CHAPTER 06

2213 Words
       “THIRTY thousand?!” Hindi makapaniwalang bulalas ni Ivana matapos niyang bilangin ang perang nakalagay sa white envelope na nakuha niya sa bag ni Nicholas. Nasa kwarto siya ng kasalukuyan at nasa ibabaw ng kama. May lakas ng loob na siya na tingnan ang laman ng envelope dahil wala na ang asawa niya. Kakaalis lang nito. Malamig pa rin siya kay Nicholas dahil mas lumala ang tampo niya dito. Napatunayan niya kasing pinagtataguan siya nito ng pera. Nagagawa siya nitong tiisin. Kahit yata magmakaawa siya dito ay hindi talaga siya nito bibigyan. Thirty thousand pesos… Malaking pera na iyon. Hindi naman niya siguro ito mauubos kung isang damit lang ang bibilhin niya. Saka nasa batas na kung ano ang pag-aari ng asawa mo ay pag-aari mo na rin kaya may karapatan siya sa perang ito. Pero nagtatalo pa rin ang isip ni Ivana kung babawasan ba niya ang pera ni Nicholas o hindi. “Paano kung magalit siya sa akin kasi hindi ako nagpaalam?” tanong ni Ivana. Hindi naman siguro magagalit si Nicholas sa kaniya. Sa tagal na nilang magkasama ay parang hindi pa niya natatandaan na nagalit ito sa kaniya. Nagtatampo, oo. At hanggang doon lang. Madalas nga kahit nagtatampo ito ay ito pa rin ang sumusuyo sa kaniya. Kapag kasi nagtatampo ito ay hindi niya kinakausap hanggang sa ito na ang hindi makakatiis. Susuyuin na siya ni Nicholas. Magkano lang ba ang bagong dress ngayon? Okay na siguro ang five thousand. May maganda na siyang mabibili sa ganoong halaga ng pera. Kung sakaling magalit si Nicholas ay may naisip na siyang paraan para mabaligtad ang lahat. Magagalit din siya dito at ang idadahilan niya ay ang pagtatago nito ng pera sa kaniya kahit meron ito. Tama, ganoon na lang ang gagawin niya. Dapat na rin siyang magmadali dahil mamaya nang alas dos ng hapon ang opening. Tapos alas diyes pa ng umaga magbubukas ang mall. E, ala siyete pa lang ngayon. Mas maganda siguro kung magpasama siya kay Yssa para mabilis siyang makakapili ng damit na susuotin niya sa opening. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at tinawagan na niya si Yssa. Anito, pwede siya nitong samahan ngunit dapat ay agahan nila ang pagpunta sa mall. Para daw pagkatapos nilang bumili ng damit niya ay sabay na silang magpapaayos ng buhok at magpapa-make up. Sa pagkakataon na iyon ay desidido na si Ivana na bawasan ang pera ni Nicholas. Pagsapit ng alas-nuebe ay nag-asikaso na si Ivana para sa pagpunta sa mall. Doon na kasi sila magkikita ni Yssa. Fifteen minutes bago sumapit ang alas diyes ay umalis na siya ng bahay at eksaktong bukas na ang mall nang makarating siya. Tinext na niya si Yssa para i-inform ito na nandoon na siya. Sinabi niya na nasa tapat lang siya ng Starbucks sa first floor. Maya maya lang ay nakita na niya ang kaibigan na papalapit sa kaniya. “Ghorl!” tawag nito sa kaniya sabay beso nang makalapit. “O, ano? Mukhang nakakubra ka sa hubby mo, a!” “Ako pa ba? Hindi ako kayang tiisin ni Nicholas!” Pagmamalaki ni Ivana. “Nasaan na pala ang damit mo?” “Nandoon sa kotse. O, bago ka mag-react, hindi sa aking kotse. Doon sa nanliligaw sa akin. Hiniram ko muna para hindi naman ako ngarag pagpunta dito. Saka kailangan ko rin ng car kasi may dala akong dress.” “Saan ba magandang bumili dito ng dress?” tanong niya. “Alam mo, ghorl, sa second floor maraming tindahan ng magagandang dress! Magkano ba ang budget mo?” Natigilan sandali si Ivana. “Ano… b-basta. Kahit mahal ay kaya kong bilhin. Tara na nga!” Hinila na niya sa kamay ang kaibigan papunta sa second floor ng mall. Pagdating doon ay pumasok agad sila sa unang tindahan ng magagandang damit pero wala siyang napili. Sa pangalawang tindahan ay mas marami siyang napagpilian. Doon ay may nagustuhan siyang dress na medyo sexy ang style. Malalim ang neckline at medyo maiksi. Purple ang kulay niyon at kumikinang pa kapag tinatamaan ng ilaw. Medyo may pagka-see-through ang tela niyon sa bandang tiyan niya. Agad niya iyong sinukat at lalo siyang sumexy sa damit na napili. “Ay!!! Pasabog naman masyado, ghorl!” Pumapalakpak na bulalas ni Yssa nang makita siyang lumabas ng fitting room. “What do you think? Maganda ba?” Umikot siya ng isa sabay pose na parang modelo. “Super ganda! Kung ako sa’yo, iyan na!” “Talaga ba?” “Magkano ba iyan?” “Hindi ko na-check, e. Tingnan mo nga ang price…” Tumalikod si Ivana kay Yssa dahil nasa likuran ng damit ang tag price. Tiningnan iyon ni Yssa at sinabi ang presyo. “Six thousand nine hundred ninety-nine…” Parang nanlamig siya sa presyo. Ang mahal pala. Humarap na siya kay Yssa. “P-parang ang mahal, ghorl.” “Mahal talaga! Pero reasonable naman ang presyo. Look, ang ganda ng dress. Bagay sa iyo saka kahit sexy ay elegante pa rin. Mukha kang herederang b***h diyan, ghorl!” “Sa tingin mo, kunin ko na?” “Without second thoughts… Yes na yes! Get mo na iyan!” Dahil naniniwala siya sa taste ni Yssa pagdating sa fashion ay kinuha na ni Ivana ang damit na iyon kahit pa masyadong mahal. Nabawasan niya tuloy nang malaki ang pera ni Nicholas. Pagkatapos ng damit ay hinimok siya ni Yssa na bumili ng sapatos na babagay sa damit niya. Isang pearl white na high-heeled shoes ang binili nila na nagkakahalaga ng kulang-kulang siyam na libo. Hindi pa doon natapos ang paggastos niya dahil kailangan daw niya ng handbag. Dahil sa natuwa na rin siya ay hindi na niya inalala ang maaaring sabihin ni Nicholas kapag nalaman nito na naubos na niya ang pera nito. Nakabili siya ng handbag na kulay puti at may accent ng gold sa halagang ten thousand pesos. “Mas maganda kung may necklace ka rin, ghorl! Ang lalim ng nechline ng dress mo kaya dapat ay may pasabit ka sa leeg mo,” suggest pa ni Yssa. Pasimple niyang tiningnan ang pera sa white envelope. Napangiwi siya dahil apat na libo na lang pala ang natitira. “Hindi na lang siguro. Magpapa-salon pa tayo, `di ba? W-wala na akong pera,” pag-amin niya sa kaibigan. “Okay, fine. Sabagay, okay na iyan. So, tara na. Magpapaganda na tayo!” Nagpunta na silang dalawa sa isang salon upang magpaayos ng buhok at magpa-make up na rin. Habang inaayusan si Ivana ay kinakabahan na siya. Doon lang kasi niya napagtanto na talagang mauubos nga niya ang pera ni Nicholas. Bahala na nga. Atleast, nabili ko ang mga kailangan ko… bulong na lang niya sa sarili.   NAGPALAKPAKAN ang mga kaibigan nina Ivana at Yssa nang magupit na ng huli ang ribbon. Si Ivana ang may hawak ng ribbon at itinaas niya iyon. Sa wakas, bukas na ang kanilang perfume store na may pangalan na “Sinfully”. Labis ang kasiyahan nilang dalawa ni Yssa dahil naging magkasyoso na sila sa iisang negosyo. Pagkatapos mabigyan ng blessing ng pari ang kanilang puwesto ay isa-isa nang lumapit sa kanilang dalawa ang mga kaibigan nila para i-congratulate sila. Ilang minuto pa ay natapos na ang opening ay pansamantala muna nilang isinara ang store para makapag-celebrate sila sa ibang lugar. Dahil malapit na ang dinner ay sa isang eat-all-you-can restaurant sila pumunta nina Yssa kasama ang limang babae na kaibigan nila. Siyempre, sila ang nanlibre ni Yssa. Pagkatapos kumain ay nagkayayaan pa silang mag-bar at doon ay bumaha ang alak at sumayaw sila ng buong magdamag. Medyo lasing na si Ivana dahil hindi na niya mabilang kung ilang shot na ng tequila ang nainom niya. Hanggang sa pagtingin niya sa kaniyang cellphone ay may limang miscalled siya kay Nicholas. “s**t…” Mahinang mura niya nang malaman na alas onse na pala ng gabi. Hindi na niya namalayan ang oras dahil sa nagkakasiyahan sila. Kailangan na niyang umuwi. Malamang, alam na ni Nicholas na wala ang pera nito sa bag kaya siguro tinatawagan siya nito. Well, alam na niya ang gagawin oras na magalit ito sa kaniya. “Ghorl, I need to go na,” aniya kay Yssa na nakikipag-kwentuhan sa isang lalaki na hindi niya kilala. As usual, hindi na siya nagtataka kapag may kausap itong ibang lalaki. “What? Ang aga pa kaya!” Namumungay na ang mata ng kaibigan niya dahil sa alak. Nakaakbay dito ang lalaking kausap nito na halatang lasing na rin. “Hinahanap na ako ni Nicholas. Sige na—” Nagulat siya nang hawakan siya ni Yssa sa braso. Mahigpit na para bang may gusto itong sabihin na iba pa. “Yssa?” “Stay. Please?” May himig ng pakikiusap na ito. “Yssa, sorry, pero kailangan ko na talagang umuwi. Mag-text ka sa akin kapag nakauwi ka na, ha? Bye!” Nakipag-beso siya nang mabilis sa kaibigan at saka nagmamadaling lumabas ng bar.   MAS tumindi ang nararamdamang pagkahilo ni Ivana nang naglalakad na siya papasok sa subdivision. Kapag ganitong oras ay wala nang pedicab na pwede niyang masakyan sana. Wala siyang pagpipilian kundi ang maglakad na lang hanggang sa bahay nila. Kaunting minuto na lang at sasapit na ang hatinggabi. Marahil ay tulog na si Nicholas sa oras na ito. Hindi na kasi ito tumawag ulit sa kaniya. Ngunit nagkamali siya dahil pagpasok niya sa bahay ay naabutan niya si Nicholas na nakaupo sa sofa at nakasubsob ang mukha sa dalawang palad. Nagkalat ang gamit nito sa sahig na labis niyang ipinagtaka. Umangat ang mukha nito. Nahalata niya agad na may problema ito. Nababahala ang mukha nito na para bang pinagbagsakan ito ng langit at lupa. “Anong nangyari? Bakit ang gulo?” Hindi niya hinintay ang sagot ni Nicholas. Nagpunta siya sa kwarto nila. Mas magulo doon. Nakalabas ang lahat ng damit nila mula sa closet. Hindi kaya hinahanap niya `yong pera? Tanong ni Ivana sa sarili. “May nakita ka bang pera sa bag ko?” Napapitlag siya nang bigla na lang magsalita si Nicholas sa may likuran niya. “Nakakagulat ka naman!” Nakahawak sa dibdib na humarap siya dito. Aaminin na sana niya dito ang tungkol sa pera ngunit nagsalita ulit ito. “Nawawala kasi iyong thirty thousand na pera sa bag ko, babe. Hindi kasi sa akin iyon. Pera iyon ng mga taong hawak ko sa company para sa team building namin sa weekend.” Napansin niya na napatingin si Nicholas sa damit niya at sa bag na hawak niya. “Bago ba ang mga iyan? S-saan ka kumuha ng pambili mo ng mga `yan?” Parang naubusan ng dugo ang buong mukha ni Ivana nang malaman niyang hindi pala kay Nicholas ang perang kinuha niya. Paano ba niya sasabihin dito na nagastos niya ang perang hinahanap nito? Ah, hindi! Hindi niya maaaring sabihin kay Nicholas ang ginawa niya sa pera. Kung ito ang mag-ari ng pera ay pwede niyang aminin na siya ang kumuha. Kaya lang ang kaso ay hindi naman pala iyon sa asawa niya. Natatakot siya na baka siya ang mapahamak. Lalabas kasi na pagnanakaw ang ginawa niya. E, hindi naman niya kasi alam na hindi iyon kay Nicholas. Malay ba niya! Wala kasing nakalagay na ang perang iyon ay para sa team building. Kung may ganoon, hindi siya magmamatapang na gastusin ang pera na iyon. “Babe?” untag ni Nicholas sa matagal niyang pananahimik. Inilagay ni Ivana ang isang kamay sa tapat ng dibdib. “Sinasabi mo ba na ang perang sinasabi mo na nawawala ang pinambili ko sa mga ito?” Kunwari ay naiinis na tanong niya sa kaniyang asawa. “Hindi sa ganoon—” “Hindi sa ganoon? Pero parang sa pagtatanong mo ay iyon ang sinasabi mo. Na kinuha ko ang lecheng pera na iyon para bumili ng damit, bag at sapatos!” Tinaasan niya ang kaniyang boses para masindak niya si Nicholas at hindi na siya nito pagbintangan. “For your information, hiniram ko lang ang lahat ng ito kay Yssa! At hindi ko nakikita at kinuha ang perang sinasabi mo, Nicholas! Kaya huwag mo akong pagbibintangan dahil hindi ako magnanakaw!” “Okay, okay… Kumalma ka, babe…” Lumapit ito sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Sorry kung ganoon ang dating sa iyo ng tanong ko. Naniniwala ako na hindi ikaw ang kumuha niyon. Kilala kita, hindi mo magagawang kumuha ng pera.” Walang salitang lumabas sa bibig ni Ivana. Matalim pa rin ang mata niya. “Sana ay naiintindihan mo ako. Tuliro kasi ang utak ko ngayon dahil sa nawawalang pera. Sorry na. Sorry…” Binigyan siya nito ng isang mabilis na halik sa labi. Huminga siya nang malalim at kunwari’y kumalma na siya. “Baka kung saan mo lang nailagay `yong pera,” aniya. Napailing si Nicholas. Inalis na nito ang pagkakahawak sa kaniya. “Hindi ko alam. Sa pagkakatanda ko ay sa bag ko iyon inilagay, e. Nakalagay iyon sa kulay puting envelope. Hinala ko nga ay may kumuha sa company. Hindi ko na talaga alam,” anito habang malungkot na nakatingin sa kawalan. “Alam na ba ng mga tao mo?” “Oo. Sinabi ko sa kanila na hahanapin ko. Pero may isa akong tao na parang nagdududa. May nakapagsabi din sa akin na kapag hindi ko iyon naibalik hanggang sa Friday ay sasabihin na nila sa head namin. Kapag nangyari iyon malaki ang posibilidad na matanggal ako sa trabaho. Kaya dapat ay maibalik ko na `yong pera na iyon.” “Ang dali pala ng solusyon sa problema mo, e. Ibalik mo `yong pera. Kumuha ka sa pera mo.” “Wala na akong pera, babe. Ibinigay ko na sa iyo.” Naumid ang dila ni Ivana. Ang akala niya kasi ay may itinatago pang pera si Nicholas. Ngayon ay sigurado siyang wala na talaga itong pera dahil hindi nito isasakripisyo ang trabaho nito sa ganoong halaga ng pera. Nakokonsensiya na tuloy siya sa kaniyang ginawa pero hindi niya pa rin kayang aminin dito na siya ang kumuha sa perang iyon. Baka kasi siya ang gipitin nito at siya ang pagbayarin ng thirty thousand pesos. Wala siyang ganoong pera! At kapag nawalan ng trabaho si Nicholas ay walang ibang dapat sisihin kundi siya—wala nang iba pa. Dahil kung hindi sana niya pinakialaman ang perang hindi sa kaniya ay hindi aabot si Nicholas sa ganitong sitwasyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD