Hemira III 14 - Interogasyon
~Tagapagsalaysay~
Nagsasayaw lamang si Yohan at Hemira at tila ba nagkaroon na sila ng sariling mundo. Mundo na sila lamang ang nabibilang at ang masuyong musika lamang ang kanilang naririnig.
"Haaayyy... Napakaganda talaga ng magiging reyna ko. Sinasabi ko na at kaya hindi matuloy-tuloy ang kasal namin ni Ceres eh. Para talaga kasi ako sa'yo." malambing na sabi ni Yohan kay Hemira at hinawakan niya ito sa pisngi.
Napayuko lamang si Hemira. "Si prinsesa Ceres... hanggang ngayon ay wala pa ring balita tungkol sa kanya." Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.
"Paano, 'yung heneral na Abun ang pangalan, hindi naman yata naghahanap nang maayos. Imbis na ako sana 'yung magtatanggol kanina sa 'yo sa mga tao, naunahan niya 'ko. Tch." pagmamaktol nito.
Hindi naman niya napigilan na mapangiti sa inaakto nito.
Nang may bigla itong maalala... "Oo nga pala, hinahanap ka sa 'min kanina ng hari. May sasabihin daw siya sa 'yo. Nagkausap na ba kayo?"
Tumango-tango naman siya. "Humingi siya ng paumanhin sa akin dahil sa hindi naging maganda ang resulta ng pagpapakilala niya sa akin. Ang sabi niya'y inakala niyang maiintindihan ng mga tao ang tungkol sa aking sapagkatao ngunit nagkamali siya. Sinabi ko naman na ayos lamang ang lahat. Na ako pa dapat ang humingi ng paumanhin sa kanya dahil kinailangan niya pang ibaba ang kanyang sarili sa pagluhod at pagyuko para sa aking kapakanan."
Napangiti naman si Yohan. "Hanga talaga ako kay haring Herman. Sa sobrang pagmamahal niya sa 'yo bilang ama mo, ginawa niya talaga 'yon. Naging padalos-dalos man siya sa pag timing ng pagpapakilala sa 'yo, ayos na rin 'yon. At least, alam na ng mga tao na anak ka nila ni reyna Devora. Patunayan mo na lang sa mga tao ang malinis na intensyon mo kahit na noon mo pa naman napatunayan 'yon nang muntik mo nang maibuwis ang buhay mo sa pagliligtas kay Ceres. Ipakita mo sa kanila na maling-mali sila sa pagtanggi nilang ikaw ang maging reyna nila." pangungumbinsi nito sa kanya.
Gumagaan na muli ang kanyang pakiramdam dahil sa mga sinabi nito.
"Pero bago 'yon, tanggapin mo muna sa sarili mo na ikaw ang prinsesa nila. Paano ka nila matatanggap na pinuno nila kung sarili mo, hindi mo maisip na ikaw nga 'yon. Ikaw ang magiging reyna nila at ako ang hari mo. Iyan na ang dapat nakatatak sa isip mo. Okay?" dagdag pa nito.
Lalo siyang napangiti. "Maraming salamat Yohan. Sa iyong mga sinabi ay unti-unti nang nawawala ang mga agam-agam ko sa aking sarili. Maraming salamat din sa pananatili mo sa aking tabi."
Mapagmalaki naman itong ngumiti. "Syempre naman. Aanhin ko pa ang kagwapuhan ko kung hindi ko rin naman poprotektahan ang napakaganda at malakas na babaeng katulad mo."
Napatawa naman sila pareho at sa mga sandaling iyon, sa kanilang tingin sa isa't isa na lamang sila nag-uusap habang patuloy na nagsasayaw sa saliw ng musika. Ang t***k ng kanilang puso ay magkasabay ang pagpintig at ang kanilang damdamin ay iisa ang isinisigaw. Pagmamahal na pinatibay ng mga napakibibigat na pagsubok at mga dagok ng kapalaran.
Subalit malakas na bumalibag ang malaking pinto ng silid na iyon.
Napatigil bigla ang mga musikero sa kanilang pagtugtog at ang mga tao sa pagsasayaw.
Sila Hemira ay napatigil din at napatingin sa direksyon niyon.
Napatayo naman sila Herman at Devora at nakita nilang mayroong isang grupo ng mga lalaki ang pumasok. Sila ang nagbalibag ng pagbukas ng pinto.
Nakasuot sila ng mga abang kasuotan at sila'y mga mamamayan ng Gemuria. Galit ang nababakas sa kanilang mga mukha.
"Itigil ang pagdiriwang na ito!" sigaw ng isa sa mga iyon.
Sa takot ng mga tao na mga naroroon ay binigyan nila ng daan ang mga lalaking iyon.
"Mga lapastangan! Sino kayo at bakit kayo nanggugulo sa pagdiriwang na ito?!" galit na sigaw ni Remus kaya napatigil ang mga nanghimasok.
"Pagdiriwang? Nagawa n'yong isagawa ang pagdiriwang na ito gayong nawawala si prinsesa Ceres?!" sigaw ng isa sa mga iyon.
Napasinghap naman ang mga taong naroroon sa pagkabigla dahil sa kanilang nalaman.
Natigilan naman si Herman pati si Devora at parehas na hindi nakaimik.
"Ito ba ang inyong tunay na kulay, haring Herman?! Ngayong nahanap na ninyo ang inyong tunay na anak ay babaliwalain n'yo na ang kaawa-awang si prinsesa Ceres?!" sabi pa ng isa na mapanumbat.
"Pangahas! Wala kang karapatang pagsalitaan nang ganyan ang hari!" pagtatanggol ni Remus sa hari.
"Paano n'yo nalaman ang bagay na iyan?" seryosong tanong ng hari.
"Kung ganoong ay totoo ngang nawawala ang prinsesa?"
"Ngunit nagpadaos pa rin ng pagdiriwang ang hari?"
"Hindi ba siya nag-aalala kay prinsesa Ceres upang ipagawa pa ang bagay na ito?" pag-uusap ng marami.
"Nalaman namin na nawawala ang prinsesa dahil sa pagkalat ng mga mandirigma at kawal sa buong lugar. May nakarinig sa isa sa amin na ang hinahanap nila ay si prinsesa Ceres dahil nawawala ito." sagot ng nasa unahan sa mga lalaking iyon at halatang nagsisilbing pinuno ng mga ito.
"Mayroon na ring nakapagkumpirma sa amin ng bagay na iyon at kaya kami'y naglakas loob na guluhin ang pagdiriwang na ito ay upang sabihin sa lahat ng naririto na mayroong nakapagsabi sa amin na may kinalaman ang babaeng iyan na nagngangalang Hemira sa pagkawala ng prinsesa!" sabi pa ng isa.
Nangunot ang noo ng hari dahil sa naging bintang ng mga ito.
Si Devora naman ay hindi nakapagpigil na magtanong. "Anong ibig ninyong sabihin? Sino ang nakapagsabi sa inyong may kinalaman si Hemira sa bagay na iyon? Si Ceres ay naglayas at dala niya pa ang kanyang mga gamit kaya hindi totoo ang inyong bintang."
Ngumisi naman ang pinuno ng mga nanghimasok. "Kasama namin ang saksi at nakapagsabi sa amin ng tungkol sa bagay na iyon."
Isa sa kasamahan nito ay mayroong kasamang babae at nakasuot ang babaeng iyon ng tagapagsilbi ng maharlika.
Nakilala naman iyon ni Devora. "Ika'y isa sa mga tagapagsilbi ni Ceres, hindi ba?"
Natatakot namang tumango ang babaeng iyon.
"Ikaw ang saksi? Ipaliwanag mo sa akin kung paanong naidawit ang pangalan ni Hemira sa pagkawala ni Ceres." seryosong sabi ng hari.
Lumuhod naman kaagad ito at yukong-yuko. "Kamahalan! Nakita ko siya kagabi... Ang inyong anak na si prinsesa Hemira... Patungo sana ako sa silid ni prinsesa Ceres upang kunin ang kanyang mga pinagkainan sa tapat ng kanyang pintuan. Nakiusap din sa akin ang kawal na tagapagbantay ng kanyang silid na aking nakasalubong sa isang pasilyo na ako muna ang magbantay saglit lamang doon dahil siya'y magpupunta sa palikuran. Nang makarating ako roon ay nakita ko sa tapat ng pinto si prinsesa Hemira."
Tumingala ito at tumingin sa direksyon ni Hemira. "Nakatayo lamang siya roon ngunit nang mukhang maramdaman niya ang aking prisensiya ay bigla na lamang siyang umalis. Nagtaka ako sa kanyang inakto. Nang kumatok ako sa pinto ng prinsesa ay wala nang sumasagot. Akala ko'y natutulog lamang ang prinsesa ngunit kaninang umaga, pagpasok ko sa kanyang silid ay wala na siya. Wala na ang prinsesa."
"Iyon lamang ba ang iyong nasaksihan? Wala na bang ibang pangyayari na makapagpapatunay na si Hemira nga ay may kinalaman sa pagkawala ni Ceres?" tanong ni Sueret sa tagapagsilbi.
"Ginoo! Nalaman namin sa tagapagsilbing ito na matagal na nawala ang Hemirang iyan sa kanyang silid at bukang liwayway na nagbalik. Kung ganoon ay bakit sumakto ang kanyang pagkawala sa pagkawala rin ng prinsesa?" tanong ng pinuno ng mga nanghimasok at humarap ito sa direksyon ni Hemira. "Saan ka nagpunta kagabi nang mawala ang prinsesa?"
