CHAPTER 3

1840 Words
HINDI NA din ako pumasok sa first subject dahil sobrang late na ako. Nagdesisyon na lang ako na kunin ang ilan kong gamit para sa susunod na subject. Dumiretso na lang ako sa locker area. Ngunit malayo pa lang ay para na akong ninja na patago-tago habang tinitingnan ang paligid. Natatakot ako na baka makita ko si Jian dito, hindi ko pa alam kung paano s'ya haharapin. Nang masigurong ako lang ang naroon ay dumiretso na ako sa sarili kong locker para kunin ang libro ko. Napasimangot naman ako nang makita ang naturang libro. Bakit ba kasi may Eco class pa? Magagamit ko ba iyon sa pagbibilang ng pera? Napasimangot na lang ako saka pabagsak na isinara ang pinto ng locker. Mababaliw na talaga ako. Lakad zombie ang ginawa ko patungo sa sunod na class. Doon na lang ako magpapalipas ng oras. "Ang hirap ng college life," bulong ko. Naalala ko kung paano ako bumagsak sa ilang subject. Sa PE nga lang yata ako pumapasa habang sa iba ay lagi akong pasang-awa. Pumasok na lang ako sa loob ng room 104. Wala pang tao doon na ikinatuwa ko naman. Makakaidlip pa ako. Tinungo ko na lang ang silya na nasa dulo saka naupo. Isa na namang nakakaantok na araw. Napahikab na lang ako. Wala pa man ay inaantok na ako. Isinubsob ko na lang ang mukha ko sa mesa saka pumikit. Gusto ko nang umuwi at matulog. Hindi ko alam kung ilang minuto ang lumipas nang mapamulat ako sa ingay sa paligid. May nagtitilian at nagsisigawan pa. Bwisit! May natutulog eh! Nagkamot na lang ako saka umayos nang pagkakaupo. Akmang pipikit ulit ako nang may bulungan akong narinig. "Bakit narito si Jian?" bulong ng isa sa naroon. Kumunot naman ang aking noo. Jian? "Ang sabi, bumagsak daw s'ya sa subject na ito." Palihim naman akong nakinig sa usapan nila. Hindi din ako nagtangkang kumilos. "Sayang naman. 'Di ba may offer sa kanya ang University na acceleration exam? Para next year ay graduating na s'ya?" "Oo, pero baka hindi na iyon matuloy. Malaki ang magiging impact ng back subject n'ya sa program na iyon." Napaisip naman ako. Sino'ng Jian ang pinag-uusapan nila? Marahan kong iniangat ang aking mukha at tumingin sa harapan. Nasamid naman ako nang makita kong naroon si Jian. Si Jian Park! So, s'ya ang pinag-uusapan na bumagsak sa subject na ito? Paano naman nangyari iyon? Matalino s'ya at mataas ang IQ, parang ang impossible naman! "Go back to your seats!" sigaw nang aming propesor na kapapasok lang. Nagkagulo naman ang mga kaklase ko sa pagbalik sa kani-kanilang upuan. Ngunit nanatiling nakatayo lang doon si Jian. "What a pleasant surprise Mr. Jian Park," bati ng aming propesor sa kanya. "I will be part of this class for the entire semester," malamig na tugon naman n'ya. Wala sa loob na napatitig ako sa kanyang mukha. Bakit ba pati pagsasalita n'ya ay nakakaakit? Ganoon na ba ako ka-adik sa kanya? "I see," nakangiting saad ni prof. "You may take one of the vacant seat at the back. We'll start our class within three minutes." Lumabas muli ang aming propesor. Bigla namang nagkagulo ang mga kaklase kong babae. Lahat sila ay inaalok ang kanilang upuan. Palihim naman akong napairap. Sinulyapan ko na lang si Jian, ni hindi man lang n'ya tinapunan ng tingin ang mga naroon. Tahimik na naglakad lang s'ya palapit. Teka, bakit papunta s'ya sa gawi ko?! He sat on one of the vacant chair near me. Dalawang silya lang ang aming pagitan. Para namang may kung ano na nagwala sa aking tiyan. Hindi ko din maalis sa kanya ang aking mata. At sa 'di inaasahan pangyayari, bigla s'yang tumingin sa gawi ko. Ilang segundo din na nagtama ang aming mga mata. Nanlaki naman ang aking mata dahil na-realize ko na baka makilala n'ya ako. Mabilis na kumuha ako ng libro saka iyon itinakip sa aking mukha. Napangiwi din ako dahil siguradong nagmukha na naman akong tanga sa harapan n'ya. Nakilala n'ya kaya ako? Pasimple akong sumilip sa gawi nya. Nakahinga naman ako ng maluwag dahil sa iba na nakapako ang kanyang pansin. He's now holding a book. A geometry book to be exact. Palihim ko na kinurot ang aking braso. Nananaginip ba ako? Baka nakatulog ako. Ngunit hindi. Kaagad akong napa-aray sa sakit ng kurot ko. Hindi ako nananaginip! Kaklase ko nga si Jian! Gusto kong pumalakpak sa tuwa. Dininig yata ng langit ang panalangin ko! Gusto kong magpa-party! Pero parang bula na nawala ang saya na nararamdaman ko. Naalala ko na naman na nabasa n'ya nga pala ang sulat ko. Nakakahiya talaga. "I have an emergency meeting," bungad naman sa amin ng aming prof. "I'll be out for couple of minutes so please read pages 36 to 41 and we'll have a short quiz later." Lahat kami ay napaungol sa narinig. Short quiz? Patay na naman ako!! WALA. Wala akong maintindihan sa binabasa ko. Sampung minuto na akong nakatitig sa libro ko pero wala talaga akong maintindihan sa mga nakasulat. Pakiramdam ko ay nahihilo ako sa mga nakasulat. Pabagsak na ibinaba ko ang aking libro. Suko na ako! Ayoko na! Nakangusong inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Karamihan sa mga kaklase ko ay busy magbasa, ang iba naman ay nagtatawanan. Karamihan ng nasa subject na ito ay mula sa section five and six. Sumulyap naman ako kay Jian. Pero narito s'ya. Mula sa section one. May problema kaya s'ya kaya s'ya bumagsak sa Eco? Kung meron, siguradong napakabigat noon para maapektuhan ang kanyang pag-aaral. Ipinatong ko ang aking baba sa lamesa at wala sa loob na pinagmasdan s'ya. Busy s'ya magbasa ng libro, pero mukhang hindi naman Economics book ang binabasa n'ya. Wala naman sigurong masama na titigan ko s'ya ng palihim. Grabe. Kahit saang anggulo ko s'ya tingnan, wala akong maipintas. Mula sa may kahabaan n'yang buhok na kulay light brown, halatang wala s'yang split ends. Matangos din ang ilong n'ya. May kasingkitan din ang kanyang mga mata. Wala sa loob na napangiti ako nang dumapo na sa mga labi n'ya ang tingin ko. Para sa akin napakaperpekto ng labi n'ya. Hindi manipis, hindi din makapal. Sakto lang. Mamula-mula din. Ano kayang pakiramdam na mahalikan n'ya? Natawa naman ako sa bigla kong naisip. Para sa katulad kong wala pang first kiss, talo ko pa ang nanalo sa lotto kapag si Jian ang naging first kiss ko. Natawa na naman ako. Bigla naman s'yang lumingon sa gawi ko na ikinawala ng ngiti ko. Nahuli n'ya ako!!! PARA AKONG pinagsakluban ng langit at lupa. Muli kong tiningnan ang aking quiz result. Anak ng tinapa. 3 out of 30 items. Kung makikita ito ni Mama, siguradong sasakalin n'ya ako ng bongga. "Lord, bakit ako lang ang bumagsak sa surprise quiz kanina?" naiiyak kong bulong. Wala akong pakealam sa mga tao sa paligid ko. Nakayukong naglakad na lang ako palabas ng classroom. Mabuti at breaktime na. Maipagluluksa ko muna ang grade ko. Alam kong lihim nila akong tinatawanan. Bukod tangi kasing ako ang bagsak. Samantalang si Jian ay naperfect n'ya ang quiz. Partida, hindi pa s'ya nag-aral o nagbasa kanina. Paano ko nalaman? Nakita ko lang kasi na Geometry book ang nasa ibabaw ng lamesa n'ya the wholr time. Iyon lang ang libro na inilabas n'ya mula nang dumating s'ya sa classroom. Genius talaga. Hindi pa ako nakakalayo nang may narinig akong nagkakagulo. Lumingon naman ako at doon ko nakita ang isang babae na umiiyak at sa harapan n'ya ay si Jian. Lumapit ako para makitsismis. "Ano'ng nangyari?" bulong ko sa isa sa mga nanonood doon. "Hinila lang naman ni girl si Jian sa manggas ng kanyang uniform." bulong din ng babae. "Ha? Bakit naman n'ya gagawin iyon? Saka bakit s'ya ang umiiyak?" "Niyaya n'ya kasing kumain si Jian." "Feeling naman n'ya papatulan s'ya ni Jian porke s'ya ang muse ng section five. Ang lakas ng bilib sa sarili," singit ng isa din na naroon. "Nakakatawa naman s'ya." Hindi ako umimik sa mga sinabi nila. Ibinalik ko ang tingin ko sa babae na umiiyak. Tama! S'ya nga iyong muse ng section five. Kung tama ang pagkakatanda ko, Rianne ang pangalan n'ya. Maganda naman s'ya, maputi at matangkad. "Ano pa ba'ng kulang sa akin Jian?! Bakit hindi mo din ako magustuhan! Third year high school pa lang nang sinabi ko sa'yo na gusto kita pero bakit hanggang ngayon ay hindi mo ako mapansin?!" sigaw ni Rianne. Hala. Nasa tamang pag-iisip pa ba s'ya? Hindi n'ya ba kilala si Jian? "You really want to know why I can't like you back?" natahimik ang lahat nang nagsalita si Jian. Halata sa boses n'ya ang pagkairita. Bakas na din sa mukha n'ya ang pagkainis. "Bakit?!" Lahat kami ay naghintay sa isasagot ni Jian. Once in a lifetime lang ito na makita na may kinausap si Jian sa mga babaeng lumapit sa kanya. Para lang kaming nanonood ng shooting. "I hate dumb girls. You're not my level and not my type. Happy?" maya-maya ay sagot ni Jian. Nagbulungan ang mga naroon. Tumigil din sa pag-iyak si Rianne. Lumipas ang ilang segundo nagtawanan ang naroon. Madaming umalaska kay Rianne. "For short bobo ka daw Rianne! Hahaha!" "Oh my! 'Yan ang napapala ng masyadong bilib sa sarili. Kawawa naman!" "Malaki lang ang hinaharap mo pero maliit naman ang utak mo!" At nagtawanan na naman ang naroon. Nagpanting ang tenga ko sa narinig ko. Bilang anak ng may ari ng school na ito, hindi ko mapapalagpas ang ganitong eksena. Sumosobra naman yata ang mga ito to think na pare-pareho lang kaming mahihina ang utak! "Ano ang karapatan mong sabihan ng ganyan ang isang babae?!!" sigaw ko. Lahat naman ng naroon ay napatingin sa akin. Naglakad ako palapit sa dalawa. Sinulyapan ko si Rianne na nakatulala, halatang na-shock s'ya sa mga narinig. Nilakasan ko ang loob ko. Humarap ako kay Jian saka s'ya dinuro. "Ikaw! Ano ba sa akala mo ang tingin mo sa sarili mo? Bakla ka ba para sabihan mo ng ganyan ang isang babae?!!" Nagtawanan naman ang naroon. Nakita ko na kumunot ang noo ni Jian saka tumingin sa mga nasa paligid nya. Malalaman mo din ang pakiramdam kung paano ipahiya. "Hindi porke nasa section one ka ay may karapatan ka nang laiitin ang mga nasa ibaba mo! May pakiramdam din sila! Ano ba'ng pinagkaiba mo sa mga tao na narito?" Gusto kong umurong nang bigyan ako ni Jian ng nakamamatay na titig. Nakita ko din na nagtaas baba ang kanyang Adam's apple. Mukhang galit na s'ya. "Bumagsak ka sa subject na ito kaya wala kang karapatan na magmayabang sa buong klase!" pagpapatuloy ko. Wala nang urungan ito. Ngayon ko lang na-realize na ang lalaking matagal ko nang hinahangaan ay may taglay na sama ng ugali. "Are you for real?" naningkit ang mga mata ni Jian at humakbang palapit sa akin. Naramdaman ko naman na nanigas ang katawan ko. Hindi ko alam kung uurong ako o makikipagtagisan ng titig sa kanya. "If I remember it clearly, ikaw iyong baliw na babae sa locker area na nakaiwan ng notebook na puro mukha ko ang naka-drawing." Ako naman ang natahimik. Baliw daw ako?! Narinig kong nagbubulungan na naman ang mga estudyante sa paligid namin. "Is this your way para mapansin kita?" Napalunok ako. "A-ang kapal n-naman ng mukha mo—" "Sinadya mo din siguro na ilaglag ang love letter mo para sa akin para mabasa ko." putol ni Jian sa sasabihin ko. Bahagya akong napayuko. Not the letters! "You're like them. Brainless. Pero pagdating sa kalandian, may itinatagong talino." Doon tuluyang naputol ang pasensya ko. Binigyan ko s'ya ng malakas na sampal habang pilit na pinipigil pumatak ang aking luha. "Wala kang modo," mababa kong saad. "Sa katulad mong mataas ang IQ at hinahangaan ng kababaihan, bulok naman ang ugali mo. Hindi ka siguro napalaki ng ayos ng nanay mo kaya ganyan ka kabastos." Iyon lang at umalis na ako. Ayokong makita ng lahat na umiyak din ako dahil sa lalaking iyon. Nagsisisi na ako. Hindi ko pala lubos na kilala ang lalaking nagustuhan ko. Ipagpapatuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD