“TITA Yella namin! Ba-bye!” paalam ng mga makukulit. Naroon si Yella at kumakaway sa kanila. Pinapanood sila na papasakay na sa van ng kapatid niya. Ngayong araw kasi ay uuwi na sila sa kanila. “Wala nang makukulit sa bahay,” saad ng kaniyang ina na katabi niya lamang. “Tama po kayo.” “Hintayin mo kami sa Pasko!” sabi ng isa niyang pamangkin. Tumango naman si Yella at patuloy lang sa pagkaway hanggang sa makaalis na sila. Pagkatapos nilang umalis ay tumingin siya sa suot niyang relo. “Mama, baka gabihin po ako mamaya.” “Bakit naman?” tanong ng ina niya. “Eh, kasi po…” Ayaw niyang sabihin ang kaniyang binabalak kaya wala siyang ibang magagawa kundi ang magsinungaling na muna. “Marami p-po akong aaralin ngayon.” “Ganoon ba? Sige lang, basta huwag ka masyadong magpapagabi, ha?”

