Drei's Point Of View
Ito iyong Janice na dumalaw lang sa kanyang ina sa ospital bago madukot noon. Kalunos-lunos ang sinapit ng dalagitang ito. Tumayo ako at nilapitan muli ang isa sa napabagsak ko. Paaaminin ko kung saan nila isinasagawa ang kawalanghiyaang ito.
"Hoy, gumising ka!" Sinampal-sampal ko ito ng ilang ulit subalit puro ungol lang ang isinagot nito sa akin. Napasobra yata ang paghigop ko sa enerhiya nito. Paalis na sana ako sa lugar nang makarinig ako ng mga kaluskos sa 'di kalayuan.
"Max? Drigo?" tinig ng isang lalaki. "Nasaan na ba ang dalawang 'yon? Sabi kong huwag nang lumayo at pumasok sa gubat para itapon ang katawan eh," reklamo nito.
Tumalilis ako at nagtago sa malaking puno, sapat ang distansya mula sa kanila. Sumilip ako sa gawi ng limang lalaking bagong parating, nakita nito ang dalawang kasamahang nakahandusay sa damuhan. Hindi ko aninag ang mga mukha nila dahil kulang ang kakaunting liwanag na nagmumula sa buwan.
"Max, Drigo?" Napaunat ito at nagpalinga-linga sa paligid. "Sino ang may gawa nito? Kayong apat, hanapin n'yo! Suyurin ang kagubatan, madali!" pagalit na utos ng tila leader sa apat na kasama nito.
Tila naglabas ng baril ang apat, narinig ko pa ang pagkakakasa ng baril ng mga ito. Kinapa ko ang baywang ko, only to realize na naiwan ko ang pistol ko sa bahay. Great! Nakita kong naghiwa-hiwalay ang apat habang naiwang nakatayo lang ang lider.
Ilang minuto ang lumipas nang bumalik ang dalawang tauhan nito. "Boss, bangin ang gawi na pinuntahan ko." Itinuro pa ng bigotilyo ang gawing kanan kung saan siya galing.
"Mataas na naman sa gawing pinuntahan ko, hindi kakayaning akyatin." Turo naman ng isa pa sa gawi na tinungo niya.
Napatingin ang lider sa bahagi ng tinataguan kong puno. Nagkubli ako agad para matiyak na hindi ako matutunugan nito.
"Sandali." Pamilyar na ang boses ng lider, pabulong ang pagkakasabi nito pero rinig pa rin dahil sa tahimik ang kagubatan. Narinig ko ang mahihinang pagtapak nito sa mga tulyong dahon, papalapit sa tinataguan kong puno. May kasa ng baril din akong narinig. Naging mailap ang mga mata ko, naghanap ng maaaring silungan o takbuhan. Napayuko ako at nakita ko ang bato sa paanan ko na kasing laki ng santol. Dinampot ko ito at inihagis ng malayo sa kabilang bahagi. Naagaw ang atensyon ng lider at nagpaputok ng baril sa gawing iyon. Sinamantala ko ang pagkakataon at kumaripas ng takbo papasok sa masukal na gubat.
"Hayun!"sigaw ng lider. Narinig ko ulit ang putok ng baril, hindi ko alam kung saan iyon tumama, basta ipinagpatuloy ko lang ang pagtakbo ko. Pasalit-salit na takbo at pagtatago sa mga nadadaanan kong malalaking puno. Hindi ko alam kung nasaang bahagi na ako ng gubat at saan patungo ang tinatahak ko subalit kailangan kong makalayo. Nilingon ko ang pinanggalingan ko, tila nailigaw ko na sila.
Malayo-layo na rin ang nararating ko. Nakarating ako sa batis, lumusong ako dito patungo sa kabila. Muli akong pumasok sa kakahuyan at tinunton ang pataas na bahagi. Nakakaramdam na ako ng pagod kaya't nagpalinga-linga ako sa paligid. Naghahanap ng masisilungan ngayong gabi. Nakahanap ako ng maliit na yungib sa likod ng makapal na talahib. "Pwede na rito. Sana lang ay walang ahas na naliligaw dito."
Pumasok ako sa yungib at sumiksik sa sulok. Masyadong malamig ngayon pero kailangan kong magtiis. Kailangang malaman nina Rod na narito ako sa kakahuyan at nakikipaghabulan kay Kamatayan. Kinapa ko ang bulsa ko, dinukot ko ang phone ko para sana tumawag subalit walang signal. Naihilamos ko ang kamay ko sa mukha ko dahil sa inis. "Kailan ba magkakaroon ng nationwide internet service at signal sa Pilipinas, iyong mabilis?!"
Ang ironic din. Balik-gubat na naman ako at wala akong choice kundi magpaumaga dito para makahanap ng daan palabas.
Arlene's Point of View
"Baby, nakita mo ba si Kuya?" tanong ko kay Rod. Hindi ko na nakita pa si Kuya matapos naming mag-usap kaninang tanghali.
"Hindi ko siya napapansin. Bakit?" Niyakap ako ni Rod mula sa likod.
"Hmm... Wala naman. Naninibago lang ako na wala siya dito samantalang narito si Milet." Sumandig ako sa dibdib ni Rod habang nakatalikod dito at yakap-yakap niya. Narito kami ngayon sa garden at nagpapahangin.
"Matagal na bang magkaibigan si Drei at si Inspector Hannah? Mukhang close sila," tanong ni Rod.
"Oo, mula pagkabata pa. Although nagkahiwalay pansamantala, may communication pa rin naman sila. Akala ko nga sila ang magkakatuluyan eh." Kumalas ako sa pagkakayakap kay Rod. "Bakit mo naitanong? May crush ka kay Ate Hannah, ano?" panunukso ko kay dito pero nakakaramdam ng kaunting selos.
Tumawa si Rod, ang sexy ng tawa niya sa pandinig ko. "Ano ka ba? Hindi iyon. Napansin ko lang ang closeness nila at ang parang pagseselos ni Wesley sa Kuya mo." Hinawakan nito ang magkabilang pisngi ko. "Ng-iisang babae ka lang sa buhay ko, okay?"
"Sus, baka malingat lang ako eh sa ibang babae ka na tumingin." Nginusuan ko ito.
"Pangako, ikaw lang at wala nang iba." Mabilis akong hinalikan ni Rod sa labi. "Ikaw lang."
Ngumiti ako ng ubod nang tamis pero unti-unti itong nawala. "Naalala mo ang sinabi ng kapatid mong multo? May panganib daw na nanghihintay sa'yo kaya binabantayan ka niya."
"Totoo 'yon, Ate Arlene," singit ng isang tinig ng batang lalake, si Rich.
"Rich!" Nakatayo ito sa 'di kalayuan. Patakbo kong tinungo ang pwesto nito. "Sumunod ka hanggang dito? Babantayan mo talaga ang kuya mo?"
"Oo, Ate Arlene." Tumingin muna ito kay Rod bago bumalik ang tingin sa akin. "Babantayan ko kayo. Oo nga pala, sinundan ko ang Kuya Drei mo. Nasa kakahuyan siya."
"Ha? Saan? Ano'ng ginagawa niya doon?" nag-aalala kong sabi.
Itinuro ni Rich ang mataas na pader. "May daan diyan, mas malapit. Kailangan niya ng tulong n'yo. Ang dami ring kaluluwa na nariyan. Sige, aalis na muna ako." Kumaway muna ito bago naglaho.
"Sandali, Rich!" Pero naglaho na ang kaluluwa nito.
"Ano'ng sabi ni Rich?" Nakakunot ang noo ni Rod, bakas ang pag-aalala sa mukha nito.
"Si Kuya raw, nasa kakahuyan." Itinuro ko ang bagong gawang pader. "Walang sinabing detalye pero kailangan daw ni Kuya ng tulong." Hinawakan ko ang kamay ni Rod.
"Sige, isasama ko ang ilang tauhan ng papa mo para hanapin si Drei."
"Sasama ako!" boluntaryo ko.
"Ano ka ba, Arlene? Delikado. Dumito ka na lang at huwag matigas ang ulo," mariing habilin ni Rod. "We will save your brother, okay?" Hinalikan ako nito sa noo bago tumalikod at pumasok sa mansyon.
Ilang saglit pa ay lumabas na ulit si Rod kasunod ang limang tauhan ni Papa na Men In Black. Kasunod din nila sina Emman at Emma. May dala-dalang mahabang hagdang kawayan ang mga ito para tumawid sa mataas na bakod ng mansyon.
"Hindi ba talaga ako pwedeng sumama?" Nagpa-cute pa ako para lang isama ni Rod pero ayaw niya talaga.
"Ako na lang ang sasama, Arlene. Ililigtas namin ang Kuya Drei mo," sabi ni Emman. "May pakinabang ang kakayahan ko sa paghahanap sa kanya."
"Mag-iingat kayo." Sinundan namin sila ng tingin habang paakyat ng hagdan.
"Arlene, huwag kang mag-alala. Makakaligtas ang Kuya Drei mo. Isa pa, remember? Iyong kakayahan ng Kuya mo ay hindi pangkaraniwan. Kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya." Inakbayan ako ni Emma para aluhin.
"Ang sabi ni Rich, maraming kaluluwa riyan. Dahil kaya riyan itinatapon ang mga bangkay na biktima ng illegal organ trade?" Kunot noong tanong ko habang nakamasid sa huling tauhan ni Papa na nakatawid ng mataas na bakod.
"Arlene," pukaw ni Milet sa amin ni Emma.
"Milet." Napakamot ako sa ulo.
"Ano'ng nangyayari? Saan patungo ang mga tauhan ni Dark Knight?" Nagpalipat-lipat ng tingin si Milet sa aming dalawa ni Emma.
"Ha? Ah eh... nasa gubat si Kuya. Kailangan daw niya ng tulong," nag-aalangan kong sagot. Itinuro ko ang hagdang kahoy na nakasandig sa mataas na bakod.
"Diyan sila dumaan?" Nakanganga si Milet habang nakaturo sa hagdan.
"Mas malapit daw dumaan diyan sabi ng kapatid ni Rod na multo... it's a long story. Basta kailangan... Milet!" sigaw ko rito dahil kumaripas na ito ng takbo at umakyat ng hagdan.
"Hoy, Milet!" sigaw ni Emma.
Nakita naming tumigil ito sa taas ng bakod, tila nag-aalangan sa may kataasang bakod para talunin subalit tumalon din ito.
"Milet!" Tinakbo namin ang hangdan at umakyat ako para sumilip sa kabilang bakod. Nasa baba na si Milet at nagpapagpag ng shorts nito.
"Sasama ba kayo?" tanong nito sa akin.
Napalingon ako sa may bandang paanan ko at naroon si Emma, nakangiti nang pilya at nagtaas-baba ang mga kilay nito.
"May proteksyon ka?" tanong ko kay Emma.
Itinaas nito ang braso at ipinakita ang Amethyst bracelet na hiningi ko noon kay Rod para ibigay kay Emma.
"Sige, tara na." Mataas man ay tinalon ko ang bakod. Napaupo ako pagbagsak ko sa lupa. Medyo masakit pero kakayanin ko para kay Kuya at kay Rod. Gusto ko ring makita ang mga kaluluwang sinasabi ni Rich.
"Sandali, hintayin n'yo ako," tawag ni Emma sa amin. Tumalon ito at napaupo pagbagsak sa lupa. "Araaay..." daing nito.
"Loka ka kasi, magpapayat ka para gumaan ka," pang-aasar ko rito. Hindi naman ito mataba, malaman lang o mabilog. Sexy chubby na "in" ngayon.
"Kapag pumayat ako hindi kita papansinin." Sabay dila nito sa akin.
"Tara na, girls?" aya ni Milet sa amin.
Tinanaw ko ang kabuuan ng kakahuyan at huminga ng malalim bago ako sumagot. "Tara na."
Pumasok kaming tatlo sa gubat para sundan sina Rod sa paghahanap kay Kuya Drei.