Caroline Faith’s POV
Agad akong tumungo sa banyo para maligo at ihanda ang sarili ko. Gagala kami ngayon ni Tristan sa mall—at sobrang saya ko nang yayain niya akong mag-bonding muli bilang magkaibigan.
Nagsuot ako ng black square pants na may printed na bulaklak at tinernuhan ito ng hanging blouse. Hindi naman masyadong kita ang pusod ko dahil stretchable at fitted ang tela. Naglagay ako ng simpleng make-up, lipstick, at manipis na eyeliner na bumagay sa singkit kong mata.
Nagpaalam muna ako kina Lola, at gaya ng inaasahan, may pahabol na naman sina Candy at Cipher na pang-aasar. Hindi ko na lang pinansin.
Paglabas ko ng bahay, nagulat ako nang makita siyang nakasandal sa motor. Tinititigan niya ako mula ulo hanggang paa, kaya tumikhim ako saka nagsalita.
“Saang galing ‘yang motorcycle mo? Ngayon ko lang kasi nakita ‘yan eh,” tanong ko agad.
“Binili ko nung isang linggo. Para may service na tayo papasok at pauwi galing trabaho,” sagot niya sabay ngiti. Inalok niya akong sumakay, at napanganga na lang ako.
Napakilig ako sa sinabi niya. Sa dami ng pwedeng kasama, ako pa rin ang naiisip niya. Pakiramdam ko, isa akong priority.
“Ano na? Let’s go?” tanong niya habang inaayos ang helmet.
“Yes, gora na tayo!” masigla kong sagot.
Sobrang saya ko. Ang sarap ng hangin habang nakasakay kami sa motor niya. Parang kinain ko na naman lahat ng sinabi kong kakalimutan ko na siya. Pero heto ako—ini-imagine siyang akin habang nakahawak ako sa baywang niya.
“Cef, andito na tayo.” Bigla siyang nagsalita kaya naputol ang pag-i-imagine ko. Nagulat pa ako.
Napangisi siya. “Ako ang kasama mo pero ang isip mo, parang nasa ibang mundo.”
Ikaw nga ang iniisip ko, tzk.
“Wala ‘yan. Ano ka ba,” defensive kong sagot.
“Mabuti pa bumaba ka na muna,” aniya. Sumunod naman ako. Tinititigan niya ako, kita ang pagtataka sa mukha niya.
“Kung balak mo nang magka-boyfriend, dapat dumaan muna siya sa akin. Gusto ko siyang makilatis,” seryosong pahayag niya.
“Magulang ba kita?” balik ko agad, sabay kunot noo.
“Hindi. Pero may karapatan akong alamin kung karapat-dapat siya sa bestfriend ko. Maliwanag?” buo at seryoso niyang tono.
Speechless ako. Nakakailang pero sa loob-loob ko—kinikilig ako. Overprotective siya sa akin. Sobra.
“Bakit nakatayo ka lang diyan?” inis niyang tanong. Sinimangutan ko siya.
“Dapat lang ipinaaalam mo sa akin ang mga gusto mong maging boyfriend. Mukha ka pa namang madaling maloko,” dagdag pa niya. Nangiti siya ng pilyo. Naiinis ako kaya lumakad akong mag-isa, iniwan ko siya.
Nakakainis!
Gano’n ba talaga ang tingin niya sa akin? Aanga-anga?
Gusto ko sanang sumagot ng matapang, pero naunahan na naman ako ng hiya. Inirapan ko na lang siya.
“Tsk. Isip-bata nga talaga,” sabi niya kaya binilisan ko ang lakad. Nag-aapoy na ang mata ko sa inis.
Bigla niya akong hinila sa braso. Napahinto ako.
“Sorry kung nasaktan ka sa sinabi ko. Ikaw kasi... parang...” Hindi niya na tinuloy. Baka kasi lalo akong ma-offend.
Pisil lang ulit sa pisngi ko ang ginawa niya—at napadaing ako.
“Heto na naman, masyadong sensitive. Sorry na, ha? Huwag ka nang sumimangot. Hindi bagay sa’yo,” lambing niya. “O, ano gusto mong kainin? Baka mawala na ‘yang inis mo.”
“Bahala ka na,” sagot ko na walang gana. Tumango siya at dumiretso sa counter.
Hindi nga yata niya ako magugustuhan. Isip-bata daw ako.
Masakit. Pero okay na rin. Ayoko rin namang masira ang friendship namin dahil lang sa nararamdaman ko. Ngumiti na lang ako habang pinagmamasdan siyang nakangiti habang pinapanood akong kumain.
Pagkatapos naming kumain, dumiretso kami sa Timezone para maglaro. Naglaro siya ng claw machine para sa teddy bear. Nakuha namin ang pinakamalaki, at inabot niya iyon sa akin. Ngumiti ako ng malapad. Ngumiti rin siya.
Paglabas namin ng arcade, hawak niya ang kamay ko. Bigla akong kinuryente sa buong katawan. Bumitaw ako agad. Napansin niya.
Hinawakan niya ulit ang kamay ko. This time, hindi ko na siya tinanggihan. Ang lakas ng t***k ng puso ko.
Nagpaalam muna ako para mag-CR. Naiilang na ako. Baka mahalata niya.
“Sige. Hintayin kita dito,” aniya.
Pagkapasok ko sa CR, huminga ako nang malalim at pinagtatapik ang pisngi.
Caroline Faith, umayos ka nga! Baka mahalata ni Tristan na may gusto ka sa kanya!
Paglabas ko, sinalubong niya ako.
“Ang tagal mo naman. Ten minutes na akong naghihintay,” reklamo niya, seryoso ang tono.
“Nagpaganda lang…” maikling sagot ko, pilit nilalabanan ang kaba.
“Kayong mga babae talaga... hays. Let’s go?”
Tumango na lang ako. Parang wala lang sa kanya ang effort kong pag-aayos. Medyo nagtampo ako. Pero pinilit ko na lang ngumiti at magpaka-enjoy habang kasama siya.
Alas-sais na nang makauwi kami. Nginitian ko siya, kahit medyo off na ang mood ko. Naiinis pa rin ako sa “isip-bata” na sinabi niya.
Pagkakain ng hapunan, dumiretso ako sa kwarto. Nilock ko ang pinto at agad nakatulog—pagod sa buong araw ng gala.
---
SUNDAY. Rest day.
Naalala kong ito ‘yung araw ng pagsisimba namin kasama sila Lola at ang pamilya ni Tristan. Pero ayoko muna siyang makita. Nagtatampo pa rin ako.
Kasalanan mo ito, Tristan.
Sigaw ko sa isip.
May kumatok. Si Lola.
“Oh, apo, bakit hindi ka pa nakabihis? Magsisimba na tayo!”
“Hindi po ako makakasama, Lola.”
Nagulat siya at nilapitan ako.
“Bakit? May sakit ka ba?”
“Wala naman po. Hindi lang maganda ang pakiramdam ko ngayon,” palusot ko.
Tumango na lang siya. “Sige, apo. Ikaw na bahala dito sa bahay.”
Pagkaalis nila, napabuntong-hininga ako. Tinitigan ko ang teddy bear na napanalunan kahapon. Napangiti ako... Hanggang sa maalala ko ang sinabi niya. Napabusangot ako at iniwasan ang manika.
Matapos ang dalawampung minuto, napag-isipan kong maligo. Wala naman akong gagawin kundi magbasa ng Bible at mga libro. Linggo ngayon—rest day. Mahigpit na utos ang magpahinga.
Pagsapit ng alas-diyes, nagluto na ako ng pananghalian para pag-uwi nila Lola, may pagkain na.
Sa gabi, alas-siyete pa lang, planado ko nang matulog ng maaga. Baka bukas, tambak na naman ang trabaho sa hotel. Binuksan ko ang cellphone, at may message.
Galing kay TJ.
"Hi, good evening. May problem ba tayo?"
Hindi ko siya ni-reply-an. Pinatay ko na lang ang ilaw at nahiga.
---
KINABUKASAN
Naglalakad ako papasok sa trabaho. Pagdaan ko sa bahay nila Tristan, tinawag niya ako sa palayaw ko. Pero nagbingi-bingihan ako.
Biglang may humila sa braso ko. Siya.
“Iniiwasan mo ba ako, Cef?” seryoso niyang tanong.
“Hindi,” diretso kong sagot.
Napangisi siya, mapait. “Kanina pa kita tinatawag. May problema ba tayo?”
Hindi ako agad nakasagot. Naawa ako. Pero di ko rin alam ang sasabihin.
“May iniisip lang ako. Hindi kita napansin. Sorry,” pagdadahilan ko.
Bigla niya akong hinila papunta sa bahay nila.
“Sino ba ‘yang iniisip mo…?” napahinto siya. “Na kahit sa daan, hindi mo mailiban saglit sa isipan mo ang lalaking ‘yon?”
Kung alam mo lang... ikaw ‘yon.
“Hindi mo ba alam, mapapahamak ka niyan? Paano kung wala ako?”
Nakayuko lang ako, kinakalikot ang mga daliri ko. Parang batang pinapagalitan.
“Sorry na. Hindi na mauulit.”
“Hindi na talaga. Kaya nga ako bumili ng motor. Para sabay tayong papasok at uuwi.”
Sabay na naman. Hay.
“Sinabi mo na ‘yan nung Saturday,” balik ko.
Pagdating sa hotel, bumaba ako at inabot sa kanya ang helmet.
“Wala man lang ‘thank you’?” aniya.
Nagpasalamat ako. Nginisian niya ako. Inirapan ko na lang siya saka pumasok sa loob.
Busy ang umaga. Kaya lunchbreak na lang kami nagkausap ni Joanne. Ikinuwento ko sa kanya ang friendly date namin ni Tristan at ‘yong panenermon niya.
Pagka-out, alas-singko, naghiwalay na kami ni Joanne. Ako, naghintay ng taxi.
Biglang huminto ang motor sa harap ko. Si Tristan.
“Nakalimutan mo na yata na may magsusundo sa’yo—isang napak
agwapong nilalang,” sabi niyang mayabang na may ngiti.
Inirapan ko lang siya.
Wala na akong nagawa kundi sumakay.
At doon na naman—muling tumibok nang mas mabilis ang puso ko.