“A-Anong ginagawa mo dito? Nasaan si Luke?”
“Wala si kuya. Hindi na niya nabasa ang sulat mo dahil nagmamadali siya. Nakipag-date. Sa akin na lang ibinigay ni Nana Bertha ang sulat para ibigay kay kuya. Nakibasa na rin ako, pasensiya na. Naisip ko na baka importante kaya ako na lang ang pumunta. Ayoko namang maghintay ka sa wala.” Hinaplos nito ang pisngi niya. “Tingnan mo nga naman ang pagkakataon. Mapipikot pala ako nang wala sa oras.”
Tinabig niya ang kamay nito. “This is not true!”
Kanina lang ay masayang-masaya siya habang hinahabi ang mga pangarap para sa kanila ni Luke. Tuwang-tuwa siya dahil hinalikan siya nito. Pero hindi niya sukat akalaing mali pala siya ng lalaking nahalikan. Hindi isang prinsipe ang kanyang nahalikan kundi isang halimaw.
“Ano ang hindi totoo?” tanong nito.
Umiling siya. “Hindi ikaw ang pakakasalan ko!”
“Pero ako ang hinalikan mo. Pinilit mo akong mangakong pakasalan ka. Kaya ako ang makakasama mo habambuhay,” nagmamalaking sabi nito.
Galit niyang hinatak ang T-shirt nito at inilapit ang mukha sa mukha nito. “No! Hindi mangyayari iyan dahil ayoko sa iyo. Bawiin mo ang halik mo sa akin.”
Dapat ay si Luke ang humalik sa kanya at hindi ito. Dahil anumang magandang panaginip ay nagiging bangungot kapag kasama si Brant. Katulad na lang ng fairy tale niya na naging horror at tragedy dahil dito.
Pinigil nito ang kamay niyang nakahawak sa T-shirt. “Teka nga. Ikaw ang basta-basta na lang humalik sa akin at hindi ako. Bakit ako ang sinisisi mo?”
“Dahil kasalanan mo ang lahat! Pakialamero ka! Sana si Luke ang nahalikan ko kung hindi ka pakialamero. Akala mo napakagaling mo.”
Ngumiti ito na parang nang-iinis. Pero nananatili pa rin itong guwapo kahit pinakukulo nito ang kanyang dugo. “Dapat nga magpasalamat ka sa akin dahil marunong akong humalik. Si kuya wala pang alam sa panliligaw iyon. Saka hindi ko na mababawi ang halik ko sa iyo. Gusto mo makiusap ka sa puno o kaya sa buwan para bawiin nila ang bisa ng sumpa ng pag-iibigan natin.”
Binitawan niya ang T-shirt nito. “Anong sumpa ng pag-iibigan? Stop sounding as if it was a vow of love. It’s a curse! A hex!”
Ikinulong nito ang pisngi niya sa mga palad nito at tinitigan siya. His eyes were so tender that made her knees weak. “It’s destiny, Bianca. Ako talaga ang lalaking para sa iyo. Hindi mo ba naiisip na napaka-swerte mo sa akin?”
Hinawi niya ang kamay nito. “Malas ako sa iyo. Malas!”
Pumalatak ito nang sunud-sunod. “Ano kaya ang sasabihin nila Tito Armando at Tita Lily oras na malaman ito? I’m sure they’ll be thrilled to know that I am their future son-in-law. They’ll welcome me in your family with open arms.”
Muli niyang hinatak ang T-shirt nito at pinanlakihan ng mata. “Hindi mo ako isusumbong sa kanila. Dahil mas nanaisin kong malasin sa buong buhay ko kaysa malaman ito ng iba.”
Walang problema sa mga magulang niya dahil sinuman sa mga Lianzares ay gusto ng mga ito. Pero si Luke lang ang gusto niya. Hindi na niya hahayaan pang makarating sa sinuman ang tungkol sa katangahan niyang ito.
“Sa tingin mo kaya mo akong pigilan? Ano ang magagawa mo kung gusto kong sabihin sa buong mundo na tayo ang bagong katuparan ng pag-iibigan sa ilalim ng punong ito. Don’t you find it romantic?”
“I don’t. Dahil oras na lumabas ito sa iba, titiyakin kong patatahimikin kita habambuhay. I’ll make sure you’ll find yourself six feet below the ground.”
Ngumisi ito. Hindi man lang natakot sa pagbabanta niya. “Mabibiyuda ka agad.”
Ngumisi rin siya at itinulak ito palayo. “Iyon nga mismo ang gusto kong mangyari. Para mawala ka na sa buhay ko. Bakulaw!”
Dali-dali siyang lumayo. Sana ay isa lang masamang panaginip ang lahat. Hindi siya hinalikan ni Brant sa ilalim ng Tree of Love. Hindi ito nangako na siya ang pakakasalan sa kanilang paglaki. Hindi iyon magkakatotoo kahit kailan.
NAMAMAGA sa kaiiyak ang mga mata ni Bianca nang dumating sa classroom kinabukasan. Ayaw niyang makita ang buong mundo. Kung maari lang ay maglaho na siyang parang bula ngayon pa lang. Tutal hindi niya ma-imagine ang future niyang ang kasama ay ang mapang-asar na si Brant.
Ngunit hindi siya maaring maglahong parang bula. Kailangan pa rin niyang harapin ang mundo. Hangga’t walang nakakaalam na hinalikan siya ni Brant sa Tree of Love kagabi, kaya pa niyang mabuhay nang matiwasay. At si Brant?
Bumuntong-hininga siya. Hindi pa rin niya alam ang gagawin dito.
Kung bakit napaka-pakialamero nito. Walang ethics dahil nakibasa sa sulat ng iba nang walang paalam. Concerned pa raw kunyari. Sinira lang nito ang gabi niya.
Kung hindi man nakarating si Luke sa usapan nila, sana ay ipinagpaliban na lang nila ang kanilang pagkikita hanggang sa susunod na full moon.
Alangan namang magpahalik pa ulit siya kay Luke. Hindi yata pwedeng dumoble nang magkaiba ang hinalikan. Baka sa halip na mawalan ng bisa ang halik sa kanya ni Brant, lalo pa siyang malasin dahil baka akalain ng engkantada ng pag-ibig ay isa siyang salawahan. Kung sinu-sino ang hinahalikan niya.
“Bianca, mabuti at dumating ka,” salubong ng kaklase niyang si Bernadeth. “May nagpadala ng bulaklak sa iyo.”
“Bulaklak ng patay?” iritado niyang sabi. “Wala akong oras sa ganitong klaseng joke. Mainit ang ulo ko.”
“Mawawala ang init ng ulo mo kapag nakita mo ang mga roses. Halika!”
Hinila nito ang kamay niya papasok sa classroom. Doon ay nakita niya ang mga kababaihan na nagkukulumpunan sa desk niya. Ganoon naman lagi ang eksena kapag may nakakatanggap ng bulaklak sa mga kaklase niya.
“Nandito na si Bianca. Tumabi na kayo diyan,” utos ni Bernadette.
Nahawing parang Red Sea ang mga kaklase niya at tumambad ang kulumpon ng pink na rosas na nakalagay sa maliit na basket. Nawala ang init ng ulo niya nang kumuha siya ng isa at amuyin iyon. Ngayon lang siya nakatanggap ng bulaklak.
“Kanino galing?” tanong ni Bernadette.
“Ewan ko,” aniya habang hinahanap ang card. Ngunit wala naman siyang nakita. Sino ang nagpadala ng bulaklak sa kanya?
“Pamilyar sa akin ang ganyang bulaklak,” sabi ni Jocelyn. “Nakita ko iyan sa farm ng mga Lianzares. Si Mrs. Lianzares lang ang nakitaan ko ng ganyang breed ng roses. Baka galing sa isa sa mga anak niya.”
“Si Luke!” bulalas niya.
Sa pagtataka niya ay nakahinga nang maluwag ang mga babaeng nasa paligid niya. “Akala namin si Brant na ang nagpadala,” sabi ni Bernadette.
Halos lahat ng babae sa campus nila ay may gusto kay Brant. Siya lang yata ang hindi tinatablan ng kamandag nito. Ayaw na niyang isiping nahalikan siya nito kagabi at ito ang lalaking pakakasalan niya. Nagawa na iyong burahin ng mga bulaklak na padala ni Luke.
“Naku, sa inyo na ang Brant Bakulaw na iyon,” sabi niya at ibinalik ang rosas sa basket. “Kung magagawa ninyong ilayo si Brant sa akin, mas maganda.”
PARANG nakalutang sa alapaap si Bianca nang matapos ang klase nila. Pakiramdam niya ay puro bulaklak sa paligid niya. Ang basket ng rosas na padala ni Luke ang kumumpleto sa araw niya.
“Nakakainggit ka naman,” sabi ni Jocelyn na kanina pa nanghihingi ng kahit isang tangkay ng rosas sa kanya. “Mabuti pa sa iyo may nagpadala na ng bulaklak. May nagmamahal.”
“Samantalang kami ni hindi pinapansin ni Brant,” dagdag ni Bernadette. “Puro campus beauties ang nililigawan niya.”
“Huwag na ninyong banggitin si Brant at nang hindi na masira ang araw ko.”
Natigilan siya paglabas nang makitang nakasandal si Brant sa labas ng classroom nila. Kaya ang masayang araw niya kanina ay nasira.
“Hi, girls!” nakangiting bati nito.
“Hi, Brant!” chorus na sagot ng mga kasama niyang babae. Lahat ay parang hihimatayin sa kilig dahil lang sa ngiti nito.
“Anong ginagawa mo dito?” mataray niyang tanong.
“If you’ll excuse us, girls,” sabi nito at inalalayan siya sa braso. “May pag-uusapan lang kaming importante ni Bianca.”
Puno ng panghihinayang na iniwan sila ng mga kaklase niya. Nagpatangay siya kay Brant nang akayin siya nito sa dulo ng corridor kung saan walang nagdaraang mga estudyante. Nasa dulo ng second floor ang classroom niya.
Nang wala nang ibang tao ay ipiniksi niya ang brasong hawak nito. “Ano na namang kalokohan ang pag-uusapan natin, Brant?” tanong niya.
Tumingin ito sa basket na hawak niya at ngumiti. “Mabuti naman at nagustuhan mo ang mga bulaklak na padala ko.”
Napaawang ang mga labi niya. “Sa iyo galing ito?”
“Oo. Hiningi ko kay Mommy dahil hindi ko siya pwedeng basta-basta dugasin. Masyado kasing marami.”
Ugali ni Brant na magnakaw ng bulaklak mula sa garden ng Mommy nito kapag may nililigawan. At ni minsan ay hindi ito nagpaalam. Isang himala na humingi ito ng permiso ngayon.
Muli niyang natitigan ang mga bulaklak. “T-Talaga bang ikaw ang nagpadala nito?” mahina niyang sabi dahil parang unti-unting nawawala ang kanyang lakas.
“Oo. Masyado siyang marami kaya ipinagpaalam ko na lang. Nang malaman niyang sa iyo ko ibibigay, siya pa mismo ang namitas. Sabi niya okay lang daw kung ikaw ang girlfriend ko dahil…”
Marahas siyang napatingin dito. “Anong sinabi mo kay Tita Judith? Sinabi mo ba ang nangyari kagabi?”
Itinaas nito ang dalawang kamay. “Hey, wala akong sinabi sa kanya. She just assumed na girlfriend na kita at…”
Sumabog siya sa inis at idinukdok ang basket ng bulaklak sa dibdib nito. “Pwes, bawiin mo ang assumption ni Tita Judith tungkol sa atin. Hindi mo ako girlfriend at hinding-hindi iyon mangyayari. Not in a million years.”
Tinalikuran niya ito at daig pa ang hinahabol ng sampung demonyo kung maglakad. Bakit kasi kailangan pa siya nitong bigyan ng bulaklak? At ipinangalandakan pa sa Mama nito na sa kanya ibinigay. Ano ba ang gustong palabasin nito?
“Bianca, wait! Hindi pa tayo tapos mag-usap!” narinig niyang sigaw nito habang habol-habol siya.
“Wala tayong dapat pag-usapan!” sigaw rin niya. “Leave me alone.”
Mangiyak-ngiyak siya nang makarating sa gate. Wala pa ang sundo niya.
Gusto na niyang makaalis. Hindi pa rin siya komportable kahit na hindi na siya sinundan pa ni Brant. Kapag ito ang umentra sa eksena, laging nasisira ang lahat ng maganda sa paligid. Dinis-ilusyon pa siya nito sa mga bulaklak na akala niya ay mula kay Luke.
“Miss, ikaw ba si Bianca?” tanong ng isang babaeng mula sa Senior year. Ito ang muse sa klase nila Brant.
Pilit siyang ngumiti. “Yes. Bakit?”
Dinuro siya nito. “Ikaw! Ikaw ang may kasalanan kung bakit nakipag-break sa akin si Brant,” galit na galit na sabi nito.
Napaurong siya sa labis na pagkabigla. Sa itsura ng babae ay gusto nitong sabunutan siya hanggang malagas ang lahat ng buhok niya.
“Miss, hindi ko alam ang sinasabi mo.”
Patuloy ito sa paglakad palapit sa kanya. “Nakipag-break siya sa akin kaninang umaga. Sinabi niyang dahil sa iyo. Ano ang ginawa mong panggagayuma kay Brant para iwan niya ako?”
Hindi siya makapagsalita sa sobrang takot. Palinga-linga siya sa gate at nagdarasal na sana ay dumating na ang sundo niya. Gusto na niyang makalayo kay Brant at sa warfreak nitong girlfriend na kung anu-ano ang ibinibintang sa kanya.
“Kung si Brant lang ang problema mo, sa iyo na siya. Wala naman akong pakialam sa kumag na iyon kahit itali mo pa siya sa baywang mo.”
Hindi humupa ang galit sa mga mata nito. “Akala mo ganoon kadali ang lahat?” Itinulak nito ang balikat niya. “Ayaw na niya sa akin. Kahit anong gawin ko.”
Kapag nabuhay pa siya sa kuko ng babaeng ito, si Brant naman ang sasakalin niya. Para mawala na ang lahat ng kamalasan niya.
“Si Brant naman pala ang problema mo, bakit ako ang inaaway mo? Kayo ang mag-usap. Wala naman akong pakialam sa inyong dalawa.”
Lalong naglatang ang galit sa mukha nito. “At sumasagot ka pa!”
“Elise, anong ginagawa mo kay Bianca?” galit na sabi ni Brant nang pumagitna sa kanila.
Lumambot ang anyo ni Elise. “Brant, siya ba talaga ang ipinalit mo sa akin?” mangiyak-ngiyak na tanong nito.
“Elise, napag-usapan na natin ito. Akala ko malinaw na sa iyo ang lahat. Ayoko nang guguluhin mo si Bianca. Kung may problema ka sa akin, ako ang harapin mo.”
Hinila siya ni Brant patungo sa nakaparadang kotse nito. Hanggang ngayon ay shock pa rin siya dahil sa panunugod ni Elise.
Napalunok siya at hinawakan ang kanyang lalamunan. Talaga bang may mga babaeng handang makipag-away para lang sa mga lalaki?
Nang ilagak siya ni Brant sa loob ng sasakyan ay hindi niya magawang tumutol. Mukhang wala siyang sundo at wala siyang choice kundi makisabay dito. Nginitian siya ng driver nitong si Mang Inggo. Mukhang hindi ito nagulat na naroon siya.
“Are you okay?” nag-aalalang tanong ni Brant nang tabihan siya nito.
Napakurap siya nang ilang beses habang nakatitig dito. For a moment, he looked like a knight in shining armor. Ipinagtanggol siya nito kay Elise.
“I’m okay. Thank you,” usal niya. Nang bumalik ang pagdaloy ng dugo sa mga ugat niya ay natauhan siya. Bumalik ang inis niya dito. “Teka, bakit nga pala ako nagpapasalamat sa iyo? Kasalanan mo naman lahat ng kamalasan ko sa araw na ito.”
Ngumisi ito. “Si Elise ba?”
“Oo. Ako ang sinisisi niya kung bakit kayo nag-break. Ano na naman ang gusto mong palabasin at pati ako ay isinasangkalan mo sa kalokohan mo?”
“Hindi ka ba natutuwa at wala ka nang makakaribal sa akin? Mabuti nga at tinanggap ko nang maluwag sa loob na ikaw ang babaeng pakakasalan ko.”
Napapikit siya nang mariin. “Huwag mong ipaalala sa akin iyan. Utang na loob.”
“Bianca, wala akong kasalanan sa nangyari kanina. Ikaw ang may kasalanan dahil basta ka na lang umalis samantalang hindi pa tayo tapos mag-usap.”
“Ah, at kasalanan ko pa ang lahat ngayon?” Humalukipkip siya. “Ang lakas naman ng loob mong sisihin ako samantalang ikaw ang nagdadala ng malas sa akin.”
“Dahil hindi ka nakinig sa akin kanina, hindi ko nasabi na tumawag ako kay Tita Lily kanina. Sinabing ako ang maghahatid sa iyo. Kaya wala kang sundo. Pangalawa, kung hindi mo ako iniwan, hindi magkakaroon ng pagkakataon si Elise na sugurin ka dahil kasama mo ako. Ngayon, nakita mo na ang idinulot ng kaiiwas mo sa akin?”
Kasalanan ba niya kung gusto niyang umiwas sa taong nagdudulot ng malas sa kanya? Puro na lang g**o ang dala nito sa kanya. Ngayon ay siya pa ang sinisisi nito.
“Ano naman ang sinabi mo kay Mommy para mapapayag ka na ikaw ang sumundo sa akin?”
Ngumiti ito nang may halong misteryo. “Sinabi kong may importante tayong sasabihin sa kanila.”
“Tayo? Anong tayo?” Itinuro niya ito at ang sarili. “Wala naman tayong dapat sabihin sa kanila.”
“Of course, there is. Siguro naman dapat na nilang malaman na ako ang future son-in-law nila.”
“Sasabihin natin ang nangyari kagabi?” namumula niyang sabi. Umiling siya. “Hindi. Hindi mo pwedeng sabihin sa kanila.”
Oras na may makaalam na iba, katapusan na ng mundo niya.
“Ano ba kasi ang nangyari kagabi?” usisa ni Mang Inggo na may halong malisya.
“Mang Inggo, malalaman rin po ninyo pagkatapos kong sabihin sa mga magulang ni Bianca,” nakangiting sabi ni Brant.
“Naku, napakabata pa ninyo kung anu-ano na ang nalalaman ninyo.”
“Wala po kaming ginawang masama!” kontra niya sa iniisip ng driver. Akala yata ay may ginawa silang kababalaghan ni Brant.
“Kung wala naman palang masama, bakit ayaw ninyong ipagtapat?”
“Dahil hindi naman po importante ang sasabihin ni Brant,” katwiran niya.
“Anong hindi importante?” Hinawakan nito ang dalawa niyang kamay at mataman siyang tinitigan. “Dito nakasalalay ang kinabukasan natin.”
Ipinilig niya ang ulo dahil naaakit siya sa nangungusap nitong mga mata. Hindi siya sanay nang tinititigan sa ganoong paraan.
Iwinaksi niya ang kamay nito. “Magkalinawan tayo, Brant. Wala kang sasabihin sa pamilya ko dahil isang malaking kalokohan iyon.”
“Gusto mo bang iharap ko ang mga magulang ko para lang tiyakin sa iyo na hindi kita lolokohin?”
“Pwede, huwag mong idamay ang pami-pamilya natin? Tapusin natin ito nang hindi lumalabas sa iba. Sa ating dalawa na lang. Imposibleng mangyari ang future na sinasabi mo dahil ayoko sa iyo.”
Napawi ang ngiti sa labi nito. “Anong ayaw mo sa akin?”
Tinitigan niya ito. “Ikaw mismo! Gusto ko nang ibalik sa normal ang buhay ko.” Binalingan niya ang driver. “Mang Inggo, pakibaba na lang po ako sa tabi.”
“Nasa gate pa lang tayo ng hacienda ninyo, bababa ka na agad? Akala ko ba hanggang sa loob ka pa namin ihahatid?”
“Hindi na po. Nagkaliwanagan na kami ni Brant.”
Tumingin si Mang Inggo sa rearview mirror at tinanguan ito ni Brant. Itinabi nito ang sasakyan sa gilid ng daan.
“Salamat na lang sa paghahatid mo sa akin. Ako na ang bahalang magpaliwanag kay Mommy,” sabi niya nang buksan ang pinto ng kotse.
Nagkibit-balikat ito. “Kahit anong gawin mong iwas, wala kang magagawa. Hindi pa raw nababali ang alamat tungkol sa punong iyon. At hindi iyon masisira sa atin.”
Humigpit ang hawak niya sa handle ng pinto at napatitig sa determinadong anyo nito. Is she really fighting the inevitable? Na maaring dumating ang panahon na ito pa rin ang pakasalan niya kahit anong iwas pa ang gawin niya.
“Akala ko ba aalis ka na?” nagtatakang tanong nito.
“Iyong bulaklak,” tukoy niya sa basket ng rosas na nasa tabi nito. “Hindi ba bigay mo iyan sa akin?”
Parang wala ito sa sarili nang iabot sa kanya ang basket. Maya-maya ay sumilay ang ngiti sa mga labi nito.
“Anong nginingiti-ngiti mo diyan?” asik niya.
“Nothing. I’ll just wait for the day that you’ll be my bride. Gusto ko ganyang roses din ang magiging bouquet mo.”
Tinapik niya ito sa pisngi. “Ito rin ang gusto kong bouquet pero sana hindi ikaw ang groom ko,” sarkastiko niyang sabi.
“Ngayon mo lang sinasabi iyan. Babawiin mo lahat ng iyan kapag na-in love ka sa akin. I swear Bianca. I’ll make you fall for me.”