Chapter 13

2478 Words
NAALIMPUNGATAN si Corazon nang makarinig ng mga ingay. Nang lingunin niya si Cariño ay mahimbing pa rin itong natutulog sa tabi niya. Napilitan siyang bumangon upang alamin kung saan nagmumula ang ingay. Sumilip siya sa bintana ng kubo at nakita ang mga papalapit na mga kalalakihan na sakay ng mga kabayo. Tumila na ang ulan ngunit madilim pa rin sa paligid at tanging ang mga sulong hawak ng mga ito ang nagbibigay liwanag sa daan. Palapit nang palapit ang mga ito sa kubo. Muli niyang nilingon ang nobyo. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Natataranta siya. Muli siyang sumungaw sa bintana at namukhaan ang ilang bulto sa grupo ng mga kalalakihan. Pinangungunahan iyon ni Marxis at ng mga tauhan sa rancho. May sukbit-sukbit ang mga itong baril sa balikat. Mas lalo siyang nataranta nang mag-ingay si Amihan. Tila naagaw niyon ang pansin ng mga parating at diretsong tinumbok ang kubo nila. Nakita niyang bumaba ang mga ito sa sinasakyang kabayo at marahang naglakad palapit. “Diyan na lang kayo. Huwag kayong tutuloy dito sa loob,” babala niya bago pa makaabot ang mga ito sa kubo. Pawang nangahinto ang mga ito sa paglalakad. Inayos ng mga ito ang baril na hawak at tila nakiramdam. “Corazon, ikaw ba ‘yan? Ano’ng ginagawa mo riyan sa ganitong oras?” may himig ng pagkagulat at pag-aalala na tanong nito. “Gusto kong mapag-isa. Umalis na kayo!” tugon niya. “Malayo na ito sa villa. Delikado kung mag-isa ka lang dito. Lumabas ka na riyan at sumama sa amin. Ihahatid na kita pabalik.” “Ayokong bumalik doon. Hayaan n’yo muna akong mag-isa rito. Kaya ko ang sarili ko.” “Pakiusap, Corazon. Halika na’t umuwi sa villa.” Muli itong humakbang palapit sa kubo. Lumakas ang t***k ng puso niya. Nang sulyapan niya si Cariño ay bahagyang gumalaw ito at yumakap sa unang katabi. Binalingan niyang muli ang mas papalapit na si Marxis. “Nakahubad ako. Huwag kang papasok sa loob,” babala niya. “Ano?! Bakit nakahubad ka?!” tila mas naalarma naman ang lalaki at lumaki ang mga hakbang. Isinara niya ang bintana upang hindi nito matanaw sa loob ang nobyo. “Ayos lang ako. Nabasa lang ako ng ulan at pinatulo ko muna ang mga damit ko.” “Magbihis ka’t uuwi na tayo. Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ka sumasama sa akin.” Napatingin siyang muli sa direksyon ng nobyo nang muling gumalaw ito. “Sandali, mag-aayos lang ako ng sarili,” sabi niya, pinigil ang maluha sa desisyong gagawin. Kung magigising si Cariño o kung gigisingin man niya ito, paano sila makakatakas kanila Marxis? Pihadong hindi rin papayag ang lalaki na umalis sila ng nobyo. Malaki ang tiyansang magpambuno ang dalawa at maaaring makihalo ang mga tauhan ng rancho. Magiging dehado si Cariño lalo na kung magkainitan at gamitan ito ng baril gayong wala itong kaarmas-armas. Pinigil niya ang pag-iyak at maingat na tumuntong sa bangko upang abutin ang mga damit niya. Mabilis siyang nagbihis at muling tiningnan ang nobyo sa huling pagkakataon. Sana’y huwag na nitong maisip na sundan pa siya pabalik sa villa. Sana isipin na lamang nitong nagbago ang desisyon niya at iniwan na ito ng tuluyan. Parang pinipiga ang puso niya ng mga sandaling iyon. Pinilit niyang sumagap ng hangin. Bago pa man bumalong ang mga luha niya ay nagmadali na siyang lumabas ng kubo. Ipininid niya ang pinto at sinalubong ang bulto ni Marxis. “Tara na, umalis na tayo,” pagmamadali niya. Mabilis namang sumunod ang lalaki at hindi na nagtanong pa. Pumiksi siya nang tinangka siya nitong alalayan pasakay sa kabayo. Pinatakbo niya si Amihan at sumunod naman ang mga ito sa kanya. MALALAKAS na putok ng baril ang bumulahaw sa katahimikan ng villa. Napatindig siya mula sa pagkakaupo sa hardin. Sunod-sunod ang malalakas na kabog ng kanyang dibdib. Si Cariño agad ang naisip niya. Tatlong -araw na mula nang iwan niya itong mag-isa sa kubo sa gubat. Hindi niya ito nakitang nagtangkang bumalik sa villa. Napanatag ang loob niya na umalis na ito at bumalik sa Sta. Monica. Pero ngayon ay hindi niya tiyak kung ganoon nga talaga ang ginawa ng lalaki o kung nasa paligid lang ito at kumukuha lang ulit ng tiyempo na makita siya. Nakita niyang nagsilabasan ang mga katulong sa villa. Sumunod siya sa mga ito at nakiusisa sa tarangkahan. “Anong nangyayari?” tanong niya sa mga ito. “May tulisan daw, Señorita,” si Lolita ang sumagot sa kanya. “Ilang araw na raw pinaghahanap ng mga tauhan sa rancho dahil ilang beses nang nagnakaw sa nakalipas na mga araw.” “Tulisan?” wala sa sariling sambit niya at biglang tumakbo palabas ng tarangkahan. “Señorita!” sabay-sabay na bulalas ng mga kasambahay at humabol sa kanya. Mas binilisan niya ang takbo at tinungo ang pulutong ng mga tao. Naabutan niya roon si Marxis at Mira kasama ang dalawang ranchero. Sa damuhan ay may isang malaking bagay ang nakabalot ng telang puti. Hindi niya gustong isipin kung ano iyon pero wala siyang ibang maisip. “Corazon, bakit ka sumunod rito?” si Marxis ngunit hindi niya ito pinansin. Nilapitan niya ang nakabalot sa puting kumot. Nang malapit siya roon ay naamoy niya ang tila nasunog na karne. Napaatras siya. “Nahuli n’yo ba ang tulisan?” nanginginig ang labi na tanong niya. Nilingon niya si Marxis. Nilingon lamang nito ang dalawang kasama. Nagkatinginan ang mga ito. Si Alfredo ang nagkalakas ng loob na magsalita. “Hindi po, Señorita. Tatanga-tanga po, eh. Sumugba sa lutuan ng kopra,” may halong tawang sabi nito. Nag-igting ang mga bagang niya. Naikuyom niya ang kamao at nagpigil na makapanakit. “Sayang nga ang nanakaw niyang pera, ang dami pa naman,” saad ni Marcel at itinaas nito ang isang kalupi na hawak. Hinablot niya iyon at binuksan. Bumagal ang t***k ng puso niya at tuluyang bumagsak ang mga luha sa mga mata. Sa pagkakataong iyon ay walang pag-aalinlangan niyang tinakbo ang katawang wala ng buhay. Mahigpit na niyakap niya iyon at bumaha ng mas masaganang luha. Tuloy-tuloy, walang patid. Biglang dumating ang kanyang ina at malakas siyang hinila palayo sa bangkay ng kasintahan. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Huwag mong iyakan ang isang tulisan, Corazon. Mahiya ka sa iyong sarili.” “Anong problema, Tia Consuelo?”si Marxis. “Base sa kalupi ng tulisan ay isa siyang kakilala. Likas talagang magnanakaw ang lalaking iyan. Tinanggap lang niya ang karampatang parusa sa mga kasalanan niya,” tugon ng kanyang ina at hinila siyang muli paalis sa kumpol ng mga tao. Walang lakas na sumunod siya rito. Sobrang bigat ng pakiramdam niya. Unti-unting dumilim ang paningin niya… ISANG buwan ang sumunod na lumipas buhat nang mamatay si Cariño. Ni hindi niya napaglamayan ang bangkay nito. Ang balita niya ay ilang linggong nanatili sa morgue ang katawan nito at nang walang kumuha rito ay inilibing na lamang ng mga tauhan. Napakasakit isipin na hindi malalaman ng mga magulang nito na wala na ito, na wala ng anak na magbabalik sa kanila. Mas lumaki ang galit niya sa ina dahil wala man lang itong puso upang umuwi sa Sta. Monica at ibalita sa mag-anak na Monte Carlo ang nangyari. Habang-buhay niyang dadalhin sa puso ang bigat at sakit ng pangyayaring iyon. Ipinapangako niya sa sarili na darating ang panahon na haharapin niya ang mga magulang ni Cariño at bibigyan ito ng maayos na libing. Muli na naman siyang umiyak. Hindi maubos-ubos ang luha niya. Walang araw na hindi siya tumatangis. Kinasusuklaman niya ang buong Rancho de Altafuente. Wala siyang ibang hangad ng mga sandaling iyon kundi ang mapabagsak iyon at makaganti sa mga taong naging dahilan ng pagkamatay ni Cariño. Hindi man ngayon ay titiyakin niyang magbabayad ang mga ito sa nagawa sa kanila. “Magandang umaga, Señorita. Dinalhan ko kayo ng almusal,” si Lolita na walang sawa sa pag-intindi sa kanya. Inilapag nito sa mesa ang umaaso pang sinangag, tapa ng kabayo, pritong itlog, prutas at gatas ng baka. Nang maamoy niya ang bawang sa sinangag ay bigla siyang nakaramdam ng pagduduwal. Tumakbo siya sa banyo at doon pilit na inilabas ang laman ng sikmura. Dahil wala naman siyang kinain kagabi ay puro malapot na tubig ang naisuka niya. Humapdi ang kanyang tiyan. Dinaluhan siya roon ng kasambahay at inalalayan siya. Napilit din siya nitong kumain at mapainom ng gamot. Ngunit kinabukasan ay ganoon ulit ang nangyari. Tumagal iyon ng isang linggo hanggang sa ibinahagi ni Lolita ang suspetsa nito. “Hindi kaya buntis ka, Señorita?” Napatigil siya. Muling bumalik sa isipan ang tagpong pinagsamahan nila ni Cariño. Nabaghan siya nang hindi maalala kung dinatnan ba siya ng dalaw sa nakalipas na linggo. Muli na naman siyang napaluha ngunit sa pagkakataong iyon ay sa galak, sa isiping magkakaroon ng bunga ang isang gabing pinagsaluhan nila ng kasintahan. At ang ideyang walang kagigisnang ama ang bata ay nagpalumbay muli sa kanya. “Ayaw ko sanang pakialaman ang personal mong buhay, Señorita pero labis akong nag-aalala para sa inyo lalo na kung buntis nga kayo. Kailan ba kayo huling dinatnan? Wala akong nakitang pasador sa mga nailigpit kong basura at kalat dito. O kayo ba ang nagtapon niyon? Pero ni hindi kayo lumalabas ng kuwarto. Mabuti pa ay sumama kayo sa akin sa kabilang bayan, paparoon ako bukas para bisitahin ang isang kaibigan. Isabay na natin ang pagpapatingin sa isang doktor.” Mas lalong lumakas ang kutob niyang buntis siya dahil sa sinabi ng kasambahay. Tama ito kung wala itong nakitang pinagduguan niya ay hindi nga siya dinatnan. Kung hindi siya dinatnan sa loob ng mahigit isang buwan ay malaki ang tyansang buntis siya. Kung buntis siya ay kailangan niyang ingatan at alagaan ang sarili. Kailangan niyang itigil ang pagmumukmok sa loob ng kanyang silid. Kailangan niyang patuloy na mabuhay. Kinabukasan nga ay sumama siya sa bayan ng Gran Ola, ang karatig bayan ng El Camino. Sa isang doktor doon nila nakumpirma ang pagdadalang-tao niya. Hindi pa rin siya makapaniwala na nangyayari ang lahat ng iyon sa kanya, sa kanila. Ngayon ay kailangan niyang magpakatatag. Sinabi niya ang totoo kay Lolita. Pati ang sirkumstansya ng pagpapakasal niya kay Marxis. Pinakiusapan niya itong ilihim ang pagbubuntis niya. “Darating ang mga buwan, Señorita at mapapansin ng lahat ang pagbubuntis mo. At hindi mo rin maitatago ang panganganak mo at pagpapalaki sa sanggol. Ang sa akin lang naman ay payo lang. Ituloy mo ang pagpapakasal kay Señorito habang maliit pa ang nasa sinapupunan mo. Hayaan mo siyang isilang bilang isang Altafuente at kilalanin nila bilang kadugo.” “Isang kabaliwan ang gusto mong mangyari, Lolita. Hindi ko nanaising makagisnan ng aking anak bilang kadugo ang mga taong naging rason ng pagkamatay ng ama niya.” “Kung gayon, saan mo balik dalhin ang anak mo sa kondisyon mong iyan, Señorita? Narinig mo ang sinabi ng doktor, maaaring maging maselan ang pagbubuntis mo. Hindi ka makakapagtrabaho. Saan ka titira? Saan ka kukuha ng pantustos sa anak mo? Handa kitang tulungan pero hanggang kailan ka aasa sa tulong ko? Hindi sa pagdadamot, Señorita pero gusto ko lang magpakatotoo tayo sa sitwasyon mo ngayon.” Nasapo ni Corazon ng palad ang buong mukha. Naiintindihan niya ang punto ni Lolita pero hindi lang iyon matanggap ng damdamin niya. Parang hindi niya kayang patuloy na pakisamahan ang mga ito at manirahan sa villa. “Kailangan kong pag-isipan ng mabuti ang susunod kong gagawin, Lolita,” sabi na lamang niya at nagyakag nang umuwi. Sa sumunod na mga araw ay nagulat siya nang tunguhin siya ni Mira sa kanyang silid. Unang pagkakataon iyon na pinuntahan siya nito. Dumampot siya ng isang unan at tinakpan ang tiyan sa takot na mahalata nito ang ipinagbubuntis niya kahit wala pa iyong kaumbok-umbok. Tumikhim ito. “Dumating na ang traje mo kahapon. Pilitin mong pagkasiyahin iyon sa katawan mo dahil ayaw mong magpasukat. Malaki na ang gastos sa paghahanda ng kasal ninyo ng aking pamangkin kaya binabalaan kita na kung may gagawin ka mang ikakasira o ikakaudlot ng kasal ay huwag mo nang balakin pa,” tuloy-tuloy na sabi nito sa wikang Filipino at lumabas na rin ng silid. Nang sandaling iyon ay nabuo ang desisyon sa isip niya. Kung gusto niyang makapaghiganti at magkaroon ng magandang buhay ang anak ay kailangan niyang manatili sa poder ng mga Altafuente. Tama si Lolita sa mga sinabi nito. Mas mapapadali sa kanya ang mga bagay kung abot-kamay niya ang mga iyon. Bumangon siya sa kama at sa unang pagkakataon sa nakalipas na buwan ay nag-ayos siya ng sarili. Pagbaba niya ng silid ay naabutan niya sa komedor si Mira. Hindi nito kasabay ang ina niya sa pagkakataong iyon. Napatitig lang ito sa kanya. Sumalo siya sa hapunan nito. “Mabuti naman at natapos na ang pagdadalamhati mo sa pumanaw mong kaibigan na tulisan. Akala ko ay balak mo na ring sumunod sa kanya,” panlilibak nito. “May kasal pa akong kailangang idaos, Tia Mira. Sarili kong kasal… para makabayad ng utang sa inyong mga Altafuente,” mariin at may ngising sabi niya. “Tungkol nga pala sa traje, magpapatahi ako ng bago. Hindi ko gusto ang napili mong disenyo at hindi rin maganda ang pagkakagawa. Ang pangit ng tela at mukhang mumurahin.” Napaismid ito nang marinig ang sinabi niya. Tila may gusto itong sabihin pero hindi maituloy-tuloy. Nanahimik na lamang ito. “Pupuntahan ko si Marxis ngayon para makausap siya nang masinsinan. Gusto ko ng isang engrandeng kasalan na tiyak na kakayanin naman ng mga Altafuente at ibibigay sa akin ng pamangkin mo, Tia Mira.” Tumayo na siya at sarakastikong ngumiti rito. “Maiwan na muna kita.” Lumabas siya ng kabahayan at nagpahatid kay Carlitos sa Pueblo Ranchero. Naabutan niya si Marxis sa loob ng bahay nito na umiinom ng alak. Pinatuloy siya nito sa loob at inalok siya ng maiinom. Tumanggi siya. “Kumusta ka, Corazon?” “Mabuti naman, Marxis. Nagpunta ako rito para pag-usapan natin ang ating kasal.” Nagulat at nagtaka naman ito sa sinabi niya. Umayos ito ng upo at tila nawala ang tama ng nainom. Nagbukas-sara ang bibig nito pero walang namutawing salita roon. “Alam kong ito ang gusto ninyong mangyari. Sa nakalipas na buwan ay pinag-isipan ko itong mabuti at napagtanto kong wala namang masama kung maikakasal tayo. Marami naman tayong mabuting pinagsamahan kaya naniniwala akong magiging maayos ang buhay mag-asawa natin,” sabi niya, sa loob-loob ay sukang-suka siya sa ideyang iyon. “Hindi mo kailangang gawin ito kung napipilitan ka lang at kung tungkol naman sa pagkakautang---” “Huwag kang mag-alala, bukal sa loob ko ang pagpayag na ito,” pagbibigay katiyakan niya rito at inilahad na ang mga plano niya para sa kasal. Puro tango at pagsang-ayon lamang ang lalaki sa lahat ng gusto niyang mangyari sa kasal. Pagkatapos niyon ay titiyakin niyang guguho ang mundo ng mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD