Rod's Point of View Hindi ako nakakilos sa kinatatayuan ko dahil nasa peligro ang buhay ni Arlene. Halo-halong kaba, takot at galit ang nararamdaman ko. Kailangan kong makaisip ng paraan para mailigtas ko si Arlene. Mahigit limang dipa ang agwat namin sa mga may hawak sa kanya. "Subukan n'yong lumapit, gigilitan ko ang leeg nito," banta ng lalaking may hawak na balisong, mas lalo pang idinikit nito ang patalim sa leeg ni Arlene. Napangiwi siya, mukhang nagkasugat sa pagkakadiin ng balisong. Nagkatitigan kami ni Arlene, desidido akong sumugod, sana ay nakuha niya ang gusto kong iparating. Tinantiya ko muna ang direksyon kung nasaan ang lokasyon ni Arlene at ang lalaking nakamaskara saka inilagay sa likuran ko ang kamay ko, palihim na sinenyasan ang mga tauhan ni Dark Knight para patayin

