Arlene's Point Of View
Nakakalayo na kami sa bakod at marahang nakasunod kina Rod. Tiniyak namin na sapat ang distansya para hindi nila kami mapansin. Patago-tago pa kami sa mga puno't halaman.
Napansin kong lumiko sila sa makapal na talahib kaya mabilis kaming lumakad para hindi sila mawala sa paningin namin pero hindi namin sila nakita sa paligid. "Nasaan na ba sila?" Napakamot ako sa binti ko dahil sa mga insektong dumadapo.
"Kanina lang ay nakita ko pa ang striped T-Shirt ni Emman." Nagpatiunang naglakad si Milet, kasunod si Emma.
Sinundan namin sila para iligtas si Kuya pero mukhang mangangailangan din kami ng ng tagapagligtas. Naliligaw kami sa gubat!
"Girls, hindi na maganda 'to. Nawawala na tayo," saad ni Emma.
"Let's keep walking, mahahanap din natin sila. Itinaas ko ang cellphone ko para itutok ang flash sa palibot namin. Puro talahib at puno ang nakikita ko, ang creepy pa ng itsura ng mga halaman kapag nasisinagan ko ng liwanag.
Hindi pa kami nakalalayo kung saan nawala sa paningin namin ang grupo nina Rod nang mapansin kong tila may ibang nilalang sa paligid. Naramdaman ko ang presensya ng kung ano man ang nilalang na 'yon.
"Sino ka? Huwag kang magtago. Hindi ako natatakot sa 'yo." Inilibot ang tingin sa gawing likuran ko. Naghintay ako ng ilang saglit subalit walang nilalang na lumabas. Nagkibit-balikat na lang ako at tangkang lumakad na ulit pero hindi ko na rin nakita sina Emma!
"Girls, nasaan kayo?" Nakaramdam ako ng kaunting kaba pero pinipilit kong magpakatatag. "Girls?"
Wala akong narinig na sagot mula sa kanila. Napayakap ako sa sarili ko dahil sa pangamba. Nawala ako nang mag-isa sa kagubatang maraming nangyayaring misteryo.
Nakarinig ako ng kaluskos sa 'di kalayuan sa bangdang kanan ko. Tinapatan ko ito ng ilaw. "Sino ka?"
Wala ulit akong narinig na sagot. "Sino ka sabi eh? Magpakita ka sa akin."
Unti-unting lumitaw ang isang kaluluwa ng babae na duguan ang mahabang damit, maputla at tila wakwak ang parte ng dibdib.
"Ano ang nangyari sa 'yo?" Kinakabahan man ay nais kong tulungan ang kaluluwang ito. Hindi sila natatahimik dahil sa grudge nila.
Itinaas nito ang kaliwang braso at itinuro ang madilim na bahagi ng gubat. Tila sinasabi nitong tunguhin ko ang bahaging iyon ng kagubatan. Tumalikod ito at lumutang patungo sa lugar na itinuturo nito. Hindi ko man nais itong sundan ay nadala na naman ako ng curiosity ko—na lagi kong ikinapapahamak.
Mahaba-haba na ang nilalakad ko habang sinusundan ko ang kaluluwa ng babae nang marinig kong tumunog ang phone ko. Low battery na, namatay ang ilaw ng phone kung kaya't puro kadiliman ang nakikita ko. Katiting lang ang liwanag na nagmumula sa buwan kaya't banaag na lang ang nakikita ko para hindi matisod ng mga sanga ng puno.
"Huwag kang mag-alala, aalalayan kita," saad ng babaeng sinusundan ko.
"Marunong ka palang magsalita eh."
"Kailangan ko ng tulong mo. Hindi pa alam ng pamilya ko kung ano ang nangyari sa akin." Huminto ito at humarap sa akin.
"Ano ba ang nangyari sa 'yo?"
"Doon." Muli itong lumutang patungo sa bahagi ng gubat na itinuro nito.
Ilang saglit pa ay huminto ito at lumikha ng tunog na "sshhh" sa akin habang nakatapat ang hintuturo sa bibig niya. Itinuro nito ang babang bahagi, na bangin pala. May liwanag na nagmumula sa apoy ang nasa gitna, habang may ilang tao na nakapalibot dito. Hindi sila bababa sa sampu ang bilang, mga nakatalukbong ng kapoteng itim at tila may mga maskara... maskara na kagaya sa Doña Trinidad!
"A-ano 'yan?" mangha kong sabi, nakaawang pa rin ang bibig dahil sa pagkabigla sa nakita ko.
Sumenyas ang babaeng multo na maupo ako at magtago sa malaking puno kaya sinunod ko naman ito.
"Pag-aalay," sagot nito.
"Pag-aalay saan?"
"Pagmasdan mo." Itinuro nito ang isang babae na nasa gitna rin, malapit sa apoy. Hindi ko ito napansin kanina dahil sa nakakaakit na liwanag ng apoy malapit dito. Nakahiga ang babaeng nakaputing bestida sa kawayan, tila nakagapos ito at walang malay.
"Unggh, ang pag-aalay sa nalalapit na pagbabalik ni Astrid," usal ng nilalang na nakatayo sa gilid ng babae.
May tangan itong punyal, iniangat sa hangin at iniakmang itatarak sa dibdib ng babae.
"Hindi nararapat ang marungis mong p********e upang maging permanenteng tirahan ni Astrid. Iaalay na lamang kita sa aming panginoon bilang pagpupugay sa kanyang kadakilaan."
Akma akong aawat sa pagpaslang nito sa kawawang babae nang humarang ang babaeng multo sa harapan ko.
"Huwag kang gagawa ng maling hakbang kung ayaw mong mapahamak din."
"Pero..."
"Wala nang pero, umalis ka na. Humingi ka ng tulong sa iba para matulungan ang mas marami pang babaeng maari nilang maging biktima," utos nito sa akin.
Paatras na sana ako nang masagi ko ang mayabong na dahon sa bandang likuran ko. Gumawa ito ng ingay sa tahimik na gabi.
"Ano 'yon?" Napansin yata ako ng lalaking may hawak na punyal. Napaatras ako dahil sa takot. "May tao! Kunin n'yo siya!"
Nagmadali akong umalis sa puwesto ko at tumakbo palayo. Abot-abot ang kaba sa dibdib ko. "OMG, Kuya! Rod!" mangiyak-ngiyak na bigkas ko habang tumatakbo. Hindi ko na alam kung saan ako nasuot.
"Hayun!" Narinig kong sigaw ng ilang kalalakihan mula sa 'di kalayuan.
Aabutan na nila ako! Mas lalo ko pang binilisan ang pagtakbo ko. Mabuti na lang at sneakers ag suot ko at hindi sandals, kung hindi ay baka patay na ako kanina pa.
Nauuna sa akin ang babaeng multo, inaalalayan nila ako sa daraanan ko. May itinuturo siyang lugar kaya sa direksyon na 'yon ako nagtungo.
"Magtago ka ro'n." Turo nito sa isang malaking tipak ng bato na nakukulumpulan na rin ng makapal na talahib. Dali-dali akong nagtago sa likod nito.
"Ssh." Sumenyas ulit ito na tumahimik daw ako. Itinakip ko ang kamay ko sa bibig ko.
"Nasaan na 'yon?" tinig ng isang lalaki, malaki at malalim ang boses nito.
"Hindi ko napansin kung saan nagsuot," tinig ng isa pa.
"Nakita n'yo pa ba ang mukha?" sabi ng isa pang tinig.
"Hindi, masyadong madilim," sagot ulit ng may malaking boses.
"Mayayari tayo. May nakakita ng Banal na Tagpuan. Hanapin natin! Ikaw, doon ka. Ikaw naman sa kabila. Dito ako sa paligid maghahanap."
Tumambol na naman ang dibdib ko dahil sa sinabi nitong dito siya maghahanap sa paligid. Napatingin ako sa multong kasama ko, humihingi ng tulong dito gamit ng mga tingin ko.
"Ako na ang bahala," sagot nito. Naglaho ito sa tabi ko.
"Saan pupunta 'yon?" mangiyak-ngiyak na tanong ko sa isip ko. Malakas ang loob ko dahil kahit paano ay may kasama ako kahit multo, pero iniwan pa ako.
"Lumabas ka na. Akala mo ba ay makakatakas ka pa? Alam kong nasa paligid ka lang," panunukso ng lalaking may malaking boses.
Narinig ko ang papalapit na yabag patungo sa gawi kung saan ako nagkukubli, ang pagtapak nito sa mga tuyong dahon ay lumilikha ng ingay sa tahimik na gabi.
Gusto kong tumili at humingi ng tulong pero sino ang tutulong sa akin sa gitna ng gubat? Nag-uunahang pumatak ang luha ko sa magkabilang pisngi dahil sa takot.
"Handa ka na ba?" panunukso ulit nito. Papalapit na ang marahang paglakad na naririnig ko. Katapusan ko na 'to.
Emman's Point of View
"Sandali." Sumenyas ako upang tumigil sa paglalakad. May mali, may nangyayaring hindi maganda.
"Ano'ng problema?" tanong ni Rod.
"Si Arlene." Kumabog ang dibdib ko. Ang babaeng lihim kong itinatangi ay nasa kapahamakan. Naramdaman ko ang panganib na naghihintay sa kanya.
"Ano'ng tungkol kay Arlene?" Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Rod. "Nasa UPG siya."
"Sumunod sila sa atin."
"Ano?" napalakas ang pagkakasabi ni Rod.
"Oo, matigas ang ulo ni Arlene, alam mo 'yan." Nilingon ko ang limang kasama naming tauhan ni Dark Knight. "Ang tatlo sa inyo ay dumiresto na kay Drei. Mahahanap n'yo siya sa gawing iyon." Itinuro ko ang mataas na bahagi ng gubat. "May madaraan kayong batis, baybayin n'yo lang ang daan na 'yon."
"Sige. Tara na," aya ng isa sa mga kasama. Nagpatiuna na ito sa gawing itinuro ko.
"Halika. Dito tayo sa gawing ito." Itinuro ko ang daan kung saan hinahatak ng kung anong puwersa ang mga paa ko.
"Tara," aya ni Rod. Lakad-takbo ang ginawa namin para marating ang pakay ko. Hindi ako papayag na mapahamak si Arlene!
To be Continued....