Dumating na ako sa beach kung saan gaganapin ang kasal ng friend ni Jane. Galing daw itong Korea kaya naman pakiramdam ko ay may kaya itong couple na 'to dahil engrande ang kasal nila. Hindi lang dahil sa mga bonggang dekorasyon ang nagpapaganda sa kasal na ito, lalong naging romantiko ang ambiance ng kasal sa tunog ng alon at sa mga seagulls. Parang gusto ko na ring mangarap ng ganitong kasal balang araw, pero 'yun lang kung may mayaman akong mapakasalan balang araw.
"Sophie! Dito!" kaway ni Jane.
"Medyo malayo pala," bati ko.
"Oo nga eh, pero 'wag kang mag-alala galante mga yan kaya don't worry," bulong nito.
"Jane!" tawag ng limang babae sa aming likuran.
"Babes!" nagsisitalunan ang mga ito at nagbeso beso pa nga. Mukhang matagal ng magkakaibigan ang mga ito at sa tantsa ko ay ngayon lang muli sila nagkita kita.
"Nga pala, si Sophie," hinila ako ni Jane.
"Kaibigan ko, siya ang mag li-live painting ngayon."
"Ohh, see. Nice to meet you." batid ng mga ito at isa isa akong bineso beso. Hindi ako sanay sa mga ganitong kaibigan ngunit pinagkibit balikat ko nalamang at ngumiti sa kanila.
"Nice to meet you rin," bati ko.
"I-prepare ko lang mga gamit ko ah," paalam ko sa kanila.
"Go ahead," sabi ng mga ito at nagtungo narin sila sa kanilang upuan at rinig na rinig ang kanilang pagkukwentuhan na parang nasa palengke ang mga ito.
Maya-maya pa'y hinanda ko na ang mga gamit ko at tinignan ang ganda ng paligid. Ito ang una kong ginagawa kapag may nag bo-book sa akin na mag live painting, kailangan ko munang pagmasdan ang paligid at mag imagine kung paano ko gagawing may buhay ang bawat imahe na ilalagay ko sa painting. Matagal na rin kasi akong nagpipinta dahil simula bata pa lamang ay nakasanayan ko nang ipinta ang mga larawang nakikita ko. Todo suporta naman si Mama sa pagbili ng mga gamit na kailangan ko para mag pinta. At dahil dito naging batakan na rin ako. Sumasali rin ako sa mga patimpalak sa aming eskwelahan at umuuwing kampyon, dahil dito ay nakakapagbigay ako kay Mama ng pera. At sinimulan ko na ngang tumanggap noon ng mga commission works para mas lalong makaipon pero natigil ito nang magsimulang magkasakit si Mama.
Hindi nagtagal ay nagsimula nang dumating ang mga bisita. Ang mga bisita ay halo ng Korean at Pilipino, pamilya at mga kaibigan ng ikakasal. Hindi ko na napigilan ang pagkagalak habang inoobserbahan ang paligid. Naisalarawan ko na kung paano ko ipipinta ang magandang eksenang ito. Nagsimula na akong magpinta para makuha ang natural na kasiyahan ng mga tao sa paligid.
Makalipas ang ilang sandali ay nagsimula na ang seremonya. Ang bride ay nagpakita na nga at napakaganda ng kaniyang puting gown. Isa itong Pilipinong mistisa at napaka natural ng kagandahan nito. Mukha rin itong manika dahil sa kanyang kumikislap na mga mata. Bakas sa kanyang mga mata ang kasiyahan at nakakahawa ito. Iisa ang reaksyon ng mga bisita.
"Waah," bukang bibig ng mga ito, lalong lao na ang mga Koreanong bisita at ang mga Pilipino naman ay hindi maawat sa pagkuha ng litrato sa bride.
Nang makalapit ito sa kanyang groom ay naluluha ang mga mata nito. Nakasuot ang groom ng itim na suit at sobrang linis tignan.
"Ang gwapo," bulong ng mga babaeng nasa likuran at ito nga ay ang mga kaibigan ni Jane.
Medyo matagal din ang seremonya, halos parehas ng tagal sa mga ikinakasal sa simbahan. Parehong katoliko ang mga ito kaya naman napadali ang kasal ng mga ito ayon sa kwento ni Jane. Mabuti na lamang ay payag ang parehong pamilya ng bride at groom sa isa't isa. Nagsumpaan ang mga ito ng matatamis na pangako at nagpalitan na ng sing sing sa ilamlim ng magandang arko na gawa sa mga bulaklak.
"Kiss!" sigaw ng mga tao.
Tumawa naman ang couple at tuluyan nang naghalikan.
Hindi mapigil na palakpakan at hiyawan ang binigay sa kanila ng mga tao. Puno ng ngiti ang kanilang mga mukha. Isa ito sa isinama ko sa painting dahil punong puno ito ng kasiyahan at pagmamahal.
Habang nagpapatuloy ang seremonya, nagsimulang magsaya ang mga bisita sa pagbibigay ng regalo, payo, pagkain at pakikipag-usap sa isa't isa. Sumayaw din ang bride and groom at napahiyaw ang kababaihan nang mag sexy dance ang groom. Mukhang dancer ito noon dahil sa swabeng paghataw nito. Nagkaroon din ng mga pagtatanghal mula sa ilang mga kaibigan ng bagong kasal, na nakadagdag sa masiglang kapaligiran.
Matapos nito ay natahimik ang lahat nang ipakilala ng groom ang isang special guest.
"I hope you're all still enjoying the day."
"Yeah!" sigaw ng karamihan.
"We actually have a very special guest right now to perform."
Nagulat ang mga bisita habang nag sasalita ang groom.
"A friend of mine, who's a very famous singer and artist in Korea. And I have to admit, he's really handsome. Let's all welcome, Ethan Kim!"
Napatigil ang kamay ko sa pagpipinta at dahan dahang tumingin sa aking harapan. Si Ethan nga. Walang duda.
Pumunta ito sa harapan at nagsimula nang kumanta. Parang isang anghel ang nasa aking harapan. Napakamalumanay ng boses nito at nakakaakit ang bawat tingin. Wala akong marinig na kaba sa boses niya at puro pagmamahal ang lumalabas dito. Namumukod-tangi ang performance nito para sa bagong kasal. Isang magandang mensahe ang pinapahiwatig ng kanta. Ngayon ko lang ito narinig. Napaka fluent pa ng pagbigkas nito sa bawat English na salita, pati ang mga lyrics ay tagos sa puso, animo'y sinulat base sa karanasan.
Hindi ko na namalayan na dito na lamang nakatitig ang mga ko. Ngunit hindi lamang ako dahil pati ang lahat ng bisita ay namangha sa gwapo niyang anyo at malumanay na pagkanta.
Tumigil ang pagtibok ng puso ko, hindi ko na alam kung ilang segundo pero ang alam ko dahil ito sa presensya ni Ethan. Hindi ako makapaniwala na nakitkia ko na siya ng personal. Ang Ethan na nasa panaginip ko lamang noon ay totoong nasa harapan ko na. Sinampal ko ang aking sarili para gisingin at tukuyin kung panaginip ba ito o hindi. Ngunit isang sampal pa ang natanggap ng kaliwang pisngi ko galing kay Jane.
"Yan o, isa pa," ika nito.
"Ano gising ka na?" dugtong nito.
"Jane, pwede magsabi ka ng totoo kung gising ba tayo o nasa panaginip lang ako?" lutang na tanong ko sa kanya habang hindi maalis ang tingin ko kay Ethan.
Sinampal ulit ako nito at ngayon ay mas malakas na.
"Aray!" sigaw ko dito.
"Para malaman mo na gising ka beh. Na inlove ka na no? In fairness ampogi rin kasi."
Nahimasmasan na nga ako at ipinagpatuloy ang pagpipinta. Habang patuloy si Ethan sa pagkanta ay gusto ko itong isama sa larawan kaya naman ay ginalingan ko at siniguradong maganda ang kalalabasan ng painting na ito. Kumanta pa ito ng isa pang love song kaya naman ay may oras pa ako.
Natapos ko na ang painting bago pa man niya mabanggit ang huling linya ng kanyang kanta. Dahil narin sa ilang taong karanasan ko ay mabilis ko na lamang matapos mga gawa ko.
Naghiyawan at nagtilian ang mga tao matapos itong kumanta.
"That's Ethan Kim everyone!" sigaw ng groom sabay nag yakapan ang mga ito. Niyakap din ito ng bride at medyo kinikilig pa pero natawa nalang ang mga tao rito.