Drei's Point of View
Tinangka kong matulog pero hindi ako dinadalaw ng antok. Hindi ako maaaring manatili sa lugar na 'to at magtago hanggang umaga. Malamang ay nag-aalala na sa akin ang mga tao sa bahay pero wala, hindi ko alam ang daan pabalik. Nagugutom na rin ako kaya kailangan kong lumabas at maghanap ng bungang pantawid gutom.
Tumayo ako at lumabas mula sa maliit na yungib. Maingat akong nagmasid sa paligid para matiyak na wala ang mga humahabol sa akin. Mukha namang ako lang ang tao sa paligid kaya tangka ko na sanang maghanap ng bunga nang makarinig ako ng tinig ng ilang kalalakihan, tinatawag ang pangalan ko.
"Boss Drei," tinig ng isang pamilyar na lalaki sa bandang likuran ko.
"Angelo, paano niyo ako nahanap?" Sobrang saya ko nang makita ko ang mga tauhan ni Papa.
"Si Emman, alam niya kung nasaan ka kaya nakarating kami rito," nilapitan ako nito at sinipat ako mula ulo hanggang paa, hindi pa nakuntento at hinawakan ako para tingnan kung ayos lang ako.
"Okay lang ako, wala akong galos. Nakipaghabulan ako sa bala ng baril kanina pero okay lang ako," inawat ko na ito sa pag-check sa akin. "Nasaan si Emman?"
"Pinuntahan si Ma'am Arlene para iligtas."
Naalarma ang buong katawan ko dahil sa narinig ko. "Iligtas? Bakit, nasaan si Arlene?" Abot-abot ang kaba sa dibdib ko sa pag-alala sa kapatid ko.
Napakamot sa ulo si Angelo. "Sumunod po pala sa amin nang hindi namin namamalayan. Patungo na roon sina Emman."
"Pasaway talaga ang babaeng 'yon. Tara na at puntahan na natin sila," aya ko rito. Hindi pa kami nakakalayo sa puwesto namin nang makarinig ako ng putok ng baril.
"Ano 'yon?" Napayuko kami dahil sa gulat. Nagkanya-kanya kami agad ng tago sa mga puno. Kasama ko sa isang puno si Angelo habang magkasama sa kabilang puno ang dalawa pang tauhan ni Papa.
"Ahhh," daing ng isang tauhan ni Papa, nakahawak ito sa balikat niya. "May tama ako."
"Sino 'yon, Boss?" tanong ni Angelo sa akin. May dinukot ito sa likod ng pantalon niya at saka iniaabot ang baril sa akin.
"Mga sindikatong may kinalaman sa p*****n dito. Hawakan mo na 'yan, may armas ako laban sa kanila," pagtanggi ko sa baril nito. Mas kailangan niya iyon kaysa sa akin.
"Sige, diyan ka lang sa likod ko." Inihanda nito ang baril at nagmanman sa direksyon na pinagmulan ng bumaril.
"Sino kayong mga pakialamero kayo para pumasok sa balwarte namin?" tinig ng isang lalaki, hindi pamilyar ang boses niya, isa siguro sa mga tauhan no'ng lalaking nag-uutos kanina. Nagpaputok ulit ito sa gawi ng punong pinagtataguan namin. Hindi ulit ito nakuntento kaya nagpaputok pa ulit ng ilang beses. Narinig namin ang pagkasa nito ng baril. Mukhang may baong maraming bala ang loko. Napatingin ako kay Angelo para magtanong kung paano na kami.
"Hindi na niya magagamit 'yan," nakangising sabi ni Angelo. Umikot ito pakabilang bahagi ng puno saka pinaputukan ang lalaki. Tinamaan ito sa noo at agad na bumagsak 'to.
"Bakit mo siya pinatay?" Napaawang ang bibig ko dahil sa inakto ni Angelo. Wala talagang awa ito. Kahit sa actual na practice ay laging sa focal points ang tama ng target niya. Sabay kaming nag-training sa dating Academy na pinasukan ko noong bago pa ako nalipat sa Doña Trinidad. Scholar siya ni Papa at nagtatrabaho na sa kanya habang nag-aaral pa lang kami.
"Alin sa dalawa, ang mapatay niya tayo o mapatay natin siya. Mas pipiliin ko ang pangalawa." Lumakad ito papalapit sa lalaking binaril, sumunod ako rito. "Hindi ka dapat maaawa sa lahat ng pagkakataon, Boss Drei, lalo na kung buhay mo o ng malalapit sa 'yo ang nakasalalay."
May punto rin siya kaya hindi na ako tumutol sa sinabi niya. "Halika na, malamang na narinig ng mga kasama nito ang putok ng baril ngayon. Puntahan na natin si Arlene."
Umalis na kami sa lugar na 'yon para hanapin ang pasaway kong kapatid. Hindi ko hahayaang mapahamak ang kapatid ko dahil sa akin.
Arlene' Point of View
"Wala akong inabutan doon pero may narinig akong mahinang alingawngaw ng baril sa gawing 'yon," anas ng isang boses ng lalaking bagong parating.
Tila natigil sa paglapit sa puwesto ko ang lalaking naiwan kanina. "Ano? May iba pang tao sa gubat?"
"Mukhang gano'n na nga," sagot ng bagong dating na lalaki.
"Hindi na tayo maaaring magtagal dito. Halika na at bumalik na tayo sa Banal na Tagpuan. Kailangan na muna nating lumikas dito sa ngayon." Tila papalayo na ang mga ito base sa yabag ng mga paa nila papahina na sa pandinig ko.
Napasandig ako sa malaking tipak ng batong pinagtataguan ko. Pakiramdam ko ay nakipaglaro ako kay kamatayan. Huli kong naramdaman 'to no'ng nasa Doña Trinidad kami.
Napapikit na ako sa sobrang pagod at nerbyos nang biglang may naramdaman akong tao sa paligid ko. Pagdilat ko ay nakita ko ang isang lalaking naka-kapote at may suot na maskarang bungo.
"Akala mo ba hindi ko alam kung nasaan ka?" humalakhak ito nang pagkalakas-lakas. Ito 'yong lalaki kanina. Nagpanggap lang yata na palayo na sila.
Pakiramdam ko ay papanawan ako ng ulirat nang mga sandaling 'yon. Katapusan ko na yata.
"Dalhin ang babaeng 'yan," utos nito sa dalawang lalaking kasama nito. Hinawakan ako sa magkabilang braso para itayo. Nagpupumiglas ako pero wala akong laban sa lakas ng dalawang lalaking may hawak sa akin. "Wala ka nang kawala. Tamang-tama, dagdag alay ka para sa panginoon," muli itong humalakhak nang nakakaloko.
"Bitiwan n'yo ako mga masasamang insekto!" tili ko sa mga pangit na 'to. Pinipilit kong tadyakan ang mga binti nila pero nagagawa nilang makaiwas sa sipa ko.
"Ayan ang gusto ko sa babae, palaban," pang-uuyam ng isang lalaking may hawak sa akin.
"Hoy! Bitiwan niyo siya!" tinig ng isang lalaki sa 'di kalayuan. Sobrang pamilyar ang bose niya, si Rod!
"Babe!" Nabuhayan ako ng pag-asa dahil sa dumating na tulong. Kasama niya sina Emman at ilang tauhan ni Papa.
"At sino naman kayo para makialam sa amin?" tanong ng malaking lalaking mahilig humalakhak. Naglabas ito ng balisong at iniumang sa leeg ko. Nandidilat ang mga mata ko dahil sa patalim na itinutok sa akin. Ngayon ang literal na pakikipaglaro ko kay Kamatayan!