CHAPTER 9

1764 Words
Drei's Point of View Pinagbawalan man ako ni Papa ay hindi ko siya magawang sundin na hindi imbestigahan ang pagkamatay ni Tinay, ang batang sinagip ko sa kidnaper noong unang dating ko sa San Joaquin. Hindi ko makalimutan ang masayin at inosenteng mukha ng kaawa-awang bata. Papadilim na nang maisipan kong dumiretso kina Tinay para puntahan ang bahay ng kawawang bata. Kailangan kong alamin kung paano, saan at kailan dinukot ang bata. Ilang saglit din ang inabot bago ko narating ang lugar nina Tinay. Nadaan ko pa ang Carinderia kung saan ko unang nakilala ang bata. Hindi pa ako nakakarating sa kanto nila ay may natanaw agad akong pamilyar na van na naka-park doon. Hindi ako maaaring magkamali, ito ang sasakyan ng mga nagtangkang dumukot kay Tinay noon. Inihinto ko sa 'di kalayuan ang kotse ko upang mamatyagan ang dalawang lalakeng mukhang hoodloom pababa ng van. Lumakad ang mga ito patungo sa looban, tila tinatahak ang gawi patungong kubo nina Tinay. Bumaba ako ng kotse upang sundan ang mga ito. Naglaan ako ng sapat na distansya para hindi matunugan ang pagsunod ko. Ilang saglit pa'y narating nila ang kubo nina Tinay. Nagtago ako sa malaking puno, 'di kalayuan sa bahay nina Tinay. Mula rito ay tanaw ko sila. Kumatok ang mga ito at pinagbuksan ng pintuan, lumabas ang Ate Bebeng ni Tinay, napansin ko ang alanganing ngiti nito sa mga dumating na bisita. Dumukot sa bulsa ng pantalon ang isa sa dalawang lalake at naglabas ng makapal na sobre, iniabot nito ang sobre sa Ate ni Tinay. Yumukod ito ng kaunti sa papatalikod na bisitang paalis na. Nagtago ako nang mabuti sa puno upang hindi ako mapansin ng dalawang papadaan sa gawi ko pabalik sa labasan. Umikot ako sa puno saka sinilip ang dalawang papalayong lalake. Nang matiyak ko na wala na sila ay saka ako lumapit sa bahay nina Tinay para kausapin ang nanay niya. Kakatok pa lamang ako sa pinto nang marinig ko ang usapan ng mga tao sa loob. "Ate, mali ito. Nakukunsensya ako," tinig ng isang lalake. Ito siguro ang Kuya Edgar ni Tinay. "Edgar, wala na tayong ibang pagkukunan para pangtustos sa pagpapagamot mo. Isa pa, malapit na tayong palayasin ng bagong may-ari ng lupang ito. Wala tayong titirahan. Masakit man sa akin pero...." "Kahit na, hindi ko matanggap na iyan lang ang kapalit ng buhay ni Tinay." Narinig ko ang hagulgol ni Edgar. "Hindi ko matanggap na gagaling ako, giginhawa tayo kapalit ng buhay niya." "Ang arte-arte mo. Ikaw na nga ang ipapagamot, ikaw pa ang umaayaw!" bulyaw ng Ate Bebeng nila. Nag-init bigla ang ulo ko sa narinig ko. Ibinenta nila si Tinay sa mga lalakeng 'yon kapalit ng pera? Ilegal ang organ trade pero kung willing ang may katawan na magbenta ng laman, mahihirapang mapatunayan ang pagbenta nila ng literal na laman. Pero hindi ko mapapalagpas ang kasong ito, bata ang ibinenta nila. Walang kamuwang-muwang, walang laban sa mapang-abusong katulad ng pamilya niya. Kinatok ko nang ubod lakas ang pintuan nila. Halos mawasak na 'to sa sobrang pagkalabog ko rito. "Ano na 'yan? Sino ba 'yan kung makakatok akala mo kung sino?" bulyaw ng babae, sabay bukas ng pinto. Tila nagulat pa ito pagkakita sa akin, natigilan at napaatras ng kaunti. Ilang saglit din bago nakabawi. Nagsalubong ang kilay nito. "Ikaw na naman? Ano'ng kailangan mo?" Hawak nito sa kaliwang kamay ang sobreng may lamang pera. Tinitigan ko ito mula ulo hanggang paa bago bumalik ang nang-uusig na tingin ko sa mukha nito. "Iyan ba ang kapalit ng buhay ni Tinay?" Namutla lalo si Bebang, parang naengkanto at 'di makakilos. "A-ano bang pinagsasabi mo?" "Huwag ka nang magmaang-maangan pa! Narinig ko lahat mula sa inyo na iyan ang kapalit ng buhay ng bata!" bulyaw ko rito. "Anong klaseng kapatid ka? Anong klaseng tao ka?" "Wala kang alam at wala kang pakialam kung ano man ang gusto naming gawin. Labas ka dito! Hindi mo alam ang hirap namin at kung saan kami kumakapit para makatawid sa araw-araw!" pangangatwiran ni Bebang. "Hindi katwiran 'yan para ibenta ang kapatid mo. Napakasama mo!" Dinuro-duro ko ito dahil sa galit ko. "Sa tingin mo ba kami lang ang gumagawa nito rito?" Ngumisi ito bago nagsalitang muli. "Umalis ka na!" Itinulak pa ako bago nito isinara ang pinto. Natigilan ako sa sinabi ni Bebang. Hindi lang sila ang gumagawa nito sa bayan nila? Ang ibig sabihin ba nito ay laganap ang bentahan ng laman sa San Joaquin at willing ang nagbebenta ng laman? Hindi sila basta dinukot na lang para pagkaperahan? Mahihirapan kaming resolbahin ang kasong ito kung ganito ang sitwasyon sa lugar na ito. Kailangang malaman ni Papa ang tungkol sa bagong impormasyon na nalaman ko. Agad akong bumalik sa sasakyan para umuwi sa mansyon. Papalayo na sana ako pero naisipan kong dumaan sa Carinderia ni Manang Lydia upang bumili ng ulam at magtanong na rin kung may nalalaman ang tindera sa mga kaganapan ng kidnapan at bentahan ng organ. "Manang, pabili po ng kaldereta ninyo, limang order po, pakibalot na lang," bungad ko kay Manang Lydia. "Oh, Pogi, ikaw pala. Teka sandali ipagbabalot kita." Kumuha ito ng plastic para ibalot ang order kong ulam. "Oo nga pala, naalala mo iyong bata na binilhan mo ng ulam noon? Iyong si Tinay? Nakitang walang laman-loob sa kakahuyan. Nakakakilabot," sambit nito habang nagsasalok ng ulam. "Napanood ko nga ho sa TV. Ano ho bang nangyari?" maang-maangan kong tanong dito. "Hindi ko rin alam eh. Basta nawala na lang ang batang 'yon isang araw, tapos isang linggong hindi nakita." Naglumikot ang mga mata nito bago mahinang nagsalita. "Pero bulung-bulungan na iniligaw ng Ate Bebang niya sa kakahuyan. Siya raw ang huling nakitang kasama noong nawala ang bata." "Po? May dahilan ho ba para gawin iyon ng kapatid niya sa kanya?" kunwaring tono na nagtataka ako. "Magkapatid lang sila sa ina. Anak na ni Senyang sa pangalawang asawa si Tinay. Eh, naghihirap na siguro sila, alam mo na. Nabili na kasi ang malaking lupain na 'yan ng mga Mariano at pinapaalis na ang lahat ng nakatira sa baryo na ito. Kami nga eh nagpla-plano na ring ibenta ang kapirasong lote sa kanila. Wala na rin namang bibili rito sa akin kapag wala na ang mga nakatira diyan," patuloy na pagkukwento nito habang isinusupot ang mga nabalot na ulam. "Mariano?" ulit ko sa apelyido na narinig ko. "Oo, sila ang pinakamayan dito. Halos bilhin na nila ang mga lupain dito sa lugar namin hanggang kakahuyan." Iniabot sa akin ni Manang Lydia ang plastic. Iniabot ko ang bayad ko saka nagpaalam dito. "Maraming salamat ho. Mauuna na ako." Tumalikod na ako at sumakay ng kotse. Nagigipit ang mga residente dito dahil wala na silang bahay, nagbebenta ng laman-loob para magkapera. May koneksyon ba ang mga Mariano na tinutukoy ni Manang Lydia sa illegal organ trade? Nagpatuloy ako sa pagmamaneho nang madaanan ko ulit ang van na nakita ko kanina. Naka-park ang mga ito sa gilid ng kakahuyan. Walang kabahayan dito kaya nakapagtatakang narito sila at nakatambay. Iyong dalawang lalaki ay papasok sa kagubatan at may pinagtutulungang buhat-buhat na malaking itim na bag. Kinutuban ako sa laman ng bag na dala nila. Bumaba ako agad ng kotse upang sinundan ang dalawa. Maingat akong pumasok sa kakahuyan, sinugurong hindi makagagawa ng kaluskos ang bawat hakbang ko. "Pare, puwede na rito. Wala namang pumapasok dito. Iwan na natin 'yan," tnig ng isa. "Sige, tara na." Inilapag ng dalawa ang itim na bag. "Hoy! Ano 'yan?!" sita ko sa mga ito. "Sino ka?" Naglabas ng baril ang mga ito at nagpalinga-linga sa paligid ng gubat. Hindi nakatiis ang isa kaya nagpaputok sa direksyon malapit sa gawi ko ko. "Lumabas ka kung matapang ka! Ang lakas ng loob mong sundan kami?" Nagpaputok ulit ito, halos ilang dipa ang layo sa direksyon ko. Nagtago ako sa malaking puno at nag-isip ng gagawin. Kailangang may makuha akong impormasyon sa kanila para malaman kung sino ang pinuno nila. Napansin kong nakiramdam ang dalawa sa paligid, naghiwalay ang mga ito. Ang isa ay patungo sa kabilang bahagi ng kakahuyan at ang lalaking bigotilyo na nagpaputok kanina ay patungo sa direksyon ko. Medyo madilim-dilim na pero sapat pa ang liwanag ng palubog na araw para maaninag ang dalawang kalaban. Inabangan ko ito hanggang makarating sa tapat ng punong pinagtataguan ko. Agad ko itong sinunggaban mula sa likod, pigil ng isang kamay ko ang kanang braso niyang may tangan na baril habang hawak ng kaliwang kamay ko ang leeg nito. Nagpumiglas ito mula sa pagkakahawak ko, nagawa pang kalabitin ang gatilyo habang pigil ko ang braso niya. "Ano 'yan?!" dinig kong sigaw ng kasama nito mula sa malayo. Ginamit ko agad ang kakayahan ko, hinigop ko ang energy ng hawak ko hanggang sa mawalan ito ng malay at tuluyang bumagsak sa lupa. Kinuha ko ang baril nito saka muling nagtago sa isa pang malaking puno. Dumating ang isa pang lalake at nakita ang kasamahang walang malay. "Kadyo! Kadyo!" Napansin kong tinalik-tapik nito ang pisngi ng kasama pero hindi ito sumagot. "Anak ng..." tumayo ito at inihanda ang baril. Nagpalinga-linga sa paligid, tumalikod sa gawi ko. "Ako ba ang hinahanap mo?" Lumabas ako sa pinagtataguan ko at itinutok ang baril dito. Akma sana itong haharap sa akin pero binantaan ko na. "Huwag kang kikilos. Gusto mong sumabog ang bungo mo?" "A-Ano ba ang kailangan mo?" nauutal na tanong nito. "Bitawan mo ang baril mo," utos ko dito. Inilaglag nito ang baril sa lupa. "Sino ang pinuno ng sindikato ninyo?" Unti-unti akong lumapit dito habang nakatutok pa rin ang baril sa ulo nito. "W-Wala akong alam. N-Napag-utusan lang kaming itapon 'yan sa kakahuyan," nangangatog pa ring sagot nito. "Inuulit ko, sino ang pinuno ninyo?!" mas mariin ang pagkakatanong dito. "W-Wala nga akong alam sinabi. B-Binabayaran lang kami para magtapon ng katawan dito!" sigaw nito. "Wala ka palang alam ha." Nanggigigil ako sa galit kaya hinampas ko ng baril ang batok nito. Bumagsak itong walang malay sa lupa. Kinuha ko ang inilaglag na baril nito at inihagis sa malayo. Kinuha ko ang phone nito na nasa bulsa. Kakailanganin ko ito para mabasa ni Wesley mamaya. Patakbo kong tinungo ang itinapon nilang katawan. Amoy na amoy ang malansang dugo na nagmumula dito. Dinukot ko ang panyo sa bulsa ko at binuksan ang zipper ng itim na bag. Hinawi ko ito at tumambad sa akin ang mukha ng isa sa babaeng estudyante na kasama naming tumakas no'ng isang araw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD