Goddess of Sea

2285 Words
Tahimik na lumilipad si Amar patungo sa isang portal papuntang ikalawang daigdig. Masaya siyang tinatanaw ang lahat ng nilikha ng kaniyang kaibigang si Bathala. Mga ilog, bundok at mga kagubatan. Matatanaw din ang mga ordinaryong mamamayan na nakasuot ng bahag at mga sinaunang kasuotan na nilimot na ng panahon. Masaya na sila sa simpleng pamumuhay kasama ng kani-kanilang pamilya sa mga munting kubo. Ang lahat ay payapa, salamat sa mga Diyos at Diyosa na nagbabantay sa kanila at sa kalikasan. Ang simoy ng hangin na dumadampi sa kaniyang mukha habang lumilipad ay mas malamig at mas sariwa kumpara sa ikalawang daigdig. Mula sa itaas ay natatanaw na niya ang portal patungong ikalawa. Sa kanan nito ay isang dalampasigan na mula sa itaas ay naririnig niya ang hampas ng mga alon at ang simoy nito. Sa hindi inaasahan, nabigla siya nang makita ang isang malaking ahas nang siya’y lumapag. Isang maitim na ahas na may habang dalampung talampakan. Ang mga kaliskis nito ay kumikinang sa tuwimg nasisinagan ng araw. Hinanda ni Amar ang kaniyang sarili nang unti-unting lumapit sa kaniya ang malaking ahas. “Bakit ka naparito ulilang kaluluwa?” tanong niya sa ahas. Hindi siya nakarinig ng sagot at maya-maya’y dahan-dahang umangat ang ulo ng ahas at unti-unting nagpalit ng anyo, anyo ng isang halimaw. Ang ulo nito ay sa ahas at ang sa ibaba naman ay isang matipunong katawan. Mayroon pa rin itong kaliskis, ang tiyan nito ay kulay abo. Wala itong saplot na kahit na anong tela. Ang kaniyang mga kuko ay ‘sing tulis ng kaniyang mga pangil. “Kamusta ka na Amar?” marahang tanong ng ahas. “Hindi ko kailangan ng kamustahan. Sagutin mo ang tanong ko, anong ginagawa mo rito?” matapang na sagot ni Amar habang itinitikom ang mga kamay. “Gusto ko lang naman bisitahin ang dati kong tirahan” nakangiting sabi ng ahas. Habang ang mga mata’y nanlilisik na parang isang demonyo. “Hindi ka nararapat sa lugar na ito ulila” “Hindi ka pa rin nagbabago, matapang ka pa rin” Hindi pa nakakasagot si Amar nang biglang lumitaw ang tatlong maligno mula sa buhangin ng dalampasigan. Ang kanilang mga bibig ay nagtutubig ng malapot at ang mga pangil ay nakalitaw na handang sumunggab sa ano mang oras. Agad na pumorma si Amar at hinanda ang sarili para sa posibleng pag atake ng ulila at ng mga maligno. Inatras niya ang kaniyang kaliwang paa na bahagyang bumaon sa buhangin ng dalampasigan. “Sa tingin mo Amar, tutulungan ka kaya ngayon ni Bathala? Gayong nalalapit na ang katapusan mo” sabi ni Ulila habang nilalabas ang mga pangil. “Katapusan mo lang ang nakikita ko” matapang na sagot ni Amar. Ilang saglit pa ay mabilis na umatake ang tatlong maligno. Sa silid aklatan at ng paaralan ay tahimik na nakaupo at nagbabasa ng libro sina Bart at Teman. Hawak ni Bart ang isang malaking ensiklopedya at si Teman ay binabasa ang isang libro tungkol sa mga mangkukulam at mga itim na salamangka. Hindi niya alam kung bakit gusto niyang mag saliksik tungkol sa mga bagay na ito. Pag pasok pa lang kasi nila sa silid ay hinanap niya kaagad ang libro na ito. Hanggang sa ngayon kasi ay hindi mawala sa isip niya ang nakita niyang kuwarto sa loob ng mansyon nila Sandy. Hindi na niya nagawang itanong iyon kay Sandy dahil sa takot at pag-aaalala na baka mapahiya si Sandy. Kaya minabuti na lamang niyang kimkimin ang natuklasan. Gustuhin niya mang sabihin kay Bart at hindi niya magawa dahil alam niyang hindi rin ito maniniwala. Habang nagbabasa ay napalingon si Bart sa binabasang libro ni Teman. Nagtataka siya kung bakit nagka interes si Teman sa ganoong klase ng libro kaya hindi niya maiwasan ang mag tanong. “Hoy, ano ‘yang binabasa mo?” mahinang bulong nito na iniiwasang marinig ng librarian. “Wala ‘to, tungkol sa mga kulam” mahinang sagot din ni Teman. “Ba’t ganiyang ang binabasa mo?” “Wala, curious lang ako” “Curious sa’n?” “Ah basta wala” Hindi pa rin mawala sa mukha ni Bart ang pagtataka. Nakita naman iyon ni Teman kaya nagkatinginan ang dalawa at batid ni Bart na may gustong sabihin si Teman base sa mga mata nito na parang nangungusap. “Ano ba’ng problema mo?” muling tanong ni Bart. Hindi kaagad nakasagot si Teman at muling nilingon ang kaibigan. “May sasabihin ako sa’yo” pabulong na sabi ni Teman. “Kaso baka ‘di ka maniwala” “Pano ako maniniwala eh ayaw mo namang sabihin” sagot naman ni Bart. Bahagyang nilapit ni Teman ang kaniyang mukha ni Bart kaya nilapag niya ang hawak niyang libro sa lamesa. “No’ng nag ikot-ikot tayo sa bahay nila Sandy na bigla kayong nawala” “Oh ano?” “No’ng hinanap ko kayo, napadpad ako sa kuwarto. Pero hindi siya basta kuwarto, madilim siya tapos mausok tapos ang baho. May nakita ako na kung ano-anong nakasabit sa kisama at pader” “Oh tapos? Baka nakalimutan lang linisin ng mga katulong” “Hindi, iba talaga pakiramdam ko sa kuwarto na ‘yon eh” Napalingong muli si Bart sa hawak na libro ni Teman. “Kaya ka nagbabasa niyan? Tingin mo kila Sandy mangkukulam sila?” sabi nito. “Hindi naman sa gano’n pero…” “Pero parang gano’n na nga? Alam mo ganito nalang, punta ulit tayo sa bahay nila tapos subukan nating hanapin ‘yang sinasabi mong kuwarto para malaman natin pareho” Hindi na sumagot si Teman at tumango na lamang sa suhestyon ng kaibigan. Maya maya’y natanaw nila si Sandy na naglalakad papunta sa kanilang direksyon kaya pareho nilang dinampot ang kanilang mga libro at tinuloy ang pagbabasa. “Hoy, kanina pa kayo riyan?” tanong ni Sandy sa dalawa nang makarating ito sa harapan nila. Medyo napalakas ito kaya napatingin sa kanila ang librarian. Matanda na ito at may suot na salamin. Ang buhok nito ay kulay puti na ngunit maayos pa rin ang pagkaka puyod. “Sorry po” mahinang sabi ni Sandy. Duguan at nakahandusay na si Amar sa lupa. Sa kaniyang bibig ay umaagos ang pulang likido na kaniya ring nalalasahan. Pinipilit niyang tumayo ngunit sa tuwing ginagawa niya ito ay sumasakit ang mga natamo niyang tama sa katawan. Habang ang mga maligno at si Ulila ay nakatayo sa kaniyang harapan, nakangiting nakatingin sa duguang si Amar na naka higa sa buhangin ng dalampasigan. “Anong sabi ko sa’yo? Hindi ba’t ngayon ang araw ng katapusan mo” sabi ni Ulila. “Bakit mo ginagawa ‘to?” hirap na sabi ni Amar habang umuubo dahil sa dugong dumadaloy sa kaniyang lalamunan. “Simple lang, kasi ayaw kong maging hadlang kayo sa’ming mga plano. Huwag kang mag-alala, isusunod ko na ang binatang taga ikalawa. Tatapusin ko siya ng dahan-dahan” sagot ni Ulila. Sa kaniyang likuran ay ang mga malignong naghahalak-hakan. Pinagtatawanan ang nakahandusay at duguang si Amar. “Magpaalam ka na sa mahal mong mundo Amar” tinapak ni Ulila ang kaniyang kaliwang paa sa dibdib ni Amar na lalo nitong ininda. Walang iba ang nasa isip ni Amar kung ‘di ang kaligtasan ni Teman. Nararamdaman niyang nalalapit na nga ang kaniyang katapusan. Nabigo siya sa kaniyang misyon, nabigo siyang protektahan ang dalawang mundo kagaya ng mga ipinangako niya kay Bathala. Binigo niya si Bathala. Binigo niya ang lahat ng taong umaasa na poprotektahan niya sa pag dating ng Bakunawa. “Oh mahal na Bathala, aking kaibigan, tulungan mo ako” mahinang bulong nito habang patuloy pa rin ang pag agos ng pulang likod sa kaniyang bibig dahil sa diin ng pagkaka tapak ni Ulila sa kaniyang dibdib. Nagtawanan ang mga halimaw nang marinig nila ang sinabi ni Amar. Ilang saglit na lamang ay puwede na sanang bawiin ni Ulila ang buhay ni Amar nang biglang lumitaw mula sa karagatan ang isang nilalang. Isang babaeng may natatanging kagandahan. Ang kasuotan nitong kulay berde ay bumagay sa kaniyang maamong mukha. Nagulat ang lahat ng makita nila si Aman Sinaya, ang Diyosa ng karagatan. “Itigil niyo ‘yan” malakas na sigaw ni Aman Sinaya sa mga halimaw. Maya-maya’y inangat si Amar ng tubig na galing sa karagatan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Aman Sinaya. Nagmistulang higaan ni Amar ang tubig habang lumulutang papunta sa tabi ni Aman Sinaya na nakatayo sa ibabaw ng tubig at sa isang kumpas ng kamay ay gumalaw ang tubig sa harapan nito at naglikha ng isang higanteng alon na ‘sing laki ng dalawang bahay at buong lakas na hinamapas ang mga maligno, ngunit hindi ni Ulila dahil mabilis itong nakatalon bago pa man humampas ang alon. Hindi magkamayaw ang mga maligno na mabilis na nilamon ng karagatan. Pinipilit nilang umahon ngunit hindi nila magawa dahi ang karagatan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Aman Sinaya. Walang magawa si Ulila kung ‘di ang mapatulala sa nasaksihang pagkawala ng kaniyang mga alagad. “Sa ibang pagkakataon Amar, sa ibang pagkakataon” galit na sabi ni Ulila habang nakatingin kay Amar na nakahiga pa rin sa tubig na nakalutang sa tabi ni Aman Sinaya. Maya-maya ay bumalik ito sa dating anyong ahas at lumubog sa buhangin at tuluyan na ngang naglaho. “Salamat” hirap na sabi ni Amar habang nakatingin sa Diyosa. Unti-unting pumupungay ang mata dahil sa hilo at dahil sa mga tinamong sugat na sanhi ng labanan. “Huwag ka mag-alala, magiging maayos din ang lahat” ang malambing na tinig ni Aman Sinaya ang tuluyang nagpatulog kay Amar. Tila hinaplos ng boses ang kaniyang mukha at dito ay nakaramdam siya ng kaginhawaan. Sa bakuran ng mansyon ay nadatnan ni Sandy ang kaniyang kuyang si Aaron na tahimik na nakaupo sa upuan kaharap ang kanilang hardin na tila may iniisip. Nilapitan ito ni Sandy at naupo sa tabi nito. “Wala kang pasok kuya?” tanong ni Sandy sa kapatid. “Wala, day-off ko ngayon” sagot naman nito. “Ba’t ang aga mo ngayon?” “Maaga kaming pinalabas eh. Ayaw mo ba?” “Sira” sabi ni Aaron. Nagtawanan ang dalawa at sandaling natahimik hanggang sa muling nagtanong si Sandy. “Kuya, may napapansin ka bang kakaiba kay daddy?” ito ang tanong na ilang araw ng bumabagabag sa kaniyang isip simula noong unang sinama niya ang mga kaibigan sa kanilang mansyon. Ilang araw kasi bago mangyari iyon ay napansin niya ng nagbago ang kilos ng kaniyang ama. Naging mainitin ang ulo nito at palaging galit. Kamakailan lang ay sinaktan nito ang isa nilang katulong na labis nilang kinagulat. Palagi rin itong pawisan at madalas na walang saplot ss paa. Pareho nilang napansin ang pagbabago ng kanilang ama. “Alin? Wala namang iba kay daddy” sagot ni Aaron sa kapatid habang hindi ito makatingin ng diretso at halatang nagsisinungaling. “Imposibleng hindi mo napansin ang pagiging masungit ni daddy kuya. Kasi ako pansin na pansin ko ang pagbabago niya” “Baka pagod lang ‘yon sa trabaho. Tsaka marami siyang iniisip tungkol sa negosyo” “Hindi eh, sa tingin ko…” “Sa tingin mo ano?” “Sa tingin ko ibang tao si daddy eh. Sobrang sungit niya kasi tapos palagi siyang galit. Ni hindi na nga niya tayo kinakausap” “Halika nga rito” nilahad ni Aaron ang kaniyang kamay ay hinawakan sa ulo ang kapatid. Lumapit naman agad si Sandy at pinulupot ang kamay sa katawan ng kapatid. “Pag pasensyahan mo na si daddy, baka sobrang dami lang din talagang iniisip no’n” Alam ni Aaron ang pakiramdam ng kapatid dahil maging siya ay ganoon din ang nararamdaman. Hindi rin niya maintindihan kung bakit biglang nagbago ang ugali ng kanilang ama nitong mga nakaraang araw. Sumapit ang gabi sa mansyon ng mga Montenegro. Inayos na ni Sandy ang kaniyang kutson saka nag hilamos at nag suot ng damit pang tulog at pagkatapos ay humiga. Ilang oras pa lamang nahihimbing sa pagtulog si Sandy ay naalimpungatan siya nang mamatay ang air-con ng kaniyang kuwarto dahil sa brown out. Tinanggal niya ang kaniyang makapal na kumot at naiinis na bumangon at naghanap ng pamaypay sa ilalim ng kaniyang lagayan ng mga libro. Pag lingon niya sa kanilang orasan ay nakita niyang mag aalas tres na ng madaling araw kaya alam niyang malabo ng buksan ang kanilang generator. Babalik na sana siya sa kaniyang higaan nang makarinig siya ng malakas na galabog na ikinigulat niya. Ang galabog ay malapit sa kaniyang kuwarto. Sa palagay niya ay ito ang kuwartong nasa pinaka dulo. Ang kuwarto na ginawa nilang tambakan at taguan ng kung ano-ano. Kumuha siya ng flashlight mula sa kaha ng kaniyang aparador at lakas loob na lumabas ng kaniyang kuwarto. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa pinaka dulong kuwarto at nang makarating siya rito ay napansin niyang nakabukas ng bahagya ang pintuan nito at sa hindi malaman na dahilan ay may itim na usok na lumalabas sa pintuan. Doon pa lamang ay nag iba na ang kutob ni Sandy. Hindi niya alam kung tutuloy pa ba siya o muling babalik sa pag higa. Ngunit sa mga oras na iyon ay natitiyak niyang mahihirapan na siyang makatulog dahil sa nasasaksihan niya. “Kuya?” mahinang sabi niya. Nilakasan niyang muli ang kaniyang loob at binuksan ang pinto. Sumalubong sa kaniya ang isang makapal na usok na naging dahilan ng kaniyang pag ubo. At nang mawala ang usok ay nabitawan niya ang kaniyang hawak na flashlight dahil sa tumambad sa kaniyang harapan. Isang halimaw, ang kaniyang ama ay isang halimaw na may mga nanlilisik at mapupulang mga mata na tila nagliliwanag dahil sa sinag ng buwan. “Dad?” nanginginig na sabi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD