Hemira III 10

2273 Words
Hemira III 10 - Puntod ng mga Bayani ~Ceres~ Nanatili lamang ako sa aking puwesto at nakatago habang nakikinig sa usapan nila Argyris. "Ibig sabihin, naging malambing ka sa kanya at ipinaramdam mo ang pagkagusto mo sa kanya habang nagpapanggap na ako?" tanong ni Argyris na mababakas ang hindi pagkapaniwala sa mukha dahil sa sinabi ni Marum. Nangunot ang aking noo. Nagpapanggap na siya? Anong nagpapanggap na siya ang kanyang sinasabi? "Hi-hindi ko naman iyon sinasadya." pangangatwiran ni Marum. "Alam ko na mahal na mahal ka niya prinsipe at labis niya lamang iyong pinipigilan. Labis akong naawa sa kanya at sumasakit ang aking puso kapag nakikita ko siyang lumuluha kaya naman sinasamahan ko siya minsan at pinasasaya... sa iyong katauhan." Napahinga pa siya nang malalim. Napahigpit ang hawak ko sa aking damit. Katauhan ni Argyris? Napakamot nang marahas si Argyris sa kanyang ulo. "Nalintikan na talaga! 'Di ba, binalaan na kita na 'wag na 'wag kang makikipaglapit kay Ceres! Sinabi ko na iwasan mo siya dahil lalo lang siyang masasaktan kapag nalaman niya na hindi naman talaga ako 'yung Yohan o Argyris na kasama niya nitong mga nakaraang linggo kundi ikaw!" May pagkagitil at mahina ang pagkakasabi niya niyon ngunit tila dinagundong naman niyon ang aking sapagkatao. Hindi na kailangan ng mahabang sandali upang maproseso ng aking isipan ang aking narinig dahil sumagi sa aking isipan ang mga panahong kasama ko siya nitong mga nakaraang linggo. Unti-unti ko nang naiintindihan kung bakit ibang-iba siyang kumilos at iba rin ang pagtrato niya sa akin. Ang paraan niya ng pagsasalita at pagbigkas ng aking pangalan... "Marum naman! Sa lahat-lahat naman ng sinaway mo, yung kay Ceres pa! Binigyan na nga kita n'ong mga gintong gusto mo para magpanggap na ako! Dinagdagan ko pa 'yon!" Marahas siyang napabuga ng hangin. "Alam mo naman na kaya kinailangan kong umalis pansamantala na walang nakakaalam na iba ay para ibalik 'yung alaala ni Hemira sa kanya, 'di ba? Paano na 'yan ngayon? Anong gagawin ko kay Ceres? Siguradong iniisip niya na, na puwede na talaga kaming dalawa dahil sa 'yo!" Tuluyan nang nabasag ang aking puso nang malaman kong si Hemira pala ang dahilan kung bakit pinagawa niya iyon kay Marum. Nagsipatakang muli ang aking mga luha at nagsimula na namang manikip ang aking dibdib dahil sa napakaraming malulungkot at nagdurusang mga emosyon na naiipon doon. "Sinabi ko naman sa kanya na hanggang kaibigan lamang ang puwedeng maabot ng aming—ng inyong relasyon na dalawa kaya batid ko na hindi niya iisipin iyon." "Siguraduhin mo lang. Naayos ko na matagal na kay Ceres 'yung bagay na 'yan kaya ayokong bumalik na naman siya sa dati na umaasa sa 'kin kahit alam niya naman na si Hemira lang talaga ang mahal ko." Napapikit ako nang mariin dahil sa isa na namang hindi nakikitang palaso ang tumarak sa aking dibdib. "Ang huling mga gintong pangako mo sa akin? Nasaan na ang mga iyon?" Napamulat ako sa aking narinig. "Hah! Ang lupit mo talaga Marum! Hindi mo na nga nagawa nang maayos 'yung trabaho mo, nagagawa mo pa ring maningil nang ganyan. Tsk!" Narinig ko ang pagkalansing ng mga ginto. Doon ay hindi ko na napigilan ang pagkawala ng mga hikbi sa akin dahil sa mga nagwawala ko ng mga emosyon. Biglang natahimik ang paligid. "Sinong nand'yan?" Halata ang pagkagulat at pagkakaroon ng kaba ni Argyris sa kanyang tinig dahil nabatid niya nang mayroong tao na malapit lamang sa kanila. Lumabas na ako sa aking pinagtataguan. Nakita ko na nakatingin sila sa aking dalawa at nang masinagan ng liwanag ng buwan ang aking mukha ay nabakas na ang labis na pagkagulat sa kanilang mga mata dahil sa pamimilog niyon. "C-ceres..." tawag sa akin ni Marum at dumagdag lamang iyon sa libo-libong punyal na nakatarak ngayon sa aking puso. Patuloy ang aking pagluha habang puno ng pait ang tingin ko sa kanila. "T-totoo ba ang aking mga narinig?" Gumaralgal pa ang aking tinig. "C-ceres, let me explain... Pakinggan mo muna ako..." pakiusap sa akin ni Argyris at hahakbang na sana siya upang lumapit sa akin. "Huwag kang lumapit!" sigaw ko na umalingawngaw sa tahimik na pasilyo kung saan kami naririto ngayon kaya siya'y napatigil. Nanginginig na ang aking mga kamay sa matinding pagkakahawak niyon sa aking mahabang kasuotan. Kulang na lamang ay mapilas ko na iyon sa tindi ng aking hawak doon at ang lakas-lakas ng t***k ng aking puso. "P-pakiusap... S-sabihin n'yong hindi totoo ang lahat ng aking mga narinig... Na panaginip lamang ang lahat ng ito... P-pakiusap..." Pahina nang pahina ang aking tinig at ako'y napayuko na sa pagpipigil na mapahagulgol. Narinig ko ang mga hakbang papunta sa akin. Kahit na hindi ko na maimulat nang maayos ang aking namamagang mga mata dahil sa labis na pagluha ay tiningnan ko ang taong iyon. Si Argyris iyon at nabasa ko sa kanyang mga mata ang pagkaawa. "Ceres, hindi kita gustong lokohin kaya pinagpanggap ko si Marum na ako. Kailangan ko lang talagang umalis noon dito dahil gusto kong ibalik kay Hemira 'yung mga alaala niya tungkol sa 'min... Para makabalik na siya sa dati at makasama na namin siya—" "Si Hemira?..." aking wika kaya siya'y napatigil sa kanyang pagsasalita. Hindi na siya nakaimik. Nagsimula nang magkaroon ng galit sa aking dibdib at dahil doon ay kusa nang gumalaw ang aking kamay at pinadapo ko iyon nang malakas sa kanyang pisngi na naglikha ng malakas na tunog. Napapaling pa ang kanyang ulo dahil sa lakas niyon. Nabigla ako sa aking nagawang iyon at tila piniga ang aking puso. Hindi ko kailanman ninais na saktan siya sa kahit anong paraan dahil mahal na mahal ko siya ngunit labis na ang lahat para sa akin. Hindi ko na kaya... "Napakamakasarili mo, Argyris..." Nanginginig na ang aking tinig at mga labi dahil sa aking galit at hindi rin nagpapaawat ang aking mga luha. "Napakamakasarili mo!" Tumakbo na ako paalis upang makaalis na sa lugar na iyon. Baka takasan ako ng malay kung magtatagal pa ako roon ngunit bigla na lamang may humawak sa aking braso at pinaharap ako sa kung sinumang iyon. Bumungad sa akin ang mukha ni Marum at paghingi ng kapatawaran ang isinisigaw ng kanyang abong mga mata. Kumabog ang aking dibdib na labis kong hindi maintindihan. "Ceres..." sambit niyang muli sa aking pangalan at doon ay nagising muli ang aking galit. Ang lahat ng aking masayang at maliliwanag na alaala na kasama si Argyris nitong mga nakaraang linggo ay unti-unting nagpadilim sa aking isipan. Tinabig ko ang kanyang kamay na nakahawak sa aking braso at isang malakas na sampal din ang pinatikim ko sa kanya. "Isa ka pa!" puno ng poot na sigaw ko sa kanya. "Nasiyahan ka ba nang labis habang ako'y iyong nililinglang? Paniguradong tuwang-tuwa ka habang ako'y iyong nakikita na tila isang hangal na paniwalang-paniwala na ikaw ang lalaking aking minamahal!" Nanlaki ang kanyang mga mata. "Hindi