Hemira III 12

4257 Words
Hemira III 12 - Bintang ~Hemira~ Ako at ang aking mga kaibiga'y naririto ngayon sa balkunahe ng pasilyong madalas naming madaanan at kami'y nagmumuni-muni lamang. Kahit na kaunting oras na lamang ang nalalabi para sa magiging koronasyon sa akin gaya ng plano ng hari ay napili namin na dumito muna magpalipas ng oras. Nakatingin lamang kaming lahat sa malawak na lupaing aming natatanaw mula rito at napakaraming mga tirahan at mga kagubatan ang naaabot ng aming mga paningin. Kanina pa sumikat ang araw at napakasarap sa pakiramdam ng hangin na humahaplos sa aming mga balat. Winawagayway niyon ang aking mahabang kasuotan na kulay asul. "Haaayyy... Hindi ko inaakalang darating pa ang araw na ganito sa atin kung saan payapa lamang tayo at magkakasama. Napakasarap sa pakiramdam nang ganito," ani Aria na aking katabi ngayon habang siya'y nakangiti. Kinailangan niya pang tumingkayad upang lumanghap ng hangin dahil kasingtangkad niya lamang ang bakod ng bulkanaheng ito. Pinaghalo-halong mga kulay ang kanyang kasuotan na may kahabaan din. Napangiti ako sa kanyang tinuran. Tama siya. Hindi ko inakalang mararanasan namin ang ganitong kapayapang mga sandali kung saan wala kaming iniisip at pinoproblema na kahit ano. Walang kasingsaya ang dulot nito sa akin kahit na wala naman kaming ginagawa ngayon. Ang kapayapaan lamang na ito ay sapat na. "Kung puwede nga lang na ganito na lang palagi," sabi naman ni Yohan na nasa aking kabilang tabi. Mukhang kumportableng-kumportable rin siya ngayon at kulay asul din ang kanyang suot na pangprinsipe. Sa kanyang tabi naman ay si Serafina na kulay mapusyaw na lila ang suot at si Eugene ang sumunod. "Mayamaya lamang ay opisyal nang prinsesa si Hemira. Mukhang kailangan ko na talagang maghanap ng isang bagong diwata na papalit sa aking puso," ani Eugene habang nakangiti at nakatingin sa malayo. Puting-puti ang kanyang suot gaya ng kulay ng kanyang buhok. "Lahat naman ng babae, pinapatulan mo. Pati mga servants ko, kapag nagchichismisan, puro ikaw ang pinag-uusapan. Muntik na ngang magkalmutan nang malaman na parehas mo palang pinangakuan na sila ang unang isasayaw mo mamaya," sabi naman ni Yohan habang nakangisi. Napatawa naman kami sa isiniwalat niyang iyon. Napailing-iling naman si Eugene. "Hindi ko inaakalang aabot sila sa ganoon... Ngunit wala naman akong sinabi sa kanila na sila ang aking iuuna sa sayawang magaganap mamamaya lamang dahil si Hemira ang una kong nais makasayaw. Baka sila lamang ang nag-isip niyon." Napahawak pa siya sa kanyang baba na tila nag-iisip. Kami nama'y napailing-iling din sa kanyang tinuran. Iba talaga siya kapag babae na ang pinag-uusapan. Tamang-tama ang salitang 'Matinik' sa kanya. Isang matunog naman na paghikab ang nakakuha ng aming atensyon at si Kirion iyon na isang leon ngayon. Sa kabilang tabi naman siya ni Aria. Mabuti na nga lamang at hindi sila nagtatalo na dalawa ngunit napatitig ako sa kanyang mga mata na nakapikit. Hanggang ngayon ay bulag pa rin siya. "Kirion, kamusta na ang iyong mga mata? Ano ang sabi ng mga manggagamot na sumusubok na gamutin iyan?" tanong ko sa kanya. Napabaling siya sa akin. "Ang sabi lamang nila ay maghahanap sila ng mga bagay na kanilang magagamit upang magamot ang aking mga matang ito," tugon niya. "Ganoon ba?" nasabi ko na lamang. Nais na nais ko nang gumaling ang kanyang paningin dahil batid ko na matagal niya na ring nais makakitang muli ngunit ang mga manggagamot na inatasan ng hari upang gamutin ang kanyang mga mata ay mukhang walang magawa upang lunasan iyon. Napatingin ako kay Serafina dahil isa siya sa mga manggagamot na iyon. Napahinga lamang siya nang malalim. "Miski ako ay sumubok na ng lahat ng maaaring magamit upang lunasan ang mga mata ni Kirion at ang pinakamabibisa pa sa mga iyon ang aking ginamit ngunit hindi tumatalab ang kahit ano sa mga iyon. Napakabagsik ng posyong binuhos ni Abellona sa kanyang mga mata kaya siguro hirap na hirap kaming mga manggagamot sa paglunas ng kanyang paningin ngunit huwag kayong mag-alala, nananaliksik pa rin ako ng mga halamang gamot o kung anumang paraan ang maaaring gamitin upang lunasan ang mga mata ni Kirion." Tumango ako. "Maraming salamat, Serafina. Kung mayroon kang kinakailangan na kahit anong tulong sa iyong paghahanap sa magiging lunas para kay Kirion ay handang-handa akong tulungan ka." "Kami ri'y iyong malalapitan." nakangiti namang sabi ni Eugene. "Hindi n'yo ako maaasahan dahil hindi ko nais tulungan ang iyakin na ito," sabi naman ni Aria na mukhang magsisimula na namang makipagtalo kay Kirion. Inangilan lamang siya ni Kirion at hindi na sumagot sa kanya. Mabuti na lamang at mukhang wala ito sa wisyo na makipag-asaran sa kanya. Nagkaroon muli kami ng katahimikan at napakalamyos ng hangin na marahang humahampas sa aming mga balat. Dahil doon ay nakaramdam ako ng antok at ako'y napahikab. Napatingin naman sa akin si Aria. "Mukhang hindi naging sapat ang iyong tulog Hemira," komento niya. Napatango-tango naman ako. "Ganoon na nga." Naalala ko na sa puno ng Abidos ako nagpalipas ng gabi at kailaliman na rin ng dilim nang ako ay mahimbing. "Ngayong aking naalala, nang magising ako kagabi ay wala ka sa ating higaan, Hemira." Nakakunot ang noo ni Aria habang nakatingala sa akin. "Saan ka nagtungo? Matagal din kitang hinintay na magbalik at dahil sa iyong tagal ay nakatulog na ako. Sumisinag na ang araw nang gisingin ako ng mga tagapagsilbi at doon ay nasilayan na muli kita sa aking tabi." Napangiwi naman ako dahil nabatid niya pala na umalis ako sa aming silid kagabi. "A-ahh... Ako'y umalis dahil... Nagpalipas lamang naman ako ng gabi sa may isang lugar dito sa palasyo na madalas ko noong pinupuntahan." Mahahalata ang aking pag-aalinlangan dahil baka siya'y magtampo at isipin na ayaw ko siyang katabing matulog. Napatango-tango naman siya. "Ganoon ba?" Sikreto naman akong nakahinga nang maluwag dahil mukhang hindi niya naman iniisip ang aking kinatatakutan na pagtatampo niya. Mayroon kaming narinig na mga yabag papaakyat ng hagdan sa may aming likuran kaya kami'y napalingon doon. Si Ginoong Remus ang nagmamay-ari ng mga yabag na iyon at gaya ng araw-araw niyang ekspresyon ay masungit at tila naiirita na naman siya sa kung anumang bagay. Nang mapatingin siya sa amin ay napatigil siya. Tiningnan niya kami isa-isa at nang sa akin na napadapo ang kanyang tingin, tila isa niya akong mortal na kaaway... Kung hindi ako nagkakamali sa pagkakaintindi sa tingin niyang iyon. Yumuko siya nang kaunti bilang pagbibigay galang. Yuyuko sana ako ngunit pinigilan ako ni Yohan sa gagawin kong iyon sa paghawak sa aking kamay kaya ako'y napatingin sa kanya. "Siya lang ang dapat yuyuko sa 'yo. Sa hari at reyna ka lang dapat magbibigay galang... simula ngayon." mahinang sabi niya sa akin. Tumango naman ako bilang tugon. "Mukhang masyado kayong kumportable sa inyong oras. Hindi ba at mayamaya na ang koronasyon sa iyo, Hem— prinsesa Hemira." May diin ang pagtawag niya sa akin ng prinsesa at batid ko na naaasiwa siya sa pagtawag sa akin nang ganoon. Umangil si Kirion at nararamdaman ko na hindi rin siya nais makita ng aking iba pang mga kasamahan. Sasagot sana ako ngunit humigpit ang hawak sa akin ni Yohan. "Tapos na kami sa preperasyon namin sa mga sarili namin at ikaw na mismo ang nagsabi, mamaya pa ang koronasyon kaya may oras pa kami. Hindi naman kami nagmamadali dahil alam namin na kahit anong oras pa 'yon mangyari, matutuloy at matutuloy rin 'yon. Ikaw? Mukhang ikaw ang hindi nagmamadali. 'Di ba dapat, kasama ka sa mga naghahanda ng mga bagay para sa koronasyon mamaya." Mahihimig ang pagkasarkastiko sa tinig ni Yohan. Ngumiti naman si Ginoong Remus at mukhang hindi siya naiinis sa sinabi nitong iyon. "Ngayon nga ay magpupunta ako sa silid ni prinsesa Ceres upang paghandain na siya para sa magaganap mamaya—" "Ginoong Remus!" malakas na tawag sa kanya ng isang babae kaya napatingin kami sa humahangos na tagapagsilbing iyon. Nang makalapit na ito sa kanya ay habol na habol nito ang hininga at pagod na pagod. Nakilala ko ang tagapagsilbing iyon. Siya ay naninilbihan kay prinsesa Ceres. "Ano ang problema at humahangos ka nang ganyan?" tanong niya rito habang kunot na kunot ang noo. "G-ginoo... S-si Prinsesa Ceres... W-wala po siya sa... sa kanyang silid..." pilit na sabi nito sa pagitan ng paghahabol ng hininga. "Anong wala ang iyong ibig sabihin? Baka naman siya ay isinama na ng kanyang ibang mga tagapagsilbi sa paliguan upang makapaghanda." Marahas na umiling ito. "H-hindi Ginoo... Ang kanyang damitan... Wala ng laman ang mga iyon. Pati ang kanyang ibang mga gamit ay wala na rin. Sa aming tingin ay siya'y naglayas!" Nanlaki ang aming mga mata. "Ano?!" sabay-sabay na tanong namin nila Ginoong Remus at Yohan dahil sa labis na hindi pagkapaniwala. Napaiyak na nang tuluyan ang tagapagsilbing iyon. Marahas na ginulo ni Ginoong Remus ang kanyang kulot na buhok. "Ano pa ang inyong ginagawa?! Hanapin n'yo siya! Siguradong hindi pa siya nakalalayo!" sigaw niya na labis na nagugulumihan. "Masusunod po..." umiiyak pa rin na tugon ng tagapagsilbing iyon at paalis na sana ngunit nang mapatingin siya sa akin ay natigilan siya. Natulala siya nang saglit sa akin subalit nang tila mayroon siyang natanto ay nanlaki nang kaunti ang kanyang mga mata. Nangunot ang aking noo dahil sa reaksyon niyang iyon. "Ano pa ang iyong tinutunganga riyan?! Bilisan mo na at kung maaari ay isama mo ang lahat ng mga tagapagsilbi at kawal na mayroon tayo rito sa palasyo upang hanapin ang prinsesa!" sigaw sa kanya ni Ginoong Remus kaya naman siya'y napabalik sa kanyang sarili at nagmamadali nang umalis. Nang maiwan na kami rito ay natulala na lamang ako. Nawawala si prinsesa Ceres... Hindi... Siya'y naglayas. Sigurado ako na ako ay isa sa malalaking dahilan kaya naisipan niyang gawin ang bagay na iyon. Siguro, kung nagawa ko lamang sana siyang makausap kagabi nang ako ay dumaan sa kanyang silid bago ako magtungo sa puno ng Abidos, baka hindi niya nagawa ang bagay na iyon. Kung hindi lamang sana agad ako sumuko sa sapagkatok sa kanyang pintuan. Napakuyom ako ng aking mga kamao. "Nawawala na naman ang prinsesa! Siguradong hindi kakayanin ng hari at reyna kapag nalaman nila ang bagay na ito!" aburidong sabi ni Ginoong Remus. Nang marinig ko ang hari at reyna ay nanumbalik ako sa aking sarili. Sila ina! Kailangan ko silang puntahan! Mayroon akong nais sabihin sa kanila. Tumakbo kaagad ako sa direksyon patungo sa kanilang silid. "Hemira!" tawag sa akin nila Yohan ngunit hindi ako tumigil sa aking pagtakbo. Malayo na ang aking tinakbo at nang mapaliko ako ay natanaw ko agad ang mahal na hari at reyna kasama ang kanilang mga tagapagsilbi at kawal. Habol na habol ko ang aking hininga ngunit tumakbo akong muli upang sila'y malapitan na ngunit dahil sa haba ng aking kasuotan ay natalapid ako at napadapa. Lumikha iyon ng malakas na tunog na mukhang nakakuha sa atensyon ng hari at reyna. "Hemira!" alalang-alalang tawag nila sa akin at mga nagmamadaling yabag papunta sa akin ang aking narinig. Tinulungan nila akong makatayo at labis na pag-aalala ang nababakas sa kanilang mga mukha. "Ayos ka lamang ba, anak?" tanong sa akin ng reyna habang sinusuri ang aking katawan. Nang wala siyang makitang sugat ay nakahinga siya nang maluwag. Hinawi naman ng hari sa aking mukha ang aking buhok na nakaharang doon. "Ano ang sanhi ng iyong pagmamadali at sa labis niyon ay ika'y nadapa na?" Masuyo ang kanyang tinig. Nais kong maging masaya sa mapagmahal na pagtrato nila sa akin ngunit hindi ngayon ang oras para roon... Ngayong mayroong isang tao ang miserable dahil sa akin. "Ama... Si prinsesa Ceres... Nabatid ko na siya ay naglayas. Nais kong sumama sa mga naghahanap sa kanya. Gusto ko siyang makausap tungkol sa isang bagay." aking sabi na may labis na pakikiusap. Nangunot ang noo niya pati ang sa reyna. "Ano ang iyong sinasabi, Hemira? Hindi ka maaaring umalis dahil baka ika'y mapahamak lamang." Hindi niya pagsang-ayon sa akin. "Tama ang iyong ama, Hemira. Hindi namin hahayaan na pati ikaw ay malagay sa kapahamakan. Mayroon nang ipinakalat ang iyong ama na mga kawal at mandirigma upang hanapin si Ceres kaya hilingin na lamang natin na siya'y mahanap nila kaagad." "Hemira!" tawag sa akin nila Eugene at mukhang naabutan na nila ako rito nila Yohan. Agad akong tumikluhod sa harapan nilang dalawa at yumuko. "Pakiusap mahal na hari at reyna. Hayaan n'yo ako na maging isa sa mga naghahanap kay prinsesa Ceres. Ako ang dahilan ng kanyang paglalayas at kung kami ay makapag-uusap ay sisiguraduhin ko na maaayos na namin ang problema sa aming pagitan. Gagawin ko rin ang lahat upang matunton ko siya kung nasaan man siya ngayon." determinado kong sabi at hindi sa isang anak ang aking tono kundi sa isang tagasunod gaya ng aking nakagisnan. "Hindi na kinakailangan iyon, prinsesa Hemira." Napatingala ako nang marinig ko ang tinig na iyon. Tinig iyon ni Ginoong Sueret. Napatingin ako sa kanya na kararating lamang at kasama niya si Abun at Fedor. Agad na yumuko sila sa amin ng hari at reyna. Tinulungan na ako nila Yohan at Eugene na tumayo at saka lamang din nakarating dito ang hingal na hingal na si Ginoong Remus. "Ang heneral na si Abun at kanyang mga mandirigma na ang may tungkulin sa paghahanap kay prinsesa Ceres. Buo ang tiwala sa kanila ng hari at reyna gaya ng tiwala na ibinigay nila sa iyo noon nang ika'y heneral pa at naatasan na iligtas ang prinsesa sa Abellon kaya sana ay sapagkatiwalaan mo rin ang kanilang kakayahan." seryosong sabi sa akin ni Ginoong Sueret. "Gagawin namin ang lahat upang mahanap kaagad si prinsesa Ceres," sabi naman ni Abun at sabay silang tumikluhod ni Fedor. Hindi na ako nakaimik kahit na nais na nais ko pa rin na sabihing gusto kong sumama sa kanila. Tumayo na silang dalawa at umalis na. Bago sila makalayo ay nilingon ako ni Abun. Sandaling nagtama ang aming paningin ngunit tumingin na muli siya sa kanyang unahan at sila'y lumiko na. Humarang sa aking paningin si Ginoong Remus nang tumabi siya sa mahal na hari at ang sama ng kanyang tingin sa akin. "Mukhang napakaraming bagay ang nagtulak kay prinsesa Ceres upang maisipan niyang maglayas dito sa palasyo." kanyang sabi at humalukipkip. "Ngunit mayroon ibang bagay na maaaring dahilan kung bakit siya'y nawawala." Napatingin sa kanya ang hari at reyna. "Anong ibig mong sabihin?" tanong sa kanya ni Yohan. Sa akin siya tumingin at tinaasan niya ako ng isang kilay. "Prinsesa Hemira, huwag mo sanang mamasamain ang aking magiging tanong sa iyo. Nasaan ka kagabi noong mga oras na mawala ang prinsesa?" Nangunot ang aking noo sa pagtataka sa tanong niyang iyon. "Ano naman ang koneksyon ng tanong na iyan sa pagkawala ng prinsesa Ceres na iyon?" mataray na tanong sa kanya ni Aria na humalukipkip din at tinaasan din siya ng isang kilay. "Narinig ko ang inyong usapan kanina. Tinatanong mo siya kung bakit siya'y nawala sa iyong tabi sa inyong silid kagabi. Nang sumagot siya ay may pag-aalinlangan iyon at tila nagdadahilan lamang siya. Mukhang mayroong nangyari kagabi sa kanya na siya lamang ang tanging nakaaalam." Ngumisi pa siya at doon ay naintindihan ko na ang nais niyang iparating. Nagsimula nang magbulungan ang mga tagapagsilbing kasama ng hari at reyna. Bumitaw sa akin si Yohan at nilapitan si Ginoong Remus na mayroong kuyom na mga kamao. "Pinagbibintangan mo ba si Hemira sa pagkawala ni Ceres?" gitil na tanong niya rito. "Hindi naman sa ganoon... Nais ko lamang naman malaman kung saan talaga siya nanggaling kagabi. Iyon lamang." painosente nitong sabi. "Tama na iyan Remus. Hindi ko na nagugustuhan ang tinutungo ng iyong mga sinasabi," wika ng hari at mababakas sa tinig nito ang pagkadisgusto. Nagkaroon ng tensyon sa lugar na ito dahil sa pangbibintang sa akin ni Ginoong Remus ngunit nawala iyon nang mayroong lumapit kay Ginoong Sueret na isang binibini na nanginginain ng tinapay. Maganda ang binibining iyon ngunit mayroong mga butil ng tinapay sa gilid ng kanyang mga labi. "Ginoo, pinapunta ako rito ng mga maheyang naghahanda sa koronasyon upang ipatanong kung itutuloy ba iyon o hindi dahil sa pagkawala ni prinsesa Ceres," sabi nito at kumagat muli sa tinapay na hawak nito. Napatingin naman si Ginoong Sueret sa hari para sa magiging desisyon nito. "Tuloy iyon, Pamela." Nanlaki ang aking mga mata sa tugon niyang iyon. "Ano po?! Itutuloy n'yo pa rin ang koronasyon sa akin, ama? N-ngunit nawawala si prinsesa Ceres..." hindi ko makapaniwalang sabi. "Sige po. Akin nang sasabihin sa kanila ang inyong naging tugon," sabi ng binibining nagngangalang Pamela at yumuko sa kanya saka umalis na ito. Hindi pa rin ako labis na makapaniwala. "Mahal na hari! Nawawala si prinsesa Ceres ngunit itutuloy n'yo pa rin ang koronasyon?!" may hindi pagsang-ayong tanong ni Ginoong Remus. "Itutuloy ko iyon dahil nasabi ko na rin naman iyon sa mga tao. Isa pa'y hindi ko rin naman nais ipagpaliban ang pagpapakilala namin kay Hemira bilang aming anak at kanilang prinsesa." paliwanag ng hari. "Subalit ama..." "Kamahalan, kapag itinuloy n'yo ang koronasyong iyon at malaman ng mga tao na nawawala si prinsesa Ceres ay babatikusin nila kayo dahil sa inyong naging desisyon!" sabi ni Ginoong Remus. Tumango-tango ang hari. "Kaya nga ang nararapat ay hindi nila malaman na nawawala si Ceres. Naisip ko na ito kanina pa kaya naman sinabi ko kina Abun na hanapin si Ceres nang palihim at walang dapat na makapansin sa mga mamamayan ng ating kaharian sa nangyayaring ito." Tumingin siya sa kanyang mga tagapagsilbi at kawal. "Sabihin n'yo sa lahat ng nakaaalam sa pagkawala ni Ceres na huwag nang ipararating iyon sa labas ng palasyo, naiintindihan n'yo ba?" Yumuko naman ang mga tagapagsilbi at tumikluhod ang mga kawal. "Masusunod po, kamahalan." Napansin ko ang sikreto niyang paghinga nang malalim. Siguradong nahihirapan na siya dahil sa mga nagaganap na ito. Napapikit na lamang ako nang mariin dahil mukhang tapos na ang kapayapaang kanina lamang ay aming tinamasa. ~Tagapagsalaysay~ Mula sa isang masukal na parte ng halamanan ay isang babae ang lumabas mula roon. Mahaba ang kanyang kasuotan ngunit may mga pilas at madungis na iyon. May mga tuyong dahon pa na nakasabit sa kanyang mahabang buhok. Mabigat ang kanyang paghinga dahil sa pagod ngunit nang makita na ang napakalaking palasyo hindi gaanong malayo sa kanyang puwesto ay nanlaki ang kanyang mga mata kasabay ng paglawak ng kanyang ngiti. "Sa wakas! Sa layo ng kontinente ng Zephyrus kung saan ako iniwan ng Euvan na iyon ay narating ko na rin ang palasyong ito ng Gemuria! Magkikita na tayong muli... Yohan!" Isang matamis na ngiti ang nabuo sa kanyang mga labi. "Bilisan ninyo ang inyong mga kilos! Kailangan natin siyang mahanap sa lalong madaling panahon at wala dapat na makakaaalam na mga sibilyan sa kanyang pagkawala!" maawtoridad na sigaw ng isang lalaki sa mga mandirigma malapit lamang sa kanya. Nangunot ang kanyang noo sa kuryosidad dahil napakaraming mga mandirigma ang nagtipon. "Opo! Heneral Abun!" sabay-sabay na sabi ng mga ito at bigla na lamang nagsitakbuhan ang mga iyon sa iba't-ibang direksyon. Nang makita niya ang tinawag ng mga itong heneral ay nagtago kaagad siya nang mapadaan ito sa kanyang puwesto ngunit nang makalayo na ay lumabas na siyang muli sa halamang kanyang pinagkublian. "Hmmm.. Ano kaya ang nagaganap at tila nagmamadali ang mga mandirigmang iyon? Sino kaya ang kanilang hinahanap?" mahinang tanong niya ngunit pinilig niya ang kanyan ulo at ngumiting muli. "Hindi mo na dapat isipin iyon Euphemia dahil si Yohan ang iyong pakay rito, hindi ba?" tanong niya sa kanyang sarili. "Tama... Nais kong malaman kung ayos lamang ba siya sapagkatapos ng nangyari sa Nyelsa. Hindi ko alam kung ano na ba ang nangyari sa kanila ni Hemira dahil iniwan na lamang ako ng Euvan na iyon kung saan. Kapag nakita ko talaga ang Arthan na iyon ay lagot siya sa akin!" naiinis niyang turan. "Halika kayo! Malapit nang ianunsyo ng hari ang isang mahalagang bagay gaya ng sabi niya noon sa Erou Mormant!" sabi ng isang tinig kaya siya'y napatingin sa pinanggalingan niyon. Ngayon nama'y napakaraming tao ang nakita niyang patungo na ng palasyo. Napakarami ng mga ito at nang siya ay madaana'y nadala na siya ng mga ito. Ni hindi niya magawang makalabas sa siksikang iyon kahit na napakalawak naman ng lupain kung nasaan sila ngayon. Nang nasa harap na sila ng palasyo ay tumigil na ang mga ito sa paglalakad. Kanya-kanyang usapan na ang kanyang mga naririnig. "Ano kaya ang iaanunsyo ng hari?" "Hindi ko rin batid ngunit sana ay hindi naman isang masamang balita. Sunod-sunod na ang masasamang nangyayari rito sa kaharian." "Pati nga ang kasal ni prinsesa Ceres at prinsipe Argyris ay hindi matuloy-tuloy dahil sa pagpigil ng mga mostro na maganap iyon." Patuloy lamang siyang nakikinig sa pag-uusap ng mga tao malapit sa kanya. "Ngunit mayroon akong hula sa sasabihin ng hari sa atin," sabi ng isang gining na katabi lamang niya. Nausisa naman siya sa sinabi nito at pati ang ibang mga nakarinig ay sa kanila na rin nakatingin. "Ako ay tagaTeban at aking naaalala, nang parurusahan na ang dating heneral ng ating kaharian at namuno sa mga mostro sa pang-aatake sa atin sa aming lugar ay dumating ang kanang kamay ng hari upang pigilan iyon at isinigaw niya na ang babaeng iyon ang may hawak ng kapangyarihang Yang. Hindi ba't ang Yang ay ang kalahati ng kapangyarihang regnum na taglay ng hari?" tanong nito. Nagsitango naman ang marami. "Ngunit hindi ba't na kay prinsesa Ceres na ang kapangyarihang iyon at nagawa niya pang magamit iyon upang protektahan ang ating kaharian nitong huling pagsalakay?" tanong naman ng isa pang gining. Napuno na ng mga tanong ang mga tao ngunit biglang tumunog ang isang trumpeta nang napakalakas kaya napatingala sila nang sabay-sabay sa napakalaking bulkanahe sa ikatlong palapag ng palasyo kung saan nagmumula iyon. Naroroon ang nagpatugtog ng trumpeta at tumigil na iyon sa isang hipan lamang sa instrumento. Natahimik ang lahat nang unti-unting humawi sa gitna ang pulang kurtina sa bulkanahe. Doon ay lumabas ang hari at reyna na magagara ang kasuotan. Suot ng mga ito ang kanilang mga gintong korona na kumikislap sa tama ng sinag ng araw. Seryoso ang mukha ng mga ito lalo na ang sa hari. Lumapit ito sa bakod ng bulkanahe upang matanaw ito nang maayos ng mga tao. "Mga mamamayan ng Gemuria! Ito na ang aking itinakdang araw kung kailan ko iaanunsyo ang isang bagay." seryosong sabi nito at dahil sa tahimik ng mga tao ay rinig na rinig ng lahat ang winiwika nito. Iginala nito ang paningin sa napakaraming tao na nasa ibaba ng palasyo. "Batid ninyo na ang aming angkan, ang Primum ang siyang nagtataglay ng kapangyarihang Regnum. Isa iyong malakas na kapangyarihan at kung sino man ang magmamay-ari niyon ay siyang mamumuno sa mataas na kahariang ito." Tumigil ito sandali. "Sino ang nakaaalam tungkol sa alamat ng Regnum?" Nabakas ang pagtataka sa mukha ng mga taong natipon doon. Miski si Euphemia ay nagtaka rin. Mayroong isang matandang lalaki ang naglakas loob na magtaas ng kamay. "Ako po, kamahalan... Ngunit ang simula lamang niyon ang aking natatandaan dahil bata pa ako nang ikuwento iyon sa akin ng aking ina." Tumango-tango ang hari. "Sige at isalaysay mo ang iyong nababatid sa alamat na iyon." Lahat ng tao ay sa matandang iyon na nakatingin. Isang maheya ang naglagay ng mahika sa matandang iyon upang lumakas ang tinig nito. "Base sa aking natatandaan, dalawang magkaibigan ang sumubok na kunin ang batong regnum sa isang kabundukan upang isalba ang kanilang naghihirap na bayan. Nagtagumpay nga sila ngunit isa lamang ang maaaring magtaglay ng kapangyarihang iyon at sa mabuti iyon binigay. Patawad po sapagkat ang kasunod niyon ay hindi ko na batid, kamahalan..." Yumuko pa ito. "Tama. Ganoon nga ang unang naganap sa alamat na iyon. Ang mabuti lamang ang maaaring magtaglay ng kapangyarihang iyon. Ngayon ay hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa at sasabihin ko na ang nararapat kong ipaalam sa lahat sa inyo." Ngumiti na ito. Tahimik ang lahat ngunit nararamdaman ni Euphemia ang labis na pagkausisa ng bawat isa sa sasabihin ng hari. Miski siya na walang nalalaman sa mga nagaganap sa lugar na ito ay nauusisa rin nang lubos. "Mayroon kaming isang kadugo na ngayon lamang namin maipapakilala sa inyo. Noon n'yo pa sana siya kinikilala bilang isa na nagmula sa angkan naming mga Primum ngunit kailan lamang namin natuklasan ang bagay na iyon," sabi ng hari. Nagsimula nang umugong ang mga usapan ng mga tao kahit na iyon pa lamang naman ang sinabi ng hari. "Ano kaya ang ibig sabihin ng hari?" "Isang kanilang kadugo? Sino naman kaya iyon?" Kanya-kanya nang usapan ang mga tao sa paligid. Tumunog muli nang malakas ang trumpeta kaya natigil ang mga ito at mahabang sandali ang lumipas bago tumigil ang naghihipan doon. Sumunod doon ay ang pagtatambol ng malalaking tambol at sinabayan iyon ng masayang tunog na nagmumula sa instrumentong tinutugtog ng ilang tagapagsilbi sa palasyo. "Ngayon na ang oras upang ipakilala ko sa inyo ang aming anak ng inyong reynang si Devora." Lumakas ang tinig ng hari dahil sa mahika ng isang maheya. "Ano ang ibig sabihin ng hari? Ipakikilala niya si prinsesa Ceres sa atin gayong kilala na naman natin ang prinsesa." naguguluhang sabi ng gining na katabi ni Euphemia. Umalis ang reyna sa puwesto nito at mayroon itong isang taong nilapitan mula sa loob ng balkunahe. Nang lumabas na itong muli ay tumambad na sa mga tagaGemuria ang isang magandang binibini na akay-akay nito. Nakasuot ito ng mahaba at matingkad na gintong kasuotan at hinahangin ang mahabang buhok nito ngunit iba sa inaasahan ng lahat, hindi si Ceres ang kanilang nasilayan... kundi iba. "Siya si Hemira! Ang inyong tunay na prinsesa at siyang nagmamay-ari ngayon ng kapangyarihan ng kabutihan, ang Yang!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD