CIRLYN
"Ay, ano ba 'yan!"
Reklamo ko nang pumasok ang usok sa mata. Sobrang sakit. Napapikit ako saglit hanggang sa naluha na ako at kinusot ko iyon. Hindi agad ako nakadilat ng mata dahil do'n. Nang medyo kaya ko na ay lumayo muna ako saglit at itinigil ang ginagawa ko. Nagsisimula na kasi ako na magpaningas ng uling sa ihawan para makapagsimula na. Tiyak kong maya-maya lang ay dadami na rin ang magdaraan at makikita itong tinitinda ko. First time ko itong gagawin kaya naman medyo nahihirapan ako.
Second day ng suspension ko ngayon. At naisipan kong magtinda na lang muna ng ihaw-ihaw sa tapat ng bahay namin. Ito ang naisip ko na pagkuhanan ng income sa loob ng ilang araw habang wala akong pasok. Pagtitiyagaan ko na lang muna ito kaysa wala akong ginagawa. Sayang lang ang araw kung tutunganga ako. Gano'n din kung e-ekstra rin sa ibang lugar at mamasahe pa. Baka kulang pa sa pamasahe ko ang madelihensya ko. Kaya mas mabuti na itong ihaw-ihaw atleast andito lang ako sa bahay namin. Hindi ko na kailangang umalis. Pansamantala lang naman ito kaya keri na rin. Sakto rin na may naitabi akong isang libo na ginawa kong puhunan para rito.
"Anak! Saan ko ito ilalagay?"
Napalingon ako nang marinig ko ang tanong na iyon ng nanay kong kakalabas lang mula sa loob dala ang ilang tupperware na may nakalagay na mga tinuhog na paninda. Nagpresenta kasi itong siya na lamang daw ang gagawa niyon kaya hinayaan ko na. Sinamahan niya rin ako na mamalengke. Ilang klase rin ng paninda ang nabili namin kanina. May isaw, may betamax o dugo ng baboy, helmet o ulo ng manok, adidas o paa ng manok, hotdog at longganisa.
"Diyan na lang po sa lamesa. Ipatong niyo na lang diyan. Ako na po bahala," sagot ko sa kanya.
Nakita kong pinatanong nito iyon.
"Kapag may kailangan ka pa, tawagin mo lang ako sa loob," sabi pa nito.
"Wala na po. Kaya ko na 'to. Magpahinga na po kayo," sabi ko sa kanya. Alam kong pagod na rin ito kaya ayoko nang pagurin pa ito. Marami na itong naitulong dito sa ginagawa ko.
"Okay, sige!" anito at bumalik na uli ito sa loob.
Pinahid ko muli ang namasa kong mata gamit ang damit ko saka ako bumalik sa ginagawa ko. Ipinagpatuloy ko ang pagpaypay ng uling hanggang sa tuluyan na nga iyong umapoy. Hinayaan ko na munang mas magbaga pa iyon habang inaayos ko naman ang mga paninda ko. Nakikita ko na ring may ilang dumadaan na. At isang lalaki na nga ang unang lumapit para bumili. Agad ko itong inasikaso habang namimili ito nang ipapa-ihaw nito.
"WOW, Ate! Business woman, yarn? Patikim naman niyan."
Dinig kong saad ng kapatid kong si Conrad na kakarating lang mula sa pinapasukan at ine-ekstrahang nitong konstrasyon. Dahil do'n sa sinabi nito ay tinignan ko ito ng masama. Hindi ko alam kung nagbibiro ba ito o nambubuwesit lang.
"Siraulo! Hindi ko 'to pinamimigay. Binebenta ko ito. At oo, business woman ako ngayon kasi wala akong choice. Kung naghahanap ka kasi ng mas matinong trabaho. Eh, 'di sana natutulungan mo ako rito sa mga gastusin sa bahay," sabi ko sa kanya.
Hindi ko na rin napigilang sermunan ito. Totoo naman kasi iyon. Sobrang tamad kasi mag-apply nito. Ayaw nitong subukan na humanap ng mas maayos na trabaho. Kung tutuusin ay nakatapak naman ito ng kolehiyo. Hanggang first year college nga lang sa kursong Marine Transportation. Pangarap kasi nitong maging seaman at makasampa ng barko. At ako ang nagpapa-aral sa kanya dati. Kaso lang nang biglaang namatay si Tatay dahil sa isang aksidente ay natigil ito sa pag-aaral nito.
Hindi ko na natuloy ang suportahan pa ito kasi nabaon na kami sa utang. Kaya ang ending ay napilitan itong magtrabaho na lamang. Puro sa construction works at kung anu-ano mga raket at sideline ang sinubukan nito. Pero hindi sa minamaliit ko ang pagiging construction worker dahil marangal na trabaho iyon at ang ibang matinong trabahong pinasukan nito. Pero sa tingin ko naman kasi ay mas may mahahanap at mapapasukan pa itong mas maganda at mas okay na trabaho kaysa ro'n. Nakikita ko rin kasi kung paano ito naghihirap at nabanat dahil do'n.
Kung tutuusin pa ay may built at height din naman ito. Matiyaga at maasahan din naman dito sa bahay. Hindi rin pala reklamo. Matigas lang talaga ang ulo. Ayaw makinig kapag pinagsasabihan na subukang mag-apply ng ibang trabaho. At hindi rin sa nagmamayabang ako, ha? May itsura din naman ito. Nasa lahi rin naman namin ang mga gwapo at magaganda. Char! Salamat sa genes nina Nanay Luisa at Tatay Carlitos. Kaso lang mukhang dugyot ito ngayon dahil sa trabaho nito. Pero konting ligo at kuskos pa ay magiging tao na rin ito.
Ang alam ko pa nga ay habulin din ito ng mga chicks at ng mga beking tambay diyan sa may parlor. Pero mabuti na lang talaga at wala itong pinapatulan at pinopormahan sa mga ito. Dahil kapag nalaman kong may nabuntis ito ay baka mapatay ko siya ng wala sa oras. Ay mali! I mean mapapagalitan ko talaga siya dahil do'n kapag nangyare iyon. 'Wag niya lang talagang subukan kung hindi baka maghalo ang balat sa tinalupan.
Kaso ayon nga ayaw talaga nitong mag-apply ng mas disenteng trabaho. Kontento na ito sa pa-ekstra-ekstra. Kaya wala rin akong magawa. Kaysa naman nagtatalo lang kami lagi dahil do'n. Sadyang matigas talaga ito. Hinahayaan ko na lang at baka magrebelde pa at kung ano pa ang maisip nitong gawin. Mabuti na rin na may trabaho ito kaysa wala talaga. Tanging ang bunso na lang namin na si Tin-Tin ang inaasahan kong makakatulong sa akin. Dahil kung si Conrad lang naman ay mukhang wala talaga akong aasahan sa kapatid ko na 'to.
"Isang stick lang naman, eh. Pero andami mo nang sinabi. Magsabi ka na lang kung ayaw mong magbigay," anito na mukhang tinamaan sa mga sinabi ko.
"Talaga! Bumili ka kung gusto mo kumain."
"Grabe naman. Parang others naman ito. Parang hindi ako kapatid, ah," anito pa.
"Tumahimik ka! Wala pa akong benta. 'Wag kang makulit diyan at baka malasin 'tong mga tinda ko at wala nang bumili dahil sa 'yo."
"Ha?" reaksyon nito na parang nagulat.
"Oo. Hakdog!"
"Ba't ako? Bakit kasalanan ko ba? Anong kinalaman ko diyan?"
"Oo, ikaw! Kasi nga malas ka sa negosyo ko! Pumasok ka na nga ro'n sa loob. Buwesit na 'to," pagtataboy ko rito.
"Oo, na! Ang init naman ng ulo nito," saad nito at napakamot na lamang din ulo.
Pero sa halip na sagutin at intindihin pa ito ay hindi ako nagsalita pa. Ayokong masira ang mood at tuluyan malasin ang tinda ko. Halos mag-iisang oras na akong narito pero nasa tatatlo pa lang ang nabili simula kanina na nagsimula ako. Marami naman nang nadaan na mga tao. Uwian na rin kasi at mag-aalas kwatro y media na ng hapon pero napapatingin at lumalagpas lang ang mga ito. Wala namang tumitigil para bumili.
