Hemira III 11

3163 Words
Hemira III 11 - Nabuong Desisyon ~Yohan~ Magkakasama kaming naglalakad ngayon sa isang mahabang pathway dito sa palasyo at kagagaling lang namin sa Erou Mormant o puntod ng mga namatay dahil sa nangyaring digmaan dito sa Gemuria. Kasama pa rin namin sila haring Herman at reyna Devora. Nauuna sila sa paglalakad at nasa likod lang kami nila Hemira. Nakatingin ako sa likod n'ong dalawang maharlika at kanina pa ako hindi mapakali dahil may gusto akong itanong sa kanila. Hanggang sa hindi na ako nakatiis kaya binilisan ko ang paglalakad ko para makasabay ko sila at napatingin naman sila sa 'kin. "Mahal na hari at reyna, mawalang galang na po pero matanong ko lang. Bakit po wala si Ceres kanina sa Erou Mormant? May problema po ba?" tanong ko at pilit kong itinago ang pag-aalala sa boses ko. Napahingang malalim ang hari. Kinabahan naman ako. "Sinubukan namin siyang isama dahil isang mahalagang bagay ang pagluluksa para sa ating mga bayani ngunit mukhang masama pa rin ang kanyang pakiramdam kaya nagsabi siya na hindi siya makasasama. Araw-araw na naming pinapupunta ang kanyang manggagamot sa kanyang silid upang tingnan kung anong mali ngunit ang sabi naman ng manggagamot na iyon ay hindi pisikal ang problema sa prinsesa kundi mayroon itong dinaramdam sa loob nito. Emosyonal, sa madaling salita." Sikreto naman akong napalunok dahil sa naging paliwanag niya. Nagsisimula na naman akong bagabagin n'ong nangyari kagabi lang sa pagitan namin nila Ceres at Marum. Nalaman na niya ang lahat-lahat tungkol sa pagpapanggap ni Marum bilang ako at ang matindi pa ro'n, nahalata ko na sobra-sobra siya talagang nasaktan dahil sa pagkaalam niya sa bagay na 'yon. Doon ko naisip kung gaano talaga siya pinormahan at pinakitaan ni Marum ng pagkagusto nito sa kanya sa katauhan ko. Napakuyom ako ng kamao ko at sobra-sobra akong nagsisi kung bakit 'yung Gent na 'yon pa ang inasahan ko sa pagpapanggap na ako. Lakas-lakas pang maningil. Kaasar. Pinoproblema ko pa rin na baka kapag nalaman pa ni Ceres ang tungkol kay Hemira at sa sapagkatao nito ay hindi na niya kayanin ang tindi ng mga katotohanang bumulusok sa kanya nang sabay-sabay. Kahit ako, mahihirapan ding saluhin ang lahat ng mga 'yon. "Hindi kaya batid na ni prinsesa Ceres ang tungkol kay Hemira?" sabi ni Ariadne na nagpabalik sa 'kin sa sarili ko. Patuloy pa rin kami sa paglalakad sa mahabang pathway na 'to. "Hindi imposible ang bagay na iyon. Madaling lumipad ang balita sa mga panahon ngayon," sabi naman ni Kirion na isang liosalfar at nasa balikat lang ni Hemira. "Iyon din ang aking kutob kaya hindi niya kami gustong harapin. Hindi man namin nais na puwersahin siya ngunit kailangan na namin siyang makausap. Kailangan naming maipaliwanag sa kanya ang lahat nang maayos upang hindi na maghirap pa ang kanyang damdamin," sabi ni reyna Devora at halatang nahihirapan din siya dahil sa mga nangyayari. Natahimik na kaming lahat pero panandalian lang 'yon dahil nagsalita si haring Herman, "Hemira, ihanda mo na ang iyong sarili sa darating na ikatlong araw sapagkat sa araw na iyon ay iaanunsyo ko na ikaw ay ang aming tunay na anak. Doon na rin magaganap ang koronasyon sa iyo bilang prinsesa ng Gemuria." Nilingon pa niya si Hemira habang naglalakad. Nanlaki naman ang mga mata ni Hemira. "P-po? N-ngunit paano po si prinsesa Ceres? Siya po ang prinsesa at isa pa'y batid ko na hinding-hindi matatanggap ng mga tagaGemuria kung ipakikilala n'yo ako bilang kanilang prinsesa dahil kabilang ako sa mga nagpasimula ng digmaan dito," sabi niya na halatang may hindi pagsang-ayon. Napatigil si haring Herman at ang reyna sa paglalakad kaya tumigil din kami. Nagharap-harap kami para makapag-usap nang maayos. "Kung si Ceres ang iyong inaalala, hindi naman namin siya itatakwil o anupaman dahil anak pa rin namin siya. Kami ang kinilala niyang mga magulang at kami pa rin ang kanyang kikilalanin," sabi nito na nakangiti. Tumango-tango naman ang reyna. "Mananatili siya rito at magiging magkapatid kayong dalawa, anak. Mas magiging masaya ang ating pamilya kung marami tayo, hindi ba?" Hindi nakaimik si Hemira at halatang nag-aalangan pa rin siya. Kilalang-kilala ko siya. Alam kong sobra-sobra rin siyang nahihirapan pagdating sa magiging pagbabago ng relasyon nila ni Ceres. Siguradong hindi niya pa rin kayang ilevel sa isip niya ang sarili niya sa prinsesang 'yon kaya hinawakan ko ang kamay niya para kalmahin siya. Napatingin naman siya sa 'kin. "At ang isa pang bagay na iyong iniisip, ang mga tagaGemuria. Batid kong labis silang magugulat kapag inanunsyo ko na ang tungkol sa iyo ngunit kailangan din nilang tanggapin ang katotohanan. Na ikaw ay aming anak at kanilang prinsesa. Maipaliliwanag din naman natin sa kanila kung ano talaga ang tunay na nangyari at dahilan kung bakit naging kasama ka ng mga mostro na umatake rito," dagdag pa ni haring Herman. "Tama iyon, Hemira. Karapat-dapat lamang na tanggapin nila iyon," segunda ni Kirion. "Napakatagal mo silang pinrotektahan at ginawa mo ang lahat para sa kanilang kapakanan. Kaya ka rin lamang naging kabilang sa mga mostro na iyon ay dahil ninakaw nila ang iyong mga alaala. Kung hindi ay paniguradong hinding-hindi mo iyon magagawa." Pumalakpak ng isa si Ariadne para makuha ang atensyon namin. "Kahit na hindi ko nais sang-ayunan ang mga sinasabi at sasabihin ng iyakin na ito ay sumasang-ayon ako ngayon sa kanyang tinuran." Nakataas ang isang kilay na sabi niya at humalukipkip pa. "Napakapalad ng mga tagaGemuria dahil isang malakas na tulad mo Hemira at napakabuti pa ang mamumuno sa kanila. Kayang-kaya mong ilayo ang kahariang ito sa anumang kapahamakan dahil sa iyong malakas na mga kakayahan kaya ikaw ang pinakakarapat-dapat... at wala nang iba pa." Tumango-tango naman si Eugene. "Kaya huwag ka nang mag-alala pa, Hemira. Hindi mo ba naisip na kapag nakoronahan ka na bilang prinsesa, maaari na kayo ni Yohan..." tumingin pa siya sa 'kin mula ulo hanggang paa ko. "...Kahit na hindi ko masyadong nais para sa iyo ang prinsipeng ito." Inambahan ko naman siya ng suntok na pabiro kaya natawa lang siya. Natawa rin ang mahal na hari at reyna pati na sila Serafina pero napalingon kaming lahat nang marinig namin ang isang yabag na napatigil. Saka lang namin napansin na may tao pa lang palapit na sa 'min. Biglang natahimik ang lahat nang makita naming si Ceres 'yon na nakatulala lang sa 'min. May kasama siyang mga babaeng tagapagsilbi. Halatang-halata sa kanya ang sobrang pagkastress at depression dahil medyo maitim na 'yung ilalim ng mga mata niya. Ngayon ko lang din napansin na parang pumapayat siya. "Ceres..." tawag ni reyna Devora sa kanya at halatang nangsusuyo 'yon. Biglang bumigat ang atmosphere sa lugar na 'to at ramdam na ramdam ko 'yon. Napatingin ako kay Hemira na nasa tabi ko nang humigpit ang hawak niya sa kamay ko. Nakatingin siya nang deretso kay Ceres at gano'n din ito sa kanya pero bumaba ang tingin ni Ceres sa kamay naming dalawa na magkahawak. Nahalata ko agad sa kanya na nasasaktan siya pero agad niya ring inalis 'yon sa mga mata niya at yumuko sa 'min... Sa mahal na hari at reyna panigurado ang pagyuko niyang 'yon bilang pagbibigay galang. Tumalikod na kaagad siya at papaalis na sana... "Ceres, anak... Nais ka naming makausap ng iyong ina." pigil ni haring Herman sa kanya kaya napatigil siya sa pag-alis niya sana. Ilang sandali ang lumipas bago siya humarap ulit sa 'min at kay haring Herman lang ang tingin niya. "Patawad ama ngunit masama pa rin ang aking pakiramdam. Nagpahangin pa lamang ako saglit kaya ako lumabas ngunit babalik na ako sa aking silid ngayon upang makapagpahinga. Ako na lamang ang bibisita sa inyo ni Ina kapag mabuti na ang aking nararamdaman." Ngumiti pa siya pero hindi ko alam kung ako lang ang nakapansin, na pilit lang 'yung ngiti niya at napakalungkot n'on. Tumango-tango si haring Herman at nilapitan naman siya ni reyna Devora. "Sige, Ceres. Magpahinga ka na. Ihahatid na kita sa iyong silid." suhestiyon nito. Ngumiti naman siya rito at naglakad na sila paalis. Bago sila tuluyang umalis, nilingon ng reyna si Hemira. Magiging maayos din ang lahat, anak ko. 'Yon ang nabasa ko sa tingin niyang 'yon kay Hemira. Nang makaalis na 'yung dalawa, hinarap ng hari si Hemira. "Anak, inaamin ko na hinding kaagad magiging maayos ang lahat... lalo na kay Ceres ngunit lagi mong tatandaan na kayang hilumin ng oras at panahon ang kahit na anong bagay. Magagamot din ang kahit na anong dinaramdam ni Ceres sa kanyang loob at kapag nangyari iyon, siguradong matatanggap niya na rin ang mga pagbabago sa kanyang buhay... Magandang pagbabago kung aking itatama dahil batid ko na magiging isa kang napakabuting kapatid sa kanya," sabi nito na may pangungumbinsi. Ngumiti naman si Hemira sa kanya saka yumuko nang kaunti. "Sige po... Lagi ko po iyang tatandaan." Ngumiti na rin ang hari pero napababa rin 'yung tingin niya sa kamay namin ni Hemira na magkahawak. Kahit na pilit niyang itago, nabasa ko sa mga mata niya na mayro'n siyang winoworry. Nang sa 'kin na siya mapatingin, tumiim 'yung tingin niyang 'yon at doon ko na narealize... Na isa lang ang pinoproblema naming dalawa... at ako 'yon. Panigurado... Dahil sa kumplikadong love triangle namin nila Ceres. Dalawang araw ang lumipas... Madilim na ang paligid at napakatahimik... ngunit kung pakikinggang mabuti sa isa sa mga silid, mga pigil na hikbi ang mangingibabaw... at sa silid iyon ni Ceres. Papatok-patok na naman ang ulo ng mga kawal na nakatayo lamang sa gilid ng kanyang pinto at nakatulugan na ng mga ito ang mga paghikbi niya nang ganoon. Ilang araw na ang lumipas simula nang malaman niya ang lahat ng mga katotohanang dumurog at bumasag sa kanyang puso ngunit hindi pa rin umaalwas ang sakit at pagdurusang dulot niyon. Walang batid ang kanyang mga luha sa pagkawala niyon mula sa kanyang mga mata sa tuwing naalala niya ang mga katotohanang kanyang mga narinig lalo na ngayon dahil batid niya na bukas, pagsikat ng araw ay magtitipon na ang mga tagaGemuria dahil sa iaanunsyo ng hari. At iyon ang tungkol kay Hemira. Tila kinuyumos na naman ang kanyang puso habang nakahiga lamang siya sa maganda niyang higaan at kadiliman ang sumasakop sa buo niyang silid. Patuloy lamang siya sa kanyang pagluha. Sa mga lumipas na araw ay palagi siyang binibisita ng hari at reyna upang kausapin ngunit hindi niya pa rin hinaharap ang mga ito dahil hindi pa rin niya kaya. Ganoon din ang ginagawa ni Yohan. Lagi nitong kinakatok ang kanyang pinto ngunit ni isang beses ay hindi niya ito pinagbuksan. Batid niya naman na hihingi ito ng kapatawaran sa kanya ngunit hindi pa rin kayang atimin ng kanyang puso ang ginawa nito. Masyadong mabigat iyon kung tutuusin at isa iyon sa malalaking dahilan kung bakit siya labis na nilulupig ng pait at pighati. Habang pigil na pigil siya sa kanyang mga paghikbi ay biglang humangin na nagmula sa nakabukas niyang bintana at dahil doon ay winagayway ng hanging iyon ang kanyang kurtina. Pumasok ang sinag ng buwan at tinamaan ng ilaw niyon ang ilang parte ng kanyang silid. Napamulat siya nang mayroong umingit na tila nabuksang pinto. Umupo siya mula sa kanyang pagkakahiga at pinunasan ang kanyang mga mata upang makakita ng maayos. Nakita niya na nabuksan ang gawa sa kahoy na lalagyanan niya ng kanyang mga damit. Iyon ang kanyang aparador. Napakaganda ng disenyo niyon at kulay maputlang rosas. Dahil sa hangin ay nabuksan iyon at sumilay sa kanya ang naggagandahan niyang mga damit na maayos na nasabit doon. Natulala siya roon. "Mahal na reyna, hindi po riyan ang patungong silid ni prinsesa Ceres." "Batid ko iyon ngunit sa silid ako ni Hemira pupunta." "Hemira, ako ang iyong ina... Kami ni Herman ang tunay mong mga magulang..." "Sinabi ko na iwasan mo siya dahil lalo lang siyang masasaktan kapag nalaman niya na hindi naman talaga ako 'yung Yohan o Argyris na kasama niya nitong mga nakaraang linggo kundi ikaw!" "Alam mo naman na kaya kinailangan kong umalis pansamantala na walang nakakaalam na iba ay para ibalik 'yung alaala ni Hemira sa kanya, 'di ba?" "Siguraduhin mo lang. Naayos ko na matagal na kay Ceres 'yung bagay na 'yan kaya ayokong bumalik na naman siya sa dati na umaasa sa 'kin kahit alam niya naman na si Hemira lang talaga ang mahal ko." Dahil sa mga masasakit na alaalang iyon, doon na siya nakabuo ng isang desisyon. "Kung ayaw nila sa akin at si Hemira ang kanilang nais, mas mabuti pa kung umalis na lamang ako," aniya at doon ay kumilos na siya upang gawin ang kanyang pinaplano. ~Hemira~ Naririto ako ngayon sa puno ng Abidos at nakatingin lamang sa nagkikislapang mga bituin habang nakahiga rito sa damuhan. Aking inuunan ang isang malaking ugat ng punong ito upang maging kumportable ako sa aking paghiga. Simula nang maging mandirigma ako sa kahariang ito, ang punong ito na ang naging saksi ng aking mga gabi. Lagi ako ritong namamalagi tuwing gabi dahil napakagandang pagmasdan ng kalangitan sa lugar na ito at ngayong gabi ay napagdesisyonan ko na dumito muna kahit na iniwan ko si Aria sa aking silid mag-isa. Sa aking silid siya laging natutulog at sana'y hindi muna siya magising hangga't wala ako dahil siguradong siya'y magtatampo at iisiping ayoko siyang makatabi sa pagtulog. Mayamaya lamang ay babalik na rin naman ako. Sa ngayon ay rito muna ako magpapalipas ng oras... dahil siguradong bukas, hindi ko na magagawa ang ganito dahil kokoronahan na ako bilang prinsesa ng Gemuria. Napapikit ako dahil sa bagay na iyon. Kung maaari lamang sana, huwag na sanang ituloy ng aking amang hari ang koronasyong iyon sa akin. Mas nais kong manatili bilang anak nila ngunit hindi bilang isang prinsesa ng Gemuria dahil ang titulong iyon ay mayroon ng may-ari, at si prinsesa Ceres iyon. Napahinga ako nang malalim. Ngunit wala naman akong magagawa dahil ang hari pa rin ang masusunod. Subalit may bumabagabag pa rin sa akin. Ang mga tagaGemuria. Kilala na nila ako bilang namuno sa mga mostro sa naganap na pagsalakay dalawang beses na. Siguradong napakalaking pagkabigla para sa kanila ang iaanunsyo ng hari na ako ang kanyang tunay na prinsesa gayong nagtangka akong sirain ang kahariang ito. Hinihiling ko lamang na sana'y walang mangyaring masama bukas. Pakiusap... Sana maging maayos ang lahat... Dahil ayoko nang mayroong pang masaktan na kahit na sino dahil sa akin. Hindi ko na namalayan na nahimbing na ako. Ilang sandali lamang ay naalimpungatan ako dahil mayroon akong naramdaman na nakatayo malapit sa akin. Iminulat ko ang aking mga mata at tumingin sa direksyon kung saan ko naramdaman ang kung sinumang iyon. Madilim ang paligid ngunit naaninag ko na isang tao iyon na nakaroba ng itim at mayroong talukbong kaya hindi ko makita ang kanyang mukha. "Hindi pa tayo tapos Hemira. Nagsisimula pa lamang tayo." Nanlaki ang aking mga mata dahil boses iyon ni Handro at nagmumula iyon sa taong nakatalukbong na iyon. "Ako ang maghahari sa mundong ito at wala kayong magagawa upang pigilan ako! Gwahahahahah!" Nais ko sanang tumayo ngunit bigla na lamang dumaloy sa akin ang matinding takot na nagparalisa sa aking buong katawan. Naramdaman ko ang panginginig ng aking tuhod at mga kamay nang unti-unting humakbang palapit sa akin ang taong iyon. Inangat niya ang kanyang kamay at nagkaroon iyon ng itim na mahika usok. "Huwag mo nang subukang hadlangan ang aking mga balak dahil hindi lamang ikaw ang mapapahamak. Sisiguraduhin kong mamamatay sa iyong harapan ang iyong mga kaibigan pati na ang iyong iniibig sa pinakamalupit na paraan." Nang sasakalin niya na ako gamit ang kamay niyang iyon... Bigla akong napabalikwas nang bangon habang habol na habol ko ang aking hininga. Kahit na malamig ang simoy ng hangin ay tagaktak ang aking pawis sa aking noo. Napatingin ako sa paligid at naririto pa rin ako sa puno ng Abidos. Walang kahit sino sa paligid at tanging mga huni lamang ng insekto ang aking naririnig. Hinawakan ko ang aking leeg kung mayroon akong sugat o may kakaibang nangyari roon ngunit laking pasasalamat ko dahil wala. Mabuti at isang bangungot lamang pala iyon. Napabuga ako nang hangin. Hanggang paniginip ay hindi ako tinitigilan ng Handrong iyon. Napakuyom ako ng aking mga kamao. Sa susunod na magkaharap kaming dalawa, sisiguraduhin ko na siya ang makikitilan ko ng buhay baliktad sa banta niya sa akin sa aking panaginip. Nang mapansin ko na unti-unti nang lumiliwanag ang paligid dahil magbubukang liwayway na ay naalala ko bigla ang pagbalik ko sa aking silid. Dahil doon ay dali-dali na akong umalis sa lugar na iyon upang bumalik sa aking kuwarto bago pa man makita ni Aria na wala na ako sa kanyang tabi. ~Tagapagsalaysay~ Naglalakad sa pasilyo si Herman at Devora kasama ang kanilang mga tagapagsilbi at mandirigma. Malapit na ang oras ng pag-aanunsyo ni Herman tungkol sa sapagkatao ni Hemira sa mga tagaGemuria. "Herman, mayamaya na natin iaanunsyo ang tungkol kay Hemira ngunit hindi pa rin natin nakakausap si Ceres. Ano ang ating gagawin?" nag-aalalang tanong ni Devora sa kanya. "Huwag kang mag-alala, aking reyna. Pipilitin ko na makausap na siya ngayon tungkol sa bagay na ito." pagpapalubag niya sa kalooban nito. "Subalit kahit hindi natin binabanggit sa isa't-isa'y batid natin ang magiging suliranin sa pagitan nilang dalawa ni Hemira. Iyon ay ang kanilang parehong itinatangi ni si prinsipe Argyris. Alam ko na ang iniibig ni prinsipe Argyris ay si Hemira kaya naman paniguradong napakalaking hiwa niyon sa puso ni Ceres kung si Hemira ang pakakasalan ng prinsipe imbis na siya. Ang aking ikinatatakot pa ay baka magsiklab iyon ng lihim na galit sa kanyang puso." Pagkabahala pa rin ang nababakas sa mukha nito. Napahinga siya nang malalim. "Ako ma'y nababahala rin sa bagay na iyan ngunit hilingin na lamang natin na maging maayos na ang lahat. Ayokong hindi matuloy ang aking pag-aanunsyo na si Hemira ang tunay nating anak upang maiparamdam natin sa kanya na ginagawa na talaga natin ang lahat upang makabawi sa kanya. Nais ko rin na kilalanin na siya ng mga tao hindi bilang heneral ng ating mga mandirigma o pinuno ng mga mostro kundi ating prinsesa. Ayokong maging maramot tayo kay Ceres ngunit siguradong ito na ang panahon para si Hemira naman ang sumaya at makaranas ng mga bagay na dapat ay noon niya pa nararanasan." Tumango si Devora. "Sige, Herman. Sasamang muli ako sa iyo papuntang silid ni Ceres. Hindi natin siya dapat pabayaan. Ako na lamang din ang magpapalubag sa kanyang loob kapag naipaliwanag na natin sa kanyang ang lahat." Tumango rin siya bilang pagsang-ayon dito ngunit isang humahangos na babaeng tagapagsilbi ang tumakbo palapit sa kanila. "Mahal na hari! Mahal na reyna!" hangos na sabi nito habang habol na habol ang hininga at nakahawak sa dibdib. Nangunot ang noo ng dalawang maharlika. "Ano ang problema? Bakit ka humahangos nang ganyan?" Nang mukhang makabawi na ito kahit papaano... "K-kamahalan... Ang prinsesa... Si prinsesa Ceres..." Nagsimula nang mag-alala si Devora. "Bakit? Anong nangyari kay Ceres?" Bakas na sa tinig nito na nais na nitong marinig kaagad ang sagot sa tanong nito. "Si prinsesa Ceres po!... Nawawala!" Nanlaki naman ang mata ng dalawa. "Ano?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD