LORKAN
Kakalapag ko lang ng cellphone ko sa mesa. Kanina pa ako tumatawag sa numero ni Cirlyn pero hindi nito sinasagot. Hanggang sa tuluyan ko nang hindi makontak ito. Siguro ay nakukulitan na ito sa akin kaya pinatay na nito para hindi na ako makatawag pa. Gusto ko lang naman siyang makausap. Simula kasi noong nangyare ang kaguluhan doon sa event nila ay hindi pa kami nakapag-usap ng personal. Gusto ko rin sanang humingi ng sorry sa kanya. Alam kong disappointed at galit ito sa akin dahil sa nangyare. At naiintindihan ko naman iyon. Aminado naman ako na kasalanan ko talaga ang lahat.
Ilang beses kong sinubukan na tawagan siya noong nakaraan pa para kausapin kaso lang bigla ring nagbabago ang isip ko. Naisip ko na baka ayaw pa nitong makipag-usap. Nahihiya rin kasi ako at hindi ko pa alam ang mga sasabihin ko sa kanya. Pero ngayon ay determinado na talaga akong makausap na siya. Kaya simula kaninang umaga ay tinatawagan ko na ito kaso nga ayaw nitong sagutin iyon.
Gusto kong mag-explain sa kanya ng side ko. At sabihin na wala akong kinalaman sa nangyare. I want to clear my name to her. Humingi ng sorry sa nangyare kasi nadamay ito. Nalaman ko kasi kay Mary Grace na nasuspende pala ito dahil do'n. At mukhang huli na ako dahil effective na ang suspension nito ngayong araw. Gusto ko sana na malaman nito ang lahat. Ang naging resulta ng mga isinagawang imbestigasyon. Ayon sa ginawang pag-examine sa food sample ay napag-alaman na mayroon ngang inihalong kemikal doon na naging dahilan para ma-food poison ang mga participants nila.
Dagdag pa, matapos naming ma-check ni Evander ang recordings ng cctv camera sa kitchen ay doon na rin lumabas ang totoo at buong nangyare. May ibang tao pa palang pumasok sa kitchen at late ko na naalala iyon. Na-encounter at naka-usap ko pa ito nang muntikan pa ako nitong tamaan ng pinto pagbukas nito. Ang salarin pala ay walang iba kundi ang lalaking nagde-deliver ng mantika. Kaya naman pala parang hindi ito makatingin ng deritso ay dahil may binabalak pala ito.
Kitang-kita sa kuha ng cctv kung paano nito pasimpleng ibinuhos sa nilulutong nasa kalan ang kemikal na nasa kamay nito noong dumaan na ito palabas saka ito agad ding umalis. Walang nakapansin niyon dahil busy ang lahat. At noong mga oras na iyon ay may ibang ginagawa ang nakatuka sa nilulutong nakasalang na nilagyan nito ng kemikal.
Agad kong ibinigay sa mga pulis ang kuha ng cctv para maging ebidensya. At para na rin malinis ang pangalan ko. Natuloy kasing magsampa ng kaso ang company nina Cirlyn laban sa akin dahil sa nangyare kaya naman kailangan kong harapin iyon at gumawa ng paraan para mapawalang sala ako. At dahil na rin sa iba pang mga impormasyong nakuha ko mula sa testimonya ng mga empleyado kong nakasalamuha mismo ng salarin ay sinabi nilang parang namumukhaan nila ito.
At lumabas nga ang totoong pagkakakilanlan nito. Dati ko siyang empleyado at nagtatrabaho rin dito sa Century Grill. Siya ay walang iba kundi si Ronel Balbuena na tinanggal ko sa serbisyo dahil ako mismo ang nakahuli ritong nagnanakaw ng mga stocks ng restaurant. Dahil din do'n kaya rin ako napilitang maglagay ng cctv camera sa kitchen nang hindi nila alam para ma-monitor ko kung may mga kasabwat pa ito na gumagawa ng kalokohan. Hindi ko alam na matagal na pala nitong ginagawa iyon. Kaya naman nagtataka ako na palaging ang bilis maubos ng mga stocks ay iyon pala ay dahil inuuwi nito.
Sa ngayon ay pinaghahanap na ito ng mga pulis. At dahil na rin sa mga ebidensya ay tuluyan na rin akong naabswelto sa kasong isinampa sa akin. Kaso lang dahil nga sa nangyare ay hanggang ngayon ay apektado pa rin ang mga negosyo ko. Wala pa ring customer na kumakain sa resto ko kaya napilitan na muna akong isara ang Century Grill sa Hotel Trevino pansamantala. Magpapalipas na muna ako ng mga ilang araw bago ako magbubukas muli roon.
Kasalukuyan ay andito na lang muna ako sa isa ko pang restaurant na Wok and Pan. Pero kagaya rin ng Century Grill ay dalawang araw na ring matumal ang customer na kumakain rito. Alam kasi ng lahat na ako rin ang may-ari nito. Kaya siguro takot pa rin ang mga regular kong customer na kumain dahil sa naging isyu ng food poisoning.
Napasandal ako sa swivel chair at pinaikot ang upuan nang saktong pagtapat ko paharap sa may pinto ay napatingin ako roon. May kumakatok kasi mula sa labas at hindi ko alam kung sino.
"Pasok!" sabi ko. At tuluyang bumukas iyon at pumasok sina Kim at Wookie. Medyo nagulat pa ako na makita ang mga ito.
"Brad! Kamusta ka na?" tanong ni Kim sa akin. Sabay pang naupo ang dalawa sa dalawang upuan na nasa harap ko.
"Eto, ayos lang," walang gana kong tugon.
"Ba't parang namomoblema ka pa rin? 'Di ba okay na ang kaso na sinampa sa 'yo? Abswelto ka na ro'n 'di ba?" sunod-sunod na tanong din ni Wookie. Siguro ay nahalata nito na may gumugulo pa sa akin.
"Oo. Ayos na ang kaso pero nag-aalala lang ako sa sales ng resto. Kita niyo naman walang customer. Kaya wala ring benta. Iniisip ko baka dahil pa ro'n sa nangyare," sagot ko.
"Kunsabagay, brader. Malaking isyu nga iyon pero kaya mo 'yan. Pasasaan ba't babalik rin ang mga customers mo. Pagsubok lang 'to at alam ko kaya mo," ani Wookie.
"Oo, nga, brad. Tiwala lang. Ngayon lang naman ito, kasi two days pa lang. Ang importante naman ay nalinis na ang pangalan mo. Kapag nalaman nilang wala ka namang kinalaman do'n ay tiyak na magsisibalikan rin ang mga iyon," sabi naman ni Kim.
"Sana nga. Salamat, mga brader," pasasalamat ko.
"Walang problema, brader," ani Wookie.
"Kung may maitutulong pa kami. Andito lang kami para sa 'yo."
Tuluyan akong napangiti dahil do'n. Natutuwa naman akong marinig ang mga iyon mula sa kanila. Kahit paano ay nabuhayan at lumakas ang loob ko.
"Oo, nga pala. Ba't pala kayo naparito?"
"Wala naman. Naka-day off kasi kami ngayon kaya naisipan naming puntahan ka para damayan."
"Okay lang naman ako. Sana nagpahinga na lang kayo. Nakakahiya naman sa inyo. Naabala pa kayo."
"Ayos lang," saad ni Wookie.
"Kumain na ba kayo?" tanong ko sa mga ito. Napatingin ako ng oras sa suot kong relo. Pasado alas dose na pala ng tanghali. Nagugutom na rin kasi ako.
"Actually, hindi pa nga, brad, eh. Nagugutom na nga ako," ani Kim na hinimas pa ang tiyan nito.
"Ako nga rin, eh," gano'n din ni Wookie.
"Kaya naman pala," nasabi ko sa mga ito at tinignan na may pagdududa ang mga ito.
"Kaya naman pala, ano?" sabay pang tanong ng dalawang ungas.
"Kaya pala andito kayo. Alam ko na kung bakit kayo narito. Gusto niyo lang makikain, eh. 'Di ba tama ako?"
"Grabe ka naman, brad. Hindi, ah," tanggi agad ni Kim.
"Ikaw talaga ang sinadya namin dito," wika naman ni Wookie.
"Sus! Tigilan niyo nga ako mga, ungas! Kilala ko na kayo. Akala ko naman andito kayo para sa akin, 'yon pala para sa pagkain. Sinakto niyo pang tanghali talaga pumunta."
"Ang harsh mo sa amin, brader. Concern naman kami talaga sa iyo," ani Kim pa rin.
"Okay na. Sige na. 'Wag na kayong magpaliwanag pa. Gets ko na," saad ko at tuluyan na akong tumayo mula sa pagkakaupo ko. "Sumunod na kayo sa akin. Ipagluluto ko na kayo," dagdag ko at tumungo na ako sa pinto.
"Talaga?" Natuwang reaksyon ng mga ito.
"Oo!"
"Thank you, brader!" masayang sabi pa ng dalawa.
"Anong thank you? May bayad 'to. Walang libre muna ngayon," pagtatapos ko saka ako lumabas ng pinto at iniwanan ang mga ito.
"Brad!" Dinig ko pang tawag ng mga ito pero hindi ko na pinansin pa.
KATATAPOS ko lang magluto ng espesyal na dinner para dalawang unggoy na sina Kim at Wookie. Pasasalamat ko ito sa kanila dahil sa ginawa nilang tulong sa akin at para rin sa resto ko. After naming kumain kanina ng tanghalian ay hindi pa umalis ang mga ito. Sa halip ay tumambay pa muna ang mga ito at sinamahan ako. Kwentuhan at tawanan kami. They keep me on cheering up. They make sure na mapasaya ako after ng lahat ng mga nangyare sa akin. At super ako natuwa sa presensya ng dalawa. Ang dami kasing mga kwentong mga kalokohan. Kahit paano ay pansamantala kong nakalimutan ang mga inaalala at mga pinoproblema ko.
Simula pa kaninang umaga ay nakaka-dalawang table pa lang kami ng customer. Malayo pa ang pagitan niyon. At after no'n ay hindi na nasundan pa. As in wala na talagang customer na pumasok pa. Literal na nilangaw. Luging-lugi talaga. Kaya panay linis na lamang ang ginagawa ng mga empleyado ko. Ayoko namang pauwiin ang mga ito. Hindi pa rin naman kasi ako nawawalan ng pag-asa na mayroon at mayroon pa ring papasok para kumain. Sinasabi kong mahaba pa naman ang araw at marami pa ang pwedeng mangyare.
Hanggang sa naka-isip ng gimik sina Kim at Wookie para tulungan ako at ang resto na humatak ng customer sa labas. After naming mag-usap ay agad na lumabas ang dalawa at nagtungo sa harap ng resto. Nagulat pa ako dahil do'n. Hindi ko alam ang plano nila. Akala ko pa ay aalis na ang mga ito pero iba pala ang gagawin nila.
Sila mismo ang nag-aalok, nang-e-enganyo at nagtatawag sa mga taong dumaraan na kumain. At bilang paandar ng mga ito ay makakakuha ng free hug at free kiss ang sino man mula sa kanilang dalawa kapag kumain ang mga ito sa resto ko. At dahil nga sa hindi naman makakailang may itsura at malakas ang dating ang mga ito, dagdagan pang makakapal din ang mga mukha ay talaga namang pinilahan ang mga loko. Na ikinatuwa naman talaga ng dalawang ungas.
Dinagsa ang mga ito ng mga babaeng customers na mga magbabarkada, magkakaibigan at pati na rin ang mga senior at beki ay nakipila na rin. Dinaig pa nila ang mga artista sa dami ng gustong makahalik at makayakap sa kanila. Para tuloy nagkaroon ng fan meet sa labas sa dami ng tao. Dahil sa ginawa ng dalawa ay biglang napuno ng mga customer ang buong resto. Nagkaroon pa nga ng waiting list sa labas kanina dahilan kaya hindi na rin magkamayaw ang mga staff ko sa pag-a-assist at pag-a-accomodate sa mga ito.
Pasado alas sais na nang gabi nang humupa ang mga tao. Pero kahit na natapos na ang pakulo ng dalawa ay tinao pa rin kami at until now ay madami pa rin ang mga customer na kumakain. At sobra akong natuwa at nagpapasalamat sa dalawa. Alam kong napagod ang mga ito kaya naman bilang kapalit sa tulong at effort na ginawa nila ay pinaghandaan ko sila ng espesyal na dinner. For sure ay gutom na ang mga ito.
Dala ang isa sa mga niluto ko para sa mga ito ay pumasok ako sa loob ng function room kung saan naroon ang dalawa. Agad kong inilapag iyon sa lamesa ang bitbit ko.
"Wow, brad! Mukhang masarap nito, ah, " reaksyon ni Wookie pagkakita sa pagkaing dinala ko.
"Oo, naman!" saad ko. "Sinarapan ko talaga iyan para sa inyo."
"Wala ba 'yang lason?" tanong ni Kim. "Joke!" Sabay bawi nito sa sinabi.
"Tarantado! Bakit gusto mo ba lagyan ko? 'Yong bubula 'yang bibig mo," sabi ko sa kanya.
"Joke lang. Ito naman masyadong seryoso. Alam ko namang wala. At isa pa ay hindi mo naman gagawin iyon sa amin 'di ba?" anito.
"'Wag mo nang pansinan 'yang si Kim, brad. Pero thank you rito," singit ni Wookie.
"Wala iyan. Ako nga ang dapat magpasalamat sa inyo dahil sa ginawa niyo kanina. Maraming thank you talaga sa inyo. Tinao muli ang resto ko."
"'Di ba sabi naman namin sa 'yo kanina, andito kami para damayan at tulungan ka." Si Kim ulit. "Basta 'wag mo na kaming sisingilin sa kinain namin kaninang tanghali."
"Oo, ba! 'Yon lang pala, eh. Actually binibiro ko lang naman kayo. Pero kung wala talaga customer mula kaninang hapon hanggang ngayon tiyak na pagbabayarin ko talaga kayo. Pero since kayo ang dahilan kaya dumagsa ang customer, libre na rin itong dinner," sabi ko sa kanila.
"Dapat lang! Ikaw ba naman ang humalik at yumakap sa madaming tao. Tapos may mga senior at beki pa na kung makayakap wagas. Halata namang nananantsing lang," ani Kim na mukhang nagsisisi pa yata sa ginawa. Umasim pa kasi ang mukha nito nang maalala ang naranasan.
Hindi ko tuloy napigilan na hindi matawa dahil dito.
"Kayo naman ang nakaisip ng mga paandar niyo."
"Basta para sa iyo, brad. Lahat gagawin namin," ani Wookie.
"I agree," sang-ayon din ni Kim.
Napangiti ako dahil do'n. "Salamat ulit sa inyo. Kain na kayo."
PAGKATAPOS kumain nila Kim at Wookie ay agad na ring umalis ang mga ito. Inihatid ko pa sila sa labas saka ako pumasok at tumuloy sa opisina ko. Medyo maaga pa naman. May ilang table pa ng customers ang dining. Hanggang alas diyes pa naman ng gabi ang closing namin. Base rin sa huling check ko sa current sales mula sa cashier ay lumagpas na raw kami sa average daily sales namin. Bawing-bawi sa dalawang araw na wala talagang benta at dahil talaga iyon sa dalawang braders ko. At sobra-sobra akong nagpapasalamat sa mga ito. Hoping na ito na ang start na bumalik kami sa dati. At tuluyan na ring mawala ang isyu.
Nakaupo na ako sa swivel chair nang maisipan kong subukan uling tawagan si Cirlyn. Umaasa akong nakabukas na ang cellphone ko at sasagutin na rin nito ang tawag ko. Agad kong hinanap ang numero nito at mabilis na tinawagan. Narinig kong nagri-ring iyon. Ilang saglit pa ay tuluyan na ring may sumagot. Magsasalita na sana ako para kausapin ito pero naunahan nito ako.
"Ano ba ang kailangan mo, ha? Ba't ba ang kulit mo? Ba't ka ba tawag nang tawag? Kanina pa, ha? Wala ka bang magawa, ha? 'Wag kang ano diyan. Marami akong ginagawa ngayon. Busy ako. Mainit din ang ulo ko. 'Wag ka nang makisabay pa. Marami akong problema ngayon dahil sa kapalpakan mo. Naiinis pa rin ako sa 'yo, akala mo, ha? Dahil din sa 'yo nasuspendi ako sa trabaho ko. Kaya namomoroblema tuloy ako kung sa'n ako kukuha ng pang-gastos namin. Ano? Magsalita ka! Tatahimik ka lang ba diyan? Tatawag-tawag ka tapos ngayon ayaw mong magsalita. Kung ano mang problema mo, 'wag mo na ako idamay pa. Kung nanti-trip ka lang din itigil mo na 'yan. At lalong 'wag ako. Okay? Wala akong panahon para sa 'yo at sa kalokohan mo. Bye!" mahabang litanya nito at tinapos na ang tawag.
Napanganga na lamang ako matapos nitong mawala sa kabilang linya. I was shock. Ni hindi man lang ako nakapagsalita kahit ni isang salita sa bilis, haba, dami at sunod-sunod nitong mga sinabi. Wow! Wala na rin akong nagawa pa nang bigla nitong tinapos ang tawag. Tuloy ay napa-iling na lamang ako at napangiti dahil do'n. Ibang klase!