TWENTY thousand pesos. Ganoon kalaki ang hinihinging pera ng asawa ni Nicholas sa kaniya. Tumataginting na bente mil. Napalunok tuloy siya ng laway at hindi agad nakapagsalita. Ilang segundo silang nagkatitigan ni Ivana habang parang nagmamakaawa ang mga mata nito. Patuloy pa rin ito sa pagmasahe sa paa niya. Hindi na niya maramdaman ang sarap ng masahe nito dahil sa pabor na hinihingi nito.
Meron siyang ganoong pera na nasa savings account niya. Nag-iipon siya para sa pagpapatapos ng kanilang bahay.
“Babe, ano? Mabibigyan mo ba ako ng twenty thousand?” tanong ulit ni Ivana.
“Ang laki naman yata ng kailangan mo, babe.”
Binitiwan nito ang paa niya at lumipat ng pagkakaupo sa tabi niya. Isinandal nito ang ulo sa kaniyang dibdib. “Alam mo, babe, maganda ang negosyong ganoon. Wala pang kalahating taon ay mababawi ko na agad iyong twenty thousand at maibabalik ko na sa iyo. Saka compare sa vlogging ay mas maganda ang kita sa ganoon. Regular. Though hindi ko iiwan ang Youtube channel ko. Babe, baka ito na rin kasi ang chance ko para makapag-ipon ako. Remember? Iyong dream ko na magkaroon ng sariling brand ng make up and perfume?” Sa dami ng sinabi ni Ivana ay hindi na nagawang makasingit ni Nicholas.
Sa totoo lang ay maganda ang sinabi ni Ivana dahil ang pagkita ng pera ang iniisip nito. Kahit na pwede naman itong sa bahay na lang ay gusto pa rin niyang magawa nito ang gusto nito sa buhay. Ayaw niyang itali si Ivana porket mag-asawa na sila. Nais niya ay meron pa rin itong kalayaan na maabot ang pangarap nito gaya ng pagkakaroon ng sariling brand ng make up at pabango.
Kaya lang ang inaalala niya ay may paglalaanan na siya sa perang meron siya. Kapag ipinahiram niya iyon sa kaniyang asawa ay maaantala ang pagpapatapos nila ng bahay. E, napansin niya kasi kay Ivana na sobrang na-disappoint ito nang unang beses niya itong dalhin sa bahay nila. Naiintindihan naman niya kung bakit at dahil iyon sa madami pang dapat tapusin dito saka maliit pa.
“Babe?” Tumingala si Ivana sa kaniya.
Hindi pa rin niya alam kung babawasan ba niya ang perang meron siya para maibigay dito kaya hindi pa rin siya makasagot.
Sumimangot ang asawa niya dahil sa tagal niyang sumagot. Umalis ito sa tabi niya at umupo sa kabilang dulo ng sofa. “Kung ayaw mo, pwede mo namang sabihin! Hindi iyong mukha akong tanga na parang hangin ang kinakausap!” anito sabay irap.
“Babe, ang laki kasi ng twenty thousand. Paano kung hindi mo agad iyon mabawi? Kailangan kasi natin ng pera para pampaayos ng mga kailangang dito sa bahay.”
“Nicholas, sa tingin mo ba ay ganoon ako katanga para ilaan ang pera mo sa negosyong alam kong hindi tayo kikita? Ano? Bibigyan mo ba ako o hindi? May pera ka ba o wala?!” Mukhang nagalit na nga talaga si Ivana.
Kilala niya kapag nagagalit si Ivana. Matagal bago mawala ang galit nito sa kaniya. May mga pagkakataon pa nga na kahit ito ang may kasalanan ay nagagawa nitong iparamdam sa kaniya na siya ang kasalanan. Siyempre, bilang lalaki at ayaw din niya na nag-aaway sila ay siya na lang ang sumusuyo. Siya ang nagpapakumbaba kahit ito pa ang may kasalanan. Gaya na lang ngayon. Wala siyang sinabing masama. Sinabi lang niya ang opinyon niya pero ito pa ang nagalit. Ito na nga ang may kailangan pero para siya pa ang dapat na humimas dito. Ayaw man niyang isipin pero parang kaya pala parang ang lambing nito sa kaniya simula nang umuwi siya ay dahil may kailangan ito.
Huminga nang malalim si Nicholas. “Okay, sige. Bibigyan kita ng hinihingi mo.” Kahit nagdadalawang-isip ay pumayag na lang siya para lang huwag silang mag-away.
Mabilis na nagbago ang mood ni Ivana. Naging masaya ito. “Talaga, babe?! Thank you, babe!” anito sabay yakap sa kaniya nang mahigpit. Pinugpog pa siya nito ng halik sa mukha.
“Kaya lang, pag-uwi ko pa bukas maibibigay sa iyo.”
“Ha?” Kumalas ito sa kaniya. “Pero bukas ko na iyong dapat ibigay kay Yssa…”
“Ganito na lang. Pumunta ka bukas sa work ko at doon ko ibibigay sa iyo. May ATM naman sa loob ng company. Doon na ako magwi-withdraw. Tapos ibigay mo na kay Yssa. Pwede ba `yon?”
“Sige, babe. Ganoon na nga lang. Thank you ulit, ha! Don’t worry, ibabalik ko din sa iyo kapag nakabawi na kami ni Yssa!” Pangako nito.
“Kahit huwag mo nang ibalik sa akin basta sana ay kumita iyang business ninyo.”
“Oo naman, babe. Para naman ito sa future natin at sa future kids natin, e!” Nakangiting turan ni Ivana sa kaniya.
Naging masaya si Nicholas sa sinabing iyon ng kaniyang asawa. Atleast, iniisip na nito ang magiging future nila. Hindi na ito kagaya noong magkasintahan pa lang sila na parang puro pansariling kapakanan lang ang nasa isip nito. Ngayon ay nakikita na niya ang unti-unting pagbabago ni Ivana na sana ay magpatuloy pa.
“`AYAN, ha! Twenty thousand pesos iyan. Walang bawas, walang kulang!” ani Ivana matapos niyang iabot kay Yssa ang perang ibinigay ni Nicholas sa kaniya kanina nang pumunta siya sa pinagtatrabahuhan nito.
Nagkita na lang silang dalawa sa isang milk tea shop. Um-order na rin sila ng kani-kanilang milk tea at tig-isang pinggan ng carbonara.
Isinilid na ni Yssa sa handbag nito ang pera. “Hindi ko na bibilangin. I trust you naman, e!”
“Of course! Hindi ako budolera, no!” tawa niya. “Anyway, bukas na `yong opening, `di ba? Ano ba ang outfit-an?”
“Dress na maganda dapat, ghorl! Tayong dalawa ang dapat na pinaka maganda doon dahil tayo ang may-ari. Kaya huwag kang gogora doon nang hindi ka maganda. I know, maganda ka na pero dapat super ganda! Pak! At before ko makalimutan…” May inilapag na folder si Yssa sa lamesa.
Kumunot ang noo ni Ivana. “Ano iyan?”
“Agreement, contract at kung anu-ano pang dapat mong pirmahan. Baka sabihin mo na binubudol kita, e. Katunayan iyan na ating dalawa iyong perfume store. Pirma mo na lang ang kulang diyan, ghorl.” Naglabas na rin ito ng ballpen.
Binasa muna ni Ivana ang mga nakalagay sa folder. Hindi naman siya talo. Patas ang nakalagay sa agreement at contract kaya pinirmahan niyang lahat iyon at ibinalik kay Yssa.
“Remember, alas dos ng hapon ang opening natin. In-invite ko na ang ilang friends natin. Iisa lang naman tayo ng circle of friends. Don’t forget, be super ganda!”
“I know! Hindi mo na dapat `yan ipinapaalala sa akin. Maganda na talaga ako!”
“Hay! Ang lakas naman ng aircon!” biro ni Yssa na naging dahilan para magkatawanan silang dalawa. Wala silang pakialam kahit pinagtinginan sila ng mga naroon dahil sa lakas ng kanilang tawa.
Ipagdadasal talaga niya na sana ay maging matagumpay ang negosyo nila ni Yssa. Pagkakataon na kasi niya ito para kumita ng maganda at makatulong kay Nicholas.
NANLAMBOT si Nicholas nang i-check niya sa mobile app ng banko ang laman ng ATM card niya. Tatlong libo na lang pala. Hindi na niya iyon maaaring bawasan dahil two thousand pesos ang maintaining balance niyo. Kapag mas bumaba iyon sa ganoong halaga ay mababawasan na iyon kada buwan ng tatlong daang piso. Sayang din iyon. Ibinigay na kasi niya kay Ivana ang dalawampung libong piso kaya ganoong na lang ang laman niyon.
Ngunit hindi siya nagsisisi dahil may tiwala siya kay Ivana.
Sisipagan na lang niya sa pagtatrabaho. Kung kailangan na mag-OT siya palagi ay gagawin niya. Maiintindihan naman siguro ng asawa niya kung sakaling palagi siyang mag-o-overtime.
Ibinalik na ni Nicholas ang atensiyon niya sa trabaho. Nasa harapan siya ng computer at inaayos ang schedule ng mga taong hawak niya. Maya maya ay lumapit sa kaniya ang isa sa mga tao niya at may ibinigay itong kulay puting envelope.
“Sir, iyan na po iyong perang na-collect namin para sa team building natin sa Saturday. Kumpleto na iyan, sir. Thirty thousand po lahat iyan,” anito.
“Thank you, Marvin. Ano nga palang sabi no’ng may-ari no’ng resort kung saan tayo magte-team building? Nakausap mo na ba?”
“Pwede daw po tayong magbigay ng bayad kapag nandoon na tayo. Wala naman daw pong problema kapag ganoon.”
Tumango-tango siya. “Sige. Ako na ang magtatago nitong pera. Bumalik ka na sa trabaho mo.”
“Okay, sir.” At nakangiting umalis si Marvin.
Inilagay ni Nicholas sa kaniyang bag ang sobre at bumalik na ulit sa pagtatrabaho.
MATAPOS ang pakikipagkita ni Ivana kay Yssa ay umuwi na agad siya at dumiretso sa kwarto nila. Binuksan niya ang closet at inilabas ang mga dress niya. Maghahanap na agad siya ng isusuot niya para sa opening ng perfume store. Mas okay na ngayon na siya maghanap para hindi siya mangarag bukas.
Inisa-isa niya ang lahat ng mga damit niya. Sa dami ng mga iyon ay medyo natagalan siya para matapos. Kaya lang ay wala siyang nagustuhan. Feeling niya kasi ay puro luma na ang mga iyon.
Nanghihinang napaupo siya sa gilid ng kama habang malungkot na nakatingin sa tambak ng mga damit niya na nasa ibabaw ng kama. “Wala na akong maisusuot…” mahina niyang sabi. Ang una niya agad na naisip ay ang bumili na lang ng bago. Atleast, makakapili pa siya ng gusto niya.
Bakit kasi ngayon pa siya nawalan ng pera? Kapag kaya humingi siya kay Nicholas ng pera ay bibigyan siya nito? Siguro naman ay magbibigay ito dahil hindi ito papayag na magmukha siyang kawawa sa opening bukas. May pera pa naman siguro ito kahit kaunti. Kahit dress lang sana ang mabili niya ay ayos na iyon sa kaniya. Basta may bago lang siyang gamit para sa opening.
Kaya matiyaga niyang hinintay si Nicholas hanggang sa makauwi na ito. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at sinabi na niya dito na baka pwedeng bigyan siya nito ng pera para may pambili siya ng damit para bukas.
“Babe, pasensiya ka na pero wala na akong pera. Naibigay ko na sa iyo kanina, `di ba?” Mahinahong sagot ni Nicholas sa kaniya. Nasa kwarto silang dalawa. Nakaupo siya sa gilid ng kama habang naghuhubad ng damit ang asawa niya.
“Kahit magkano lang naman. Nakakahiya kasi kung hindi maganda ang damit ko sa opening. Siyempre, isa ako sa owner, babe,” katwiran niya. Hindi kasi siya naniniwala na wala nang pera si Nicholas. May pakiramdam siya na may naitatago pa ito. Kilala niya kasi si Nicholas na palaging may ipon.
Ibinaba na ni Nicholas ang pantalon nito at inilagay iyon sa laundry basket. Tanging kulay pulang brief na lang ang suot nito. “Sorry talaga pero wala na.” Napasimangot siya sa sinabi ni Nicholas.
“Hindi na lang ako pupunta! Wala naman akong isusuot, e!”
Bumuntung-hininga si Nicholas. Binuksan nito ang closet at kumuha doon ng short. Matapos nitong isuot iyon ay itinuro nito ang mga naka-hanger na dress niya sa loob ng closet. “Ang dami mo pang damit dito, o. Ang gaganda nitong lahat. Iyong iba ay hindi mo pa gaanong nasusuot. Gusto mo tulunga kita pumili? Magsukat ka tapos titingnan ko kung maganda ba o—”
“Tumingin na ako diyan kanina! Wala akong mapili! Kaya nga gusto ko sana ng bago!” matigas na sabi ni Ivana. Bakit ba parang pinagdadamutan siya ni Nicholas ng pera?
“Tumingin ka ulit. Ako ang magsasabi ng bagay sa iyo.” Hindi niya maintindihan kung bakit nakukuha pang ngumiti ni Nicholas gayong busangot na ang mukha niya. Lumapit pa ito sa kaniya. Hinila siya sa isang kamay para tumayo. “Tumayo ka na diyan, babe. Pumili ka na ulit sa mga damit mo.”
Malakas na ipiniksi ni Ivana ang kaniyang kamay. May pagtatakang nabitawan iyon ni Nicholas.
“Bingi ka ba o ano? Ang sabi ko, wala akong gusto sa mga damit ko diyan!” Medyo malakas niyang sabi. Sumimangot pa siya nang husto. “Gusto kong bumili ng bago! Iyon ang gusto ko!”
“Pero alam mo na wala na akong pera, babe. Ibinigay ko na sa’yo.”
“Okay na nga, `di ba? Hindi na ako pupunta!” Padabog na tumayo si Ivana at lumabas ng kwarto.
Hindi niya maiwasang sumama ang loob dahil may pakiramdam siya na pinagtataguan siya ni Nicholas ng pera. Talagang mas nanaisin pa nito na magmukha siyang basahan bukas kesa bigyan siya nito ng pambili ng bagong damit.
WALANG nagawa ang pag-iinarte ni Ivana. Kahit nakasimangot siya habang kumakain sila ni Nicholas ng hapunan ay hindi pa rin siya nito binigyan ng pera. Mas lalong sumama ang loob niya sa kaniyang asawa. Naku, subukan lang nitong mangalabit mamayang bago sila matulog. Hindi niya talaga ito pagbibigyan!
Habang naliligo si Nicholas ay nasa kama si Ivana. Tumitingin siya sa Lazada ng mga dress na mura pero maganda. May mga nakikita siya pero iniisip niya na baka hindi maganda ang quality ng mga iyon lalo na at sobrang mura. Baka sa picture lang maganda tapos pagdating ay hindi pala. Disaster iyon kapag ganoon.
Napahinga na lang siya nang malalim. Mukhang wala na talagang pag-asa na magkaroon siya ng bagong damit para sa opening bukas. Hanggang sa mapatingin siya sa nakasabit na bag ni Nicholas sa likod ng pinto. Iyon ang bag na ginagamit nito sa trabaho. Isang backpack na kulay black.
Hindi niya alam pero tila may bumubulong sa kaniya na tingnan ang laman ng bag ni Nicholas. Kaya tumayo siya at nilapitan ang bag. Binuksan niya ang zipper sa unahan. Mga barya, susi at ballpen ang nakita niya. Isinunod niyang buksan ang pinakamalaking zipper at isang kulay puting envelope ang agad na kumuha ng atensiyon niya.
Kinuha niya iyon at tiningnan kung ano ang laman. Napanganga siya at nanlaki ang mga mata nang malaman niyang pera ang laman niyon! Napakaraming pera. Puro one thousand bill pa nga yata. Sinasabi na nga ba niya… Tama ang kutob niya. May pera pa si Nicholas at pinagtataguan lang siya nito. Marami pa itong pera pero hindi man lang siya bigyan kahit kaunti.
Hanggang sa marinig na niya ang pagbukas ng pinto ng CR. Sa pagkataranta ni Ivana na baka mahuli siya ni Nicholas ay isiniksik niya sa gilid ng shorts ang envelope at isinara ulit ang zipper ng bag nito. Parang wala lang na bumalik siya sa pagkakahiga sa kama.