Akala ko pa naman ay magiging patok at mabenta itong naisip kong negosyo kasi wala naman akong nakikita na nag-iihaw-ihaw dito sa amin banda. Ang natatandaan ko lang na naggaganito ay nasa labasan pa. Kaya naman hindi ako nagdalawang-isip na isugal ang isang libo ko na naitabi para ikapital kaso mukhang palpak pa yata. Panggastos at pamasahe ko dapat iyon. Parang nanghinayang ako bigla sa pera ko. Bigla akong napatayo mula sa pagkakaupo ko nang may tumigil na tatlong babae na naka-uniporme at lumapit. Nabuhayan ako ng loob ulit.
"Ano sa inyo? Pili lang kayo," nakangiting sabi ko sa kanila.
Nagkanya-kanya na silang pili at kuha ng tig-tatatlong stick para ibigay sa akin at ipa-ihaw. Agad kong kinuha at isinalang. Nagsimula na akong magpaypay para ihawin ang mga iyon.
PASADO alas sais na ng gabi pero marami-rami pa ang natitira. After ng tatlong babae kanina ay nagsunod-sunod na rin ang iba pang nabili. Halos nangalay ang kamay ko kakapaypay at pinagpawisan ang kili-kili ko dahil sa sobrang init. Hulas na hulas na ang beauty ko pero ayos lang dahil nababawasan ang paninda ko at may bumibili naman. Mahirap talagang kumita ng pera. Naisip ko na gano'n talaga. Wala namang madali. Kailangang maghirap. Tiyagaan lang din talaga.
May paisa-isang stick na nabili at meron namang maramihan dahil iuulam daw. Sa ngayon ay may dalawang customer na nasa gilid ko at naghihintay ng pina-ihaw nila. Nagkukwentuhan lang ang mga ito. Naka-concentrate ako sa ginagawa ko nang mapatingin ako sa biglang sumulpot sa harapan ng iniihaw ko. Isang batang lalaki ang lumapit at tumingin sa mga paninda na nasa lagayan.
"Ano sa 'yo, boy?" tanong ko rito.
"Magkano po rito sa isaw, ate?"
"Dose."
"Dito po sa betamax?"
"Sampu," sagot ko naman habang patuloy sa ginagawa kong pagpa-paypay.
"Eh, ito pong ulo ng manok?"
Binaliktad ko muna ang iniihaw ko saka ko ito binalingan muli. Nakita kong hawak nito ang isang stick ng ulo ng manok.
"Sampu rin. Gano'n din ang adidas, hotdog at longganisa. Ano bang bibilhin mo?"
Nakita kong natigilan ito saglit at nag-isip. Siguro ay nagtatalo pa ang isip nito kung anong bibilhin.
"Magkano ba ang pera mo?" tanong ko pa sa kanya muli. Mukha kasing hirap itong mamili.
"Magkano po ba lahat iyan?" biglang tanong nito.
Napanganga ako dahil do'n. Hindi ko alam kung tama ba ang dinig ko. Dahil kong pinagloloko lang nito ako ay hindi ako magdadalawang isip na patulan ito kahit bata pa ito.
"Sigurado ka ba? Marami iyan. Nasa magkano rin 'yan lahat. Baka kulang ang dala mong pera?" mahinahon ko pa ring tanong habang pinapahiran ko ng sauce ang nakasalang.
"May pera po ako." At nakita kong inilabas nito mula sa bulsa ang isang libo pera.
"Ah, okay sige. Saglit lang, ha? Tapusin ko lang itong iniihaw ko tapos bilangin natin,' sabi ko sa bata.
Legit naman pala dahil sa hawak nitong pera. Naisip ko na ang dami pa nitong tirang paninda ko. Kaya ba nitong ubusin lahat? Pero naisip ko rin na bakit ko nga ba iintindihin pa iyon? May pambili naman ito. Bahala na ito kung paano nito gagawin iyon. Ang importante ay may pambayad ito. Kaysa mag-inarte pa ako ay binilisan ko na lamang ang ginagawa ko para maasikaso ko na agad ito. Pera at benta na ito. Baka maging bato pa. Sayang din kapag nagkataon. Napausal na lang din ako sa isip ko nang pasasalamat sa kung sino mang nag-utos sa batang ito na pakyawin ang natitirang tinda ko. Maaga akong makakapag-ligpit dahil dito. First day pa lang sold out agad. Thank You, Lord!
LORKAN
Mula rito sa loob ng sasakyan ko ay kanina ko pang pinapanood ang babaeng busy na nag-iihaw sa may 'di kalayuan. Kanina pa akong naka-park rito at pinagmamasdan si Cirlyn. Maliwanag pa lang ay andito na ako. Malamang ay napansin niya rin itong sasakyan ko pero hindi naman nito alam na ako ang may-ari nito. Nagsisimula pa lang itong mag-set up ay nakikita ko na siya. Gusto ko nga sanang lumabas at tulungan ito sa pagtitinda nito pero naisip ko na baka ipagtabuyan lang niya ako. Alam ko kasing hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang galit nito sa akin. Humahanap lang din ako ng tamang tiyempo para lapitan ito.
Kanina ko pa sinusubukan na tawagan ang cellphone nito bago ako umalis ng Wok and Pan pero ring lang nang ring iyon at hindi nito sinasagot. Kaya naman pala ay dahil busy ito sa negosyo nito. Gusto ko siyang makausap ng personal kaya ako nandito ngayon. Matapos kung marinig ang mga sinabi nito sa akin kagabi nang tawagan ko siya ay bigla akong nakonsensya. Na-suspende ito dahil sa akin at pakiramdam ko ay kasalanan ko talaga iyon.
Kaya naman tinawagan ko ang katrabaho nitong si Mary Grace para hingin ang address ng bahay nito. I want to explain everything to her. Gusto ko rin siyang tulungan. Base sa tagal kong pagmamasid sa kanya ay halatang hirap na hirap ito sa ginagawa. No choice kasi itong magtinda dahil nga wala itong trabaho ngayon. Kaya naman bilang tulong ko sa kanya at para hindi na ito mahirapan pa ay pinakyaw ko na ang natitira pa nitong paninda. Ako ang nag-utos sa batang lalaki na bilhin ang lahat ng iyon.
Maya-maya pa ay natanaw ko na ang bata na pabalik dito sa kinaroroonan ko bitbit ang lahat ng binili nito. Ilang saglit pa ay kumatok ito sa bintana ng sasakyan ko kaya agad kong binuksan iyon.
"Sir, heto na po lahat ng pinabili ninyo," anito at inaabot sa akin ang supot.
"Magkano ba lahat iyan?" tanong ko.
"490 pesos po lahat."
"Ah, okay sige. Sa 'yo na 'yang sukli."
"Ho? Talaga po?"
"Oo. Sa iyo na 'yan."
"Naku! Thank you po. May baon na po ako bukas," sabi nito na halatang natuwa.
"Walang anuman. Tapos 'yang binili mo. Iuwi mo na rin sa inyo. I-share mo rin sa iba para makatikim din sila. Okay?"
"Salamat po, Sir. Ang bait niyo po."
Napangiti ako. "Sige na. Uwi ka na. Salamat din sa iyo."
"Sige po. Thank you po rito," masaya nitong saad at agad na ring tumakbo paalis.
Muli kong ibinalik ang tingin ko kay Cirlyn na kasalukuyan nang nagliligpit ng mga gamit nito. Nakikita ko na nakangiti pa ito. Halatang masaya ito dahil naubos ang paninda nito. Sa ngayon kasi ay ito lang ang maitutulong ko sa kanya. Alam ko na kulang pa ito sa pagkakasuspende niya but atleast dito man lang ay makabawi ako.
Tinignan ko muna ang mukha ko sa salamin saka inayos ang suot ko. Gusto ko lang na maging presentable na humarap sa kanya. Sa tingin ko kasi ay ngayon na ang tamang oras para lumapit. Gusto na ring samantalahin ang pagkakataon. Bago ako lumabas ng sasakyan ko ay kinalma ko muna ang sarili ko saka ako humugot nang isang malalim na buntong-hininga at saka pinakawalan iyon. Hindi ko mapigilan na hindi kabahan sa binabalak ko. Hindi ko kasi alam kung anong gagawin nito at magiging reaksyon kapag makita ako. Pero bahala na talaga.
Habang busy pa rin ito sa pagliligpit ay unti-unti na rin akong nagsimulang maglakad palapit sa kanya. Hindi niya ako napansin. Hanggang sa tuluyan na akong nakalapit at tumayo sa harap nito.
"Ay kabayo!" gulat pa nitong reaksyon nang makita ako.