The Black Room

2623 Words
“Isa pa!” malakas na sigaw ni Teman kay Amar habang nag hahabol ng hininga dahil sa pagod. Ngayon kasi ang ikalawang araw ng kaniyang ensayo sa lumang bahay. Pagod siya dahil ilang beses na siyang tumumba sa mga atake ni Amar na hindi niya magawang salagin. Ang kaniyang uniporme ay nababalot na ng alikabok na animo’y kulay kahoy na. Ang kaniyang butil-butil na pawis ay tumi-tilamskik sa lupa sa bawat pag atake at pag-galaw nito. Subalit si Amar ay tila katatapos lamang maligo dahil hindi mo ito mababakasan ng pawis sa katawan. Sa ensayong ito ay gumamit sila ng arnis na gawa sa yantok. Ito ay isa sa mga tanyag na sandata ng mga Pilipino na niregalo ni Amar kay Teman. “Sa tingin ko, kailangan mo na’ng magpahinga.” Malumanay na sabi ni Amar habang si Teman ay naghihikahos pa rin. “Kanina pa tayo rito pero hindi mo pa rin masalag ang bawat pag atake ko” “Kaya ko ‘to! Sandali lang kasi!” pagmamaktol ni Teman habang pumopormang muli. Ilang saglit pa ay mabilis na tumakbo si Amar sa direksyon ni Teman. Binigyan niya ito ng isang malakas na hampas na naglikha ng tunog sa hangin. Inatras ni Temang ang kaniyang kanang paa at yumuko upang iwasan ang arnis ngunit sa kaniyang pag bangon ay bumulaga sa kaniya ang dalawang yantok na papalapit sa kaniyang mukha. Umatras siyang muli at iniangat ang kaniyang armas. Sa wakas! Nasalag niya ang atake sa unang pagkakataon. Napangisi si Teman at tumingin kay Amar. “Sabi ko sa’yo eh!” pagyayabang nito. Napahalakhak si Amar at saka umayos ng tayo. “Pinagbigyan lang kita” “Utot mo! Nasalag ko ang tira mo” “Sinadya kong madali mong makita ang atake ko para madali mo rin ‘tong masalag” “Madali ba ‘yon eh ang lakas-lakas ng hampas mo. Baka kung tumama sa’kin ‘yon eh nasa ospital na ‘ko ngayon” Muling napahalakhak si Amar dahil sa pagiging pilyo ni Teman. Pinagpatuloy nila ang ensayo kahit halos bumagsak na ang kanilang mga balikat sa sobrang pagod. Hanggang sa hindi na nila namalayan ang oras at inabot na sila ng kagat ng dilim. Nagpasya si Amar na muling ilipad si Teman para mapabilis ang pag uwi nito. Samantala, si Susie ay hindi na magkanda ugaga sa pag-aalala sa kaniyang anak. Hindi ito mapakali, paikot-ikot ito at pabalik-balik sa binatana at pintuan ng kanilang bahay. Habang palakad-lakad ito sa kanilang maliit na sala ay pasunod-sunod rin naman ang tingin ni Alice sa kaniyang kapatid. Nakaupo ito sa tabi ng kanilang amang nakaratay habang ito ay sinsubuan ng lugaw. “Ate ano ba! Kanina ka pa paikot-ikot diyan. Uuwi rin ‘yon” hindi na napigilan ni Alice ang magsalita dahil sa sobrang irita sa kaniyang kapatid na kanina pa nga naman palakad-lakad. “Manahimik ka!” sigaw ni Susie habang patuloy pa rin sa paglalakad-lakad sa sala. Muli itong dumungaw sa bintana at saka sa pinto ngunit wala ni anino ni Teman ang makikita. Bumaling siya sa orasn na nakasabit sa kanilang pader at nakitang mag aalas siyete na. “Hindi man lang nagsabi sa’kin ang batang ‘yon. Napaka pasaway talaga” pabulong na sabi ni Susie sa kaniyang sarili. “Ate, matanda na si Teman. Tsaka lalake ‘yon. Kaya na no’n ang sarili niya” sabi ni Alice habang sinusubuan ang ama. “Oh baka may girlfriend na ‘yong tao. Siguro hinatid niya lang. Kasama naman siguro no’n si Bart” “Alam mo, hindi nakakatulong ‘yang pakikipag-usap mo sa’kin” sagot ni Susie saka muling dumungaw sa binatana. “Bahala ka nga” hindi na lamang umimik pa si Alice at pinagpatuloy na lamang ang pagpapakain sa nakaratay na ama. Ngunit natigilan ang dalawa nang makarinig sila ng isang malakas na hangin na tila nanggagaling sa itaas. Ang mga kurtina sa bintana ay sumasayaw dahil sa lakas ng hangin gano’n din ang mga halaman sa labas ng kanilang bakuran. Ilang segundo lamang ay nawala rin kaagad ang malakas na hangin. Dali-daling tumakbo si Susie papunta sa bakuran at doon ay nakita niyang nakatayo ang kaniyang anak na basang-basa ang uniporme. Nakatingin at nakangiti ito sa kaniya na parang isang batang gumawa ng kasalanan. “Saan ka nanggaling bata ka?!” pasigaw na sabi ni Susie habang papalapit sa anak. Nang makaharap niya ito ay tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa at nakita ang mga alilabok at putik sa puti nitong uniporme. Maging ang sapatos nito ay mistulang ibinaon sa lupa dahil sa dami ng alikabok at putik nito. “Bakit ang dungis-dungis mo?” “Ah. . .ano ma, naglaro po kami nila Bart” utal na sagot ni Teman na halatang hindi makatingin ng diretso sa kaniyang ina ngunit mababakas ang kasiyahan sa mukha. “Naglaro? Ano nilaro niyo habulan?” “Parang gano’n na nga po” “Sus maryosep kang bata ka, ang tatanda niyo na eh. Pumasok ka na do’n” sinunod naman ito kaagad ito ni Teman ngunit hindi pa man ito nakakalayo ay tinawag siyang muli ni Susie na agad niyang nilingon. “Bakit ma?” nagtatakang tanong nito habang unti-unting tinatanggal ang mga butones ng kaniyang uniporme. “Narinig mo ba ‘yong malakas na hangin?” “Anong hangin?” taas kilay na sagot ni Teman. Alam niya kung ano ang tinutukoy ng kaniyang ina pero hindi niya ito puwedeng sabihin dahil ito ay bilin ni Amar. Alam niya rin na kapag sinabi niya ito ay tiyak na hindi maniniwala sa kaniya si Susie. “Ah. . .wala” sagot ni Susie saka tumingala sa itaas. Pinipilit na hanapin ang pinagmulan ng malakas na hangin kahit pakiramdam niya’y alam niya kung saan ito nanggaling. Sa kaharian ni Bathala sa unang daigdig ay masayang naglalakad sa gintong pasilyo si Amar habang nililibot ang paningin sa buong paligid. Makikinang na mga muwebles na kumikislap sa tuwing nadadampian ng liwanag. Ang kisame ay gawa sa pinakamatibay na marmol at sa kisameng ito naka pinta ang lahat ng mga importeng kaganapan na naging bahagi na ng kasaysayan. Naroon ang unang digmaan sa pagitan ng mga mortal at kampon ni Sitan. Nakapinta ang mga Diyos at Diyosa ng mundo kasama na si Amar na tinaguriang Galang Kaluluwa. Mga sinaunang taong nakaluhod at sinasamba ang kani-kanilang mga Diyos. At mga magagandang tanawin na nilikha ni Bathala. Ngunit napahinto siya sa kaniyang paglalakad nang makita ang imahe ng halimaw na si Bakunawa. Ito ang unang pagsalakay nito sa ikalawang daigdig na hindi niya pinag tagumpayan. Tinuloy ni Amar ang kaniyang paglakad hanggang sa marating niya ang isang higanteng pinto na may taas na labinlimang talamakan na gawa sa ginto. Nakaukit dito ang mga simbolo ng mga Diyos at Diyosa at ang pinakamalaki sa itaas ay ang simbolo ni Bathala. Naroroon din ang dalawang guwardiya na masipag na nagbabantay sa gintong pinto. Dahil ito, ay ang silid trono ni Bathala. Pinagbuksan siya ng dalawang guwardiya at saka muling naglakad papasok hanggang sa marating niya ang tronong gawa rin sa ginto. “Kamusta na kaibigan?” nakangiting sigaw ni Amar habang nakatingin sa matipunong lalake na nakaupo sa trono. May maiksi at may kulay puting buhok, maging ang kilay, balbas at bigote ay kakulay din nito. Natatakpan ang baba at leeg nito ng balbas na may habang dalawang talampakan. Nangingintab sa kulay puting kasuotan maging ang kaniyang balat na animo’y isang mamahaling porselana. Hawak ang isang mahabang tungkod sa kaniyang kanang kamay. Nakangiti itong tumayo nang makita ang matalik na kaibigan sa kaniyang harapan. At sa kaniyang pagtayo ay mas nangibabaw ang tangkad nito na walong talampakan na halos tingalain ni Amar. “Amar, ayos lang ako. Mabuti naman at binisita mo ako” malaki ang boses nito ngunit tila nanghaharana sa sobrang lambing. “Siyempre, hindi ko puwedeng kalimutan ang hari at matalik kong kaibigan” sagot ni Amar habang unti-unting bumababa si Bathala sa kaniyang trono papalapit sa kaibigan. Nang makaharap niya ito ay napatingala si Amar dahil sa tangkad nito. “Kamusta na ang batang mortal?” nakangiting tanong ni Bathala. “Alam nating pareho na hindi siya basta isang mortal kaibigan. Sa ngayon ay nag-uumpisa pa lamang kami. Hindi ko pa alam kung hanggang saan ang kakayahan niya. Pero titiyakin kong magiging isang mahusay siyang mandirigma” “Magaling kaibigan” sandaling natahimik ang dalawa at nagpatuloy sa pagsasalita si Bathala. “Sigurado ka na ba sa kaniya?” “Malakas ang kutob ko kaibigan. Siya ang nasa propesiya. Bigyan mo lamang ako ng marami pang oras” “Kaibigan, ang oras ay hindi natin puwedeng diktahan. Hindi natin alam kung kailan o saan aatake ang mga kalaban kaya ang mabuti pa’y pag igihan mo pa ang pag-eensayo sa kaniya sa lalong maikling panahon” Muling natahimik ang dalawa ngunit nabasag kaagad ang katahimikang iyon nang bumukas ang gintong pinto at pumasok ang sampung kawal. Nanlaki ang mga mata ni Amar nang makita ang isang halimaw sa gitna ng sampung kawal. Sinusubukan nitong magpumiglas ngunit hindi nito magawa dahil sa kadenang nasa leeg at mga kamay nito. Limang metro mula kay Bathala ay tumigil sa paglalakad ang mga kawal kasama ang halimaw at ang pinuno ng pangkat humakbang paunahan at saka yumuko sa harapan ni Bathala at Amar at sinabing, “magandang araw mahal na Bathala. Ang halimaw na ito ay namataan sa labas ng inyong kaharian na nagmamasid. Sa tingin ko ay isa siyang espiya ni Sitan” Dahan-dahang naglakad palapit sa halimaw si Amar. Pinagmasdan nitong maigi ang itsura ng halimaw na unti-unti ay nagiging pamilyar sa kaniya. Maitim at kulubot ang balat nito na tila nasunog ng matagal. Ang mga tenga ay patulis ang hugis at mga ngipin nito ay parang sa paniki. “Ikaw nga” sabi ni Teman habang walang reaksyong nakatingin sa halimaw. “Isang kahangalan ang sundan ako dito sa kaharian ni Bathala. Hindi mo ba naisip ‘yon?” dagdag niya. “Hindi kayo magtatagumpay Galang Kaluluwa” sabi ng halimaw habang nagpupumiglas. “Hindi lang ako ang espiya ni panginoong Sitan sa ikalawang lupa. Kaya kung ako sa’yo, doblehin mo ang pagbabantay sa alaga mo” pagbabanta nito na sinabayan pa niya ng nakakainis na tawa. Hindi napigilan ni Amar ang kaniyang sarili at buong puwersang sinuntok sa mukha ang halimaw. Samantala, nagpunta si Teman sa lumang bahay sa pag aakalang makikita niya roon si Amar. Ngunit nadismaya siya nang makitang walang tao sa lumang bahay. Pumunta siya sa bakuran kung saan sila nag eensayo ni Amar. Ang langitngit ng mga tuyong dahon ay maririnig sa bawat pag hakbang nito at nang makarating siya sa gitna ay napansin niya ang isang malaking balahibo ng ibon. Hindi siya nagdalawang isip na pulutin ito at napansin ang isang maliit na papel na nakatali rito. Isa itong sulat galing kay Amar. Nakasaad rito na hindi muna siya makakapunta ngayong araw kaya marapat lamang na gawin muna ni Teman ang mga dapat niyang gawin. Simangot na lumabas si Teman sa bakuran at nagpasyang pumasok na lamang sa eskwela kahit na dalawang dalawang subject na ang kaniyang nakaligtaan ngayong umaga. Nakarating siya sa paaralan ng maayos at tinapos ang isa pang subject mula sa gurong si Mr. Bertulfo. Ilang oras na lamang ay sasapit na naman ang tanghalian. Ang magkakaibigang sina Teman, Sandy at Bart ay muling nagkita-kita sa ilalim ng malaking puno sa loob ng kanilang eskwelahan kagaya ng kanilang nakagawian sa tuwing magtatanghalian. Ang tatlo ay sabay-sabay na naupo sa damuhan at nagbahagi ng kani-kanilang mga kuwentong kung ano-ano hanggang sa nagyaya si Sandy na kumain sa kanilang mansyon. “Guys, tara ulit sa bahay, do’n ulit tayo kumain” “Ayoko nga, sungit sungit ng papa mo eh” nakangusong sagot ni Bart. “Oo nga Sandy, baka mamaya mapagalitan na naman tayo” dagdag naman ni Teman. “Huwag kayong mag-alala kasi wala naman diyan si Daddy. Si kuya lang nandiyan” “Nasa’n naman daddy mo?” tanong ni Bart. “Hindi ko alam, pero ang sabi niya sa’min kanina ni kuya eh dalawang araw daw siyang mawawala” “Gano’n ba? Eh ano pa’ng hinihintay mo? Tara na sa inyo!” masiglang sigaw ni Bart saka tumayo at nagpagpag ng puwetan. Gano’n din sila Teman at sabay sabay silang nagpunta kung saan nakaparada ang motor ni Bart. Dating gawi, nasa gitna si Teman at nasa pinakahulihan naman si Sandy. Ang upo nito ay patagilid habang si Teman naman ay nakaharap sa likod ni Bart. Nang makarating sila sa mansyon ay naabutang muli nila si Aaron sa kusina na kumakain kasama ang isa niyang kasamahan sa trabaho. Binati sila nito at niyayang sumabay na sa kanila na agad namang sinunod ni Bart. Hinila niya ang upuan sa lamesa at nangungunang umupo. “Sir, alam niyo ang pogi at ang bait niyo. Pahinging kanin ha?” aniya kay Aaron na tuwang tuwa siyang tinitingnan. “Sige lang, kumuha ka lang diyan” natatawang sagot ni Aaron. “Grabe ka tol, mahiya ka naman kahit konti lang” biro ni Teman sa kaibigan at nagtawanan ang lahat. Sabay-sabay silang kumain at nagkuwentuhan pagkatapos nito. Humingi si Aaron ng pasensya kina Teman tungkol sa nangyari noong nakaraang araw. Madali rin naman nila itong tinanggap dahil alam nilang walang kasalanan ang dalawang magkapatid. Matapos ang masayang kainan ay inikot ni Sandy ang dalawa sa kanilang buong mansyon. Nagpunta sila sa hardin, sa pinaka itaas ng mansyon, sa maliit na palaruan nila Sandy noong sila’y mga bata pa, sa swimming pool at sa mga pribadong kuwarto nila na nagagamit lamang sa tuwing may mahalaga silang bisita. Habang nag iikot ay hindi makapaniwala ang dalawa na nagkaroon sila ng isang kaibigan na mas mayaman pa kaysa sa kanilang dalawa. Hindi nila maiwasan ang mapanganga sa tuwing makakakita sila ng mga mamahaling gamit sa loob ng mansyon lalong lalo na sa tuwing nalalaman nila ang presyo nito. Ngayon lamang kasi sila nakapasok sa ganito kalaking bahay at hindi nila sukat akalain na sa kaibigan nila ito. Habang nag iikot din ay pumukaw sa atensyon ni Teman ang isang larawang nakasabit sa pader na katabi ng isang pintuan. Nilapitan niya ito at tiningnang maigi at napansin niya na ito ay hindi isang larawan kun’di ay isang lumang papel. Tila isang liham at alibata ang uri ng sulat nito. Nakalagay sa isang parisukat na bubog na lagayan ng larawan upang maprotektahan ang papel dahil palagay niya ay konting galaw na lamang sa lumang papel ay masisira na ito. Muli na sana siyang maglalakad nang mapansing wala ang kaniyang mga kaibigan. Naglakad siyang muli at hinanap ang dalawa ngunit hindi niya ito matagpuan. Hanggang sa makarating siya sa isang sulok kung saan makikita ang isang nakabukas na pinto. Wala itong liwanag sa loob kaya malamang ay wala ring tao rito. Dahan-dahan siyang naglakad papasok dito habang tinatawag ang mga pangalan ng dalawa. Nagbabaka sakaling narito ang kaniyang mga kaibigan. Ngunit sa kaniyang pagpasok ay bigat ng dibdib ang kaniyang naramdaman. Hindi siya makapaniwala sa tumambad sa kaniya. Isang kuwartong punong-puno ng usok na itim. Mababakas sa mga pader nito ang mga tilamsik ng dugo ng hindi niya alam kung ano. Nagkalat ang basura at mga tuyong dahon na labis niyang ikinataka. May mga sibat, sulong walang sindi at kung ano-anong materyales ang buong paligid. Madilim ang paligid, masangsang ang amoy ng hangin. Ang mga bintana ay nakasara na natatabunan ng puting kurtina. Malakas na kaba ang naramdaman ni Teman. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Napatakbo na lamang siya palabas sa sobrang takot at pilit na iniisip kung ano ang mayroon sa kuwartong ito at kung ano ang mayroon sa pamilya ni Sandy, sa pamilya Montenegro.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD