Drei's Point of View Wala akong magawa kundi pagmasdan si Milet habang nagdadalamhati ito. Gusto ko siyang yakapin at aluin pero wala akong karapatan. Sinenyasan ko si Arlene para lapitan siya. Mabuti na lang at malakas ang pakiramdam ng kapatid kong ito. "Milet," tawag ni Arlene dito. "Sige lang. Ilabas mo lang. Narito lang kami para sa 'yo." Lumuhod si Arlene sa tabi ni Milet. "Bakit nangyari 'to sa kanya? Sino ang may gawa ng kahayupang 'to?" Nilingon nito ang tambak ng mga kalansay at nabubulok na tao. Karamihan ay tila babae base sa suot ng mga ito. May ilan pa na kita pa rin ang mahahabang buhok ng mga ito. "Mahuhuli rin ang gumagagwa nito," pagpapalakas ng loob ni Arlene. "Narito tayo para sa misyon na 'yan. Hindi makakawala sa batas ang gumawa ng karumal-dumal na krimen na 'to.

