Pinagpasa-Diyos ko na lang ang mangyayari sa akin ngayong bumukas na ang automatic gate sa mansyon ng Contessa. Sa wakas ay nakabalik na ako kahit na inabutan na ako ng tanghali, basta ang mahalaga sa isip ko ay nakauwi na ako sa wakas.
Hindi ko na ipinarada nang maayos ang sasakyan dahil bumaba na ako agad nang makapasok ako sa gate.
“S-Sh*t talaga!” napamura ako saka lakad-takbo na pumasok sa bahay. Hindi ko ininda ang sakit ng katawan ko para lang magmadaling tumakbo.
Kaya pala kanina na hindi pa ako nakakapasok sa gate ay pakiramdam ko ang tahimik ng buong lugar o baka dahil natatakot na naman ako dahil alam kong may kasalanan ako.
Nanlamig ang palad ko sa pag-iisip na ni-report nga ako ni Mom na missing person. Paano ba naman ay ilang police car saka motorsiklo ang nakaparada ngayon dito sa loob ng gate.
Kahit ilang taon pa siguro ang ilaan ko para masanay sa buhay na ganito ay hindi talaga ako masasanay. Siguro tama ang usap-usapan na pinaampon kami ng kapatid ko sa bahay-ampunan noong maliit pa kami dahil sa salat sa pera ang mga magulang namin. At ngayong matagal na akong inampon nila Mom ay hindi pa rin ako sanay sa ganitong uri ng pamumuhay.
Hindi ko kasi ma-gets bakit may mga pulis agad, sa gayong wala pa ngang bente-kuwatro oras nang mawala ako sa piling nila. Isa pa, tumawag ako sa kanila kagabi saka nagsabi ako kung nasaan ako.
Himalang nawala tuloy bigla ang sakit-sakit ko sa katawan pati na sa ulo ko. Tumaas ba naman ang adrenaline ko sa sobrang pag-aalala na baka naipabalita na sa buong lugar na nawawala ako o ‘di kaya ay napaskil na ang mukha ko sa bawat kanto.
“Kainis, letche!” inis kong sambit habang tumatakbo nang mabilis.
Buong lakas kong tinulak ang malaking pinto sa mansyon ngunit bago pa ako makapasok ay natigilan ako. Pero hindi lang ako ang napatigil kundi pati na rin sila Mom saka Dad at ang hindi lalagpas sa sampu ngunit hindi rin bababa sa limang mga police officer.
Pare-pareho kaming natigilan. Natuliro ako dahil sa bumulaga silang lahat bigla na para bang ako na lang ang hinihintay sa pagdiriwang.
“Don Faustino, mukhang tapos na agad ang trabaho namin dito,” sambit ng police officer kay Dad.
Naiwan ang tingin ko kanila Dad saka sa officer habang si Mom ay mabilis na lumapit sa akin at hinagkan ako. Niyakap niya ako na para bang ilang buwan akong nawala kahit na kagabi lang nang huli kaming mag-usap.
“Anak, saan ka ba nagpunta?!” naiiyak na tanong ni Mom habang nakayakap pa rin. “Pinag-alala mo kami lahat. Hindi ka nagsabi kung saan ka pupunta.”
Nalilito akong tiningnan siya. “What? Nagsabi po ako sa inyo kagabi nang tumawag ako, Mom.”
Huwag nilang sabihin na baka panaginip ko na tumawag ako sa kanila? Tinawagan ko pa nga siya pero hindi siya sumagot. Wala tuloy akong choice kundi si Dad ang tawagan kahit na siya ang dahilan bakit ako nagpalamig ng ulo saka napadpad sa bar na ‘yon.
“Yes, I know. Basta ang mahalaga ngayon ay nandito ka na at walang nangyaring masama sa’yo, Misha.”
Hinawakan ko ang palad ni Mom na nasa mukha ko. Hilig niyang haplusin ang magkabila kong pisngi sa tuwing matatapos siyang mayakap ako.
Sweet at affectionate person si Mom habang malayong-malayo naman ang ugali ni Dad sa kaniya. Kaya ewan ko ba paano sila nagkakasundo dalawa pero siguro gano’n talaga kapag mahal mo.
Hindi tulad ng ibang magulang ng mga kakilala ko noon sina Mom at Dad. Ramdam ko na mahal nila ang isa’t isa at may punto si Dad na ako lang ang rason kung bakit minsan ay nag-aaway sila.
Iba kasi ang pamamaraan ng parenting nila. Gentle parenting si Mom habang si Dad ay hindi at gusto niyang masunod palagi. Kung kaya kong i-please si Mom ay mas malabo pa sa hangad kong kasiyahan at kalayaan na ma-please ko si Dad. At tulad ng sabi niya ay tanging ako lang ang rebelde sa pamilya namin.
So I guess no one’s perfect. Mayaman na sila at nasa kanila ng mag-asawa ang lahat ngunit hindi naman naisalba ng kayamanan nila ang buhay ng kanilang anak.
“Bakit naman ni-report n’yo po akong missing?” nagtataka kong tanong kanila Mom. “Possible ba ‘yon? Wala pa namang 24 hours nang mawala ako, Mom.”
Hindi ako makapaniwala sa ginawa niyang pag-report. Ako na naman for sure ang bunot na topic sa susunod na family reunion nila. Lahat ng kamalian ko kasi ay nakakarating sa kamag-anak nila dahil malawak ang koneksyon ng angkan nila.
Ako na naman ang sampol para hindi matulad ang mga anak ng kamag-anak nina Mom at Dad sa oras na malaman nilang pina-deport ako ni Dad pabalik dito at ni-report naman ako ni Mom na missing ngayon.
Pero siguro gano’n nga, ang mga maling nagawa lang ang binibigyan ng pansin ng ibang tao habang kapag maganda ang nagawa ay dedma lang.
“Hindi ang Mom mo ang nag-report,” sabat ni Dad na ipinagtaka ko lalo. “Ako ang nagpatawag kanila Officer Delgado.”
“Bakit? Tumawag naman ako sa inyo ni Mom kagabi, hindi po ba? Nagsabi ako kung nasaan ako kaya hindi kailangan na tumawag pa ng pulis.”
“Nagsabi ka nga kung nasaan ka pero hindi ka nakita ni Manong Pablo sa bar na pinuntahan mo,” saad ni Mom.
Natuliro ako nang bahagya, hindi dahil sa susunduin ako ng driver ni Dad, kundi natigilan ako para mag-isip kung bakit hindi ako nakita ni Manong Pablo.
Hindi niya talaga ako makikita dahil sa pumasok lang naman ako sa room ng lalaking hindi ko kilala. Kahit nilibot niya pa ang bar kagabi ay malabo niya akong makikita lalo na nasa VIP room ako no’n.
“Matagal ka niyang hinanap sa lugar na ‘yon. Tinanong niya pa ang bartender na nakausap mo at hiniraman mo ng phone kagabi. At guess what kung anong sinabi nito? Binalik mo sa kaniya ang hiniram mong phone saka sumunod ka sa lalaking sumundo sa’yo.”
Pasimple akong lumunok sa takot na higit pa ro’n ang nalaman nito. “Lalaki? Wala po akong lalaking sinundan.”
“Gusto mo bang papuntahin ko ngayon si Manong Pablo para kumpirmahin kung sino ang sinungaling sa inyo?” matalas ang boses na tanong niya.
“Ano ba ‘yan, honey,” suway ni Mom at nagpaumanhin sa mga police officer na pinapalibutan kami.
Pero isang senyas lang mula sa police officer na tinawag ni Dad na Officer Delgado ay nagsialisan na agad ang ilan pa nitong kasama. Lumakad na sila palabas ng bahay saka naghintay sa kani-kanilang sasakyan.
Binalik ko ang tingin kanila Mom at Dad pati na kay Officer Delgado. Apat na lang kaming nandito na nakatayo sa loob ng bahay at malapit sa pinto.
“Hindi mo pa sinasagot ang tanong, Misha,” paalala ni Dad. “Sinong lalaki ang sinundan mo?”
“Wala po akong sinundan,” pagsisinungaling ko. Hindi ito ang unang beses na nagsinungaling ako sa kanila kaya minsan parang normal na rin kapag may inililihim ako. Pero hindi lang naman ako nagsasabi ng totoo para sa kapakanan ko.
Ano na lang ang mangyayari sa akin sa oras na malaman nilang nakipag-one-night stand ako kung kanino? Hindi lang kahihiyan ko ito kundi pati na ng buong pamilya. Mata ko lang ang walang latay kapag nabunyag ‘yon at maging dahilan ng pagkasira ng reputasyon namin.
“Liar. I hate liars.” Hindi ako kumurap nang sabihin ‘yon ni Dad sa harap ko. Mali pala ako kagabi na inakala kong pinapasundan niya ako. Inakala ko kasi na pinasunod niya rin sa amin si Professor Ian para sundan ako.
Mukhang lahat ng nangyari kagabi ay dahil lang sa nami-miss ko siya. Ganito pala ang pakiramdam na ma-heartbroken sa taong hindi naman naging kayo.
“But I’m telling the truth, wala akong lalaking sinundan,” mariin kong ani. “Kung hindi kayo maniniwala, hindi ko na po siguro problema ‘yon.”
“No, hija. Problema mo rin ‘yon. Kung nagsasabi ka lang ng totoo ay hindi mo nasira ang tiwala namin sa’yo, sana ay naniniwala kami sa anumang sasabihin mo.”
“Faustino, pwede ba na tumigil ka sa tamang hinala mo?” giit ni Mom na nasa tabi ko. “Sinabi niya na ngang wala siyang sinundan. Tingnan mo, okay naman ang anak natin.”
Bahagya akong tumango. Alam kong pinagtatanggol lang ako ni Mom dahil sa may ibang taong nakikinig at hindi gaano kaseryoso ang nangyayari. Pero kung seryoso ang nangyayari ngayon tulad kahapon nang makauwi ako ay hindi aapila si Mom at iko-comfort niya lang akong magiging okay din ang lahat.
I’m so done with her words of wisdom, and even worse, with my dad’s strict rules. Hindi ba pwedeng magkaroon ako ng panahon na hindi ako inoobligang makinig at sundin sila?