Lumabas muna saglit si Caroline para ipagtimpla ng kape si Leander nang makarinig siya ng yapak ng takong ng sapatos papalapit sa kanyang kinaroroonan. Nilingon niya ito at bumungad sa kanya si Chelsea na masama pa rin ang titig sa kanya.
"Bilib rin talaga ako sa charm mo, ano? Nagawa mong lasunin ang isip ni Leander para sa sarili mong interes," sarkastikong bungad niya rito.
"Ano ba ang nagawa kong kasalanan sa inyo at hindi niyo ako matigilan?" giit ni Caroline, ngunit nginisian lang siya ni Chelsea.
"We just want you to leave this place because you don't belong here. Look at yourself, do you? Hindi mo ba binigyan ng kahihiyan si Leander sa pagkuha mo ng interes."
"Hindi ako aalis dito. Hindi naman ikaw si Leander para sundin kita. Isa ka lang naman na nagtatrabaho dito sa kumpanya, at siya naman ang anak ng may-ari."
"Aba! Baguhan ka pa lang kung umasta, oh. Ibang klase talaga kapag laking squatter." Pagkasabi nito sa kanya, iniwan na rin siya ni Chelsea habang si Caroline ay puno ng pagpipigil sa sarili para hamunin ng away ang babae.
Pinili pa rin ni Caroline na maging kalmado sa kabila ng paghatol sa kanya ng mga ito. Mas papatunayan niyang wala siyang interes sa yaman ni Leander kundi gusto lamang niya pagbigyan ang binata.
Napagdesisyunan na rin niyang bumalik sa opisina upang ibigay ang mainit na kape kay Leander dahil kita niyang sobrang abala na ito sa pagpipirma ng mga dokumento.
"Heto nga pala kape mo. Uminom ka muna," pambungad niya sa binata kasabay ng pilit na ngiti.
"Thank you, Miss Faith," nakangiting sagot nito sa kanya.
Makikita ni Caroline na talagang napakamasayahing tao ni Leander. Kahit napakarami niyang ginagawa, nagagawa pa rin siyang ngitian nito. Paano kaya kung hindi sila magkakilala ng binata—magiging ganito pa rin ba kasaya si Leander o patuloy siyang magiging malungkutin?
"Walang anuman. Pansin ko kasing sobrang busy mo kaya pinadalhan na lang kita ng kape para mabawasan kahit papaano 'yang pressure mo."
"Ayos lang ako, Miss Faith. Wala ka dapat ipag-alala sa akin. Basta nariyan ka, hindi ako mapre-pressure gawin lahat ng mga ito."
Hindi maiwasan ni Caroline na ma-touch sa mga salitang binibitawan ni Leander sa kanya, at hindi niya rin maiwasang matuwa sa binata.
Pagkalipas ng dalawang oras, napag-isipan ni Caroline na umorder ng pagkain para hindi na maabala pa si Leander na bumili ng kanilang makakain.
Ilang minuto pa, dumating na rin ang order buhat nang may tumawag sa kanilang opisina.
"Sino 'yan?" nag-uusisang tanong ni Leander sa kanya.
"Si Manong Guard. Narito na kasi yung inorder kong pagkain online."
"Ikaw ang nagbayad?"
"Oo, bakit?"
"Dapat nagsabi ka sa akin na bibili ka ng pagkain para ako na lang sana ang nagbayad."
"Huwag na, nakakahiya naman kung gano'n. Saka may pera naman ako rito eh," paliwanag pa ni Caroline.
"Nagtatampo na ako sa'yo niyan, Miss Faith," pagmamaktol ng binata.
"Ito naman. Ayaw ko lang kasi na ikaw pa ang maabala sa trabaho kaya bumili na lang ako sa online ng meal para hindi na mag-abala pang lumabas," pilit na paliwanag ni Caroline.
"Okay fine. Basta sa susunod ipaalam mo kaagad sa akin para ako ang magbabayad."
"Pero nakakahiya naman ata..."
"Hayan ka na naman, Miss Faith."
"Sige. Ipaalam ko na lang sa susunod," nakangusong tugon ng dalaga dahil wala na siyang magagawa kundi sumunod kay Leander.
Sobrang nahihiya na kasi siya rito, kaso nagpupumilit pa rin ang binata na siya ang magbayad ng kanilang kakainin.
Si Caroline kasi ang tipo na hindi kayang umabuso sa kabaitan ng isang tao. Gagawin niya talaga ang lahat para makonsensya ang sarili, subalit natalo pa rin siya kay Leander.
"Sige. Lalabas na 'ko, kukunin ko na yung pina-order nating pagkain."
"Mag-iingat ka." Napangiti naman ang dalaga sa binata saka lumabas na rin ito ng opisina pansamantala.
Sa kanyang pagmamadali sa paglalakad, may biglang humila sa kanyang braso dahilan para mapalingon siya rito.
"Wala ka ba talagang balak umalis dito? Hindi ka ba nahihiya sa ginagawa mo?" sunud-sunod na tanong, subalit pinili na lang muna ni Caroline na manahimik at hayaang magsalita ang lalaking si Cedric.
"All I can say, nilason mo na nga ang utak ni Leander. Because of you, hindi namin siya nakakausap nang maayos at ikaw parati ang pinapanigan niya. So I am pleading with you to leave this company."
"Sa palagay mo ba mapapasunod mo ako sa gusto niyong gawin? No way," nakangising saad ni Caroline. "Hindi ako aalis hangga't hindi ko napapatunayan sa inyo na malinis ang intensyon ko kay Leander. Gusto kong ipakita sa inyo na mali kayo ng hinala sa akin. Pasensya na, pero si Leander ang masusunod at hindi kayo."
Pagkatapos, iniwan na ni Caroline si Cedric na nagngingitngit sa galit habang taas-noo siyang naglakad papasok ng elevator.
Pagkarating ni Caroline sa guardhouse upang kunin ang inorder na pagkain, sinalubong siya ng mga empleyado na nakangiti sa kanya at nginitian din niya ito pabalik. Nakaramdam siya ng pag-ilang sa mga ito, halos na sa kanya ang atensyon.
Maya-maya pa, nakabalik na siya sa office at nilapag kaagad ang inorder niyang pagkain.
"Halika, kumain na tayo," nagtaka siya sa biglang pagtayo ni Leander sa inuupuan nito.
"Ha? Hindi pa naman alas-dose eh? Di kaya unfair ito sa mga...." hindi na niya natuloy pa ang sasabihin nang niyaya na siya nitong umupo sa tabi nito para kumain.
"Hindi naman nila makikita, at huwag mo silang masyadong pansinin, ok? Huwag ka rin masyadong maawain kasi baka isa 'yan sa paraan para i-manipulate ka nila."
"Ok." Hindi na nagbalak pang magsalita si Caroline pagkatapos niyon.
Pagkatapos ng office hours, napag-isipan ni Leander na pumunta muna sila ni Caroline sa isang orphanage kung saan naroon ang mga batang inabandona na ng kanilang mga magulang.
Walang ideya ang dalaga rito kaya ganoon na lang ang gulat na naging reaksyon ni Caroline.
Napapalibutan na siya ngayon ng mga bata. Masayang naglalaro ang mga ito at nagulat rin nang makita nila si Leander.
Yumakap ang lahat ng mga bata kaya hindi maiwasan ng dalaga ang ma-impress sa binata. Bukod kasi sa pagiging friendly at approachable, mahilig din pala ito sa mga bata. Nagpatayo siya ng foundation para sa mga ito na pinangalanang 'Kingstone Foundation'.
"Siya nga pala si Ate Faith niyo. Mula ngayon, makikita niyo na siya parati." Napakunot ang mga noo ng mga bata pagkakita nila kay Caroline at bakas sa kanila ang kuryosidad.
"Kamukha po siya ni Ate Marinela, Kuya Leander," puna ng isang batang babae na nasa edad na sampung taon.
"Oo nga po, Kuya," pinagsang-ayunan naman ng karamihan.
"Pero magkaiba sila, mga bata," si Leander na mismo ang nagpaliwanag sa mga ito. "Wala na ang Ate Marinela niyo...." tila hirap sambitin ng binata ang tungkol sa sinapit ng kanyang girlfriend kaya naman napag-isipan ni Caroline na i-divert na lang ang topic.
"Ako nga pala si Caroline Faith Quililan. Matalik na kaibigan rin ng Kuya Leander niyo. 'Ate Faith' na lang din ang itawag niyo sa akin." Buong lakas ng loob na ginawa ni Caroline para magbago ang ihip ng hangin sa pagitan nila ni Leander at ng mga bata.
"Simula ngayon, parati niyo na ako makikita dahil parati na rin akong isasama ng kuya niyo rito. Natutuwa ako na makilala ang mga batang tulad niyo."
Napangiti naman si Leander bilang pagsang-ayon sa sinabi ng dalagang nasa kanyang tabi.
"Alam niyo po, Ate Faith, parehas po kayong mabait ni Ate Marinela," puna naman ng isang batang babae na may anim na taong gulang.
"Saka parehas po kayo maganda," komento naman ng isang walong taong gulang na lalaki.
"Hoy Vin, kay Kuya Leander na 'yan. Huwag mo siyang agawan, noh!" sabi naman ng babae na kaedad rin niya.
"Sabihin mo nagseselos ka lang." Nagulat naman si Caroline at Leander sa sinabi ng batang lalaki.
"Hay naku, ang babata niyo pa kung ano-ano na iniisip niyo ah," saad ni Caroline.
"Mag-aral muna kayo ng mabuti bago magligawan ah?" si Leander naman habang nginingitian ang mga bata. "Sige, maglaro na muna ulit kayo rito. Kakausapin na muna namin ang mga tagapag-alaga niyo."
Napatangu-tango naman ang mga bata saka sila nagsibalikan sa paglalaro habang tinatahak naman nina Leander at Caroline ang daan papasok ng bahay ampunan.
Laking gulat ng mga social workers pagkakita nila kay Caroline dahil nga sa magkamukha sila ni Marinela.
"Hello po," nakangiting bati ni Leander sa mga ito. "Siya nga pala si Caroline Faith Quililan, matalik kong kaibigan."
Sabay nakipagkamayan sa dalaga ang mga social workers habang nanatili pa rin sa mga ito ang pagtataka.
"Kamukhang-kamukha mo nga siya, iha, kaya hindi na ako magtataka kung bakit ikaw ang kasama ni Leander," sabi ng ginang na may edad nang singkwenta anyos.
"Mahilig ka rin ba sa mga bata? Kasi si Marinela sobrang napapamahal sa mga batang 'yan kaya ito na ang madalas na naging pangalawang tahanan niya," dagdag pa nito.
"Siyempre naman po, saka may mga kapatid din ako na kasing-edad din nila."
"Kung ganun, parehas din pala kayo," sabi muli ng may edad na singkwenta.
"Oh nga pala, Miss Faith, ipakilala ko muna sila sa'yo," panimula ni Leander. "Siya nga pala si Ate Divina, ang namamahala rito." Turo ng binata sa babaeng nasa singkwenta na ang edad.
"Heto naman si Ate Mila, ang tumatayong assistant ni Ate Divina," turo niya sa babaeng hindi gaanong nagkakalayo ng edad kay Divina.
"At sila naman ang tumatayong nurse ng mga bata at tagapangalaga. Si Keanna 'yung pinakabata sa kanila, si Roselle naman 'yung pinakamata sa kanilang tatlo, at si Ryan naman ang sumunod kay Selle."
Nginitian at nakipagkamayan si Caroline sa mga ito pagkatapos.
Mga ilang sandali, napagdesisyunan na muna nilang libutin ang lugar para maging familiar si Caroline rito.
"Hindi ko alam na may ganitong foundation kang ipinatayo," saad ng dalaga habang nililibot pa rin ang paningin niya rito.
"Sorry kung ngayon ko lang sa'yo nasabi," tugon ni Leander.
"Wala ka namang dapat ika-sorry eh. Nagulat lang kasi ako, at talagang masasabi kong isa kang down-to-earth kind of person." Pagkatapos, napatitig siya sa binata na kanina pa rin pala nakatitig sa kanya pero agad umiwas ng tingin ang dalaga. "Yung tipo ba na hindi ko mahahanap sa isang mayaman na tulad mo."
"Oo nga. Bihira lang talaga ang tulad namin. Hindi ka basta-basta makakahanap ng tulad ko rin," sabay kindat ni Leander, dahilan para makaramdam si Caroline ng kilig sa ginawa ng binata.
Nagsimulang muling naglakad si Leander na sinundan din ng dalaga.
"Hindi ko rin pala alam na ganoon ka rin ka-attractive sa mga bata, Miss Faith. Kita sa mata nila na gusto ka rin nila."
"Hindi naman sa gano'n," pagde-deny pa ni Caroline.
"Napaka-humble mo talaga, noh? Yung tipong hindi magyayabang, 'yung hindi magbubuhat ng sarili niyang bangko..." sabi nito saka muling napatitig sa dalaga. "Kaya habang tumatagal, Miss Faith, mas lalo akong napapamahal sa'yo."
Dahil sa sinabi iyon ni Leander, nakaramdam si Caroline ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso kaya ganoon na rin hindi na siya mapakali sa kanyang posisyon. Napalunok siya ng laway pagkatapos.
"Hindi ka ba nagbibiro?" pagmamaang-maangan pa ng dalaga. Hindi na kasi siya napapalagay sa ganitong sitwasyon.
"I am not joking. I'm serious," nangungusap na ang mga mata ni Leander kasabay ng pagiging maamo ng kanyang mukha.
"My feelings for you are getting stronger, Miss Faith, kaya I hope someday na mahalin mo rin ako kahit hindi tulad ng aking nararamdaman. Basta't nararamdaman kong may pagtingin ka na rin sa akin, kuntento na ako diyan." Mahabang paliwanag nito sa kanya, kasabay ng paghawak ni Leander sa magkabilang balikat ni Caroline.
"Gusto kong malaman mo na hindi ako tulad ng karaniwang lalaki. I am a man with chivalry, Binibini. Malaki ang aking respeto sa mga kababaihan, hindi tulad ng mga lalaki ngayon na masyadong binabastos ang mga kababaihan," dagdag pa nito.
"I know na kakaiba ka sa mga kalalakihan at napansin ko nga 'yon sa'yo." Sabay ngiti ni Caroline sa binata.
"I just wanted you to know, hindi rin ako klase ng lalaki na nagnanakaw ng halik sa babae at humahalik sa labi ng babae. I will not prefer to do that unless you're already my wife."
Dahil sa sinabi iyon ni Leander, muling napalunok si Caroline—at dalawang beses pa iyon—ngunit hindi niya pinahalata sa binata.
"Bakit parang gulat ka, Miss Faith?"
Teka, napansin niya ba? Paktay ako!
"Hindi naman," sabay iling-iling sa paligid.
Natawa naman si Leander dahilan para mapakunot ng kilay si Caroline.
"Kunwari ka pa, Miss Faith. Ang totoo niyan ay napansin ko ang paglunok mo at dalawang beses pa nga."
"Nagulat lang kasi ako sa sinabi mo eh."
Napahalakhak na lang si Leander bilang tugon hanggang sa napag-isipan nilang umuwi na rin para makapagpahinga.
Nagpaalam na rin sila sa mga social worker pati sa mga bata.
Mga ilang sandali, nakarating na rin sila ng mansion. Hinatid siya ng binata sa kanyang kwarto bago ito pumanhik naman sa sarili ring silid.
Pagkaupo ni Caroline sa kutson, biglang tumunog ang phone niya at laking gulat nang mabasa ang text message sa kanya ni Tristan.