Prologue
MADILIM ang buong paligid. Wala siyang ibang matanaw kundi kadiliman kahit bukas na bukas ang kanyang mga mata. Nilulukob siya ng kadilimang iyon. Kinakain ang kanyang isipan at sistema. Naliliyo siya sa napakasakit na pakiramdam. Napaluhod siya sa sakit nang hindi niya iyon kayanin.
“Mi querida, ¿donde usted ha estado?” bulong sa kanya ng hangin. Hindi niya alam kung saan nagmula ang malagom na tinig na iyon na tila labis ang pangungulila sa kanya. Banyaga sa kanya ang wika pero malinaw niyang naintindihan ang ibig sabihin niyon.
Sinikap niyang tumugon sa kabila ng sakit na pumaparalisa sa kanya. “Nasaan ka? Hindi kita makita. Tulungan mo ako...” anas niya nang sa wakas ay matagpuan ang tinig.
“Venido conmigo, por favor...” pagsusumamo ng malagom na tinig sa kanya. At mula sa kawalan ay nasilayan niya ito. Isang lalaking may buhok na kakulay ng balahibo ng uwak at mga matang kasing itim ng gabi ang bumungad sa harap niya. “Te quiero mucho... No me dejes...” banayad na bigkas ng mga labi nitong tila laging may dalang hiwaga.
Hindi niya alam kung ano ang tamang isagot dito. Tama bang sabihin niyang mahal na mahal niya rin ito at hindi niya ito iiwan? Naguguluhan siya. Mas lalo siyang napalugmok sa pagkatuliro.
“Corazon...” bigkas nito, tila inawit ang pagbigkas sa pangalan. Siya ba ang tinutukoy nito? Hindi rin siya sigurado sa bagay na iyon. Hindi siya sumagot sa pagtawag nito hanggang sa mawala ang tinig ng lalaking may itim na buhok at mga mata at tuluyan itong maglaho sa harap niya.
“Corazon!” muli ay narinig niya ang pangalan na tinawag nang sinuman. Bago sa pandinig niya ang boses at nang sumulyap siya sa likuran niya ay isang lalaki ang naroroon. Ang mga hibla ng buhok nito ay kakulay ng mais at ang mga mata ay kasing tingkad ng ginto. Humakbang ito palapit sa kanya. “I miss you so much, Corazon. I have longed to be with you, again. Don’t worry, I will always be here beside you from now on,” saad nito at inalalayan siyang makatayo.
“Maraming salamat. Sino ka? Anong pangalan mo?” usal niya nang tuluyang makatayo. Mukhang ito naman ang naguluminahan sa mga tinanong niya. Wala itong naging sagot.
“I love you, Corazon. Don’t be scared,” sa halip ay sabi nito at niyakap siya ng mahigpit.
At mula sa kung saan ay nakarinig siyang muli ng tinig. Bumugso ang kanyang dibdib. Dumaloy sa kanyang ugat ang sari-saring emosyon na hindi niya mabigyang pangalan at paliwanag.
“Corazon! Corazon! Corazon!” napalingon siya sa gawing pinagmulan ng pagtawag. Nakatindig sa hindi kalayuan ang isang lalaking may kulot-kulot na buhok na parang kay kupido, nakangiti ito at nagniningning ang mga mata na parang tala sa kalangitan.
“Cariño,” bigkas niya, hindi maturan kung saan nagmula ang ideyang tawagin ng ganoon ang lalaki.
“Halika, mahal ko...” mapanghalinang anyaya nito. Bumitiw siya sa lalaking may ginintuang mga mata at buhok. Pinigilan man siya nito ay hindi siya nagpadaig.
“Cariño, hintayin mo ako. Huwag mo akong iwan,” naghihingalong saad niya, mabilis niyang tinakbo ang pwesto nito.
“Mahal... ang tagal kong hinintay na mayakap at mahagkan kang muli,” maalab na sabi nito nang tuluyan siyang makalapit.
“Hagkan mo akong muli at ikulong sa mga bisig mo habang buhay,” mapag-ubayang tugon niya. Labis ang galak sa kanyang puso. Subalit hindi pa man naglalapat ang kanilang mga balat ay bigla na lamang itong tinangay ng hangin at bulang biglang naglaho.
She screamed and she woke up. Then, she fell asleep again and dreamt of the same scene like a movie running in her mind.