Hemira III 13 - Sayawan
~Euphemia~
Ako'y palinga-linga habang naglalakad dito sa pasilyo ng palasyo ng Gemuria. Nagawa kong makapuslit ng pasok dito dahil binuksan ito ng hari para sa lahat dahil sa magaganap na pagdiriwang ngayong gabi.
Marami akong mga tagapagsilbing nasasalubong at halatang abalang-abala sila dahil sa pagmamadali ng kanilang mga kilos.
Ang ilan namang kasabay ko sa paglalakad ay mga mamamayan ng Gemuria na mukhang ngayon lamang din nakaapak sa lugar na ito ngunit imbis na mamangha sila kung gaano kaganda ang lugar na ito ay kanya-kanya ang kanilang pagtatalo tungkol sa naganap kanina.
Miski ako ay hindi makapaniwala sa lahat ng nangyari.
Ni hindi man lamang pumasok sa aking isipan na si Hemira ay...
~Pagbabalik Tanaw~
~Tagapagsalaysay~
Tanging ang masayang tugtugan lamang ng mga tagapagsilbing pangpalasyo ang namayani sa buong lugar matapos banggitin ni Herman na si Hemira ang tunay nilang anak ni Devora.
Ang lahat ng mga naroroon na ngayon lamang nakabatid sa bagay na iyon ay halos malaglag ang panga sa hindi pagkapaniwala sa inanunsyo niyang iyon.
Ni walang makapagsalita miski isa upang magtanong, bumatikos o kung anupaman.
Nabalot ang buong lugar ng pagkalito at labis na pagkagulat.
Ang katahimikan namang iyon ay tila sumasakal kay Hemira.
Hindi siya makahinga nang maayos.
Imbis na tuwa ang kanyang maramdaman dahil naipakilala na siya ng kanyang ama sa mga tao ay hindi sapagkat tila siya hinahatulan dahil sa mga tingin sa kanya ng mga tao na nakatingala sa kanila mula sa ibaba.
May humawak sa kanyang kamay at si Devora iyon.
Nakangiti ito sa kanya at kinakalma siya nito sa paraang iyon.
Kahit papaano ay humihinahon na siya ngunit nang mapatingin siyang muli sa naparaming mga taong nasa ibaba, ang mga naguguluhang ekspresyon pa lamang ng mga ito at ang mga tingin na naririmarim sa kanya ay sapat na upang manumbalik ang pagkaguluming kanyang nadarama.
"Dahil sa manghuhulang si Thelia ay naiwasan natin ang kapahamakan sanang nakaabang sa ating kaharian at sa mundong ito. Kung hindi niya inilayo sa amin si Hemira noong sanggol pa lamang ito ay napatay na sana nila Abellona at ng kasamahan niyang si Handro ang aming anak sa kanyang ikadalawang pung kaarawan. Isa rin siyang bayani kung ituturing," pagtatapos ni Herman sa kanyang pagsasalaysay.
Nakabibinging katahimikan ang lumaganap at sa dami nila na naroroon ay wala pa ring nangangahas na magsalita.
"Kung siguro na sa inyo naganap ang nangyari kay Thelia ay paniguradong gagawin n'yo rin ang ginawa niyang iyon kung nais ninyo na manatili ang kapayapaan sa mundong ito. At ang Arthan na si Euvan. Ibinilang siyang bayani at inihimlay sa Erou Mormant dahil ibinuwis niya ang kanyang buhay sa pagpoprotekta kay Hemira hanggang sa huli. Sila ang mga taong napakalaki ang ambag sa pagprotekta sa ating lahi ng mga mabubuti." pagbasag ni Devora sa katahimikang iyon.
Ang gining na katabi ni Euphemia na isang tagaTeban ay naglakas loob na magtaas ng kamay. "Mahal na hari at reyna! Patawarin ninyo ako ngunit hindi ko matatanggap na ang mamumuno sa kahariang ito sa hinaharap ay isang taong nakianib na noon sa mga mostro at may bahid na ng dugo ng mga inosenteng taong pinaslang niya nitong mga nakaraang pagsalakay!"
Sa sinabing iyon ng gining ay nagsimula nang sumang-ayon ang iba.
Nagsisitango na ang mga ito at unti-unti nang sumisiklab ang galit sa mga mata ng bawat isa.
"Hindi ba't ipinaliwanag ko na sa inyo ang tunay na nangyari sa kanya kaya siya napabilang sa mga mostro na iyon?" tanong ni Herman at kuyom na ang mga kamao.
"Subalit paano kami, o tayo nakasisigurado na ang taong iyan ay wala na nga sa ilalim ng impluwensya ng mga mostro?" Isa namang lalaki ang nangduro na kay Hemira. "Masisisi n'yo ba kami kung nais lamang naming ipanumbalik ang kapayapaan sa kahariang ito gayong kayo ang responsable sa bagay na iyon, kamahalan?!"
"Lapastangan!" sigaw ng isang tinig ng lalaki.
Mula iyon sa likuran nila Hemira kaya napalingon sila roon miski si Herman.
Lumabas sa balkunaheng iyon si Abun, ang kasalukuyang heneral ng mga mandirigma. Hindi ito sumama sa mga naghahanap kay Ceres upang masaksihan ang magiging anunsyo ng hari.
Dumaan ito sa gilid nila Hemira na nakasunod ang tingin sa kanya.
Kunot ang noo nito habang ang tingin nito ay nasa lalaking dumuro kay Hemira. "Nakalilimutan n'yo na ba na noo'y siya ang heneral ng mga mandirigma nitong ating kaharian?! Kasama niya ako noon sa mga laban upang protektahan ang buong lugar na ito at saksi ako sa kanyang labis na kagustuhang mailayo sa kapahamakan ang lahat ng naririto sa pagkapaslang niya sa napakalalakas na mga halimaw na nais manggulo rito!" Kuyom na kuyom ang mga kamao nito sa galit na nararamdaman.
"Ngunit iyon ay nakalipas na! Wala nang kasiguraduhan ang kanyang sapagkatao at intensyon ngayon!" sagot ng lalaking iyon.
"Tama!"
"Hindi na nga kami nakasisigurado sa babaeng iyan!"
"Hindi namin ipagkakatiwala ang aming mga buhay sa babaeng iyan na nagawang makontrol ng mga mostro!" protesta na ng mga tao.
Lalo lamang sumiklab ang galit ng mga ito.
Lalong kumuyom ang mga kamao ni Abun.
Siya'y magsasalita pa sana ngunit hinawakan na siya sa balikat ni Herman.
Napatingin naman siya rito at marahan itong umiling.
Pinipigilan na siya nito na magsalita pa dahil batid nila na mukhang hindi na talaga nila makukumbinsi ang mga tao kahit ano pa ang kanilang sabihin.
Yumuko na lamang siya at umatras upang tumabi kina Hemira.
Tiningnan niya sa kanyang tabi si Hemira at puno ng pasasalamat ang tingin nito sa kanya kahit na hindi niya nakumbinsi ang mga tao.
Napahingang malalim si Herman dahil sa walang tigil na sigaw ng mga tao sa mga salitang masasama at mapangbintang sa anak niyang si Hemira.
"Mamayang gabi lamang ay magaganap ang isang sayawan sa loob ng palasyong ito." pagsasalita niyang muli kaya natahimik ang iba bilang paggalang sa kanyang pagsasalita ngunit ang iba ay mga nag-uusap-usap pa rin. "Doon ko na kokoronahan ang aking anak na si Hemira bilang inyong prinsesa at magiging reyna sa hinaharap. Ang prinsipeng si Argyris naman na anak nila prinsipe Alberon at prinsesa Aerin ay itatanghal ko na rin bilang susunod na hari nitong Gemuria."
"Ngunit mahal na hari! Gagawin n'yo pa rin iyon kahit tutol na kaming inyong napamumunuan?! Kahit na kaligtasan namin ang nakasalalay?!" hindi makapaniwalang tanong ng isa sa mga mamamayan.
"At kamahalan! Paano na si prinsesa Ceres na kinilala na naming magiging reyna noon? Ano na ang kanyang sasapitin kung siya'y mapapalitan na?!" tanong pa ng isa.
"Siya'y bahagi pa rin ng aming pamilya at aming anak ni Devora. Patuloy n'yo pa rin siyang kikilalaning prinsesa. Hindi magbabago ang lahat puwera lamang sa bagay na si Hemira ang aking kokoronahang susunod na reyna ng ating kaharian." kalmado niyang sagot.
"Hindi kami makapapayag, mahal na hari!"
"Mas mabuti pang mawalan na lamang ako ng buhay kaysa sa kamay ng isang mostro na nagpapanggap na mabuti mapigtal ang aking hininga!"
"Tama! Hindi namin siya matatanggap bilang aming reyna!"
Nagsisimula nang muling umalpas ang galit ng mga tao.
Ang bawat isa'y sumasang-ayon na hinding-hindi nila matatanggap si Hemira.
Dahil doon, si Hemira ay tila sinasaksak ng mga masasakit na salitang iyon sa kanyang dibdib.
Napako na rin siya sa kanyang kinatatayuan. Mapalad pa dahil hindi siya ipinagkakanulo ng kanyang mga binti at hinahayaan pa rin siya ng mga iyon na nakatayo.
Napapikit siya nang mariin at kung maaari lamang ay mabingi na siya sa mga oras na iyon upang hindi niya marinig ang mga masasamang salitang ibinabato sa kanya nang biglang may magtakip sa kanyang mga tainga.
Napamulat siya at napalingon kung sino iyon.
Nasilayan niya si Yohan at seryoso ang mukha nito.
Kasama nito sila Aria at ang iba pa nilang kasamahan. Galit ang mga nakapinta sa mga mukha ng mga ito dahil sa mga taong bumabatikos sa kanya sa ibaba.
Napatitig siya sa mga ito.
"Halika na." seryosong sabi ni Yohan at hinawakan na siya nito sa kanyang braso upang akayin paalis. Doon ay kumawala na ang luhang kanina niya pa pinipigilan kaya natigilan ito.
Ang kaninang galit na nararamdaman ng kanyang mga kasamahan ay napalitan ng simpatya at lumambot ang ekspresyon ng mga ito.
Miski si Abun ay ganoon din ang naging reaksyon sa kanyang pagluha.
Batid ng mga ito na hindi siya isang mahinang babae na madaling lumuha sa isang sitwasyon ngunit ngayon ay alam nila na labis talaga siyang naaapektuhan dahil sa mga sinasabi ng mga tao.
"Pakiusap... Nakikiusap ako..." biglang sabi ni Herman na nakapagpatigil bigla sa sigawan ng mga tao. Mayroon pang mga napasinghap.
Dahil sa biglang pananamik nang marami ay napatingin sila Hemira sa kanya.
Nanlaki ang mga mata nito nang makitang nakaluhod siya at nakayuko.
Dahil malalaki ang pagitan ng mga kahoy sa bulkanaheng iyon ay kitang-kita ng mga tao ang kanyang pagluhod na iyon.
"Batid ko na hindi ko makukuha ang inyong pagpayag para sa anak kong si Hemira... ngunit sana nama'y inyong maintindihan. Napakatagal namin siyang hindi nakasama at dumaan siya sa mga paghihirap at pagmamalupit na hindi niya sana dinanas dahil sa kanyang kapalaran bilang aming anak... kaya naman nais na nais ko na mabawi ang lahat ng para sa kanya. Na maibigay ang nararapat ay noon pa sa kanya. At isa pa, hindi rin naman ako isang pinuno na ipapahamak ang kanyang nasasakupan. Na kay Hemira ang kapangyarihan ng kabutihan kaya nakasisigurado ako na kayo'y kanyang mapoprotektahan higit pa sa kakayahan ko." Nananatili itong nakaluhod at nakayuko sa mga tao.
"Kaya ako'y nakikiusap sa inyo... Hindi bilang inyong hari kundi bilang ama ng aking anak na si Hemira. Tanggapin n'yo siya bilang inyong prinsesa at sapagkatiwalaang muli. Pakiusap..." Mas lalo niya pang iniyuko ang kanyang ulo at dahil doon ay nahubad na ang suot niyang korona. Gumulong-gulong pa iyon sa sahig.
Tila nawalan na naman ng dila ang mga tao na naroroon dahil sa hindi pagkapaniwala sa kanyang ginawa.
Na ang hari ng pinakamataas na kaharian sa lupa ay lumuhod at yumuko sa mga taong nasasakupan nito.
~Pagtatapos ng Pagbabalik Tanaw~
~Euphemia~
Patuloy lamang ako sa paglalakad sa pasilyong ito at sa aking tingin ay nakadaan na ako rito kanina.
Madilim na ang paligid at tanging ang mga sulo lamang at ibang mga naggagandahang pailaw ang nagbibigay liwanag sa paligid.
Luminga ako sa aking gilid nang may masalubong ako roon ngunit isang mahadlikang(Noble) ginoo lamang iyon na magara ang kasuotan.
Napahinga ako nang malalim.
Kanina ko pa hinahanap si Yohan sa lugar na ito ngunit ilang oras na ang aking ginugol at inabot na rin ako ng gabi sa paghahanap ngunit ni miski kanyang anino ay hindi ko nasilayan.
Nagpatuloy na lamang ako sa aking paglalakad nang makita ko ang gining na katabi ko kanina sa pag-aanunsyo ng hari tungkol kay Hemira. Siya iyong tagaTeban at pinakaunang naglakas loob na bumatikos kay Hemira.
Napansin ko na tila siya nagmamadali sa paglalakad.
"Gining!" tawag ko sa kanya ngunit mukhang hindi niya ako narinig at lumiko siya ng lakad sa isang likuan.
Sinundan ko siya upang magtanong sana kung saan ba ang lugar na gaganapan ng sayawan sapagkat naligaw na ako sa laki ng palasyong ito.
Pagkaliko ko ay nakita kong pumasok siya sa isang silid.
Magtutungo sana ako roon sa pag-iisip na baka iyon na ang lugar na gaganapan ng sayawan ngunit sa dulo ng pasilyong ito ay may lumiko ring mga kalalakihang may dalang mga sandata.
Nagtago ako bigla sa may isang pader. Hindi ko batid kung bakit iyon ang ikinilos ng aking katawan.
Mukhang isang kapahamakan ang magaganap sa akin kung hindi ko iyon ginawa dahil ang mga lalaking iyon ay hindi naman mga mandirigma o kawal ng kahariang ito. Mukha silang mga bandido dahil sa kanilang mga kasuotan.
Siguradong madali silang nakapasok dahil kakaunti lamang ang mga kawal at mandirigma na nagbabantay sa palasyong ito.
Pumasok din sila sa silid na pinasukan ng gining kanina at luminga-linga muna ang huling bandido sa paligid bago nito isinara ang pinto.
Nanlaki ang aking mga mata.
Baka kung anong masamang mangyari sa gining na iyon!
Nagmamadali ngunit maingat na nagtungo ako papunta sa silid na iyon. Malapit na ako sa pinto niyon...
"Ginoo, nagawa ko na ang unang hakbang ng inyong plano."
Nangunot ang aking noo nang marinig ko na tinig iyon ng gining.
Mukhang hindi naman siya ginagawaan ng masama ng mga bandido.
"Mabuti. Kayo naman ang gagawa ng susunod na hakbang," sabi ng isang tinig ng lalaki at hindi ako pamilyar doon.
"Masusunod." sabay-sabay na sabi ng mga tinig ng lalaki na siguradong pagmamay-ari ng mga bandido.
Nang mukhang lalabas na sila ay agad akong tumakbo paalis ng lugar na iyon.
Ako'y walang sapin sa paa kaya naman walang maririnig na tunog sa aking pagtakbo. Mabuti at nakaalis ako sa lugar na iyon bago pa nila ako makita.
Habol na habol ko ang aking hininga sa pagod.
May kutob akong hindi maganda sa bagay na iyon.
Umayos na ako ng tayo nang maigi na ang aking paghinga ngunit may nakita akong isang pamilyar na mukha.
Isang lalaki iyon at may kalayuan subalit hinding-hindi ko makalilimutan ang kanyang mukha.
Kinulayan niya lamang ng puti ang kanyang buhok ngunit sigurado akong si Euvan iyon.
Nakuyom ko ang aking mga kamao.
"Mabuti at nakita kita, Euvan. Pagkatapos mo akong basta iwan na lamang sa isang lugar sa Zephyrus!" naiinis kong turan at naglakad na ako tungo sa kanya ngunit napatigil ako nang makita kong siya'y nakangiti.
Nangunot ang aking noo.
Ngayon ko lamang siya nakitang ngumiti. Pati ang kanyang kausotan. Kulay puti at magara hindi katulad ng lagi niyang suot na itim at luma na.
May kasama siyang mga babae at nakaakbay siya sa isa sa mga iyon.
"Ano kaya ang nangyari sa Euvan na ito at napakalaki ng pagbabagong naganap sa kanya. Tila iba na siyang tao... subalit hindi ko na dapat intindihin pa iyon. Itatanong ko sa kanya kung nasaan si Yohan dahil batid kong alam niya iyon." Naglakad akong muli upang siya'y lapitan ngunit biglang bumukas ang isang malaking pinto malapit sa kanila.
Narinig ko ang isang masayang tugtog mula sa loob at mukhang may nagaganap na pagdiriwang sa loob.
Sa aking tingin ay iyon na ang silid na ginaganapan ng sayawan.
Doon ay pumasok na sila kaya naman nagmadali na ako na sundan sila.
Habang naglalakad ako ay gumamit ako ng mahika upang palitan ang aking gutay-gutay na damit at palitan iyon ng magara.
Kulay pula ang aking ipinalit na pang-itaas at puti naman ang aking pang-ibaba na hanggang aking sakong.
Luminis din ang aking katawan at ang aking mahabang buhok ay kumulot ang dulo at nataling mag-isa. Nagkaroon na rin ako ng magandang sapin sa paa.
Ang aking pang-akit na mahika ay siyang naging aking pabango na paniguradong humahalina sa pang-amoy ng maraming aking kasabay ngayon sa paglalakad.
Napansin ko na nagsisimula na silang dumami at nakaharang na ang iba sa aking daanan kaya pilit akong nakiraan upang makauna na akong makapasok at doon ay nakapasok na ako sa silid ng sayawan.
Napakaliwanag ng loob kaya nasilaw ako at napapikit nang biglang maramdaman ko na may tumulak sa akin mula sa aking likuran dahil ako'y nakaharang sa daan.
Dahil doon ay mapapadapa na sana ako nang may nakaagap ng hawak sa aking mga braso upang ako'y tulungan at napakapit naman ako sa damit ng taong iyon.
Napatingin ako kung sino iyon at ang nag-aalalang mukha ni Euvan ang sumilay sa akin.
"Ayos ka lamang ba, binibini?" tanong niya at inalalayan niya akong makatayo nang maayos.
Napatitig ako sa kanya.
Puting-puti na talaga ang kanyang buhok pati ang kanyang kilay at pilik mata.
Wala na ang telang nakatakip sa isa niyang mata at ibang-iba ang dating niya ngayon.
"O-oo... Salamat..." Nakatitig pa rin ako sa kanya dahil sa paninibago.
Ngumiti siya. "Mabuti naman. Mag-iingat ka sa susunod dahil maraming tao," sabi niya at akmang aalis na ngunit hinawakan ko siya sa kanyang braso kaya siya'y napatinging muli sa akin. Nagtatanong ang kanyang tingin.
"Hindi mo ba ako naaalala kung sino ako?"
Napaisip naman siya. "Paumanhin ngunit sa aking tingin ay ngayon lamang kita nakita." Napakamot pa siya sa kanyang ulo.
Nagtaka ako sa kanyang kilos. Siya ba talaga si Euvan?
Ngunit kahit na marami ang pagbabago ay mukha ni Euvan ang nakikita ko ngayon.
"Ako si Euphemia. Kasama n'yo ako nila Hemira at Yohan noon sa kontinente ng Zephyrus upang puntahan ang manggagamot na si Serafina. Hindi ba't ikaw ang Arthan na si Euvan?" Bumitaw na ako sa kanya.
Biglang nawala ang kanyang ngiti at sumeryoso ang kanyang tingin.
Doon ay nakita ko na si Euvan na kasama ko noon sa kanya.
"Hindi ako si Euvan," sabi niya kaya nangunot ang aking noo.
"Ngayon ay magsisimula na ang sayawan!" anunsyo ng isang tinig at doon ay ang masayang tugtog ay napalitan ng isang musikang masuyo.
Nagsipuntahan na sa gitna ang mga babae at lalaking makikipagsayaw sa isa't isa.
Kaming dalawa naman ay naitulak na rin sa gitna ng ibang taong magsasayaw rin.
Nakatayo lamang kami roong dalawa habang ang iba ay nakikipagsayaw.
Biglang may humapit sa aking baywang kaya napatingin ako sa lalaking aking nasa harapan.
"Magsayaw tayo habang nag-uusap. Masisira natin ang pagdiriwang na ito para kay Hemira," sabi ni Euvan kung siya nga ba talaga ito.
Sumunod ako sa kanyang tinuran at humawak ako sa kanyang balikat.
Sumabay lamang kaming dalawa sa daloy ng masuyong musika.
"Anong iyong ibig sabihin na hindi ikaw si Euvan?" tanong ko sa kanya habang deretsong nakatingin sa kanyang mga mata.
Ngumiti naman siya. "Ang aking pangalan ay Eugene at kambal ko si Euvan. Hindi ko maintindihan sa iyo kung paanong mapagkakamalan mo akong si Euvan gayong ibang-iba naman kami sa isa't isa kahit na kami'y magkamukha." Napailing-iling pa siya.
"Sinasabi ko na nga ba at mayroong hindi tama sa aking akala na ikaw si Euvan. Kung gayon ay nasaan ang isang iyon? Mayroon pa siyang atraso sa akin."
Nawalang muli ang kanyang ngiti at sandaling nagkaroon ng lungkot ang kanyang mga mata bago iyon sumeryoso. "Wala na si Euvan. Nawalan siya ng buhay noong naganap ang pagsalakay rito."
Nabigla naman ako sa kanyang sinabi at napatigil ako sa aming pagsasayaw. "W-wala na siya?"
Tumango-tango siya.
"Ngayon ay ang aking anak na si Hemira at si prinsipe Argyris ay magsasayaw na tanda na sila na ang nakatakda para sa isa't isa," sabi ng tinig ng hari na nakaupo sa isang magarang upuan katabi ng reyna.
Nasa magkabilang gilid nila si Sueret at Remus na nanonood lamang sa pagdiriwang.
Humawi ang mga nagsasayaw upang bigyan ng daan sila Hemira at Yohan.
Nagmula sila sa magkaibang direksyon at nagtagpo lamang sila sa may gitna ng sayawan.
Ang gara ng suot ni Hemira na pilak ang kulay at kumikintab iyon. Mayroong naggagandahang palamuti sa nakalugay niyang buhok at ibang-iba na siya kumpara noon. Kahit na ako ay diwata ng pang-akit ay masasabi ko na ang kagandahan niya noon ay lalo pang nadagdagan. Tila siya'y mas nakakaakit kaysa sa akin sa natural na paraan.
Si Yohan naman ay pula ang kasuotan at bagay na bagay sa kanya iyon. Maayos din ang kanyang buhok at lalo siyang kumisig.
Kitang-kita sa mata nilang dalawa ang paghanga at pagmamahal sa isa't isa. Tila may mga karayom naman na itinusok sa aking puso dahil doon.
Hinapit na ni Yohan ang baywang ni Hemira at humawak na rin ang huli sa kanyang balikat.
Napalitan ng mas masuyo at malambing ang musikang tumutugtog. Nagsimula na silang magsayaw at sumabay sa daloy niyon.
Nagsayaw na rin ang iba pa sa paligid.
Hinapit muli ng Arthan na itong si Eugene ang aking balikat at nagsayaw kaming muli.
Narinig ko ang paghinga niya nang malalim.
"Imposible talagang ako ang unang makasayaw ni Hemira... dahil si Yohan naman talaga ang nakatakda para sa kanya." hindi niya napigilang sabi sa sarili.
Napataas ako ng isang kilay. "Si Hemira, siya'y iyong itinatangi?"
Ngumiti lamang siya. "Ganoon na nga... ngunit ang isang Arthan na tulad ko na pagmamay-ari niya ay hindi karapat-dapat sa kanya. Kapag nangyari iyon ay tila ba umibig ang isang mangingisda sa kanyang pamingwit, ang isang magsasaka sa kanyang kalaykay. Ganoon ang kalalabasan niyon."
Doon na nasagot ang aking tanong na nakatago lamang sa gilid ng aking isipan. Na kung bakit hindi siya naaapektuhan ng aking pang-akit na mahika. Dahil mayroon na ring laman ang kanyang puso... at sinsero iyon.