"Ako ay nasa puno ng Abidos at doon namahinga. Iyon ang aking pahingahan noong ako'y isang pang mandirig—"
"Sino ang makapagpapatunay na roon ka nga talaga nagtungo?" tanong pang muli niyon na hindi siya pinatapos sa pagsasalita.
Natahimik naman si Hemira. Wala siyang maisip na sasabihin dahil wala namang nakakita sa kanya na doon siya nagtungo.
Tulog si Ariadne noon at wala ring nagpupunta sa puno ng Abidos bukod sa kanya.
Sa kanyang pananahimik ay tumindi ang pagdududa sa kanya.
"Kung hindi ka makasagot ay ano ang iyong ginagawa sa silid ni prinsesa Ceres nang makita ka ng tagapagsilbing ito?" interogasyon ng pinuno.
"Ako'y nagtungo roon sapagkat nais kong makausap nang masinsinan ang prinsesa. Nais kong aluin ang kanyang damdamin na nasasaktan dahil sa akin." sagot niya.
"Nang mga oras na iyon? Kailangan talaga ay gabing-gabi ka magtutungo sa kanya upang siya'y iyong kausap—"
"Tumahimik ka na nga!" biglang sigaw ni Yohan dito. "Kung makapagtanong ka ah, daig mo pa si detective Conan! Sinasabi ko sa inyo, walang kinalaman si Hemira sa pagkawala ni Ceres! Naglayas si Ceres at 'yun na 'yon. Ipinahahanap na siya ng hari at kaya hindi lang sinabi ng hari ay para hindi kayo makabuo ng ganyang mga bintang na nangyari na nga." naiinis na turan ni Yohan.
"Siguradong may kinalaman siya sa pagkawala ni prinsesa Ceres! Ginawa niya iyon upang tuluyan nang mapasakanya ang trono ng pagiging reyna!" sigaw ng isa sa mga lalaki.
"Naimpluwensiyahan na rin niya ang mahal na hari at reyna! Hindi na magiging ligtas ang kahariang ito sa kamay ng babaeng iyan!" sigaw naman ng pinuno ng mga iyon.
Nagsisimula na namang sumang-ayon ang mga tao na naroroon.
"Kamahalan, hindi kami makapaniwalang hinahayaan n'yo na makontrol kayo ng isang kaanib ng mostro!"
"Siguradong siya ang may kagagawan ng pagkawala ni prinsesa Ceres! Nais niyang balutin ng kasamaan ang lugar na ito!"
Kung anu-ano na ang mga isinisigaw ng mga tao.
Nakuyom ni Herman ang kanyang mga kamao nang biglang isang tipak ng bato ang tumama sa gilid ng noo ni Hemira.
Dahil doon ay nagkasugat iyon at umagos sa gilid ng kanyang pisngi ang sariwa niyang dugo.
Napasinghap naman si Yohan sa ginawa sa kanya.
"GAAAAAAAARRR!" angil ni Kirion matapos nitong mag-anyong nemean.
Labis na nag-aalalang lumapit na rin ang kasama nitong si Serafina sa kanila upang gamutin ang sugat ni Hemira at pati si Eugene ay napatakbo papunta sa kanila.
Si Devora rin ay lumapit kaagad kay Hemira at ang panyo nito ang ginamit upang punasan ang dugo sa mukha ng anak. "Ayos ka lamang ba, anak ko?" nag-aalalang tanong nito.
Tumango-tango naman si Hemira.
"Sinong bumato n'on?!" galit na galit na sigaw ni Yohan sa mga tao.
"Umamin na sa inyo kung sino ang bumato sa aking prinsesa dahil higit pang kaparusahan ang kanyang matatamasa kung hindi niya aaminin ang kanyang ginawa!" galit na galit na sigaw ni Herman sa mga tao.
Nawala ang kanyang pagiging kalmado na ngayon lamang nasaksihan ng lahat.
"Ama... Ayos lamang po ako... Hindi po ako nasaktan," sabi ni Hemira upang siya'y pakalmahin.
"Ngunit anak..."
"Ama, sa aking tingin ay hindi pa ako karapat-dapat na makoronahan sa araw na ito. Hindi ko nais na poot ang nararamdaman nang marami imbis na tuwa sa pagkakatanghal sa akin ngunit... patutunayan ko sa kanila... Humarap na siya sa mga tao. "Patutunayan ko sa inyo na inosente ako sa pagkawala ni prinsesa Ceres at karapat-dapat din ako na makoronahan bilang reyna ng kahariang ito. Patutunayan ko na kaya nagkaroon muli ng buhay ang kapangyarihang ng kabutihang Yang sa akin ay dahil nasasalamin niyon ang aking puso. Patutunayan ko iyon."
Naglakad na siya paalis kasama ang kanyang ina at sumunod sa kanya sila Kirion.
Inaangilan ng nemean ang mga taong kanilang nadadaanan at nang makilala sa amoy ang grupo ng mga lalaking nanghimasok ay hinagad niya ang mga ito. Sa takot ay napaurong naman ang mga ito. Mabuti at siya'y inawat na ni Serafina dahil baka kung ano pa ang magawa niya sa mga iyon.
Lumingon muna si Yohan sa puwesto ng hari at nakita niya si Remus.
Nakangisi ito sa kanila. Matalim na tingin naman ang naging sagot niya rito.
Bago sila makalabas ay sumunod si Euphemia sa kanilang grupo.
Doon ay tuluyan na nilang iniwan ang silid na iyon.
~Sa bayan ng Krikor~
"Iyan na ba ang mga maaaring maging gladyator sa estadio? Mukhang mga mahihina at patpatin naman ang mga ito. May isa na matanda pa," sabi ng isang lalaking may bilugang katawan habang pinagmamasdan ang mga taong nakatali at nakahiga sa sahig. Ilan sa mga iyon ay mga paslit pa.
Puno ng alahas ang katawan nito at may hawak na balunbon ng papel.
"Iyan na nga po ngunit ang iba ay maaari ninyong ipagbili bilang tagapagsilbi," sabi ng lalaking kanyang kausap.
Napataas siya ng isang kilay. "Sigurado ka bang wala ng pamilya ang mga iyan?"
Tumango-tango naman ang lalaki. "Ganoon na nga po Ginoong Vargo. Mga palaboy lamang sila at pumirma sila sa kasulatang inyong hawak kapalit ng mga pagkaing ipinakain namin sa kanila."
Napangisi naman si Vargo. "Mukhang malaki na naman ang aking kikitaing salapi."
"Pakawalan n'yo ako! Pakiusap! Ayoko sa lugar na ito..." pag-iyak ng isang tinig ng babaeng paslit at napatingin sila roon.
Kunot ang noong nilapitan ni Vargo ang batang iyon at malakas na sinampiga iyon.
Napasinghap ang ibang mga bihag sa kanilang nasaksihan. "Batid mo ba kung ano ang pinakaayaw ko? Ang nakaririnding tinig ng pag-iyak ng isang paslit na katulad mo! Kapag hindi ka tumigil, hindi ako magdadalawang isip na paslangin ka!"
Takot na takot naman itong napakagat sa labi upang pigilan ang pag-iyak.
Napangisi nang muli si Vargo at tinalikuran ang paslit.
"B-bago ako mabihag sa lugar na ito, isang matandang manghuhula ang aking nakausap," sabi ng batang babae kaya napatigil siya at napalingon dito.
"Ano?"
"Sinabi niya sa akin na mabibihag ako ng isang gahaman ngunit mayroon siyang nabanggit ukol sa isang grupo ng mga malalakas na taong mapapadpad sa lugar na ito... at ang mga tao raw na iyon ang magliligtas sa akin... Sa amin. Pinapasabi rin sa iyo ng manghuhula na ginoo, maghanda ka na. Dahil ang iyong mga araw ng kasiyahan sa salapi at pang-aapi ay tatapusin ng isa sa mga taong iyon na minsan mo na ring pinagmalupitan." Ngumiti sa kanya ang bata at nangilabot siya dahil doon ngunit agad na napalitan iyon ng galit at sinipa ang kaawa-awang paslit.
"Isalang na ang isang iyan sa isang labanan. Wala akong pakialam kung matalo tayo." seryoso niyang utos at doon ay lumabas na siya sa silid na iyon.
"Pweh! Baliw na batang iyon! Kung anu-anong kasinungalingan ang sinasabi dahil lamang sa nais na makawala! Kung hindi lamang talaga sayang ang kikitain ko sa isang iyon!"
"Pinapasabi rin sa iyo ng manghuhula na ginoo, maghanda ka na. Dahil ang iyong mga araw ng kasiyahan sa salapi at pang-aapi ay tatapusin ng isa sa mga taong iyon na minsan mo na ring pinagmalupitan."
"Pinagmalupitan ko noon? Hah! Wala pang nakakawala sa aking mga kamay kaya walang magbabalik sa akin upang maghiganti... puwera lamang sa isa." Napaisip siya nang may maalala ngunit umiling-iling na rin.
"Buwisit na batang iyon, pinag-iisip pa ako. Makaalis na nga at ako'y marami pang gagawin."
Doon ay umalis na siya sa lugar na iyon hawak ang balunbon ng mga papel na kasulatan ng mga taong kanilang binihag.