Chapter 4

1092 Words
Dumating na nga ang pinakahihintay ng bawat mag-aaral. Ang maka-graduate sa highschool matapos ang ilang taong pagsusunog ng kilay. Hindi makapaniwala si Maya dahil heto na siya. Bagamat hiram lamang ang suot niyang bestida at sapatos mula sa kanyang Tiya ay masaya pa rin siya. Naghahalo ang nerbyos at saya niya. Kaunting taon na lamang at matutupad na niya ang pangarap niya para sa pamilya. Naglalaro na sa isip niya ang mga posibleng mangyayari sa kinabukasan. Matatapos niya ang kanyang kursong pipiliin. Maipapagawa na niya ang kanilang tahanan. Pagkatapos ay makikita niya ang kanyang ina na sinasalubong siya sa tarangkahan ng kanilang pintuan. Hindi na ito mukhang pagod bagkus ay maliwanag na ang mukha. Mabibili na niya ang lahat ng gusto nito sa sarili. Nagpila na siya malapit sa stage kasama ang mga kasunod niyang kaklase bilang paghahanda sa nalalapit na pagtawag sa kanyang pangalan. Nilapitan na siya ng kanyang ina na ngayon ay nakaayos at magandang-maganda sa paningin niya. Nakaayos ang buhok nito at naka-make up. Tulad niya ay pawang hiram lamang ang kasootan nito at sapin sa paa sa kanyang Tiya... Sadyang wala pa kasi silang sapat na pera upang makabili nang maayos na kasootan batay sa okasyon na kasalukuyan na nagyayari ngayon. "Binabati kita, Anak," nakangiti na wika nito sa kanya. Bakas ang kasiyahan sa mukha nito. Pagkuwan ay niyakap siya. "Maraming salamat po, Inay. Hindi ko po matatapos ang high school ko kung hindi po dahil sa inyo." Hindi niya naiwasan ang mapaluha. Naiisip niya ang mga sakripisyo ng kanyang ina. Ang pagtitiis ng pagod nito sa paglalabada upang mapaaral at mapakain lamang silang tatlong magkakapatid. Umalis ito sa pagkakayakap mula sa kanya. Pagkuwan ay hinawakan ang mukha niya. "Ano ka bang bata ka? Syempre natural lang na ako ang bubuhay sa inyo at magpapaaral. Bukod sa obligasyon ko iyon ay mahal na mahal ko kayong tatlong magkakapatid at gagawin ko ang lahat para sa inyo," buong pagmamahal na wika nito sa kanya. Napapitlag pa siya nang marinig na niya na tinatawag na siya ng kanyang adviser. "Halika na nga. Tayo na ang aakyat." Hinawakan na siya nito sa kanyang braso. Maging ito ay ramdam niyang napaluha ngunit hindi man lamang ito nagpahalata. "Congratulations Mariah at Mrs. Garcia," pagbati ng kanilang punong-guro sa kanilang dalawa ng kanyang ina. Matapos na iabot sa kanya ang kanyang diploma. "Maraming salamat po, Madam," nakangiting tugon naman ng kanyang ina. Siya naman ay nagpasalamat din habang nakangiti. Pagkuwan ay kinamayan silang pareho. Maging ang kanyang class adviser at ang panauhing pandangal ay parehong bumati sa kanila ng kanyang ina. Hindi man siya nakakuha ng honor ay sobra ang nararamdaman niyang kasiyahan. Masarap pala sa pakiramdam ang makapagtapos. Nakabalik na siya sa kanyang upuan ay hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kanyang labi. "Paano ba niyan, Mariah? Talagang hindi mo na makikita si Emman mo?" "Oo nga eh. Nakakalungkot noh? Masaya na heto at graduate na tayo. Iyon nga lang talaga. Good bye na tayo sa mga crush natin." "Sinabi mo pa. Miss ko na nga si Ronald eh. Kaso wala na talaga. Mahihiwalay na ako sa kanya." "Ganoon talaga siguro ang buhay." Hinawakan niya ito sa balikat. "Hayaan na natin, may makikilala pa naman tayong iba niyan," sagot na lamang niya pero ang totoo ay pakiramdam niya ay hindi na siya makakakita pa nang magiging bagong crush. Pangarap talaga niya na sana ay si Eman na talaga ang para sa kanya sa huli. Ito lamang kasi ang bukod tangi niyang nakikita sa balintataw niya na makakasama niya habang buhay. Sana nga lamang ay ito na nga talaga ang itinakda sa kanya. Pagbubutihan niya ang pag-aaral sa college upang maging karapat-dapat siya rito pagdating ng araw. Anak kasi ito ng mayaman samantalang siya ay anak mahirap lamang. Naniniwala siya na kapag naging matagumpay siya ay baka sakaling magkaroon ng katuparan ang pantasya niya rito. Awtomatiko siyang nagbaling ng tingin nang mapadako sa kanya ang paningin nito. Ewan ba niya. Hindi niya alam kung assuming lamang ba siya o ano pero minsan pakiramdam niya ay may gusto rin ito sa kanya kahit na may girlfriend na ito. Kapag kasi tumitingin ito sa kanya ay ramdam niya na may paghanga sa mga mata nito. Lihim niyang nahiling na sana nga ay may gusto ito sa kanya. "Uy, Maya, nakatingin ngayon si Emman sa'yo, oh," kinikilig na wika sa kanya ni Joana. "Talaga?" sagot niya habang sa ibang direksyon nakatingin. "Oo noh. Kaya tingnan mo na siya. Huwag ka ng magpanggap na sa iba ka nakatingin. Hanggang ngayong araw mo na lamang siya makikita alalahanin mo." "Nahihiya ako, Joana. Alam mo naman iyon hindi ba." "Bahala ka nga. Hayan nagbawi na siya ng tingin. Sayang!" Napasuntok pa ito sa hangin. Saka pa lamang niya ito muling tiningnan. Hindi na nga ito sa kanya nakatingin. Ilang saglit pa at pumailanlang na ang kanilang farewell song. Halos lahat silang mga nagtapos ay hindi maiwasan ang maiyak lalo pa at namnam nila ang mensahe ng awitin. Bago umuwi ay nagyakapan silang magkakaibigan at magkakaklase. Pagdating nila sa bahay ay mayroon palang kaunting inihanda na pagkain ang kanyang Tiya. Naroon na pala ang mga ito at hinihintay siya. Nasa hapag ng kanilang mesa ang pansit, kutsinta, putong puti at sopas. Nakahanda na rin ang mga plato, kutsara, tinidor at maging ang mga baso na pag-aari ng kanyang Tiya. Tuwing may okasyon ay humihiram lamang sila ng mga gamit sa kanyang Tiya. "Maligayang pagtatapos, Maya," nakangiti na wika nito sabay yakap sa kanya. "Salamat po, Tiya," sagot niya. Pagkuwan ay umalis ito mula sa pagkakayakap. "Heto nga pala ang regalo namin sa'yo." Iniabot nito sa kanya ang isang kahon na nakabalot sa gift wrapper. "Salamat po, Tiya!" tuwang-tuwa na wika niya rito. Hindi naman kasi niya inaasahan na makakatanggap siya ng regalo mula rito. "Walang anuman, Maya. Basta pagbutihin mo ang pag-aaral mo sa kolehiyo. Para rin iyon sa inyo ng Nanay at mga kapatid mo," muling paalala nito sa kanya. "Opo, Tiya. Tatandaan ko po ang lahat ng payo ninyo sa akin." "Mabuti kung ganoon. Oh, siya. Kain na tayo. Gutom na rin kami ng mga pinsan mo eh." "Opo." Ibinaba muna niya ang regalo nito sa kanya sa may gilid ng upuan. Masayang nagsikainan sila nang araw na iyon. Kinabukasan ay masaya siyang bumangon. Napakasigla ng gising niya. Ipinasya niyang bumaba na. Nagtungo na siya sa kanilang poso upang magmumog ng bibig. Nagtataka lamang siya dahil wala pang bakas na ginamit na ng kanyang ina ang kanilang poso. "Saan kaya si Inay?" tanong niya mula sa kanyang isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD