Paglabas niya ay agad na siyang nagtungo sa may poso. Nagsimula na s'yang magbomba habang ang kanyang ina ay inihanda na ang batya at itinapat ito sa daluyan ng tubig. Hinihingal siya nang matapos sila ng kanyang ina sa pagbabanlaw ng damit at pagsampay ng mga ito. Sobrang dami kasi ng nilabhan ng kanyang ina. Mababakas ang pagod sa mukha ng kanyang ina. Pero tahimik lamang ito. Pagkuwan ay may dinukot ito sa bulsa ng kanyang daster.
"Maya, bumili ka muna ng toyo sa Tiya Iska mo," pagkuwan ay utos nito sa kanya at iniabot sa kanya ang bente pesos. "Naubos na pala ang toyo natin. Adobong sitaw na lamang ang ulam natin ngayong hapunan," patuloy nito at pumasok na sa loob ng bahay. Siya naman ay nagsimula ng lumakad papunta sa tindahan ng kanyang Tiya Iska. Sa paglalakad niya ay madadaanan niya ang isa sa napakalaking bahay na nakatayo malapit sa tindahan ng kanyang Tiya. Pagkuwan ay huminto s'ya sa tapat niyon. May gate ang malaking bahay na may pintura na kulay dalandan. Tiningala niya ito. Mayroon tatlong palapag ang bahay at may malawak na hardin. Mistula na itong isang mansyon kung tutuusin dahil sa taglay nitong lawak at laki.
"Maya," wika ng isang tinig sa likuran na bahagi n'ya. Kabisado na niya kung kanino tinig iyon. Si Manang Sonya na kapit-bahay ng nakatira sa malaking mansyon. Lumingon siya rito at nakita niyang papalapit na ito sa kinatatayuan n'ya. Nakasuot ito ng daster na bulaklakin. May salamin na rin ito sa mata dahil mahina na ang paningin. Ang istura nito ay mukhang masungit. Laging nakataas ang kilay kapag tumingin. May hawak itong walis tingting sa kanan nitong kamay. Nagwawalis na naman ito sa harap nitong bahay. Hilig nito ang magwalis at makipagkwentuhan sa daan. "Napakalaki at napakaganda talaga ng bahay ng mga, Perez, ano?" tukoy nito sa may-ari ng mansyon. "Ang kaso ay galing sa hindi maganda ang perang ginastos sa pagpapagawa," paismid na dagdag nito. Nasa tabi na niya ito at nakatanaw na tulad niya sa mansyon. Alam na niya kung ano ang ibig sabihin ni Manang Sonya. Hindi naman kasi lingid sa buong baryo na si Lyca, ang panganay na anak ng may-ari ng malaking bahay na si Aling Ester ay nagtatrabaho sa Japan. Japayuki ang tawag ng kanyang mga kababaryo kay Lyca. Kalat sa baryo na nagbebenta raw ito ng katawan sa Japan kaya mabilis na umasenso ang pamilya nito.
"Hindi naman po siguro, Manang Sonya," pagtatanggol niya kay Lyca. Ayaw niyang husgahan si Lyca dahil hindi naman niya ito nakikita kung ano talaga ang ginagawa nito.
"Naku, ipinagtatanggol mo pa si Lyca. Tingnan mo nga ang bahay nila!" eksaheradong wika nito. "Mas maayos pa ang bahay niyo kaysa sa dating bahay nila noong hindi pa iyan nagpunta ng Japan eh. Mantakin mo, dalawang taon pa lamang sa Japan at nakapagpatayo na nga ng mansyon!" gigil pa na dugtong nito.
"Hindi naman po natin sigurado kung totoo ang tsismis, Manang Sonya," muli ay depensa niya para kay Lyca.
"Ano'ng tsismis ang pinagsasasabi mo, Maya?! Hindi iyon tsismis! Totoo iyon! Asawa ko nga sampung taon na sa Saudi pero tingnan mo naman ang bahay namin hindi naman mansyon," galit na wika ni Manang Sonya sa kanya. "Saksi ako sa biglang yaman ng mga iyan! Walang ibang gagawin ang Lyca na iyon sa Japan kung hindi mag-ho*t*s!" halos isigaw na iyon ni Manang Sonya sa kanya kaya ang mga napapadaan sa gawi nila ay tinitingnan na rin sila. At maya-maya ay nagsidatingan na nga ang mga katsismisan ni Aling Sonya. Kaya unti-unti ay lumayo na siya at nagtungo sa tindahan ng kanyang Tiya Iska. Iiling-iling siya habang naglalakad. Ganoon sa baryo nila. Maraming tsismosa at mapanghusga. Minsan pa ay nilingon niya sina Manang Sonya. Doon ay nakita niya na marami na itong kasama at nagkumpulan na.
Pagdating niya sa tindahan ng Tiya niya ay dumuko siya sa isang maliit na animo bintana at sumilip sa loob ng tindahan. Nang masiguro na walang tao na nakabantay ay tumawag siya.
"Pabili po!" malakas ang tinig na wika niya. Nang walang sumagot ay inulit niya muli ang pagtawag. Marahil ay nasa loob ng tahanan ang Tiya niya at inaasikaso ang kanyang pinsan. Sa ikatlong tawag niya ay dumating na ito.
"Tiya, pabili po ako ng toyo," wika niya sa kanyang Tiya. Kumuha ng toyo sa istante ang kanyang Tiya pagkuwan ay iniabot sa kanya. Iniabot niya ang kanyang bayad sa kanyang Tiya. Pagkuwan ay tumalikod ito upang kumuha ng sukli niya. "Kumusta ang pag-aaral mo, Maya?" wika ng kanyang Tiya sa kanya habang kumukuha ng sukli.
"Maayos naman po, Tiya," nakangiti niyang wika habang nakasilip sa maliit na bintana.
"Sino iyong naghatid sa'yo sa kanto?" seryosong tanong nito sa kanya pagharap nito sabay abot sa kanya ng sukli niya. Nabigla siya kaya hindi siya nakapagsalita kaagad.
"Nakita ko kayo kanina sa kanto, Maya. May pahawak-hawak pa kayo sa kamay?!" ramdam na niya sa tinig ng kanyang Tiya ang disgusto sa nakita nito. "Kaya sabihin mo sa akin kung sino iyon?! Huwag ka'ng magsisinungaling," paalala pa nito. Mabuti na lamang at nagkataon na walang ibang bumibili sa tindahan ng kanyang Tiya kaya siya lang ang nakakarinig ng litanya nito.
"Tiya, nanliligaw pa lang po sa akin si Erwin," kinakabahan na wika niya. Yumuko siya dahil nahihiya s'ya sa kanyang Tiya. Mabuti na lamang at kahit nasa harapan niya ito ay nakapagitan pa rin sa kanila ang harapan ng tindahan nito.
"Nagpapaligaw ka sa kalye?!" akusa sa kanya ng kanyang Tiya.
"H-hindi po, Tiya!" mabilis na tanggi niya.
"Ano'ng tawag mo roon sa nakita ko?!" nasa tinig ang galit na wika sa kanya ng kanyang Tiya. Hindi na siya nakapagsalita. Wala siyang maapuhap na sagot sa kanyang Tiya. Mas may pagkaistrikto ito kapag nagsasalita kaysa sa kanyang Inay.
"Hindi ka na nakasagot. Erwin pala ang pangalan niya. Sinabi mo nanliligaw? Bakit hindi siya sa bahay niyo dumeretso?" nagdududang tanong nito sa kanya.
"Tiya, ang totoo ay natatakot po ako'ng malaman ni Inay na may manliligaw na po ako kaya ayaw ko siyang manligaw sa bahay," pagtatapat niya sa kanyang Tiya.
"Naku, baka may relasyon na kayo ng Erwin na iyon, Maya! Alalahanin mo magka-college ka pa! Baka mamaya niyan mag-asawa ka ng maaga na wala sa oras dahil diyan! Ikaw na lang ang pag-asa ng Nanay at mga kapatid mo!" paalala nito sa kanya.
"H-hindi po, Tiya!" tanggi niya sa sinabi nito at hindi na niya napigilan na mapaluha. "Wala po kaming relasyon ni Erwin. Nanliligaw pa lamang po talaga siya sa akin. Hindi rin po ako mag-aasawa kaagad, Tiya… Ang totoo po ay wala naman po ako'ng gusto kay Erwin. Nahihiya lamang po ako sa kanya na sabihin na itigil na niya ang panliligaw sa akin," paliwanag at pag-amin niya sa kanyang Tiya.
"Mabuti kung ganoon, Maya. Hindi sa pinagbabawalan kita, Maya, na magpaligaw. Tumahan ka na riyan," pagkuwan ay wika nito nang makita nito ang pagluha niya. "Ang sinasabi ko lamang ay hindi pa panahon sa mga ganyan na bagay. Wala na ang Tatay mo kaya ikaw na lang ang inaasahan ng Nanay mo. Inaasahan ko na ikaw ang mag-aahon sa pamilya mo. Naaawa ako sa Nanay mo… Dire-diretso ang pagtanggap niya ng labada para lang matustusan ang pangangailangan ninyong magkakapatid. Kaya sana iwasan mo muna ang makipagrelasyon. Bata ka pa naman. Darating ang tamang panahon para riyan sa bagay na iyan," mahabang payo sa kanya ng Tiya.
"Opo, Tiya. Hayaan niyo po at iiwasan ko na po si Erwin," pinalis niya sa pamamagitan ng likod ng kanyang palad ang kanyang luha.
"Sige, umuwi ka na at baka kanina pa naghihintay ang Nanay mo sa iyo," pagtatapos ng kanyang Tiya sa kanilang usapan.
Nakauwi si Maya sa kanilang bahay na tanging laman ng isip ay ang mga sinabi at payo ng kanyang Tiya. Naiintindihan niya ito dahil alam niyang concern lamang ito sa kanila. Dinatnan niya ang kanyang ina na kasalukuyan na naghihimay ng gulay sa mesa nila sa kusina. Pinagmasdan niya ito mula sa labas ng pintuan. Payat na ito bunga ng pagiging batak sa trabaho. Halata ang pagod sa mukha ngunit wala siyang narinig minsan man na nagsabi ito sa kanila na pagod ito. Wala itong ginawa kung hindi alagaan at ibigay sa kanila ang kanilang pangangailangan sa abot ng makakaya nito. Tama ang kanyang Tiya Iska. Pagbubutihin niya ang pag-aaral para pagdating ng araw ay maiahon niya ang kanyang pamilya sa hirap. Magsisikap siya upang hindi na makipaglabada ang kanyang ina. Muli ay bumagsak sa mga mata niya ang pilit na pinipigilan niyang butil ng luha. Hindi niya mapigilan ang paglandas niyon kaya tumalikod siya at nagtungo malapit sa poso. Ang poso na saksi sa lahat ng sakripisyo ng kanyang ina.