“Hoy Marikit nasaan ka na raw bata ka, kanina ka pa hinihintay dito ni Jomari!” dinig kong sigaw ni Tita Mildred galing sa labas.
“Tita, Diyosa naman po ang itawag niyo sa akin huwag Jo...Jomari eww!” ani pa ni Baklita.
Ito naman sila, alam na nagbihihis pa ako hindi manlang makapaghintay. Paano ba naman kasi alas-dyes palang ngayong umaga at ang usapan namin ay alas-onse pa pagkatapos ay nandito na siya.
Argh! Annoying is my friend.
Lumabas na ako sa bahay na nakasuot lang ng simpleng t-shirt at high waist jeans na regalo pa sa akin ni Tita Mildred noong birthday ko noong nakaraang taon.
“Ano Ineng kailan niyo balak umalis ha?” giit na sabi sa akin ni Tita nang makita niya ako.
Lumapit naman ako sa kaniya sabay yakap. “Tita naman alam na nagpapaganda pa ang pamangkin niya. Looking at me Tita, right beautiful is it?”
Pasalamat siya at may maganda siyang pamangkin. Mabuti na ‘tong may itsura keysa naman sa wala na ngang itsura, boba pa sa buhay.
“Girl halika na at baka hindi na tayo maka-abot sa audition. Akala mo ay very important person tayo doon?” reklamo naman ni bakla.
Isa pa ‘tong baklita na ‘to eh. Ang lapit-lapit lang naman ng pupuntahan namin tapos panay ang reklamo.
“Sige po Tita alis na kami,” ani ko sabay sulyap kay Aling Cris na masama ang tingin sa akin. “Ano Aling Cris? Natalbugan na naman kita at bukas ay makikita mo na ang magandang mukha ko sa TV!”
Kinaladkad na ako ni Baklita palabas ng karinderya nang makasalubong namin si Dave.
“Fafa Dave!” sigaw ni bakla.
Crush na crush niya kasi ‘tong Mr. Genius ng barangay sa hindi ko alam na dahilan. Hindi ko na siguro mabilang sa dami ng nagkaka-crush kay Dave at nagpapasalamat nalang ako na hindi ako isa sa mga baliw sa kaniya.
“Tara na bakla at baka malasin pa tayo mamaya sa audition natin,” ani ko pa.
Bigla niya naman kaming hinarangan. “Sigurado na ba kayo sa desisyon niyong dalawa? May ilang oras pa kayo para mag back-out.”
Tinaasan ko naman agad siya ng kilay. “Anong tingin mo sa amin ha? Na hindi kami makakapasok sa Pera o Kaldero bukas? Tumabi ka nga diyan Dave at baka malasin pa kami. Tara na bakla!” ako na ang kumaladkad kay Bakla dahil habang tumatagal ang pag-uusap namin nila Dave ay mas lalo lang akong naiirita.
“Hoy girl, kinakabahan ako.”
Napatingin naman ako sa kaniya habang naglalakad kami sa kahabaan ng highway dito sa Las Piñas.
“Huwag ka ngang kabahan bakla, kayang-kaya natin ‘to. Magtiwala ka lang!” ani ko kahit na pati ako ay kinakabahan na rin.
Nang makarating kami sa labas ng studio ng Shownatin ay nadatnan namin ang mga pumipila rin sa labas.
“Girl uwi na tayo girl ang daming tao dito. Kavog na ang mga beauty natin,” pahayag ni baklita sa akin sabay hawak sa braso ko.
Kanina siya ‘tong nagmamadali na pumunta kami dito pagkatapos ngayon ay siya na ang natatakot? Pektusan ko kaya ‘to!
Binuklas ko naman ang kamay niya sa braso ko. “Hala umayos ka nga bakla, hindi ka ba nahihiya ma uuwi lang tayo na walang ginawa? Push na natin ‘to girl dahil nakakahiya kay Aling Cris na umuwi lang tayong hindi manlang makakasali bukas.”
Lumapit na kami sa iba pang mga pumipila sa unahan namin.
“Para sa mga mag-aaudition dito kayo pumunta sa mga upuan sa unahan!” sigaw ng isang lalaki sa gitna.
Dali-dali naman kaming tumakbo ni Diyosa papunta doon. Mahirap na kapag mahuli pa kami sa pila.
“Bakla ito na talaga, ayusin mo ha? Dapat makapasok tayo,” pahayag ko naman sa kaniya.
Sa aming dalawa kasi alam kong mas matalino si Diyosa kaya may tiwala ako sa baklitang ‘to.
“Nandito na ba ang lahat ng gustong mag-audition?” tanong niya.
“Yes Sir, tara na po at hapon na maya-maya,” pahayag ko pa.
Baka naman kasi may dumagdag pang mga gustong mag-audition at marami pa kaming maging karibal.
“Okay let’s start. And for the first question, Miss Universe 2019...”
“Africa! Africa!” agad namang sagot ni baklita kaya napangiti ako ng malapad.
Sabi na eh, mukhang swerte namin talaga ‘to ngayong araw kaya napatayo narin ako.
“Tama ang sagot niya! Tama!” sigaw ko pa.
“Pwe! Tumahimik nga kayo, patapusin niyo kasi muna ang tanong mga pabida!” ani pa ng lalaki kaya inirapan nalang namin siya at tumayo niya.
“Okay lang ‘yan bakla basta ang importante ay tama tayo ng sagot,” ani ko sa kaniya.
“Okay the question is, Miss Universe 2019 is Miss Africa, what is the largest City in Africa?”
Nagulat naman kami sa tanong ng lalaki kaya napakunot nalang ang noo ko. “Ano ba ‘yan bakla, bokya na naman tayo sa unang tanong palang.”
“Yes you may stand up!” saad ng lalaki kaya napatingin kami sa likuran namin.
“Johannesburg.”
“Yes correct, pasok ka na sa Pera o Kaldero bukas!”
Napabuntong-hininga nalang ako. “Okay lang ‘yan bakla marami pang tanong.”
“Next question. What is 69 x 69?”
“Hoy bakla boba ako sa Math, ikaw alam mo ba?” taranta kong tanong sa kaniya.
“Anong tingin mo sa’kin calculator ha?”
“Yes girl tayo!” pahayag ng lalaki sa babaeng nasa tabihan lang namin.
“4,761.”
“Yes correct, pasok ka na rin!”
Napa-iling nalang ako ngayon dahil sunod-sunod ang mga tanong na hindi manlang namin nasagutan ni baklita.
“Oh ano? Dalawa nalang kayo ngayon, kaya niyo pa ba?” tanong naman sa amin ng lalaki kaya nagulat ako.
Dalawa nalang pala kami ang natira dito ngayon. “Sige ano na ang tanong?” sambit ko.
Dapat lang fight-fight lang hanggang sa huli ‘di ba?
“What do you call the deepest trench in the world?”
Napatingin agad ako kay baklita dahil wala akong alam sa mga tanong na ‘to. “Bakla, mag-isip ka naman. Gamitin mo naman ‘yang coco shell mo bilis!”
“Girl, hindi ko rin alam eh.”
“Okay time is up! Pwede na kayong umuwi and better luck next time!” ani nito at umalis na.
Mukha naman kaming hinulugan ng langit at buwan sa sitwasyon namin ni Baklita ngayon. Ni isang tanong ay wala manlang kami ng nasagutan.
“Okay lang ‘yan girl, hindi talaga siguro para sa atin ang Pera o Kaldero.”
Wala naman ako sa sarili habang naglalakad pauwi sa amin. Sinalubong agad kami ni Aling Cris at ni Kuya Boss nang makarating kami sa karinderya.
“Oh ano nanalo na ba kayo, Marikit?” tanong ni Kuya Boss.
Marahan akong umiling at pumasok na sa loob ng bahay.
“Anong balita Marikit nanalo ba kayo ni Jomari?” tanong ni Tita nang makapasok ako sa loob.
“Hindi po, sige po magbibihis lang po ako at madaming costumer ang nasa karinderya natin,” walang gana kong sagot.
“Hoy Marikit huwag ka ngang malungkot diyan, ayos lang ‘yan malaki naman ang kita natin dito sa karinderya kaya huwag kang mawalan ng pag-asa na makapag-america,” dinig kong sabi ni Tita.
Nagpapasalamat pa rin ako dahil kahit ganyan kasungit ‘yang si Tita sa akin minsan ay alam kong mahal na mahal niya ako.
Pagkatapos kong magbihis ay lumabas na ako at ngumiti nang dumaan ako sa harap niya. “Sige po Tita, baka iba talaga ang ibibigay sa akin ni Lord kaya okay lang.”
“Ayan ang gusto ko sayo, huwag ka na ngang malungkot at baka mahawa pa ang negosyo natin.”
Ngumiti na ako at lumabas para pumunta sa pwesto ko.
“Bicol express nga Marikit at isang kanin.”
Napatingala naman ako nang makita ko na naman ang pagmumukha ni Dave. Pero dahil wala akong panahon para makipagsagutan sa kaniya ngayon ay agad ko nalang ibinigay ang order niya.
“Singkwenta pesos,” maikli kong pahayag.
Ngumiti naman siya sa akin at ngayon ay kitang-kita ko na ang dimples niya malalim. Kaya naaakit ang mga kabarangay kong mga babae at bakla dahil sa dimples na ‘yan, akala niya siguro ay madadala niya ako.
“Iniabot na niya sa akin ang pera. “Ang tahimik mo yata ngayon ah, kumusta naman ang audition niyo kanina?”
Inirapan ko nalang siya. “Wala, don’t talking to me bye!”
Mabuti nga at wala ngayon dito nakatambay si Aling Cris at sigurado akong mabi-bwisit lang lalo ako kapag nandito siya.
“Pera o Kaldero na!” sigaw ni Kuya Boss.
Ngayon lang yata ako hindi nakaramdam ng kalungkutan kapag naririnig ko ‘yan. Paano ba naman kasi hindi manlang kami nakapasok.
“Marikit eto na ang paborito mo!” ani ni Tita.
“Sige po,” ngumiti nalang ako sa kanila.
Nakita ko na naman ang pogin mukha ni Robi Domingo at si Toni Gonzaga.
“Magandang tanghali sa lahat ng mga manunuod. Nandito na naman tayo sa bagong segment ng Shownatin na Pera o Kaldero. Mga contestants pasok!”
Hindi na ako masyadong nanuo dahil hindi parin maalis sa isip ko ngayon ang naging resulta kanina. Tamang-tama naman na naka-upo lang sa harapan ko si Dave kaya sa kaniya nalang ako napatitig.
“Brain.”
Hindi ko naman alam kung anong pinagsasabi niya.
“625,” sambit niya pa.
Napakunot na ang noo ko.
“Ang Probinsyano,” saad niya pa kaya napatingin na ako sa telebisyon.
“Aahhh!” biglang bulyaw ko sabay ngiti ng malapad.
Alam ko na ngayon kung sino ang isasama ko sa audition.