ang tinig na iyon.
"Shhhhhhh! 'Wag mo ngang lakasan 'yang boses mo! Baka may makarinig sa 'tin!" mahinang saway naman ng kausap nito na kilalang-kilala ko kung sino.
Si Argyris iyon.
Sa aking pagkausisa ay dahan-dahan akong naglakad palapit sa kanila.
Naglagay agad ako ng mahika na magpapawala sa aking prisensya upang hindi nila maramdaman na mayroong nakikinig sa kanilang usapan.
Sumilip ako nang kaunti sa kanila at tama nga ako.
Si Argyris nga ang isa sa kanila at isa namang lalaking nakatalikod ang kanyang kausap.
Nasisinagan sila ng buwan kaya naman naaninag ko na kulay abo ang buhok ng lalaking nakatalikod.
Si Marum!
Siya iyong tagapagsilbi na hikab nang hikab kapag nakadarama ng lamig ng hangin gaya ng kanyang sabi.
Ngunit paanong magkakilala sila ni Argyris? At base sa kanilang pagtatalo, tila sila'y labis na malapit sa isa't-isa.
Dahil maraming tanong na ang pumapasok sa aking isipan ay nanatili ako sa aking puwesto upang makinig sa kanila.
"Oo... Si Hemira talaga ang tunay na prinsesa. May mga nahalungkat silang mga bagay na nakapagsabi na si Hemira talaga ang tunay na anak nila haring Herman at hindi si Ceres," seryosong wika ni Argyris.
Nangunot ang aking noo dahil kung banggitin niya ang aking pangalan ay kakaibang-kakaiba sa pagbanggit niya niyon nitong mga nakaraang linggo lamang. Wala ng suyo iyon.
"Ngunit paano na si Ceres?! Ano na ang mangyayari sa kanya ngay—"
"Shhhhh! Sinabi nang 'wag kang maingay!" mahinang saway muli niya kay Marum sapagkatapos takpan nang madiin ang bibig nito gamit ang kanyang kamay.
Tinabig naman kaagad nito iyon. "Ngunit papaano na nga si Ceres? Kaya pala noong isang araw ay labis ang pagluha niya nang manggaling siya sa labas ng silid ng inyong kaibigan na si Hemira. Ang dahilan pala niyon ay ang pagkaalam niya sa bagay na iyon," nag-aalalang sabi ni Marum at nakita ko ang pagkuyom ng kanyang mga kamao.
Nagsisimula na akong magtaka sa kanyang inaakto.
Tila labis siyang apektado para sa akin gayong dalawang beses pa lamang naman kaming nakapag-usap at isa pa'y nakita niya pala ang aking pagluha noong una kong marinig na si Hemira ang tunay na anak nila ama.
Pati na ang pagbanggit niya ng aking pangalan.
Ganoong-ganoon banggitin ni Argyris ang aking pangalan nitong nakaraang linggo lamang.
Napansin ko ang pagkunot ng noo ni Argyris. "Teka nga lang. Bakit parang apektadong-apektado ka para kay Ceres? 'Wag mong sabihing may gusto ka sa kanya?" tanong niya rito na puno ng pagdududa.
Napansin ko ang sapagkatuod ni Marum dahil sa kanyang tanong na iyon.
Mas lalo lamang nadadagdagan ang aking mga tanong sa nagiging takbo ng kanilang usapan.
Nanatiling tahimik si Marum.
Nanlaki naman ang mga mata ni Argyris sa kanyang hindi pag-imik. "May gusto ka talaga sa kanya?!" hindi napigilang bulalas nito.
Halatang hindi na nito inintindi kung mayroon itong nabulabog sa ginawang pagbulalas.
Napayuko naman siya. "Patawad ngunit hindi ko napigilan ang aking sarili na ibigin siya. Isa siyang napakabuting babae at sa bawat araw na siya'y aking nakasalamuha, nabatid ko ang itinatago niyang kalungkutan sa kanyang puso dahil sa pakiramdam ng pag-iisa. Doon ay mas lalo ko siyang nais protektahan at samahan."
Biglang bumilis ang t***k ng aking puso sa narinig kong iyon.
Napahawak ako sa aking dibdib dahil hindi ko inaasahang maapektuhan ako sa sinabi niyang iyon.
"Ibig sabihin, naging malambing ka sa kanya at ipinaramdam mo ang pagkagusto mo sa kanya habang nagpapanggap na ako?" tanong ni Argyris sa kanya na mababakas ang hindi pagkapaniwala sa mukha.
Nangunot muli ang aking noo.
Nagpapanggap na siya?
Anong nagpapanggap na siya ang kanyang sinasabi?
Ano ba talaga ang mayroon sa kanilang dalawa?
Hindi na maganda ang aking kutob sa kanila.
Siguradong mayroon silang tinatago sa akin at kailangan ko iyon malaman.