totoo iyan, Ceres... Hindi naman talaga kita nais linlangin—" "Hindi mo nais? Huwag ka nang magsinungaling pa?! Huwag mo nang dagdagan pa ang iyong mga kasinungalingan dahil labis-labis na ang mga iyon!" Hinawakan niya ako sa aking mga balikat. "Ceres... Makinig ka. Oo, marami na akong nilinlang na mga tao ngunit naiiba ka sa kanila. Mahalaga ka sa akin at nararamdaman ko... na mahal na kita. Ikaw lamang ang babaeng minahal ko nang ganito." Seryoso na ang kanyang tinig habang matiim na nakatitig sa akin ang kulay abo niyang mga mata. Natulala ako sa kanya dahil doon. "Ayos lamang na hindi mo ako patawarin dahil sa panloloko ko sa iyo at pagpapanggap na si prinsipe Argyris makasama ka lamang... ngunit sana'y paniwalaan mo na mahal kita Ceres. Mahal kita." Nangungusap ang kanyang mga mata na naghatid ng kakaibang pakiramdam sa aking sikmura. "Ang huling mga gintong pangako mo sa akin? Nasaan na ang mga iyon?" "Hah! Ang lupit mo talaga Marum! Hindi mo na nga nagawa nang maayos 'yung trabaho mo, nagagawa mo pa ring maningil nang ganyan. Tsk!" Nang maalala ko iyon ay nawala ang mga kakaibang pakiramdam na namumuo sa akin dulot niya. Malamig ko siyang tiningnan. "Paano ako maniniwala sa iyong sinasabi... kung katumbas ko rin lamang naman sa iyo ay mga ginto... hindi ba?" Nanlaki nang kaunti ang kanyang mga mata ngunit hindi ko na hinintay na makabawi pa siya. Inalis ko sa mga aking balikat ang kanyang mga kamay at siya'y tinalikuran na. "Huwag ka nang magpakita pa sa akin... kahit kailan." Doon ay naglakad na ako paalis. Kinabukasan... Nagluluksa ang buong kaharian ng Gemuria para sa lahat ng mga nangamatay sa digmaang naganap doon. Ngayo'y nasa isa silang napakalawak na lupain kung saan maraming mga puntod ang ginawa upang maging alaala para sa mga nasawi at tinawag nila iyong Erou Mormant na ang ibig sabihin ay puntod ng mga bayani. Napakalungkot ng lahat at mayroong mga tumatangis para sa kanilang mga minamahal na nawalan ng buhay. Nasa harap naman ng puntod nila Euvan, prinsesa Aerin at prinsipe Cleon ang mga mandirigma at mga maheya. "Lahat tayo'y nagdadalamhati dahil sa pagkasawi ng marami sa ating mga minamahal." pagsasalita ng haring si Herman kaya naman humarap sa kanya ang lahat upang pakinggan ang kanyang sasabihin. Ang mga mandirigma naman at mga maheya ay nagsitikluhod. Katabi niya ang kanyang reynang si Devora at sa kanyang kabila naman ang isang babaeng balot na balot ng tela ang katawan. Pati ang mukha nito'y mayroong telang nakatabing. "Lahat sila'y maituturing na bayani at karapat-dapat na mailagda sa mga libro ang mga pangalan upang makilala pa rin ng susunod na mga henerasyon. Isa na roon ang dapat sanang naging reyna ng Secundo na si prinsesa Aerin. Nawalan siya ng buhay dahil sa pagliligtas sa isang buhay... at marami ang nakapagsabi na masaya siyang namayapa." Kahit na mga nakatikluhod ay patuloy ang pagluha nila Zetes, David at Seth para sa minamahal nilang maharlika na si Aerin. Lumuluha rin nang labis si Yohan. Sila Serafina, Ariadne, Kirion at Eugene nama'y malapit lamang din sa kanila at mga nagluluksa rin. "Ang isa nama'y ang itinanghal na prinsipe ng Emeas na si Cleon. Masama man ang tingin sa kanya nang marami dahil sa kasamaan ng kanyang inang si Mades ngunit marami ang nagsasabi na sinubukan niya itong pigilan sa mga masasamang balak nito. Nakilala rin siyang mabuting tao sa Emeas. Isa pa'y kaya hindi nagawang mapaslang ni Mades ang tunay na prinsipeng si Argyris ay dahil sa pagpigil niya kaya naman nararapat lamang sa kanya na mapagawaan ng puntod sa lugar na ito." pagpapatuloy ng hari. Marami ang sumang-ayon sa kanyang sinabi ngunit marami ang tahimik lamang na lumuluha. "Ang isa pa na aking babanggitin ay ang Arthan na si Euvan na naanunsyong nawalan ng buhay noon sa Abellon." Natahimik ang lahat sa kanyang tinuran. "Batid ko na maraming katanungan ang mayroon kayo ukol sa kanya ngunit si Euvan na isang mostro ay gumawa rin ng kabayanihan kaya nararapat din siyang magawaan ng puntod dito." "Ano po ang inyong ibig sabihin, kamahalan?" lakas-loob na tanong ng isang lalaki. Ngumiti lamang ang hari. "Malalaman n'yo ang bagay na iyon kung kayo'y magpupunta sa harap ng palasyo ikatlong araw mula ngayon. Mayroon akong iaanunsyong isang napakahalagang bagay na dapat makarating sa inyong kaalaman." Napuno ng pagtataka ang mga tao. Tumingin siya sa katabi niyang babaeng balot ng tela ang katawan at ngumiti siya rito. Dahil manipis na tela lamang ang nakatabing sa mukha nito ay nakikita niya ang pagtatanong ng mga mata nito. *—-***—-* Umalis na ang mga tao sapagkatapos ng pagluluksa ngunit naiwan doon sila Yohan at ang tatlo niyang mga mandirigma. Nagpaiwan din sila Serafina at nasa harap sila ng puntod ni Euvan. Nasa likuran lamang nila ang hari at reyna. Lumapit sa kanila ang babaeng kasama nila Herman. "Ang buong akala natin ay makasarili si Euvan at nais niyang ilayo ako sa inyo para sa kanyang kapakinabangan ngunit nagkamali tayo... Nagkamali ako sa paghusga sa kanya," wika ng babaeng iyon na lumuluha na. "Hemira..." sambit ni Eugene sa kanyang pangalan at lumapit ito sa kanya upang siya'y damayan. Lumapit na rin sa kanya ang iba pa niyang mga kasamahan. "Hindi mo naman sinasadya iyon Hemira at batid namin na hindi naman nagalit si Euvan dahil sa bagay na iyon," pang-aalo sa kanya ni Serafina. "Tama siya, Hemira. Ang lahat ay may dahilan kaya naganap. Tanggapin na lamang natin iyon sa abot ng ating makakaya," sabi naman ni Ariadne. Napapikit lamang siya dahil sa pagluha. Umupo sa harap ng puntod na iyon ang leong si Kirion. "Ginawa niya na ang parte niya sa mundong ito. Iyon ay iligtas ka sa tiyak mo sanang kamatayan. Ngayon ay ang iyong tadhana naman ang kailangan mong ipagpatuloy, Hemira. Batid nating lahat na hindi pa tapos ang lahat." Napatingin sila sa kanya dahil sa kanyang winika. "Hangga't nasa Handrong iyon pa rin ang Yin, patuloy na gagawa ng kahit anong paraan ang isang iyon upang mapuksa tayong mga mabubuti at iyon ang hindi natin hahayaan." Ang malulungkot nilang mga mukha ay napalitan ng determinasyon. Napatango-tango naman si Hemira at pinunasan ang kanyang mukha sa ilalim na telang nakaharang doon dahil sa pagbalik ng kanyang kumpyansa. "Tama ka, Kirion. Hindi natin sasayangin ang pagsasakripisyo ni Euvan at ng marami pang mga mandirigma at mga maheyang nawalan ng buhay upang ipaglaban ang kabutihan. Kailangang tapusin ko na ang laban sa pagitan namin ni Handro na siyang pasimuno ng kasamaan. At magagawa ko lamang iyon kasama kayo." Tumingin siya sa kanyang mga kasamahan. Tumango naman ang mga ito. Lumingon siya sa direksyon ni Yohan at nagtagpo ang kanilang tingin. Ngumiti ito sa kanya ebidensya na pumapayag din ito na samahan siya sa pagharap sa napakasamang si Handro at mga kampon nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD