Episode 9

1153 Words
Mahirap ipaliwanag ‘yung pakiramdam ng pagod na hindi galing sa katawan, kundi sa puso. Ilang linggo na mula nung huli naming pag-uusap ni Xandro. Walang kasunod na tawag. Wala nang “babe.” Wala nang kahit simpleng “kamusta ka?” na dati’y araw-araw niyang sinasabi. Pinipilit kong magpaka-busy sa bahay—sa pagdidilig, sa pagluluto, sa pagtulong kay inay. Lahat ginagawa ko, basta lang hindi ako maupo at mapilitang harapin ang katotohanang unti-unti nang lumalamig ang lahat. Pero kahit anong gawing iwas, ‘di pa rin mapigilan ang sarili ko. Minsan tinititigan ko lang ‘yung phone ko, iniisip kung may message bang hindi ko lang napansin. Minsan, napapaisip ako: Ako lang ba ‘yung nag-iisip nito? Baka ako lang talaga ang umaasa. Gabi-gabi, naaalala ko pa rin ‘yung mga simpleng tawag niya. “Miss na miss na kita, babe.” Pero ngayong gabi, wala na ‘yun. May tunog man ang phone ko, hindi na siya ‘yung pangalan na lumilitaw. Tapos, dumating ang araw na hindi ko akalaing darating agad. Isang madaling araw, biglang may kumatok sa bahay. Kumalabog ang dibdib ko. Si Inay at Itay kasi, hindi pa umuuwi mula sa bayan. May pinuntahan silang kamag-anak dahil may emergency rin daw. Pagbukas ko ng pinto, sinalubong ako ng pawisang mukha ni Mang Fidel, ang kapitbahay naming may tricycle. “Hannah… anak, sumama ka muna sa’kin. May nangyaring aksidente sa kalsada malapit sa may tulay. ‘Yung bus na sinakyan ng mga magulang mo… nadisgrasya.” Parang nanlamig ang buong katawan ko. Hindi ako agad nakakilos. Hindi ako makapagsalita. Parang nilunod ako ng tunog ng hangin at t***k ng puso kong nawawala sa timing. Sa ospital, halos hindi ako makahinga sa kaba. Nakita ko si Inay, nakahiga sa stretcher, duguan ang noo. Si Itay, hindi gumagalaw. Ang sabi ng nurse, parehong nasa critical condition. Walang makapagsabi kung aabot pa sila sa susunod na araw. Nang sandaling ‘yon, ang una kong naisip—si Xandro. Agad akong bumunot ng cellphone. Tinawagan ko siya. Isa, dalawa, tatlong beses. Walang sumagot. Nag-message ako. “Xandro… please, kailangan kita ngayon.” Wala pa rin. Nasaan ka? Pero hindi ako nag-iisa. Bigla kong narinig ang pamilyar na boses. “Hannah.” Paglingon ko, si Sanjoe. Pawisan, halatang galing pa sa trabaho, pero naroon siya. Wala siyang sinabing marami. Dahan-dahan siyang lumapit, inilapit ang balikat niya sa akin, at doon ako umiyak. Hindi niya ako tinanong. Hindi niya ako pinilit magsalita. Basta nandiyan lang siya. Sa mga oras na ‘yon, hindi ko kailangan ng paliwanag. Hindi ko kailangan ng promises. Ang kailangan ko, presensya—at siya lang ang naroon. Ilang araw na ang lumipas, pero wala pa ring sagot mula kay Xandro. Wala pa ring “babe,” wala pa ring kahit anong salita na magpapa-alala sa’kin na mahalaga pa rin ako sa mundo niya. Habang binabantayan ko si Inay sa ICU, napaisip ako. Paano kung si Stell na ang mas madalas niyang kasama? Paano kung ‘yung mga pangako niyang babalik siya, hindi na niya kayang tuparin? Ang sakit, kasi hindi naman siya nagpaalam. Hindi siya nagsabing ayaw na niya. Basta na lang siyang nawala. At kahit hindi ko siya sinagot, kahit wala kaming label—hindi ko inaasahang ganito ang mararamdaman ko. Iniwan ako, sa panahong pinaka-kailangan ko siya. Isang gabi, habang umiiyak ako sa tabi ng kama ni Itay, tinanong ko ang sarili ko: Mali ba na umasa ako? Mali ba na naniwala ako sa bawat halik niya sa likod ng kamay ko, sa bawat “I’ll be back,” sa bawat gabing inantay ko siyang tumawag? Puro salita ba ‘yun? Kinabukasan, habang nakaupo ako sa labas ng ospital, dumating si Sanjoe. May dalang pagkain, may dalang tubig. Hindi niya ako tinanong kung okay lang ako. Alam niyang hindi. Pero ang simpleng tanong niya, sapat na para mabawasan ang bigat: “May balita na ba?” Umiling lang ako. Tahimik kaming naupo sa harap ng waiting area. Hawak ko ang paper cup ng kape, habang siya, nakatingin lang sa langit. Hanggang sa marinig ko siyang magsalita. “Hannah… kung pagod ka na, pwedeng umiyak. Ako na muna ang magbabantay.” Hindi ko napigilan. Napaluha ulit ako. Pero sa pagkakataong ito, may konting kagaanan. Kasi kahit paano, may taong hindi ako iniwan. Sa mga gabing walang katiyakan, may isang bagay akong natutunan—ang pagmamahal, hindi nasusukat sa kung gaano ka kagaling mangako. Nasusukat ‘yan sa kung sino ang nariyan kapag kailangan mo. At sa ngayon, si Xandro—wala siya. Maaaring may dahilan siya. Maaaring abala siya. Pero sa puso kong pagod na sa paghihintay, tanong ko lang… Kung mahal mo ako, bakit hindi mo ako naramdaman? Tahimik pa rin kaming nakaupo ni Sanjoe sa labas ng ospital. Pareho kaming pagod. Parehong walang maibuga. Pero kahit gano’n, hindi niya ako iniwan. Wala siyang masyadong sinasabi, pero naroon lang siya—kasing tahimik pero kasing tibay ng batong sinasandalan ko. Habang nagkakape kami, biglang may sumigaw mula sa loob. “NURSE! CODE BLUE! ROOM 304!” Mabilis ang kilos ng mga nurse. Tumakbo ang doktor, sunod-sunod ang utos, may dumating na emergency cart, may defibrillator. Room 304… dun naka-admit si Itay. Agad akong napatayo. “Hannah, sandali lang—” habol ni Sanjoe. Pero hindi ko na siya narinig. Tumakbo ako papasok, kinakalampag ang mga mata ko sa luha, at ang puso ko, parang lalabas sa dibdib. Hindi ako pinapasok ng mga nurse, pero kita ko mula sa maliit na salamin sa pintuan—nakahandusay si Itay sa kama, pinapaligiran ng mga doktor. Hindi. Hindi ito puwede. Itay, hindi pa oras… “Charge to 300… Clear!” Tumalon ang katawan ni Itay sa lakas ng kuryente. Pero wala. Tuwid pa rin ang linya sa monitor. “Again. Clear!” Isa pa. Wala pa rin. Diyos ko po, maawa po kayo. ‘Wag po muna… ‘Wag po muna siyang kunin… Tumigil ang lahat nang biglang binitawan ng doktor ang defibrillator. “Tama na. Time of death… 10:37 PM.” Para akong pinukpok sa ulo. Hindi ko na narinig ‘yung sumunod na sinabi ng doktor. Hindi ko na naramdaman ang paligid. Parang bigla akong nahulog sa napakadilim na balon. Hindi ako makahinga. Hindi ako makakilos. Pumasok si Sanjoe at agad akong niyakap. Pero hindi ko na alam kung umiiyak ba ako o sumisigaw. Basta ang alam ko lang—wala na si Itay. Wala na ‘yung tinig na palaging nagtatanong kung kumain na ako. Wala na ‘yung mga kwento niya tuwing gabi. Wala na ‘yung lakas na pinagkukunan ko tuwing wala si Xandro. “Diyos ko…” bulong ko. “Kapalit ba to ng kasiyahang naramdaman ko noon? ‘Yung mga araw na masaya ako, na in love ako, na umasa ako?” Hindi pa rin gumigising si Inay. Nasa ICU pa rin siya. At ngayon, wala na si Itay. Pinagsakluban ako ng langit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD