Pinakatitigan ko si Rico habang naglalaro siya ng basketball. Nakapalumbaba ako at matamang pinagmamasdan ang bawat kilos niya.
Napakaguwapo niya talaga kaya naman hindi na maiiwasan ang mga kababaihang nagpapapansin sa kanya. Lagi-lagi na lang may mga umaaligid at nagpapahiwatig ng pagkagusto sa kanya.
Paano ka ba namang hindi magkakagusto sa isang matangkad, kayumanggi, matangos ang ilong, may masarap at mapulang labi na sa gilid ay may maliit na nunal. Medyo pangahan pero nababagay naman sa kanyang malalalim at nangungusap na mga mata. Hindi lang siya guwapo, napakabuti pa ng kanyang pagkatao.
Mabait siya, hindi mayabang kahit pa nga may maipagmamayabang naman.
Kaya siguro nahulog at nagkagusto na rin ako sa kanya. Iyon lang ay lihim ang pagkakagusto ko. Hindi kasi puwede.
Nasa second floor ako sa engineering building. Tanaw sa bintana ang basketball court kung saan sila naglalaro ngayon. Napaayos ako ng upo nang matanaw niya ako at kinawayan.
Bumilis na naman bigla ang t***k ng puso ko. Parang nakikipaghabulan at hindi ko mapahinto.
Ganito ako lagi. Hindi ko na nga malaman kung hanggang kailan ko puwedeng itago. Hindi kasi talaga puwede.
"Sabay tayong umuwi ha, bestfriend!" Sigaw niya na ikinapula ng pisngi ko. Napalingon kasi ang ibang nanonood at siyempre mga kalaro niya. Tumango na lamang ako at umalis sa kinaroroonan.
Mahinhin akong naglakad patungo sa silid-aklatan. Doon ko na siya hihintayin, alam niyang doon ang tambayan ko habang hinihintay siyang matapos sa laro.
Isang oras din naman akong nagbasa. Medyo inaantok na ako at talagang papikit na ang mga mata ko nang may biglang kumalabog sa mesa ko.
"Ay puki ng kabayo!" Bulaslas ko na ikinatawa nang kung sino. Napahawak ako sa bigbig ko dahil napalakas ang boses ko sa gulat. Pinandilatan ko siya ng mata at inambahan ng suntok. Nang mapagtantong siya iyon, napahawak na lamang ako sa aking dibdib.
"Tara na!" yaya niya sa akin. Dumaan siya sa gilid ko. Amoy pawis siya pero masarap pa rin namang amuyin. Aamuyin ko siya kahit pa nga hindi siya maligo ng ilang araw, ganoon ko yata talaga siya kagusto. Ganoon ako nahulog sa bestfriend ko.
Mahirap lamang kasi nga, bestfriend ang turing niya sa akin. Bestfriend in crime dahil sa lahat ng kaguluhang napapasok niya, to the rescue ako. Sa bawat proyekto na hindi niya magawa, to the rescue ako, sa bawat relasyong hindi gumagana, to the rescue ako at sa bawat pagkakataong hindi siya masaya, to the rescue ako.
Itinuturing niya akong life support niya. Hindi niya alam, ganoon din naman siya sa akin. Dahil kung wala siya, siguro matagal ko nang winakasan ang buhay ko. Siya kasi ang naging inspirasyon ko. Siya ang kinapitan ko sa oras na nasa madilim akong mundo. Siya ang tanging dumadamay sa akin sa tuwing hindi ako kayang tanggapin ng pamilya ko.
"Kain muna tayo ng isaw at kwek-kwek bestfriend. Nagutom ako," anyaya niya at inakbayan ako. Nahiya tuloy ako at akmang aalisin ang kamay niya nang hinila niya ako patungo sa mga stall ng street foods. Naiilang ako na pinagtitinginan ng mga kapwa estudyante.
Walang kami pero kung tratuhin kasi ako parang mas masahol pa sa naging girlfriend niya.
"Eto oh best." Akma pa niyang isusubo sa akin ang fishball. Aagwin ko sana pero inilayo niya ito sa akin. "Nganga," utos niya. Umiling ako pero tinaasan niya lamang ako ng kilay at kinain na lamang ang gustong isubo sa akin.
Uminom ako sa buko juice na binili ko para maitago ang kaba na aking nararamdaman. Nang bigla ay agawin niya sa akin iyon at uminom din sa straw na ininuman ko. Napalunok ako habang pinapanood ang pagsipsip niya doon.
Indirect kiss
Namula ako sa naisip.
"Oh!" Untag niyang muli sa akin at ibinabalik ang buko juice na halos nakalahati na niya.
"Sa iyo na lang," alanganin kong sabi at ngumiti rin ng alanganin. Nagsalubong ang kilay niya. "Gutom ka at uhaw hindi ba?" dagdag ko na lamang. Tumango siya at inubos nga ang buko juice.
Kumuha na lamang ako ng baso at nilagyan ng kikiam. Nilagyan ko rin ito ng suka na may sili.
Nang akma ko ng babayaran iyon, inunahan niya ako sa pagbabayad.
"Ako na, libre kita best!" Saad niyang inabutan ng pera ang tindera. Malawak ang ngiti ng tinderang nagpalipat-lipat sa amin ang tingin.
"Ang ganda naman ng samahan ninyong dalawa," saad nito at iniabot kay Rico ang kanyang sukli.
Umakbay muli sa akin si Rico.
"Oo naman po. Hindi kami mapaghihiwalay ng bestfriend kong ito!"
Ngumiti ako kahit na naiilang. Kahit na meron sa loob ko ang gustong tumanggi, ayoko ng bestfriend lang, pero hindi talaga puwede.
Simula noong makaramdam ako ng pagkagusto kay Rico, hindi na ako mapakali. Para bang lagi na lang sasabog ang puso ko sa kaba. Gusto kong umamin pero natatakot ako. Nakakatakot dahil baka masira ang pagkakaibigang binuo namin ng maraming taon.
Pareho kaming engineering student. Nahihirapan ako sa kursong ito pero dahil sa paggabay niya, nakakapasa naman ako.
Matalino kasi si Rico. Nasa kanya na nga ang lahat kaya siguro maraming nahuhumaling dito, isa na nga ako roon.
"May pupuntahan ka pa ba?" tanong niya habang magkasabay kaming naglakakad. Ako papunta sa sakayan ng tricycle at siya sa nakapark niyang motor.
Malayo-layo kasi ang baranggay niya. Mga limang baranggay ang tatahakin niya para makarating sa kanila. Ako naman, isang sakayan lang ng tricycle.
"Ihatid na kita," anyaya niya habang isinusuot ang helmet.
"Hindi na, malapit lang naman ako. Isa pa mapapalayo ka lalo," tanggi ko at itinaas na ang kamay bilang pagpapaalam.
Nagkibit balikat siya at umalis. Pinanood ko siya kung paano niya paharurutin ang kanyang motor.
Ganoon kami lagi, simula noong mailigtas ko siya sa isang gulo na kinasangkutan, naging malapit na kami sa isa't isa.
Pinagtripan kasi siya noon ng isang grupo. Bugbog sarado siya kaya naawa ako at tinawag ang ama kong pulis. Mula noon, naging mabuti na kaming magkaibigan.
"Anong plano mo pagkagraduate?" Tanong niya sa akin habang nakahiga kami sa damuhan. Katatapos lang ng final exam namin. Napalingon ako sa gawi niya. Nakatutok ang mata niya sa bughaw na kalangitan.
"Hanap ng trabaho, kapag pinalad siguro mag-aabroad," sagot kong hindi inaalis ang tingin sa gawi niya. Napa-iwas lamang ako nang bigla siyang lumingon.
Narinig ko ang mahinang niyang pagtawa.
"May, OJT pa tayo."
"Ikaw eh, graduation agad ang tanong mo."
Muli kong ibinaling ang tingin ko sa gawi niya. May nakaukit na ngiti na sa aking labi. Sa pagkakataong iyon nagtama na ang mga mata namin.
"Ako, susunggaban ko ang offer sa Singapore. On the Job training tapos baka tuloy-tuloy na rin na mapasok sa trabaho," ika niyang nakapagpalis sa ngiting ipinagkit ko sa aking labi.
Bumigat ang pakiramdam ko na malamang maaring maghihiwalay na kami. Muli kong iniiwas ang aking mga tingin dahil nagbabadya ang luha sa mga mata ko. Ipinikit ko iyon at tumahimik.
Napamulagat lamang ako dahil sa init ng hiningang dumadampi sa pisngi ko. Halos mahigit ko ang aking hininga nang mapagtantong malapit ang mukha ni Rico sa akin.
"Bakit malungkot ka?" Tanong niyang hindi man lamang naalibadbaran sa puwestong meron kami. Malapit ang mujha namin, kung titignan sa maling puwesto ay para kaming naghahalikan. "Kung nalulungkot ka, may f*******: naman. Messenger o anong app na puwede nating kontakin ang isa't isa. Kapag okay na ako sa trabaho, kukunin kita para dalawa na tayong naroon."
Tumikhim ako at nag-alis ng bara sa lalamunan. Tila kasi may bato nakabara. Kahit gusto ko ang magsalita, walang boses na lumalabas.
Laking ginhawa ko mula sa paagpipigil na huminga noong lumayo siya.
"Basta ba hindi mo ako kalilimutan kahit may ibang kaibigan ka nang makikilala roon," nagawa kong sabihin pagkatapos huminga ng malalim.
"Pangako!"
Nangyari nga ang bagay na kinatatakutan ko. Matalino si Rico kaya madali lang siyang nakapunta sa Singapore kahit para sa On the job training lang. Ako naman, napako sa probinsiya namin. Nagtatrabaho sa isang maliit na kompanya para sa OJT.
Halos araw-araw niya ako kung kontakin. Balitaan ng nangyayari sa kanya.
May mga post pa nga siya sa f*******: tungkol sa mga bago niyang kilala at naging kaibigan. Aaminin ko, nagseselos ako sa mga bago niyang kakilala, lalo na sa mga babaeng kung makakapit sa kanya ay parang linta.
Anong magagawa ko? Wala naman akong karapatan na magselos. Isa lamang akong matalik na kaibigan. Isang kaibigan na lihim na gusto siya. Isa pa, hindi puwede.
Hanggang sa naging madalang na ang pagkontak niya. Kahit halos araw-araw ko siyang kumustahin. Masakit sa dibdib na oaramg nakalimutan na niya ako. Nasaan na ang pangako niyang hindi kami maghihiwalay. Umasa ako, umasa ako kahit hanggang pagkakaibigan lamang.
Nang halos hindi na niya ako kinokontak, naisipan kong mag-email sa kanya. At kahit alam kong huli na ang lahat, gusto kong aminin sa kanya ang nararamdaman ko.
Rico,
Kumusta ka na? Nasa mabuti ka bang kalagayan? Sana okay ka lang. Sana pinapatnubayan ka ng Diyos, iyon kasi ang lagi kong dalangin.
Namimiss kita. Hindi mo alam kung gaano ako nangungulila sa presensiya mo. Sana ganoon ka rin naman, umaasa akong ganoon din ang nararamdaman mo, bilang isang kaibigan.
Pagkakaibigan na pilit kong inaayawan. Pagkakaibigan na hindi ko ginusto sa una pa lamang. Pagkakaibigan na sana mas humantong na lang sa mas malalim na relasyon. Sa totoo lang ayaw kitang maging kaibigan, dahil mas higit pa ang nararamdaman ko roon.
I like you. I like you not as a friend. I like you more than that. Minahal na kita at hanggang ngayon ikaw pa rin dito. Hindi ka na mabubura sa puso ko kahit alam kong kinalimutan mo na ako. Masakit, pero kakayanin ko. Alam kong mas lalo mo na akong iiwasan ngayon dahil sa pag-amin ko. Okay lang, kaysa naman sumabog ako dahil sa paglilihim. Okay lang, dahil sinanay mo na akong wala ka sa tabi ko.
Muli kong sasabihin, mahal kita higit pa sa pagkakaibigan.
Nagmamahal,
JOVANI.