Episode 8

973 Words
Mula nang sumama si Xandro kay Don Jose papuntang Maynila, halos araw-araw ay nagpaparamdam siya. Minsan text, minsan tawag kahit ilang minuto. At tuwing weekend, pinipilit pa rin niyang bumalik dito, kahit sandali lang. Minsan nga, kahit disoras ng gabi na siya dumating, okay lang sa kanya basta lang makita ako. “Miss na miss na kita, babe,” madalas niyang bungad tuwing tumatawag. Napapangiti rin ako, pero sa likod ng mga titig at ngiti namin, alam kong hindi ito magtatagal. Totoo nga—nagsimula sa araw-araw na pag-uusap, naging tatlong beses sa isang linggo, hanggang sa minsan ay isang linggo na lang. Hanggang sa dumaan na ang mga linggo, naging buwan. At bigla na lang, tila nawala na si Xandro sa aking mundo. Wala na akong natanggap na text, wala na ring tawag. Naisip ko, baka masyado siyang abala sa Maynila. Baka mahirap lang talaga ang sitwasyon. Naiintindihan ko naman. Pero hindi ibig sabihin no’n, hindi ako nasasaktan. Ang mas mabigat? Wala naman kaming label. Wala akong karapatang magreklamo. Hindi ko nga siya sinagot, diba? Pero… siya lang naman ‘yung lalaking pinayagan kong pumasok sa puso ko nang walang kakatok-katok. Isang umaga, habang nag-aalmusal kami, tahimik lang ako. Napansin iyon ni Itay. “Anak,” sabi niya. “Wala ka na namang gana. May sakit ka ba?” Umiling lang ako at pilit na ngumiti. “Wala po, Itay. Okay lang ako.” Tahimik lang siyang tumango at maya-maya, inilabas niya mula sa kahon ang isang bagay na bumago sa buong araw ko. “Para sa’yo ‘to,” aniya habang iniabot ang isang kahon. Pagkabukas ko—isang smartphone. “Ha? Para sa’kin po talaga ‘to?” “Oo, ‘nak. Matagal na naming plano ni Inay. Gamitin mo ‘yan para makakonekta ka sa mga kaibigan mo, at… baka sakaling makatulong sa’yo kapag gusto mong kausapin si Xandro.” Sabay silang ngumiti ni Inay, at kahit may bahid ng lungkot ang puso ko, pinilit kong ngumiti rin. Habang nagpapahinga ako sa kwarto, in-setup ko agad ang bagong phone. Sinubukan kong hanapin ang account ni Xandro. Wala naman akong intensyon manilip, gusto ko lang malaman kung okay siya. Gusto ko rin malaman ang lagay ni Don Jose. Matagal-tagal na rin simula nung huli kaming nagkausap. At doon ko siya nakita. Ang mukha niyang pamilyar, pero parang mas iba na. Mas maraming post tungkol sa events sa Maynila. May mga pictures siya kasama ang ilang kakilala—business meetings, formal gatherings, kung anu-ano. Hanggang sa may isang litrato na talaga namang tumusok sa puso ko. Isang babae ang nag-tag sa kanya sa isang post. “Thank you for today, Xandro. Sa mga tawa, kwento, at katahimikan. I will always be at your back no matter what. ❤️ - Stell” Tumigil ang mundo ko. Si Stell. Kilala ko siya. Nakilala ko siya noon sa hacienda. Ex-girlfriend ni Xandro. Maganda, smart, sosyal—lahat na yata ng pwedeng i-compare, meron siya. At ngayon, tila ba bumalik siya sa buhay ni Xandro. Nandun sila sa isang coffee shop. Magkatabi. Magaan ang aura. Hindi ko alam kung ano ang mas masakit—‘yung makita silang magkasama o ‘yung salitang “I’ll always be at your back.” Bigla akong napaiyak. Hindi ko alam kung bakit ganito ang bigat. Hindi naman kami. Wala akong pinanghawakan kundi mga pangakong walang pirma, mga tawag na puro “babe” pero walang label. Pero ramdam ko. Ramdam kong may binibitawan siyang hindi niya sinasabi. At ngayon, parang siya na rin mismo ang humawak sa gunting at pumutol sa ugnayan naming dalawa. Gusto ko siyang tanungin. Gusto kong magalit. Pero pinigilan ko ang sarili ko. Bakit? Dahil hindi ko siya sinagot. Dahil wala akong karapatang hingin ang katotohanan kung hindi ko naman siya pinili ng buo. Isang umaga, habang nag-aayos ako ng halaman sa likod bahay, biglang tumunog ang phone ko. Incoming call: Xandro. Natigilan ako. Huminga nang malalim. Hindi ko alam kung sasagutin ko ba o hindi. Pero pinili kong sagutin. “Hello?” mahinang bati ko. “Babe…” mahina rin ang tinig niya. “Kamusta ka na?” “Okay lang,” sagot ko. “Ikaw?” “Pagod. Pero ayos lang. Kanina pa kita gustong tawagan… I’m sorry kung hindi ako nakapagparamdam ng ilang linggo.” “Busy ka, diba?” pilit kong ngiti kahit hindi niya kita. “Oo… sobra. Si Lolo, pabalik-balik sa ospital.” Hindi ko kayang aminin na nakita ko ang mga larawan. Ayokong ako ang maunang umusisa. Kung may dapat linawin si Xandro, siya ang dapat magsimula. Tahimik lang ako. Narinig ko ang buntong-hininga niya. “Babe… sorry kung parang wala na ako. Pero gusto kong malaman mo, iniisip pa rin kita. Gabi-gabi.” “Okay lang,” mahinang sagot ko. “Ang importante, okay kayo ni Don Jose.” “Babe…” Narinig ko sa tinig niya ang pag-aalinlangan. “Kung hinihintay mo akong bumalik, babalik ako.” “Naiintindihan ko,” sagot ko sa wakas. “Hindi ko rin naman hiningi ang lahat, Xandro. Ang hiningi ko lang, ‘yung totoo.” Tahimik muli. “Sana, kahit anong mangyari, maalala mong hindi kita pinagdamutan ng oras, ng tiwala.” “Alam ko. At hindi ko kakalimutan ‘yon, babe. You’re the kindest heart I’ve ever known.” Pagkababa ng tawag, doon lang ako tuluyang napaiyak. Hindi dahil sa galit. Kundi dahil sa hindi ko maipaliwanag. Hindi ko alam kung saan kami hahantong. Pero malinaw sa akin ngayon—ang pag-ibig, hindi sapat ang titig, hindi sapat ang tawag. Kailangan nitong alaga, oras, at paninindigan. Lumipas ang mga araw. Tahimik lang ang paligid, pero ang puso ko, unti-unti ko na ring natutunang tanggapin ang nangyari. Ginugol ko ang oras sa pamilya, sa pagtulong sa mga gawain, at paminsan-minsan, sa pagsusulat ng mga hindi ko masabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD