Chapter 11

3085 Words
PASADO ala-siete na nang magising si Corazon ng araw na iyon. Napasarap ang tulog niya sa malamig na silid at malambot na higaan. Nang bumangon siya ay hindi na niya nakita ang ina. Umalis daw ito kasama si Mira. Maaga raw nagtungo ang mga ito sa rancho. Kaya ngayon ay mag-isa siyang nakadulog sa hapag-kainan. At kahapon pa siya naaasiwa sa pagkain dahil hindi siya sanay na may nakatunghay sa kanya habang kumakain. Nasa kaliwa niya nakatayo si Gloria, tahimik lang ito at hindi nagsasalita. Noong nakaraan ay kasama nitong nag-aabang si Lolita at Maria. Dahil siya lang naman ang naroon ay ito lang ang nakabantay kung sakaling may ipag-uutos siya. Na sa tingin naman niya ay hindi na kailangan. “Gloria?” “Ano po ‘yon, Señorita?” “Halika, sumalo ka sa ‘kin,” yakag niya at iminuwestra ang katabing upuan. Mabilis at mariin ang naging pag-iling nito. “Hindi po pwede, Señorita. Makagagalitan po ako. Baka mawalan ako ng trabaho rito sa villa,” diretsong tugon nito, blangko ang emosyon. Hindi na lang siya kumibo sa sinabi nito kahit hindi niya lubusang maunawaan iyon. Masyadong makaluma yata ang trato sa mga kasambahay roon. Isang bagay na nakapagpapataka sa kanya dahil malayo iyon sa pigurang nabuo sa isip niya nang madaan sila sa rancho. Maaliwalas ang paligid roon at hindi katulad rito sa loob ng villa na parang de-susi ang mga kilos ng mga tao. Maging siya sa pakiramdam niya ay limitado ang kanyang mga galaw. Na hindi siya malaya at nakakulong sa loob niyon. Parang naninikip ang dibdib niya at gusto nang umalis doon. “Gloria, ako na ang bahala rito. Pinapatawag ka sa rancho ni Señora Mira.” Nalingunan niya ang isa pang kasambahay na si Lolita. Ngumiti ito at bumati sa kanya. Nagpaalam naman si Gloria at umalis na. “May iba pa po ba kayong gustong kainin, Señorita?” magiliw na tanong ng bagong dating. “Wala na, Lolita. Sobrang dami na nga nito at tiyak na hindi ko mauubos lahat,” nakangiting tugon niya. Isa si Lolita sa mga magigiliw na kasambahay sa villa. Pinakilala ang mga ito sa kanila ni Mira para kung may kailangan sila ay kilala nila kung sino ang tatawagin. Apat ang tagapagsilbi sa villa, si Lolita, Gloria, Maria at ang mayordomang si Bining. Ang asawa ni Bining na si Andres ay siyang hardinero at katutulong nito ang anak na lalaki na si Carlos na siya ring utusan para sa medyo may kabigatan na trabaho na hindi kaya ng mga katulong na babae. Si Enrique ang kusinero at si Fernando at Luis ang tumatayong guwardiya ng villa. “Sige po, kung may kailangan kayo ay sabihin ninyo lang.” Wala naman siyang ibang kailangan. Pero may gusto siyang itanong dito ngunit nakahihiyaan niya. Baka kung anong isipin ng kasambahay at ayaw niyang mag-isip ito ng kung anu-ano. “Señorita, kung gusto ninyong mamasyal mamaya ay papasamahan ko kayo sa rancho. Baka mabagot lang kayo dito sa loob ng villa at nasira ang antenna ng telebisyon at hindi pa naaayos ni Carlos. Naroon din si Señorito kaya siguradong maaaliw kayo,” sabi ni Lolita, may kakaibang ngiti sa labi nito. Sinamantala niya ang usapan para itanong ang nais malaman. “Bakit hindi ko nakikita si Marxis dito sa villa? Hindi ba siya rito nakatira?” “Ay, matagal nang hindi tumutuloy rito ang Señorito. Pabisi-bisita na lang kapag kailangan. May bahay siya sa Pueblo Ranchero at doon na tumitira dahil mas malapit sa rancho,” suplay nito. Napatango-tango lamang siya. Kung gayon ay ang lalaki ang namamahala sa rancho. Nakabibilib iyon kung gayon dahil halos hindi nalalayo ang edad nilang dalawa. Kasing edad lang din siguro ito ni Cariño. Ah, si Cariño. Ngayon na lamang niya naisip muli ang nobyo. Nakauwi na kaya ito mula sa Maynila? Nabasa na kaya nito ang sulat niya? Ano kayang ginagawa nito ngayon? Nagsusulat na rin ba ito ng liham para maipadala sa kanya? Nangungulila kaya ito sa kanya? Tinapos na niya ang pagkain at napagpasyahang lumabas ng villa. Ayaw niyang bumalik sa silid at baka magmukmok lang siya roon gayong nadarama niya ang pangungulila sa nobyo. Malamig ang simoy ng hangin kahit maaraw na sa labas. Puno ng iba’t-ibang bulaklak ang bungad ng villa at maraming paru-paro ang nagsasayaw doon. Nakihalubilo siya sa mga iyon at nagpista ang mga mata sa makukulay na insekto at halaman. Nang maistorbo siya ng halinghing ng kabayo ay napalingon siya sa pinagmulan niyon. Isang dambuhalang itim na kabayo ang nakataas ang dalawang paa sa hangin ang nakita niya. Nang bumababa ang dalawang paa niyon sa sementadong daan ay nabistahan niya ang sakay niyon. Si Marxis. Napakakisig nito habang nasa ibabaw ng kabayo. Nakasuot ito ng kulay tsokolateng sombrero, guhitang kulay pula na polo, maong na pantalon at botang kakulay ng sombrero nito. Tumalon ito mula sa kabayo at naglakad palapit sa kinaroroonan niya. “Magandang umaga, Corazon!” “Magandang umaga rin sa ‘yo, Marxis.” “Gusto mo bang sumama at maglibot sa rancho?” “Pinaplano ko ngang pumunta sa rancho dahil wala naman akong ibang gagawin dito sa villa.” “Mabuti pala na sinundo kita. Marunong ka bang sumakay ng kabayo?” Si Cariño agad ang naalala niya sa tanong nito. Ito ang kasama niya nang unang beses siyang mangabayo. “Hindi gaano. Hindi ko pa nasusubukang mag-isa lang.” “Halika,” anito at inabot ang kamay sa kanya. Marahan nitong pinatong iyon sa ulo ng kabayo. Umalma ang kabayo sa simula ngunit hinayaan din siyang himasin ito. “Siya si Hagibis. Isang Arabian stallion. Hagibis, siya naman ang marikit nating Señorita Corazon,” malawak ang ngiting sabi nito. Napangiti rin siya sa pagpapakilala nito sa kanila. At s’yempre, dahil sa papuri nito. Hindi niya napigilan ang pag-iinit ng pisngi. Iginiya siya nitong makasakay sa kabayo. Nang maging maayos ang pagkakaupo niya ay sumampa na rin ito sa kabayo. Pumalibot ang mga braso nito sa katawan niya upang hawakan ang renda. Langhap na langhap niya ang maskuladong amoy nito, ang init ng hiningang dumadampi sa gilid ng tainga niya at ang init ng buong katawan nito mula sa likuran niya. Marahang naglakad ang kabayo, binabalanse ang bigat nila. Tinapik-tapik nito iyon at nang galawin nito ang renda ay nagsimulang tumakbo ang kabayo. Unti-unting bumibilis ang takbo niyon hanggang sa pakiramdam niya ay lumilipad na sila. Noong una ay nakaramdam siya ng takot at naipikit ang mga mata habang mahigpit ang kapit sa batok ng kabayo. Ngunit kalaunan ay nasanay siya sa bilis ng takbo nila. Lubos rin ang tiwala niya sa lalaki at sa proteksyon ng katawan nito kahit pa kung susumahin ay mga estranghero sila sa isa’t-isa. Marahang iminulat niya ang mga mata at walang katapusang kaparangan ang sumalubong sa kanya. Puno ang paligid ng mga ligaw na bulaklak at mga damo at ilang matatayog na puno ng niyog. Sa ‘di kalayuan din ay tanaw niya ang napakaraming mga baka na nangingnain ng mga halaman.  Nang humantong sila sa rancho ay nagkaroon ng munting kantiyawan. Sinawata naman iyon agad ni Marxis at ipinakilala siya sa mga naabutan nilang mga ranchero. “Tamang-tama ang dating ninyo, Jefe. Nagdala ng biko si Manang Purita. Sumalo kayo sa aming mag-merienda.” “Salamat, Abner,” anito at binalingan siya. “Masarap magluto si Manang Purita. Patok na patok dito ang biko niya at latik.” Nahiya naman siyang tumanggi kahit kakain lang niya kanina. Nakisalo sila sa mga ito at ikinuha pa siya ng gatas ng baka. Ipinakita rin sa kanya ng mga ito kung paano iyon pinipiga mula sa inahing baka. Pagkatapos nilang kumain ay ipinakita naman sa kanya ng mga ito kung paano gumawa ng kesong puti mula sa nalikom na mga gatas ng baka. “Anong mayro’n doon?” usisa niya sa isang malaking bahay sa kabilang dako ng kinatatayuan nila. “Carniceria. Pero hindi na tayo pupunta roon, Corazon. Sa Destileria kita sunod na dadalhin. Bagong tayo lang iyon na kanugnog nitong rancho.”  “Mabuti naman at wala rin akong planong makakita ng mga kinakatay na hayop.” Sumama siya rito at muli silang sumakay kay Hagibis. Nang makarating sa ubasan ay itinali nito sa isang puno ang kabayo at naglakad na lamang sila. Magkapanabay nilang tinahak ang taniman. Huminto ito sa isang puno ng ubas na hitik sa bunga at pumitas doon. Iniabot nito sa kanya ang ilang piraso upang tikman niya. “Matamis.” “Mas mainit na panahon, mas matamis ang mga ubas.” Sumubo rin ito ng ubas at inabutan pa siya ng marami. “Salamat sa pagpasyal mo sa ‘kin. Mukhang hindi naman ako mababagot ng tuluyan sa pagbabakasyon ko rito sa inyo.” “Bakasyon?” “Oo, bakasyon. Uuwi rin kami ni Inang sa Sta. Monica.” “Ganoon ba…” tila lumungkot ang maiitim nitong mga mata, sa unang pagkakataon ay nakitaan niya iyon ng bahagyang pagkapusyaw. “Pero mukhang magtatagal naman kami rito dahil ngayon lang ulit bumisita rito si Inang,” agad na dugtong niya. Mabilis na sumigla namang muli ang anyo ng lalaki at niyakag na siya sa pagawaan ng alak. Ipinakita rin nito kung paano ginagawa iyon gamit ang mga ubas. Masyadong komplikado para sa kanya ang proseso niyon at tumatagal pa pala iyon ng ilang buwan. Dinala rin siya nito sa imbakan ng mga alak. Bari-bariles iyon na patong-patong. Anim na buwan na raw ang pinakamatagal sa mga iyon at maaari ng ibenta sa mercado. Muli silang bumalik sa ubasan at naupo sa damuhan. “Bukas kung gusto mo ay ipapasyal ulit kita. Marami pang pwedeng puntahan dito sa El Camino.” “Kung ayos lang sa ‘yo ay walang problema sa akin. Sana lang ay hindi ko naaabala ang trabaho mo,” nginitian niya ito bilang pasasalamat. Gumanti rin ng ngiti ang lalaki at ang maiitim nitong mga mata ay tila kuminang sa kasiyahan. Tila dumaan ang ilang minutong nakatitig lamang sila sa isa’t-isa. Itim laban sa asul. Nang tangkain nitong hawakan ang kanyang kamay ay mabilis niyang inilayo iyon. Tumayo siya at nagpagpag ng pang-upo. “Tara na, baka hinahanap na ako ni Inang,” mabilis niyang sabi at nagpatiuna nang bumalik sa kinatatalian ni Hagibis. Hindi na niya tinangkang lingunin pa ang lalaki sa lakas ng kabog ng dibdib niya. GAYA nang napag-usapan nila kahapon ay muli siyang sinundo ni Marxis sa villa at ipinasyal sa buong Rancho de Altafuente. Na siyang labis na ipinagpasalamat ni Corazon sa araw na iyon dahil hindi niya kayang manatili sa loob ng villa kasama si Mira. Naaalibadbaran siya sa kilos at ugali nito. Minsan ay bigla na lamang siyang tatawanan ng babae sa pinakamababaw na dahilan na maisip nito. At sadyang napakasarkastiko ng tawa nito. Panay rin ang Espanyol ng babae na animo ay hindi marunong magsalita ng wikang Filipino. Hindi niya alam kung paanong natitiis lahat iyon ng kanyang ina sa halos buong maghapon na magkasama ang dalawa. Inalalayan siyang makababa ni Marxis mula kay Hagibis. “Maraming salamat. Turuan mo akong mangabayo ulit bukas para kapag natuto na ako, hindi mo na ako kailangang ihatid-sundo.” “Walang anuman. Sige, pupuntahan ulit kita bukas.” Sumakay itong muli sa kabayo nito. Kumaway siya rito at nagpaalam na. Tumuloy na siya sa loob ng villa. Sa kasamaang palad ay nakasalubong niya si Mira. “¡Dios mío, te miras a ti mismo! ¡Eres una campesina fea y sucia!” tila hilakbot na hilakbot ito nang makita siya. Bahagya itong lumayo na bakas sa mukha ang pandidiri. Hindi niya maiwasang hindi manliit sa nanlilibak na ekspresyon nito. “Pasensya na po, Tia Mira. Maghapon ako sa rancho at tinuruan din akong mangabayo ni Marxis. Tutuloy na ako sa aking silid para makaligo at makapag-ayos ng sarili.” “¡Muy bien… pero por favor, no olvides cepillarte los dientes también!” pahabol pa nito bago siya tinalikuran. Nagngingitngit ang kalooban na tumuloy na siya sa silid upang makapaglinis ng katawan sa banyo. Naghilod siyang maigi at nagbabad sa tubig. Nang makontento siya ay nagpatuyo siya ng katawan at buhok bago nahiga sa kama. Naisip niyang mas lalong asarin si Mira at huwang pumanaog para sa hapunan. Mabuti na lamang at marami siyang nakain na kakanin na gawa ni Manang Purita. Aabot na ang mga iyon hanggang kinaumagahan at doon na rin siguro siya sa rancho mag-aalmusal para makaiwas siya sa babae. Itinulog na nga lamang niya ang pagkaasar sa tiyahin ni Marxis at kahit nang akyatin siya ng ina upang gisingin ay hindi siya bumangon para sa hapunan. Kinabukasan pag-gising niya ay tumuloy na agad siya sa rancho. Nabigla pa nga ang binata sa pagsulpot niya roon sakay ng kariton na minamaniobra ni Manong Clavio. “Magandang umaga, Corazon. Bakit parang ang aga mo ngayon?” “Hindi na kita hinintay na sunduin ako nang makita ko si Manong Clavio at nakisabay na ako. Nag-almusal ka na ba?” “Naghanda na ako kanina. Gusto mo bang sumabay?” “Ang totoo niyan, isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit ko inagahan. May puto at kutsinta ka ba?” “Meron pati bibingka, suman at kapeng barako,” tugon nito at niyakag siya sa loob ng bahay. Unang beses iyon na makakapasok siya sa sariling bahay ni Marxis sa Pueblo Ranchero. May silid ito sa villa at minsan ay nais niyang usisain ang loob niyon pero wala siyang maisip na idahilan sa mga kawaski para pasukin ang kuwarto ng lalaki. Aaminin niyang may tila hatid na misteryo sa kanya ang katauhan ng binata at habang tumatagal ay parang mas nais niyang makilala pa ito ng lubusan. Hindi sa lebel na katulad ng kay Cariño ngunit isang pagkilalang katulad ng sa isang matalik na kaibigan. Kaibigan. Alam ni Corazon na hanggang doon lamang siya sa lebel na iyon at hindi siya maaaring lumagpas. Mahal niya si Cariño at hindi niya ito ipagpapalit sa ibang lalaki. Kahit kay Marxis pa na halos kinuha na lahat ng magagandang katangian---makisig, masipag, mabait, matalino, maginoo---. Pinutol niya ang pag-iisip at pinagkaabalahan ang inihain nitong kakanin sa hapag. Inabutan din siya nito ng isang tasa ng umaasong kape barako. Habang kumakain ay naglalakbay ang tingin niya sa palibot ng bahay nito. Napakasimple lamang niyon. Kulay puti ang buong ding-ding maliban sa plywood na may pinturang asul na naghihiwalay sa isang maliit na silid, kulay asul din ang kurtinang humahati sa kusina at sala. Sa sala ay may mga upuang kahoy at mesita, sa harap ng mga iyon ay isang telebisyon at radyo. Sa kusina kung saan sila nakapuwesto ay may pabilog na mesa at mga bangkong gawa sa Narra. May iilang gamit pang-kusina roon na maayos na nakasalansan at nakasabit. Malinis at maaliwalas ang buong kabahayan. “Pagpasensyahan mo na ang munti kong tirahan. Alam kong malayo ang hitsura nito sa villa pero---” “Mas komportable nga ang pakiramdam ko rito kaysa sa villa. Kapag nandito ako sa rancho pakiramdam ko ay nasa Sta. Monica pa rin ako. Galing ako sa hirap, Marxis. Hindi mo kailangang humingi ng tawad dahil labis-labis ang naging pagtanggap ninyo sa amin.” Ngumiti ito at inabutan siya ng suman. “May sorpresa ako sa ‘yo mamaya. Sana magustuhan mo.” “Hmmm… ano naman kaya ‘yan? Baka pagkakatayin mo ako ng baka sa carniceria?” Malakas na napahalakhak ito at umalog-alog ang katawan. Hindi nito sinasadyang matabig ang kape sa lamesa at matapunan nito ang sarili. Mabilis itong naghubad-baro nang mapaso ng mainit na kape. Siya naman ang tumawa ngunit natigil iyon nang mapasulyap siya sa magandang hubog ng katawan nito. Batak ang mga masel nito sa braso… sa dibdib… sa kalamnan… sa… Bahagya siyang tumalikod rito upang putulin ang isip at ang paglalakbay ng mga mata. Nang matanawan niya si Lolita sa labas ay nagpaalam muna siya sa binata at sinundan ang kasambahay. Walang pasok sa villa ang babae kaya tumagal ang kuwentuhan nila habang nagsasalo sa mga kakanin. Nang tawagin siya ni Marxis ay nakabihis na ulit ito at hila-hila ang dalawang kabayo. Si Hagibis na kulay itim at isang puting kabayo na ngayon lang niya nakita. Nagpaalam na siya kay Lolita at tinungo ang binata. “Nagustuhan mo ba?” “Ang alin?” “Ito,” inabot nito sa kanya ang renda ng kabayo. Hindi agad siya nakapagbigay ng reaksyon sa pagkasorpresa. “Ibinibigay mo sa akin ang kabayong ito?!” hindi makapaniwalang bulalas niya. “Oo. Regalo ko sa ‘yo para sa nakaraang kaarawan mo.” “Salamat sa pag-aabala. Sisiguraduhin kong aalagaan ko siyang mabuti. Ano nga palang pangalan niya?” “Wala pa siyang pangalan. Ikaw na ang magbinyag sa kanya.” Matulin naman siyang nag-isip ng pangalan. Tinanong niya rin ang kasarian ng kabayo. At dahil babae iyon ay pinangalanan niyang Amihan. “Amihan ang magiging pangalan niya simula ngayon,” nakangiting sabi niya kay Marxis. Hinimas-himas niya ang kabayo na mukhang mabilis namang nasanay sa presensya niya. Mayamaya pa’y sakay na siya ng sariling kabayo. Nakaalalay naman sa kanya palagi si Marxis at matiyaga siyang tinuruang mangabayo nang mag-isa. Tuwang-tuwa naman siya at nagkakasundo sila ni Amihan. Sakay pa rin ng mga kabayo ay isinama siya ni Marxis sa gubat. May kalayuan ang tinahak nilang daan na sa pakiwari niya ay nasa pusod na sila ng kakahuyan. Huminto sila nang makarinig ng lagaslas ng tubig. Bumaba ito sa kabayo at hinila na lamang ang renda niyon. Ginaya niya ito at sumunod rito. Hinawi nito ang matataas at makakapal na damo sa daraanan nila. Labis ang pagkamangha niya nang malampasan nila ang mga talahib. Isang talon ang bumungad sa kanila. Brilyantes sa linaw at kinang ang tubig. Mabining bumabagsak ang tubig mula sa itaas at lumilikha iyon ng ingay na tila inengganyo siyang sumugod roon. “Kaunting ranchero pa lamang ang nakararating dito. Malayo na ito sa Pueblo kaya wala masyadong nagtutungo sa takot na maligaw. Pero kung sakaling maligaw ka man ay mararating mo ang talon.” “Paano mo natagpuan ang lugar na ito?” Lumingon sa kanya si Marxis. May ngiti ito sa mga labi ngunit may lumbay sa mga mata. “Naging tagpuan ito ng mga magulang ko.” May humaplos na mainit na palad sa puso ni Corazon. Tinakbo niya ang agwat nila at niyakap ito. “Maraming salamat sa pagbahagi mo ng lugar na ito sa ‘kin.” Gumanti rin ito ng yakap at sa ilang sandali ay tila parehong huminto ang kanilang daigdig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD